Sunday, November 2, 2008

KAGABI, MARAMI NANG "TODOS LOS SANTOS" ANG NAKALIPAS... (Unang Yugto)


KAGABI,

MARAMI NANG “TODOS LOS SANTOS

ANG NAKALIPAS…

(Unang Yugto)

NOON nabuo ang barkada. Noon.

Humigpit ang hawak ng mga kamay ni Dan sa manibela ng kotse. Paakyat siya ng tulay ng Catmon. Nang dati ay matarik na tulay ng Catmon. Di nga ba, nang nag-aaral pa sila sa high school, doon sa tabi ng kapitolyo, kapag nagdaraan sila sa tulay ng Catmon, sigawan na sila. Tulinan mo, Erning! Tulinan mo! Eeekkkkk… Ku, ang mga babae, ang lalakas sumigaw.

Puwera si Nenita. Hahawak lamang ito nang mahigpit sa sandalan ng upuang pang-unahan ng diyep na siya niyang paboritong lugar, dahil kita niya sa salamin ang lahat ng nakasakay, saka kakagatin ang labi, at sa haribas at biglang pagbaba ng sasakyan sa tulay, na ikawawala ng kanilang sikmura, ay pipikit si Nenita. Ayyyy, ang wari ay buntung-hininga nito.


Gusto niyang tuksuhin si Nenita. Ngunit hindi niya ito magawa. Hindi sila magkabatian, bagama’t magkataon sila sa high school, mataas nga lamang siya rito ng seksiyon, at magkababaryo pa. Kaya nagkasya na lamang siya sa pagtingin-tingin.

Hanggang isang gabi ng Undas, marami nang taon ang nakalilipas.

Nagmenor si Dan sa pagliko sa krosing. Makapal ang mga taong naghihintay ng Rabbit at La Mallorca na patungong Maynila. Mga magsisipag-opisina. At estudyante. Isang karaniwang tanawin tuwing maka-Undas. Magsisipagpuyat nang sinundang gabi sa paglilibot sa mga sementeryo, saka magmamadali sa pagluwas kinabukasan. Katulad din nila noon nina Nenita.

Umarangkada si Dan. Wala siyang namukhaang isa mang kakilala sa maraming nakatayo at naghihintay ng sasakyan. Ang mga gunita ng nakalipas ay pilit niyang iniwaksi. Sa pagmamaneho itinuon ang isipan. Na nagawa lamang niya hanggang sa may pagpasok ng diversion road. Sa loob nito ay magaan ang pagpapatakbo ng sasakyan. At hindi na niya maitaboy ang mga gunita.

IYON ang unang Undas. Ikaanim pa lamang ng hapon ay kumakain na siya. At nakabantay sa kanyang tabi si Berting. “Dali naman, tsoy. Naghihintay na sila.”

Pandalas ang kanyang subo. “Alin bang uunahin natin?” tanong niya.

“E, di sa libingan muna sa Tubigan. ‘Yon ang malapit. Saka natin isunod ang Barasoain. At ihuli ang Mabolo.”

“Kaniyugan, ‘kamo,” pagtutuwid niya.

“Mabolo o Kaniyugan, pareho na rin iyon,” sagot ni Berting. “Nasa gitna iyong sementeryo.”

Nakisagot ang kanyang ina. “Sinu-sino ba ang patay na dadalawin ninyo?”

Tumawa si Berting. “Hindi ho patay ang sasadyain namin. Mga buhay. Mga bebot hong buhay. Na mga damagan.”

Umungol ang kanyang ina. “Pwera basag-ulo, ha...”

LUKOT na sa pawis ang kuwelyo ng kamisadentro ni Ado at nakalilis na ang mahabang manggas ng kay Rolly nang sila’y magkita-kita. “’Namputsa naman, tagal n’yo,” angal ng dalawa.

Nagturuan sila ni Berting. Ito kasi…

At sila'y naglibot. Umistambay sa mga nitsong may nagbabantay na kakilala. Nakikukot ng mani. Nakikain ng suha, ang asim naman. Maaskad pa. Nakikuha ng mga tulo ng kandila. Tunawin lamang sa konting gas, may floorwax na. Lakad na naman.

Hanggang maraanan nila ang nitsong kinalilibingan ng lola ni Nenita.

Saka lamang niya nalaman, kinakapatid pala ni Berting si Nenita. Kaytagal na niyang kaibigan si Berting. Kay laki niyang tanga.

“Oy, Berting,” sabi ni Nenita. “‘Lika nga’t itayo mo itong kandila. Laging nabubuwal.”

Huminto silang apat. Nilapitan kaagad ni Berting ang kandilang ayaw tumayo. At natuklasang basa pala ng tubig ang sementong pinagtutulusan. Diyos ni Abraham, at umiling iling si Berting.

