Monday, December 15, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Bining

PASKO: Panahon ng Hapon

Sa dami ng mga Paskong nagdaan sa aking buhay, ang mga huling buwan ng Disyembre noong decada ’40 ang hindi ko malilimutan. December 8, l94l nang lusubin ng mga Hapon ang Pearl Harbor. 1942 nang sakupin tayo ng mga Hapon at napasailalim ang ating gobyerno under the Japanese occupation until 1944 with Jose P Laurel as President. We were liberated by the Americans in 19 45 and in July 4, l946 we achieved our independence and Manuel Roxas became the first President of the newly formed Republic of the Phillipines.

Hindi ko maiaalis na hindi banggitin ang panahon at pangyayaring naganap noon sa ating bansa. Ito’y isang malaki at mahalagang bahagi ng ating kasaysayan bagama’t malungkot at mapait na bahagi ito. Noo’y isa akong batang musmus tulad ng marami na kabilang sa Class ‘54. Ang totoo, ako noo’y kinikilik pa ng aking ina nang ang pamilya namin ay tumakbo sa sitio Babanato sapagkat dumating na ang mga Hapon sa bayan ng Malolos. Hanggang sa tuluyan nang sakupin ng mga Hapon ang buong Luzon at dinala naman kami ng aking ama sa Sitio Bubug, isang bukirin na sakop ng nayon ng San Isidro na sakop ng bayan ng Paombong.

Mula sa taong l942 hanggang l944 ang panahong napasailalim tayo ng Japanese occupation. Sa panahong ito, sa gitna ng konting kapayapaan , nagkaroon ng hugis sa aking kamalayan ang tunay na kahulugan ng Pasko.

Noon ang Pasko , para sa akin ay isinasaad ng sagot sa tanong na: “What do we have in Christmas which we don’t have in any other day of the year?” Sagot: “Of course, Christmas Day.” Ito’y parang isang ordinaryong araw lang sa buwan ng Disyembre. Totoong ito ang kapanganakan ni Jesus. Ngunit sa isang batang musmus na tulad ko, ito ang payak na kahulugan ng Pasko.

Noon sa isang simpleng pamilya , sapat na sa amin ang magsama-sama para magsimba, bumati sa bawat isa ng isang “Maligayang Pasko”, gayundin sa mga kamag-anak at inaanak ng aking mga magulang at dumulog sa isang medyo masaganang tanghalian. At kinabukasan ay harapin sa unang hakbang ang paghanap na muli ng ikabubuhay.

Ang gawa ng aking ama ay ang patuloy na pagtitinda ng iyantok diliman sa palengke ng Malolos, Hagonoy, Calumpit at Bulakan. At ang aking Kaka (tawag sa pinakamatandang kapatid) ay sa kanyang pagtitinda ng apog, ikmo, bunga, at tabako. Ito ang mga sangkap sa nginangatang itso o nganga ng mga may edad nang babae at lalake. Bukod dito ay may tinda rin siyang gogo - ang best known shampoo noon ng mga kababaihan. Ang akin namang ina ay abala sa pagpupukpuk ng balat ng niyog (coconut husk) na ginagawang cushion ng mga silya at upuan sa bus at jeep, pagkatapos na ito’y patuyuin sa init ng araw. Bukod dito ay gumagawa rin ng balisasa (hinabing dayami ng palay) na ginagamit naman bilang foam sa mga bote ng alak na iniluluwas sa Maynila.

Ang alakang itoy matatagpuan sa nayon ng Kanalate. Kung hindi araw ng palengke, ang aking ama ay nasa aming silong at abala sa pagsusukong ng iyantok na ginagamit sa pag-aatip ng bubong ng bahay, para sa mga gumagawa ng basket, bilao,salakab at suwike. Ang aking Kaka naman ay bising-bisi sa pagbibistay ng apog buhat sa nilutong kabibi. Bukod sa nganga, ang apog ay ginagamit din bilang galagala (glue) sa pagkakabit-kabit o pagtatagpi ng lunas (sahig) ng bangka at kasko.

Kung panahon ng tag-ani, ako ay kasama ng aking ina sa pamumulot ng palay, dayami at taeng kalabaw (tuyo na). Ang huli ay gamit para sa pagluluto ng kabibe para maging apog. Kasama-sama rin ako ng aking ina sa pangunguha ng apulid sa bukid. Bukod dito, tinutulungan ko rin siya sa pag-aalaga ng itik, na kung saan ang itlog nito’y ginagawang penoy at balot. Ako at ang sinundan kong kapatid ang naghahatid ng mga panindang iyantok at diliman. sa palengke ng Malolos o sa estasyon ng bus na Pambusco.

