Monday, December 22, 2008

SHARINGS - Ruby



May Paskong Malungkot


Ang mga Pasko ko ay parang naiiba sa Pasko ng ibang bata. Limang taon pa lamang ako, mahilig na akong bumarkada sa mga "manang" ng simbahan. Sila yung maituturing na mga lola dahil sa kanilang katandaan. At malaki ang naging impluensiya nila sa aking kabataan.

Pagsapit ng December 15, magbibilin na ako sa "yaya" namin na gisingin ako at 4:00 in the morning. Na kadalasan naman ay hindi nangyayari dahil bago pa sumapit ang oras na iyon ay tumatawag na ang aming kapitbahay na "manang" para yayain na akong magsimba. Pangalawa ako sa panganay pero ako lamang ang masipag na magsimbang gabi. Kung minsan, ang Kuya Toy ko ay sumusunod. Para tulungan akong magdala ng basket ng bibingka at puto bumbong na araw-araw ay dinadaanan namin kay Ka Sitang. Pinipilit kong mabuo ang simbang gabi para makuha lo ang indulhensiya na galiing dito. Iyon ang sabi sa akin ng Nanay ko. Kaya kahit nakapikit ang mga mata ko sa paglakad, akay naman ako ni Manang, sigi lang.

Puno ang simbahan at ang mga awiting pang simbang gabi ay nagbibigay saya. Si Diko Ben yata ang kumakanta. Pinsang buo ko siya at tenor ang boses niya. Bukod sa magaling na magorano, siya pa rin ang soloista at musical conductor ng choir. Duon marahil nagsimulang mahubog ang hilig ko sa pagkanta.

Tig-iisang bibingka at tig-kakalahating puto bumbong ang almusal namin. Ako, lagi, me kasamang mainit na gatas ng kalabaw na inirarasyon tuwing umaga at inilalagay sa basket na nakasabit sa may tarangkahan.

Ang Christmas tree namin, as early as November 1, inihahanda na. Si Nano, yung yaya namin ay uutusan ng Ate ko na pumutol ng isang branch na kailangan ay i-approve niya na tamang gawing Christmaw tree. Hindi lamang dalawa o tatlong beses bago ma-approve yung sanga. Kaming magkakapatid, sa pamumuno ng Ate ko ay isa-isang bibigyan ng bulak para balutin ang sanga na karaniwang ang taas ay 5 feet. Ang Kuya ang bahala sa pagtatayuan nito na isang lata ng biskit na binalutan ng puting papel de japon. Magiging abala kami sa pagkayas ng kawayan para putulin ng Ate para gawing parol. Ilang beses na natatampal ng Ate ang kamay ko dahil sa mali o pangit na pagkadikit ng pula, puti at berdeng papel. Si Ate ang tagagawa ng palawit, at siya rin ang nagtatali nito sa buntot ng parol. Hindi kami puedeng tumayo hanggang hindi tapos ang mga parol. Sunod dito, ilalabas na ni Ate ang mga lumang Christmas cards, gugupitin at isasabit bilang palamuti ng Christmas tree. Ang bituin ay siyang huli niyang ilalagay, sisipatin, ipapasipat sa amin kung pantay na at ayun, puede na kaming maglaro.

Ang Nanay naman, pagsapit ng December 24, abala na sa paggiling ng galapong na kadalasan, ako ang presentadang magsubo ng bigas. Parang laro sa akin. Sa kaniya ko natutuhan kung pa'no gumawa ng puto, palitao, haleang ube at leche flan, na siya lamang ang nagluluto. At siempre, yung manok na alaga ng kung ilang linggo o buwan yata, ay sesentensiyahan na. Tinola, na maraming repolyo, patatas, manibalang na papaya, dahong sili, lengua estofada, ang paborito ng Amang ko, at piniritong manok na gustong gusto naman ng Kuya.

Matagal na ring hindi ako nakakatikim nang tulad ng luto ng Nanay. At miss ko siya, lalo na kung Pasko. Hangga ngayon.

Hindi lahat ng Pasko ko ay masaya.

Araw ng Pasko nang iwanan kami ni Inay. At malayo ako sa kanya. Ni hindi nga ako nakauwi dahil ang Kuya Toy, namatay ng August 31. Umuwi kami ng kapatid kong si Del at gitna na ng September nang bumalik kami sa America kung saan kami parehong naninirahan.

Kaya't nang biglang ma- heart attack ang Nanay ng December 25, pareho kaming hindi nakauwi. Masakit, malungkot, at hangga ngayon, matindi pa rin ang dating sa akin ng mga pangyayari, sa kabila ng marami nang nagdaang taon. Seguro, talagang ganyan ang buhay. Ang mga dating ng dagok, hindi natin alam kung kailan at kung gaano kabigat.

Marami akong natutunan sa Nanay na magagandang bagay tungkol sa buhay, sa Pasko. Lahat halos ay naibahagi ko naman sa aking mga anak. Una sa lahat ng ito ay ang matinding pananalig sa Diyos. Ang pagbibigay ng walang sawang pasasalamat sa Diyos at ang pagbalikat sa kahit ano pang pagsubok sa buhay na aniya ay "ibinibigay sa iyo dahil kaya mo"

Marami pa ring Pasko ang nagsusumiksik sa aking alaala, masaya, at masayang malungkot. Seguro Eve, sa susunod na lang, medyo tinamaan yata ako ng recollection ko.


(Salamat sa pagpapaunlak, Ruby. Tunay na ang buhay ay hindi napupuspos ng tuwa lamang. Nakaguhit nang minsan, isang panahon, masasalitan ito ng lumbay. Dahil lahat tayo ay may hangganan ang buhay, darating ang oras na lilisanin natin ang daigdig na ito. Naalaala ko tuloy ang isa nating kamag-aral. May dinalaw silang kaiskwela nating babae na namatay ang asawa. Inaaliw nila ito (panay sila mga lalaki na dumalaw noon sa lamay). Sabi niya: “Talagang ganyan ang buhay, una-una lamang tayo . Pero, mauna na kayo, ayoko pa!” Na ikinahalakhak ng mga kaharap, kasama na nang namimighating biyuda.

Ang unang lumisan sa aming pamilya ay ang aking kapatid sa gulang na 30. Binata. Matagal ring naratay. Naalagaang matagal, kumbaga’y napaglingkurang mabuti ng aking Inang. Ang aking ama ay nasa destino noon, wala sa aming bahay. Disyembre 10 ang petsa. Kwento ng aking Amang nang tanggapin niya ang telegrama, hindi pa niya nabubuksan at nababasa ang nilalaman nito, nag-init na ang kanyang buong katawan (sapagkat siya ay nasa Baguio at lamig na lamig siya).

First death in the family. Napakalungkot ng Pasko, ngunit higit sa lungkot namin ay ang pighati ng aking Amang. Higit pa marahil sa sakit ng loob ng aking Inang na habang may karamdaman ang aking kapatid ay naibigay naman niya rito ang lahat ng pag-aalaga.

Ang hindi ko malilimutan ay ang Christmas Eve ng taong iyon, 1958. May tsokolate, keso at hamon na pagsasaluhan. Sabi ng aking Amang, “mauna na kayo” at umakyat siya sa ikalawang palapag ng aming bahay. Kumain kami, pero, para kaming nahihirinan.

Nang ang katahimikan ng buong paligid ay pinunit ng makabagbag-damdamin, pinipigil, ngunit nakahulagpos pa ring panangis ng aking Amang. Gumuguhit, umiiwa sa paligid. Sandali lamang iyon, ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa nalilimutan. Kaagad kaming nag-ayawan sa pagkain, umakyat ang aking Inang at pinuntahan ang aking Amang.

Disyembre 6, 1983, sumakabilang-buhay ang aking ama sa gulang na 85.. Ngunit sa pagkakataong iyon, ginawa namin ang lahat upang mapasaya ang aking Inang. Ang lungkot ay iwinaksi, lahat ng masasayang sandali ang ginunita. Noon nabuo ang desisyong tuwing araw ng Pasko idaos ang reyunyon ng lumalaki na naming pamilya. Dati, Disyembre 30 ang petsa ng pagsasalu-salo, sa kung kailan maluwag ang kalendaryo ng lahat. Ngunit sa pagkamatay ng aking Amang, ginawa na naming Pasko ang aming family reunion.

Wala na rin ang aking Inang. At nagre-reyunyon pa rin kami tuwing Pasko.)


No comments:

Post a Comment