Sa liwanag ng kandila, halata pa rin ang pamumula ni Nenita. Dito siya pumasok. “Di ba sa diyep ni Erning ka sumasakay?”

Tumango si Nenita. “Ikaw rin. Sa unahan ka, no?”

Tumango rin siya. Alam pala ni Nenita. Napapansin pala siya ni Nenita. Pati kung saan siya laging nauupo.

At kung saan-saan nasuot ang kanilang usapan. “Sa may pagliko lang sa kanto ang bahay n’yo, di ba?”

Tumawa si Nenita. “Lagi ka sa kanto, ano?”

“Kung Sabado’t Linggo, kantoboy tayo,” sagot naman niya.

Saka dumating ang mga kaibigan ni Nenita. Na pawang tagaroon din sa kanilang baryo. Na taga-high school din. Hindi nga lamang niya kabatian. Buti pa sina Ado at Rolly, dati na palang kakikilala ang mga ito. Siya lamang talaga ang napag-iiwanan.

Maputi, tsinita at maliit si Coring. Masayang kausap. Matangkad, balingkinitan, may ipinangangakong katawan sa hinaharap si Lita. Palabiro, mahaba ang alun-along buhok, napakaraming kuwento, si Mila. Napapatanga sila. Ngunit si Nenita. A… kay Nenita pa rin siya. Kayumanggi, pantay-pantay ang mga ngipin, ang mga ngiti sa labi ay tumutuloy sa magagandang mata, na waring nanunuot kung ititig, hindi sa panunuri, manapa’y isang pag-aanyayang ipanatag ang loob sa kanya. Sapagkat nais ka niyang maging kaibigan.

Masaya ring kausap, palabiro at napakarami ring kuwento si Nenita, ngunit hindi ang mga katangiang iyon ang naiwang impresyon nang una nilang paghaharap ni Nenita. Sa kabuuan, si Nenita ay tahimik. At malalim.

Dumating ang mga magulang ni Nenita. “Ay, may kahalili na ako sa pagbabantay. Lilibot naman ako, ‘Nay.”

“Sino’ng mga kasama mo?” Inisa-isa kaming tiningnan ng ama ni Nenita.

Entra si Berting. “Mano po, Ninong, Ninang…”

“O, ikaw pala, Berting. Sino ba ‘yang mga kaibigan mo?”

Sagot si Berting. “Ito ho si Dan. Anak ng Ba Pepe na nagtatrabaho sa Maynila. ‘Yung ang bahay, e, malapit sa may bisita ng baryo.”

“Anak ka ni Salud?” Sumabad ang ina ni Nenita.

At sa kanyang pagtango ay kasamang nawala ang matamang panunuri. Anak pala ni Salud na kasama kong nanahi ng mga baru- baruan nung araw. Itanong mo sa nanay mo, nandayuhan pa kami nang pagtitinda sa Baliwag nung araw.

Libre na ang pakikipagkaibigan kay Nenita. Sina Rolly at Ado naman. Aba, anak pala ire ng Ka Sion. Pinsan ko lang na makaitlo ang iyong ina. Halika nga’t magmano ka sa amin. Tingnan mo nga naman. Ang tatay mo, Ado, saka ako, e, magkaiskwela mula sa pagbasa ng Katon. Alam mo yung Katon? Be-a-ba, be-a-be, be-a-bo….

At sila’y namasyal. Naggalante siyang bumili ng butong-pakuwan. “‘Yan lang?” sabi ni Lita. Aba, e, aagihapin lang ako niyan.”

At sumabad naman si Ado. “Alam mo ba, Lita, iyon daw inaagihap, e, malapit nang mamatay.”

Kinurot ni Lita si Ado. At sa kaibuturan ng kanyang sarili ay may nadama siyang ibang uri ng kasiyahan. Kaybago lamang nilang magkakasama, palagay na ang kanilang loob sa isa’t isa. Walang malisya. Parang magkakapatid. At ito’y naibulong niya kay Berting. Tsoy, masarap pala’ng may kabarkadang babae.

Na narinig ni Coring. “Lalo’t katulad namin. Magaganda. Kayo rin, kung katulad ninyo, masarap din ang kabarkadang lalaki. Biro mo, yung sigurado na ang mga kukuha sa amin sa mga sayawan ng klab sa atin.”

Ngunit umiling si Nenita. “Ewan ko, pero sa amin, ayaw ng barkadang lalaki’t babae. Ligawan lang daw ang mangyayari’t kauuwian. Sa simula lamang parang magkakapatid, pero sa dakong huli’y partner-partner na rin.”

