Wednesday, December 17, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Claire

BAGONG KULOT NA BUHOK SA PASKO



Ang masasayang alaala ng Pasko ay naganap sa maikling panahon ng aking kamusmusan; nang ako’y nasa elementary school pa lamang. Siguro mga tatlong taon yun, na tuwing araw ng Pasko, gawi na naming mag-anak ang gaygayin ang Mambog, Taal at Look para mamasko sa mga kamag-anak duon. Wiling-wili kami dahil sa dami ng iba’t ibang kakaning inihahain sa amin sa bawat bahay na aming pinamamaskuhan. At may pabaon pa nga. Bukod sa pagkain, may bigay pang pera. Pagdating namin nang bahay ay kwentahan na kaming 3 magkakapatid kung sino ang may pinakamaraming tinanggap na aginaldo. Karaniwan ay pare-pareho lang, at kaya lang lumamang ang isa ay kung natyempuhan ang kanyang ninong/ninang na may malaki-laking bigay sa kanya bilang inaanak.

Dagdag pa sa aking kasayahan ang magkaroon ng bagong damit at sapatos . Bagong kulot pa rin na nangyayari lang tuwing Pasko. Kung Bagong Taon naman dinadala ako ng Ninang ko sa karnabal sa bayan at doo’y nanunuod ng mga palabas at sumasakay kami sa tyubibo (Ferris wheel).


(Salamat, ‘Mare. Sabi mo, wala kang maalaala sa mga Pasko mong nagdaan. May sinabi ka roon na Paskong-Pasko ang dating sa akin. Iyong “nagpapakulot” tayo ng buhok pag darating na ang Pasko. Ang totoo’y bago pa magpista ng bayan (Disyembre 08), iniiskedyul na ako ng Inang ko na magpakulot kay Hule o Julie na may parlour sa may sineng luma. Dalawa ang sine sa Malolos noon, di ba? Sineng luma at sineng bago. Iyong una ay Cine Malolos at ang ikalawa ay Cine Estrella (heh, heh, heh, akala nung iba, kami ang me ari noon! Pero, libre kami doon, kasi kaibigan ng Amang ko si Dr. Crisostomo. At libre pa rin kami sa sineng luma, kasi, kamag-anak namin ang Nana Cancion, na asawa ng Tata Felix, at sila ang may-ari noon. Galing-galing, di ba?)

Anyway, takot akong magpakulot. Kasi, hindi pa uso ang coldwave noon. Ang sistema, matapos gupitin nang tamang igsi ang buhok na kukulutin, ay nilalagyan ito ng gamot na pag nasingkot mo ay pagkabaho-baho, nanunuot sa ilong. Sunod ay binabalot ito ng manipis na papel, saka iniikot sa tinatawag nilang curler. Tapos, iipitin ito ng parang nakakukob na pang-ipit na may kuryenteng nakakabit sa may ulunan mo, habang nakaupo ka sa isang silya. Minsan, amoy na amoy mo na parang nasusunog na ang buhok mo. At napapaso ang iyong tainga at batok. Naku, laking sakripisyo para magpaganda. Kaso, kapag lumampas sa oras, e, kingke naman ang labas. Daig ko pa ang ita, bakit madilim na nga ang kulay ko, kaya, tuksuhang umaatikabo pagdating ko sa bahay. Sasabihin ng Inang ko, di ba, sabi ko, sabihin mong “hilaw lamang, ayan nakingke tuloy!” At magtatawanan na ang mga kapatid ko.

Oo nga, bukod noon sa bagong sapatos kung may pambili, o bagong damit kung papayag pa ang modista na isingit ang patahi mo, tayo ay nagpapakulot pagdating ng Pasko.

At nasabi mo iyang tyubibo (ferris wheel), bago pa magpista ng bayan ng Malolos ay mayroon na iyan at lumuluwas na ang mga taga-baryo at taga-lati (Kalero, Pamarawan at iba pa) para makasakay dito. Daming tao sa patyo ng simbahan. Nariyan ang beto-beto. Ang babaing isda (sirena raw!). Ang taong halimaw (ang daming buhok sa katawan!). At ang lagi kong gustong-gustong makita (pero may kahalong takot, ewan kung bakit), ang pinakamaliit na tao raw sa mundo! Halos wala pang dalawang piye (2 feet) ito. Ang tangos ng ilong, parang singkit ang mga mata, tanda ko’y madalang ang buhok. Hindi ko maubos-maisip na may ganoon kaliit na tao. Na matanda na rin sa gulang. Nasa hitsurang may edad na. Proportional ang sukat ng kanyang katawan. Hindi tipong unano, pareho ni Tuti, iyong ewan kung empleyado sa sineng luma, pero doon ko siya associated, sa sinehan.

Oo nga, bukod sa pagpapakulot, kasama rin ang pagsakay minsan sa tyubibo kung Pasko.)

No comments:

Post a Comment