Monday, October 27, 2008

TODOS LOS SANTOS



TODOS LOS SANTOS

“Kung kami po’y lilimusan, dali-daliin po lamang

Baka kami mapagsarhan ng pinto sa kalangitan…”

Isa sa mga masasayang sandali sa paglaki ng mga kabataan noon sa probinsiya ay ang obserbasyon ng Todos Los Santos o Undas o Undras (tawag dito sa ibang lugar). Bata pa kami noon at ang karaniwang dinadalaw sa mga puntod ay ang mga nalibing na impo o ingkong, lolo o lola, na ang karamihan ay hindi na nagisnan, alalaon baga’y matagal nang namayapa. Halos wala pang namamatay na malapit na kapamilya namin noon, kaya, ito ay nangyayaring parang isang masayang okasyon. Isang pagkakataon para sa barkada na magkasama-sama, maglibot sa mga pantiyon, magkatuwaan, magkainan, magkaingay. Na tuloy ikinagagalit ng mga matatanda. (O, kay tagal na ng panahong yaon, tayong mga kabataan noon ang siyang matatanda na ngayon!)

“Kaluluwa kaming tambing, sa purgatoryo nanggaling…”

Kinagisnan rin namin ang mga nangangaluluwa. Grupo ito ng mga kabinataan o may asawa man na sa kinagabihan ng Undas ay nananapatan sa bahay-bahay at kumakanta (parang dito hinango ang pagka-carolling tuwing Kapaskuhan na hindi naman uso sa Pilipinas noon at ang gumagawa lamang ay mga Glee Club ng iskwelahan o koro sa simbahan to raise funds for whatever projects, pero ngayon ay talamak na; napakatalamak nang tunay na sa bawat kantong hihintuan ng sasakyan dahil sa red light, ay may bata nang aawit ng jingle bell; minsan nga, naranasan ko sa Baguio, nakatayo lang ako, may kumanta na sa tabi ko ng Joy to the World).

“Kaluluwa kaming dakma, isang manok na mataba…”

Kaya lang, kung sakali at ang maybahay na tinatapatan ng grupo ay nagtutulug-tulugan, o nagkataong wala sa bahay, ay, sori na lang, paalam na sa alagang inahin sa pugad na nasa silong ng bahay, na hindi na magigisnan kinabukasan, sampu ng mga itlog na hinahalimhiman! Ang kahahantungan nito ay masarap na arroz caldo na may hiwa-hiwang dugong pinatulo sa bigas, kung magaling ang gumigilit ng leeg ng manok, na sinangkutsang mabuti sa bawang, luya, sibuyas at patis Malabon, saka lalagyan ng murang dahong sili. Na tatambalan pa ng kutsinta o putong puti kapag nilalantakan na! Ay, those were the days…

Pero, hindi lamang iyan ang kwento nito! Noon, na uso pa ang pagtatanan sa mga magkasintahan, lalo’t may tutol sa mga partido, kasabihan na iyong “nakaluluwa ang dalaga” ng Ba Inggo, kapag kinabukasan, magigisnang wala na ang anak, sumama na pala sa nobyo.

Noon… karamihan sa mga nasa Maynila na nag-aaral pa ay hugos na sa pag-uwi sa probinsiya. Kami ay sugod na sa dakong Divisoria para sumakay sa La Mallorca, o Pambusco o Halili, depende kung saan dako ng Bulacan uuwi. Pero, kapag sinabing sa Philippine Rabbit sasakay, medyo class ang dating mo. Kasabay mo rito ay mga taga-Pampanga at dahil wala pang NLEX (expressway) noon, sa MacArthur Highway ang daan at ang baba namin ay sa krosing ng Malolos. Tandang-tanda ko pa nang una pa lamang akong lumuluwas at umuuwi, ang palatandaan ko ay ang mga tower ng USIS (United States Information Service) na nakatirik makalampas ng kapitolyo ng Bulacan. Kapag nakarating daw ako doon, lumampas na ako ng krosing. Mula krosing ay sasakay naman ng diyip (diyes ang pamasahe) pakaliwa, papuntang bayan ng Malolos. Mula sa bayan, traysikel naman pauwi sa bahay namin.

Siksikan ang mga taong umuuwi. Bitbit ay mga bagong biling kandila at bulaklak. Noon, kapag ang mga bulaklak na nakaalay sa libingan ay mga calla lilies at baby’s breath, at may koneksiyon pa ng kuryente kaya naiilawan ng bombilya ang puntod, mayaman o may sinasabi ang nakalibing. Saka noon, uso pa ang bulaklak ng azucena na pang-alay sa patay. Mabango ito, pero masyadong associated sa mga libing. Wala na akong nakikitang azucena ngayon (pag sinabing asocena ngayon, iba ang kahulugan). Bihira na rin ang mga korona na noon ay gawa sa mga bulaklak ng calachuchi na mabango rin. Kaya nga lang, kapag naamoy ito, papasok agad sa isip, patay!

Todos Los Santos! Araw ng pagbabalik-gunita sa mga yumaong minsan, nakasama natin, nakasalamuha, naging bahagi ng ating buhay. Ngayong Undas na ito, muli na namang makikita ang senaryo ng mga taong nagdarasal, nagbabantay, nagkukwentuhan sa puntod ng kanilang minamahal. Kung sila kaya ay makapagsasalita ngayon, ano ang kanilang sasabihin?

Narito ang isang tula sa aking koleksiyon ng mga samu’t sari, which I googled at nalaman ngayon na katha pala ni Christina Georgina Rossetti (1830-1894)

When I am dead, my dearest, Sing no sad songs for me;
Plant thou no roses at my head, Nor shady cypress tree:
Be the green grass above me with showers and dewdrops wet;
And if thou wilt, remember, And if thou wilt, forget.

I shall not see the shadows, I shall not feel the rain;
I shall not hear the nightingale sing on, as if in pain:
And dreaming through the twilight that doth not rise nor set,
Haply I may remember, And haply may forget.

Abangan ang kwentong pang-Todos Los Santos ngayong Nobyembre.

No comments:

Post a Comment