Sumagot si Rolly. “Hindi mangyayari iyon sa atin, Nenita. Unang- una, ‘insan tayo, di ba. Hindi katalo. Ito namang si Coring, e, di ko liligawan. Pandakaki. Kulang sa sukat. Ang gusto ko’y katawan. Si Lita naman ay may katawan nga, pero dalpak naman ang paa.”

Dito nabugbog ang bisig ni Rolly sa kabubuntal ni Lita. At sa paghinto ng kanilang tawanan, si Ado naman ang nagpatuloy. “Wala akong kursunada isa man sa inyo. Ang tipo ko’y maganda, at mayaman.”

Si Berting naman ay may nililigawan na. Siya ang kahuli-hulihang naharap. “O, ano, Dan?”

Tumikhim siya. “Ipagpatawad n’yo. Bata pa ako para isipin ang mga bagay na iyan.”

Kinurot siya ni Nenita. A, kay sarap talaga ng may kabarkadang babae. At sa iisang tinig, napagkaisahan nila. Barkada tayong lahat. Apat na babae at apat na lalaki. Pero walang ligawan. Parang magkakapatid. Walang ligawan. Para walang masabi ang mga magulang natin. Maliwanag?

Nang gabing iyon ng Undas, na nabuo ang kanilang barkada, umuwi sila sa kani-kanilang bahay na punung-puno ng mga balak para sa kanilang samahan. Ang mga babae ay upang mag-isip ng ipangangalan dito. Uso noon ang pagpapangalan sa mga barkadahan. Ang mga lalaki naman ay upang umimbento o maghanap ng angkop na sipol na para sa kanila lamang. Alalaon bagay sipol na panawag sa isa’t isa. Halimbawang nanood ng basketball kung pista ng bayan at nagkahiwa-hiwalay, sumipol lamang ng kanilang sipol at ayos, magkikita-kita na sila.

Pero wala rin silang naimbentong sipol. Iyong tono ng jack and jill went up the hill, na sasagutin ng to get a pail of water ay marami nang barkada ang gumagamit. Ang iminungkahi naman ni Berting na isang linya ng piyesa sa piyanong Rustle of Spring ay hindi naman nakuha ni Rolly ang himig. Nasisintunado. Maanong huwag na nga.

Tuwing Sabado’t Linggo, hindi na sa kanto siya umiistambay. Kasama sina Berting, kina Nenita na siya naglalagi. Hindi naman lagi nilang nakakausap si Nenita. Basta, naroon lamang sila. Nakaupo sa may tarangkahan at nagkukuwentuhan. Nagbabasket kaya. O nagbabaras. Kadalasa’y may ginagawa si Nenita. At hindi na sila pinapansin ng mga magulang nito.

Dumadayo rin sila kina Coring, Lita at Mila. Barkada na nga sila, at siyempre, hindi nawala ang bulung-bulungan sa baryo. Naku, partner-partner pa raw. Talagang iba na ang mga kabataan ngayon. Hindi kaila sa kanila ang mga tsismis.

Lalabi si Coring. Hayaan mo sila. Inggit lang ang mga iyon.

Kasi, magaganda tayo, isasabad naman ni Mila.

Ilan pang Undas ang nagdaan sa kanilang barkada. Isang Undas, isang tibay ng pagsasamahan. Ilang Undas silang nagkaisang manapatan. Inumaga sa bahay-bahay na pag-awit. Kung kami po'y lilimusan. Dali-daliin po lamang, baka kami mapagsarhan ng pinto sa kalangitan…

Espesyal ang araw ng Undas sa kanilang lahat. Ito ang kanilang anibersaryo. Kaya nasa Maynila na silang lahat, hindi pa rin sila nakalilimot umuwi pagdating ng Undas. At sa kanilang pag-aaral sa lungsod, huwag di magkapanahon, nagkikita kita sila. Nagtitipan-tipan sa pag-uwi o pagluwas nang sabay-sabay.

Kahit pa nga may girlfriend na sina Ado at Rolly. At may boyfriend na si Lita at si Coring.

Pero duda siya kay Berting. Nasa ikaapat na taon na sila sa kolehiyo, malapit na silang matapos ng karera, nang may mapansin siya rito. Waring iba nang makitungo kay Nenita. Sa kinakapatid.

“Magtapat ka nga, Berting,” minsa’y sinabi niya. “May problema ka yata.”

Umiling si Berting. “Wala… wala…”

At hindi na siya nagpilit.

(May sinisimpang damdamin si Berting kay Nenita. Isisiwalat ba niya ito? Ito na kaya ang simula ng pagkawasak ng kanilang barkada? Ano ang gagawin ni Dan? Abangan ang katapusan ng kwento.)

No comments:

Post a Comment