Kaya noon ang aking boyhood was spent mostly with my mother and at home. Bunso ako sa pitong magkakapatid at sa dami ng gastos sa bahay at malaking gugulin sa pag-aaral ay bahagya na akong makalasap ng konting ginhawa o aliw sa buhay. Pasko lang kung ako’y magkaroon ng bagong damit o sapatos. Pasko rin nang ako’y magkapera na galing sa aking sariling sikap. Ito’y noong Pasko l946 at l947 nang ako’y magtinda ng ice drop na gawa ng may-ari ng Botica Avenue na matatagpuan sa may kabayanan ng Malolos.

Ngunit hindi dito nagwakas ang patuloy kong pagsusumikap na makatulong sa aking pamilya lalo na sa aking mga magulang na walang humpay at puspusang ginagawa ang lahat upang kami’y makaahon sa kahirapan at maisulong ang kanilang layuning kami’y makapag-aral tungo sa magandang kinabukasan.

At nagwakas ang dekada ’40 at nagsimula ang dekada ’50 at nag-enrol ako M H del Pilar High school.

(Salamat, Bining. Alam kong marami sa babasa ng mga sharings na ito ay nabibilang sa henerasyong kinabibilangan natin dahil sila ang orihinal na imbitadong bumisita rito. Ngunit ang mga inilahad mong karanasan ay magbubukas sa mga mata ng mga kabataang “napapasyal at mapapasyal” sa aking blog (sana'y maisipan nilang i-print ito at ipabasa sa mga kilala nilang "seniors"). Magkakaroon sila ng ideya, kung wala pang nakapagkukwento sa kanila ng mga nangyayari noong panahon ng Hapon, na parang kay tagal na, kay layo na…

Ako’y natutuwa sa binanggit mong Babanato. Pamilyar sa aking pandinig ito, naririnig sa matatanda: Kami ‘eka ay tumakbo sa Babanato! Ay, naku, naalaala ko tuloy, kami, e, tumakbo raw (raw, dahil kinikilik pa rin ako noon) una sa Kalero, sunod ay kung ilang araw o linggo sa Kulis. O Pulong Ita. O Ita-itahan, di ko na matandaan ang pangalan. Hanggang makapagtayo ng tirahan sa may bukana raw ng Wawang Kurus. Pero, mahabang kwentuhan ito, kung tayo ay magkaharap…

Nasabi mo Iyang apog, ikmo at bunga, naalaala ko tuloy na minsang may tumubong butlig sa aking bukung-bukong ay binugahan ito ng nganga dahil may kulebra daw! Aba’y gumaling naman! Mind over matter? A, those were the days…

Dahil tabing-ilog ang tinakbuhan namin noong panahon ng Hapon, naging pamilyar din sa akin ang salakab na gamit ng aking Amang Puten sa panghuhuli ng damuko (tama ba ako o mali ang pagkatanda ko na sinasalakab ang damuko?). Pero gustung-gusto kong sumama sa mga nangangabibe, maraming tulya sa Liku-liko, dahil mababaw lamang ang lugar na iyon at nakapagtatampisaw ako sa tubig. Pero nang bumalik na ang pamilya namin sa aming baryo, ang natatandaan kong kakabit ng mga gunita ng pananakop ng Hapon ay ang mga air raid shelter sa ilalim ng bahay at ang tanim na bataw ng aking Amang na ang mga bunga ay itinitinda sa may kanto at ang pinagbilan ay sangkaterbang Japanese money. Saka ang mga sundalong Hapones na doon nakatira sa Plaridel Temple sa tapat ng Malolos Central.

Tinanong ko ang panganay kong kapatid kung ano ang pagkatanda niya sa Pasko noong panahon ng Hapon. Labing-anim na taon siya noon. Malabo ang mga alaalang naiwan sa kanya, ayon sa kanya at higit pang malinaw ang gunita ng mga Pasko noong Peacetime, o before the war. Nabubuo raw niya ang siyam na madaling-araw na pagsisimba dahil kasama siyang kumakanta sa koro ng simbahan. At may crush sa kanya ang piyanista na isang biyudo, na daan nang daan sa harap ng aming bahay, kaya napansin na kalaunan ng aking Inang. Ni hindi na niya maalala kung ano ang pangalan nito, napaka-musmos pa niya noon. At ang Pasko ng kanyang kamusmusan, in contrast to mine (panlima ako sa anim na magkakapatid kung saan siya ang panganay), ang kanyang medyas na isinasabit tuwing bispera ng Pasko ay punung-puno ng mga kendi, kastanyas, mansanas at laruan kinaumagahan. Panahon kasi ng Hapon nang ako’y lumalaki at siguro, si Santa Klaus ay nahuli ng sentry ng Hapon, kaya hindi nakararating lagi sa akin.

Nakatutuwa itong pagbabalik-tanaw. Kawing-kawing ang mga gunita. Sigurado akong kung tayo’y magkakaharap, gagabihin na tayo sa kwentuhan na nagsimula sa kung paano ang Pasko natin noon, pero, nauuwi sa mga karanasan ng panahon ng Hapon.)

1 comment:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete