Monday, November 24, 2008

ISANG SULYAP SA PASKO NG AKING KAMUSMUSAN

PASKO NA NAMAN
O KAY TULIN NG ARAW…
PASKONG NAGDAAN
TILA BA KUNG KAILAN LANG…

Isang napakalaking parol na nadaramtan ng puting-puti!
Itim na mantilla at pulbos na Maja!
Isang tunay na puno ng pine tree galing sa Baguio!
Belen na gawa sa karton!
Medyas na walang laman!
Isang hiwa ng Chinese ham at isang ulo ng repolyo!
Mga bisita sa bahay!

Ito ang Pasko ng aking kamusmusan.

Ang mga alaala ng Pasko sa akin ay nahahati sa mga panahon. Nariyan ang aking kamusmusan na binubuo ng mga araw sa elementarya. Nariyan ang mga teen-age years na kasama ang high school days. Sinundan ito ng pagdadalaga kung saan nasa kolehiyo ako, nagtapos ng karera, nagkatrabaho. Sumunod ay ang mga araw ng pagkakaroon ng boyfriend at kalaunan, pamilya.

Sa pagkakataong ito, ang nais kong isalaysay ay ang panahon ng aking kamusmusan. Doon sa aming baryo, Sto. Rosario, sa bayan ng Malolos, lalawigan ng Bulakan. Doon sa aming bahay. Na yari sa mga dingding na tabla, bubong na pawid, pairap na yero, sahig na tablang malapad sa sala at kawayan sa mga kuwarto, komedor at kusina.

Kinagisnan ko na ang aking Inang na matiyagang nagdadamit ng parol. Na iisa ang kulay. Puting papel de hapon. Napakalaki ng baskagan ng hugis-estrelya na dinidikitan niya ng papel. Kaya pumapasok pa lamang ang buwan ng Disyembre ay ito na ang hinaharap niyang gawin. Nagkalyo na ang mga daliri niya sa paggupit ng pinong dekorasyon na pagkatapos ay hahagurin pa ng likod ng gunting upang kumulot, saka ididikit sa tapat ng tadyang ng parol para hindi ito maaninaw… At ang kawayang bilog na paikot sa parol ay pakakapalin naman niya ng ginupit na lumang diyaryo, saka pa lamang paiikutan ng dekorasyon. At ang buntot ng parol, napakaganda! Parang burdadong lace na palawit sa mga itinitindang pastilyas San Miguel de Mayumo! Tuwing Pasko, ganito ang aming parol… na likha ng kanyang mga kamay! Na nahinto lamang nang ang kanyang mga daliri ay patigasin na at pakirutin ng rayuma… ng arthritis…

Noon… ang pagdating ng Kapaskuhan ay ibinabadya ng lumalamig na simoy ng hangin. Pahirapan ang pagbangon sa pagsisimbang-gabi dahil sa nakapanginginig na ginaw. Dito na inilalabas ng aking Inang mula sa pagkakatago ang kanyang Spanish mantilla na kulay itim, may disenyong bulaklak at ibon at burdado ng makukulay na sinulid! Gustung-gusto kong ibinabalabal ito sa akin, kasabay ang pag-ikot sa harap ng malaking salamin, tulad sa isang Espanyola (maarte rin naman!) Ito ang natatandaan ko sa aking Inang… ang kanyang mantilla kung simbang-gabi… at ang mabangong amoy ng kanyang pulbo na Maja…

Tandang-tanda ko ang aking unang Krismas tri. Gustung-gusto kong magkaroon nito, pero ayaw ng Inang ko, gastos lang. Sa iskwelahan, lagi namang may Christmas celebration at may Christmas tree na yari sa puno ng bakawan (mangrove) na nakukuha sa may tabing ilog, sa dongan (daungan), papuntang Kalero. Inaalisan ito ng dahon, binabalutan ng berdeng papel de hapon, papatungan ang mga sanga ng puting bulak na kunwari ay snow, sasabitan ng mumunting de kolor na bolang papel at sa pinakatuktok, ay isang kartolinang ginupit nang hugis estrella na binalutan ng makisap na palara. At voila! May krismas tri na! Lakas-loob, pagkatapos ng selebrasyon sa iskwelahan, hiningi ko kay Miss Velasco, adviser namin sa Grade 4, ang nasabing krismas tri. Na salamat, ibinigay naman.

Iniuwi ko ang nasabing krismas tri at inungutan ang aking Inang na bumili ng mga kending isasabit dito. Buti naman at nagpaunlak ito at nagmukha nang krismas tri ang aking puno. Kaya lang, kalaunan, humulas ang mumurahing kendi, pumatak sa sahig, nilanggam.

Gusto ko ring magkaroon ng Belen. Natatandaan ko ang lifesize (o higit pa yata!) na Nativity scene sa harap ng isang bahay sa Liang sa may Barasoain na balitang-balita, ngunit hindi ko nakita minsan man, hindi ako pinayagang pumunta rito. Kaya, ang aking Amang naman ang inungutan kong bumili nito. Ewan kung gaano katagal bago ako napagbigyan, ngunit dumating rin ang araw na nagkaroon ng Belen sa aming bahay. Na gawa sa karton, na ang mga tao ay naitatayo sa pamamagitan ng pag-iipit sa kani-kaniyang ipitan sa base ng Belen. Ang kaso, sa kalumaan, kalaunan ay lumuwang na ang mga kartong ipitan, kaya nakasandal na lang ang mga tao sa sabsaban.

May Santa Klaus ba sa aking kamusmusan? Natural, mayroon. Gabi pa lamang, handang-handa na ang malaking medyas ng aking Amang na hiniram ko upang isabit sa may tabi ng bintana, malapit sa daraanan ni Santa Klaus. Kinabukasan, takbo na ako rito upang tingnan kung naroon ang minimithi kong manika. Walang manika! Minsan may kendi. May panahon pang talagang walang laman ang medyas.

Magkakalapit lamang ang bahay noon sa baryo. Mula sa katapat na bahay, sisigaw na ang Kaka at Ka Seang, mga kapit-bahay na higit pa sa kamag-anak ang turingang kinagisnan namin. “O, ano ba ang bigay ni Santa Klaus sa iyo?”

Mula sa bintana, ipakikita ko ang walang laman na medyas. Wala, sagot kong kasabay ang iling.

Sagot nila, seryoso. “Siguro, sa highway nagdaan si Santa Klaus. Hindi nag-biyaheng Bulakan, kaya hindi nakita ang medyas mo…” Na pinaniwalaan ko naman.

Sa panahon ngayon, pinagtatalunan pa kung dapat papaniwalain ang mga bata sa Santa Klaus. Sa ibang pagkakataon na lamang matalakay ang bagay na ito. Ang masasabi ko lamang, wala naman yatang epekto sa akin nang malaman kong hindi totoo si Santa Klaus. Kasi siguro, wala naman siyang naibigay sa akin. Maliban sa matutong umasa. At paminsan, ay matuto ring tumanggap ng kabiguan.

Ang isang nakatutuwa kong karanasan noong elementary ako ay kapag humihingi na ako ng pang-exchange gift sa aking Inang. Gastos na naman. Anim kaming magkakapatid. Magbalot ka na lamang ng sabon diyan. E, ano pa nga ba ang magagawa ko kundi magbalot nito. Camay. O Palmolive siguro.

Ang gagawin noon ni Miss Velasco, Grade 4 teacher namin, doon kami sa labas ng classroom iipunin, to form a big circle. Hawak namin ang aming pang-exchange gift. Kakanta ngayon ng Ring-a-ring-a-rosy (now I wonder how and why we sing this nursery rhyme na ang pinagmulan ay ang Black Plague noon) at habang kumakanta ay ibibigay sa katabi ang hawak na regalo. At paghinto sa pagkanta, kung anong gift ang natapat na hawak mo, iyon ang exchange gift mo.

Naku, natapat ba naman sa akin ay iyong sabon kong binalot. Kaya pilit kong ibinibigay sa aking katabi. Na ayaw namang tanggapin. Kaya, nahuli kami ng teacher na nag-aabutan at nagsasaulian. Ewan kung saan natapos iyon. Dahil kung bumalik sa akin ang sarili kong gift, dapat bumalik din sa iba ang kanilang sariling gift. Ay, ewan. Pero, nakatatawa pa ring pagbalikan.

Sa aming bahay naman, Pasko na, kapag pinitas na ng aking Inang ang hilaw na bunga ng papaya sa tabing-bakod. Tatalupan na ito, gagadgarin, pipigain, hahaluan ng hiniwang sibuyas bumbay, bawang, siling pula, carrots na kinortehan pa ang hiwa, kaunting luya, pasas at magkahalo at nag-aagaw ang tamis at asim ng asukal at sukang Paombong. Ilalagay na ito sa malaking kamaw (ceramic na kulay brown) at ititinggal upang tumalab ang lasa. Isang linggo bago dumating ang Pasko ay ginagawa na ito.

Anti-bispera ay gagawa na ng leche flan ang Inang. Gatas at pula ng itlog, asukal at dayap. A, ito ang sikreto (na hindi na sikreto ngayon) ng leche flan ng taga-Malolos. Dayap. Hindi vanilla, kundi dayap. Lulutuin sa lanera na may hugis, na isasalang sa malaking kawali na may tubig (banyo Maria ang tawag), may takip na telang katsa para huwag pasukin ng tubig at kung hindi ay magkakabutas-butas, hindi na pino ang consistency (the test of a good leche flan, sabi nga ng aking kapatid).

Siempre, hindi Pasko kapag walang ube. Hindi ito haleyang ube na tulad nang inihahain ngayon (panay extender). Ito ay tunay na purong ube, walang artipisyal na kulay, gatas, asukal at dayap na naman, saka hahaluin para kumunat nang husto, hanggang sabi nga ay magka-baga na sa kili-kili ang naghahalo.

Kinalakhan kong nakadestino sa Baguio ang aking ama. Kapag malapit na ang Pasko, anti-bispera siguro, inaabangan na namin ang kanyang pagdating mula sa lungsod ng Pino. Ngunit isang linggo pa bago siya dumating, mula sa krosing, may isang bus na biyaheng Baguio na hihinto sa tapat ng tindahan ng aking Tata Nardo at doon ay ibababa ang isang tunay, buhay, luntiang Pine tree. Masasabi kong noon, sa buong Malolos siguro, kahit na sa kamistisuhan, walang may Christmas tree na tunay na pine tree. Malamang, cypress ang gamit nila, hindi isang pine tree na galing pa sa Baguio. Mula bakawan, graduate na agad ako sa genuine pine tree.

Ang natatandaan ko rito ay ang amoy ng dahon ng pine tree. Paskong-pasko. Gustung-gusto ko ang humiga sa ilalim ng nasabing pine tree upang masamyo ang halimuyak na nagmumula sa mga dahon nito, na siempre, sa pagdaraan ng mga araw, ay unti-unti nang natutuyo at nalalaglag. Sunod ay kakanta pa ako ng mga carols. Noon ay panay ingles pa ang mga kanta- White Christmas, Joy to the World, I’ll be home for Christmas, Silent Night…

Ang Pasko ng aking kamusmusan ay kahon-kahon ng commercial cake (matigas ang icing), tiklis-tiklis na repolyo, petsay, beans, at dosena ng mga Chinese ham na uwi ng aking Amang mula sa Baguio.

May isang errand ang aking Inang na laging sa akin nakaatang tuwing bispera ng Pasko. Ang hilaw na hamon ay hihiwain niya nang tamang nipis. Bawat hiwa ng hamon ay sasamahan niya ng isang ulo ng repolyo at kaunting petsay at beans, babalutin ng pinilas na pahina ng Manila Times at iuutos sa akin na ibigay sa mga kapit-bahay. Bawat bigyan ko ay sasabihan ko ng “pabigay po ng Inang, pang-nilaga daw po sa Pasko!”

Sa totoo lang, noon ay hiyang-hiya ako sa pamimigay na ito, kasi sa tingin ko, wala namang halaga iyong ibinibigay ko. Kalaunan ko na lamang natanto na malaking bagay pala ito sa mga inaabutan kong mga kapit-bahay. Matagal nang natapos ang kabanatang ito sa aming buhay, sa mga pag-uusap-usap ay nababanggit pa rin nila nang may kasiyahan ang bagay na ito. (Nang manirahan kami sa Marikina, ang pag-aabutang ito ng pagkain o anupaman sa mga kapit-bahay ay dinala ko, ginawang tradisyon ng pamilya at naging kaugalian naming magkakapit-bahay.)

Sa aming bahay, lahat ng mga namamasko ay looking forward sa pagkain ng cake na siyang inihahain sa mga bisita. Malayung-malayo ang lasa nito sa Goldilocks o Red Ribbon ngayon, ngunit noon, sikat na sikat ang nasabing cake na ang karaniwang flavor naman ay lemon. Sa totoo lang din, hindi ako kumain ng mga nasabing cake. Siguro, napakarami, nanawa na ako ay di ko pa tinitikman. Taun-taon, iyo’t iyon din. Higit kong gusto ang napakakunat na kalamay puti, na maraming-maraming malapot na sarsa. Saka ang suman sa lihiya at suman sa ibos na siyang pinaka-aginaldo ng aking Nana Tuyang, kapatid ng aking Inang. Siya ang una naming pinupuntahan pagkatapos magsimba at pag-uwi ay dala na namin ang bigay niyang mga suman. Minsan, may kasama pang diyes sentimos (pilak ito!)

Mahaba ang dining table namin. Hindi pangkaraniwan ang haba, hindi tulad ng ibang mesa sa karaniwang bahay sa probinsiya. Labindalawa ang maluwag na makauupo rito. Natatandaan ko pa ang dalawang sinaunang sopera na puno ng mainit na sabaw ng nilagang pinasarap ng hiniwang hamon. Katabi nito ay isang malaking bandehado na may hiniwang repolyo, petsay, patatas at saging na saba, isang buong manok-tagalog (na ang aking Amang ang naggilit ng leeg at kasama ako sa paghihimulmol ng balahibo), at mga putul-putol na pata ng baboy. Kasamang nakahain sa mesa ang morcon na masarap kainin na may kasamang atsara. Bringhe! Ito ay paborito ng aking Amang. Sinangkutsang manok, atay, patatas, carrot, siling pula, pasas at malagkit na niluluto sa maraming gata ng niyog sa isang malaking kawa na sa kabila ng saping dahon ng saging ay nagtututong pa rin, na siya namang gustung-gusto niyang kainin. Iyan ang Christmas fare ng aking kamusmusan. Masaganang maituturing, kahit sa pang-araw-araw, ang isang tortang bilog ay hinahating tulad sa pizza upang magkasya sa aming magkakapatid. Iba kasi kapag Pasko!

Mga bisita?

Ang aking Amang ang panganay sa magkakapatid. May kani-kaniyang pamilya na ang mga ito at naninirahan sa iba’t ibang baryo sa Malolos. Pagdating ng Pasko, lahat sila ay dumarating sa aming bahay upang doon mananghalian. Bihira pa ang may camera noon (mayaman lamang o si Topico lang), kaya wala ni isa akong larawang naiwan ng mga pagtitipong ito. Para lamang itong isang malabong eksena sa isang lumang pelikula, kapag binabalikan ko sa isip. Ngunit puno ito ng saya para sa matatanda. (Para sa akin, ni hindi kami nag-uusap na magpipinsan. Kimi sila, lalong kimi ako, dahil sa tuksong pinaka-kayumanggi kasi sa pamilya!) Natapos lamang ang ganitong pagkikita-kita nang magsilaki na ang kani-kanilang pamilya at nagkani-kanila na silang reyunyon. Hiwa-hiwalay na silang namasko kalaunan

Kinagabihan naman ng Pasko, kapag halos tapos na ang mga bumibisitang inaanak o kamag-anak, lilipat sa amin (magkatapat ang aming bahay) ang itinuturing naming pinakamalapit naming kamag-anak sa baryo (no blood relation), ang Santos Family – Amang Puten, Oya, Kaka, Ka Seang, Ka Jose, Ka Oniong at Ato upang makasalo sa hapunan, magkwentuhan pagkatapos. Natigil rin kalaunan ang pagsasalu-salong ito, ngunit hanggang sa ngayon, ang pagiging malapit sa isa’t isa ng mga naiwan sa pamilya ay patuloy na binibigkis ng matibay na pagtitinginan – sa pamamagitan ng pagiging magkumare o kumpare ng mga magulang, kalaunan, ng mga anak na rin.

The Christmases of my childhood are peopled by loved ones who are now all gone. Yet, they continue to be enshrined in my heart… to live in my mind…

At sa samyo o halimuyak ng dahon ng pine tree, o sa lasa ng tamis-asim ng atsara, o sa sarap ng lasa ng morcon, o sa napasong dila sa init ng sabaw ng nilaga, sa linamnam ng leche flan, sa naririnig na himig ng “Silent Night” o “White Christmas” – lahat sila ay malinaw na bumabalik sa alaala.

Lahat nang ito ay alay ko sa aking mga anak … at sa susunod pang henerasyon… na sa pagdating ng panahon, maaaring makaisip magtanong: Paano ba ang Pasko nang panahon ni Anda at ni Papo?

2 comments:

  1. natawa naman ako sa comment mo about the nursery rhyme. but when you think about it, most nursery rhymes are a bit morbid: jack and jill fell off the hill and actually had a skull fracture. and need we mention poor old humpty dumpty.

    but going back to the topic of christmases - ang aming staple ay ham na ginawa ng mommy ko with ingredients which we would later learn are carcinogenic. but since lahat naman kaming magakapatid ay matataba ngayon - siguro di tumatalab ang carcinogenic substances sa sikmurang sobrang gutom . we had a small silver christmas tree made of palara that came up to my knee when i was 6 yo. kaya ngayon na medyo may kaya na kaming magkakapatid - palakihan naman kami ng puno. but what you said is true - christmas should be about the people that you care for. kaya kahit medyo "evolved" na ang aming christmas and we now have a proper tree and nutritious ham, we make it a point that beyond the gift giving our kids know that the true highlight of the celebration was being with each other.

    ReplyDelete
  2. parehong pareho tayo ng pasko nung musmos pa ako sa malabon. : )

    ReplyDelete