Wednesday, December 24, 2008

CHRISTMAS SHARINGS – Rollie




SIMBANG-GABI, SIMBANG-TULOG




Kung may tinatawag na promdi, ako nama’y orihinal na promding-promdi, sa maniwala kayo’t hindi. Ang kabataan ko’y nahati sa dalawang lugar: sa bukid at sa bayan. Ang nanay ko ay taga-Kapitangan, sa Paombong; ang tatay ko ay taga-Katmon, sa Malolos.

Natira kami sa Kapitangan (early elementary years). Malayo iyon sa kabayanan. Kaya’t ang Pasko bagama’t maituturing na isang espesyal na araw, ay di naman gaanong ipinagdiriwang na gaano. No big deal, ika nga. Sa totoo lang, may mga Pasko ngang hindi man lamang kami nakasisimba (sabi na ngang malayo kami sa bayan, e!).

Para sa gayak ng aming bahay, sapat na ang isang parol na nakasabit sa bintana . Ako ang gumagawa ng parol: kukuha ng kawayan: kakaliskisan, gagawa ng baskagan at ikokorteng parol na gamit ang ilang pakong-bakya. Tapos didikitan ng papel de hapon sa pamamagitan ng kanin. Lalagyan ng buntot at presto, estrella na. Di naman malagyan ng ilaw – wala pang koryente – at di naman pwede ang kandila dahil masusunog.

Ang aming pagkain sa araw ng Pasko: nilagang manok saka palitaw o kaya’y kalamay hirin. Hindi uso sa kabukiran – noon --ang media noche. Sapagka’t malamig, masarap pa ang matulog!

Fast forward: High school years na. Kung Pasko, ang pangarap ko’y makabuo ng nobenaryo ng simbang gabi. May indulhensya daw kasi, kaya nasa puso ko ang determinasyon. Ang simbahan namin ay ang Barasoain Church. Sa loob ng siyam na sunod-sunod na araw, maaga pa lamang – dakong alas-tres ng madaling-araw -- may banda ng musiko na gumagala sa mga lansangan at tumutugtog nang malakas sa kalye, parang sinasabing “Hoy, magsigising na kayo, simbang gabi na!” Siyempre, sa unang araw, babangon ako. Magbibihis, pupunta sa simbahan. Maraming tao. Kumakanta ang koro sa saliw ng organo, castanets at tambourines.
.
Noon, nakatalikod pa ang paring nagmimisa. Ang misa ay sa Latin pagka’t matagal pa bago nangyari ng Vatican II Council. Ang sermon niya ay sa pulpito na kung bakit naman ay tila tuksong nanghihikayat na matulog nang nakaupo (na kung minsa’y tutulo pa ang laway.) Sa madali’t sabi, matatapos ang misa na ako’y yukayok nang yukayok o dili kaya'y nakasandal sa katabi.

Ang mga sumunod na araw ng simbang-gabi ay malubhang pakikibaka sa antok. Malamig kasi ang hangin at ang banig. Daraan ang musiko. Sa loob-loob: Babangon na ako. Para ka lang nananaginip o isip mo lang na bumangon ka na, pero hindi. O dili kaya’y sasabihin sa sarili: ten minutes pa, babangon na ako talaga. Lumipas ang mga minuto: sampu . . . naging dalawampu . . . naging kalahating oras. At babangon nga ako, pero halos sikat na ang araw. Paalam, simbang gabi. Sa totoo lang, sa kabataan ko’y hindi ako nakabuo ng simbang-gabi.

Kung araw ng Pasko, magsasalu-salo kaming mag-anak sa nilaga – hindi na manok kundi karneng baka na ang pagkaluto ay parang bulalo. Sarap ng bone marrow! (Na sa katandaan ay pinagbayaran ko sapagka’t na-bypass ako!) Ang himagas ay halayang ube at leche flan (karamihan ay bigay ng kapitbahay at mga kamag-anak pagka’t di pa namin afford). Paminsan-minsa’y nasisingitan ng mansanas at Sunkist. Pagkatapos ay mamamasko sa Ninong, Ninang, Lolo, Lola, Tiyo, Tiya. Maabutan ka ng singko o kung magkaminsa’y diyes. Isa ng kayamanan ng mga panahong iyon.

Noon, asenso na ang estado ko, sapagka’t tumira na nga kami sa bayan.. Hindi na ako promding-promdi. Promdi na lang! (And I’ll let you in on a secret: ang palayaw kong Rolan sa bukid ay naging Rollie sa bayan. Ano’ng sey n’yo?)



(Salamat sa iyong sharing, Rolan, e, Rollie pala! Ang iyong sharing, eka nga’y, plakang-plaka, kumbaga sa kanta. Ibig sabihin, ganyan-ganyan talaga ang senaryo ng mga batang magsisimbang-gabi sana… sana… noon! Simbang-tulog sa loob ng simbahan, kung nakarating pa ng simbahan. Kadalasan nga’y naghihilik pa rin sa banig, panaginip lang pala ang pag-aakalang bumangon na at nagpunta sa simbahan.

Mansanas at Sunkist! They bring back memories talaga Pero di naman Sunkist ang tawag natin noon dito. Orange, di ba? Oreng pa nga sa matatanda, kung minsan. Saka, ang mansanas noon, iyong delicious apple, unang kagat pa lamang, ang katas-katas, saka, iba talaga ang lasa. Ngayon, parang iba…

Ang pari noo’y nakatalikod, ngayon ay nakaharap na. Ang sermon noon ay sa pulpito. Fire and brimstone. Ngayon, may kasama pang joke kung minsan. Lumalakad ang panahon. Nag-iiba ang lahat. May mabuti at mainam. May ilang “nakaiilang” na pagbabago.

Sabi nga, "heaven and earth shall pass away, but My words shall not pass away," at sa ating panahon ay marami pang pagbabagong magaganap, ngunit, lalagi, hindi mawawala ang Pasko at ang Ugat ng lahat ng ito – the Baby born in a Manger.)

No comments:

Post a Comment