Saturday, June 26, 2010

KATULAD NG KANYANG TATAY


KATULAD NG KANYANG TATAY



LINGGO. Araw ng pangilin. Dapat na magsimba. Kung ginaganahan at may badyet, pwedeng magsine. Sa mga may anak na maliliit, maaaring mamasyal sa Luneta. Sa Manila Zoo kaya. Pwede rin namang tumigil lamang sa bahay. Magrelak. Maghapong matulog. O magbasa ng isang Harold Robbins diyan. Kuntodo nakataas ang mga paa sa sopa. At pagkatapos ng lahat ay isang masarap na miryenda. Palitaw na may kinudkod na murang niyog na maraming dinikdik na linga. Pansit luglog kaya. O maski hotcake.

Ang alinman sa mga ito at ang buong pamilya, sabihin nang iisa lamang ang anak, ay maituturing nang isang perpektong araw ng Linggo. At ganoon ang kinalakhang araw ng Linggo ni Gina. Ang kaniyang Nanay at ang kanyang mga kapatid, kayag na ng kaniyang Tatay sa kung saang pasyalan. At sa kaning binalot na dahon ng saging at manok na inadobo ay ayos na.

Ngunit ngayon...

“Aalis ba ako kundi kailangan? Mukhang inis pero malumanay pa rin ang tinig ni Jim.

“Umalis ka na n'ong isang Linggo,” usig ni Gina.

“Kailangan,” mabilis na sagot ni Jim.

“Barkada,” pilantik ni Gina.

Huminto sa pagbubutones ng polo si Jim. Hinarap si Gina. “Barkada, totoo. At totoo rin na sosyal ang lakad na ito. Pero Gina, unawain mong ito ay tungkol din sa opisina. At ginagawa ko ito para rin sa iyo at sa ating mga anak.”

“Oh, thank you,” nakadadalok na sagot ni Gina.

“You're welcome,” nakangising bira ni Jim.

“Bwisit... bwisit... bwisit...” pabulong na gigil ni Gina.

Dito umeksit si Jim. At ang buong umaga ay ginugol ni Gina sa pagkukukot ng loob na kalaunan ay nauwi sa pagdidili-dili kung saan siya nagkamali sa loob ng limang taong pagsasama nila ni Jim. Wala. Ang kinalabasan ng kanyang pagsusuri. Baka bago sila ikinasal. O nang magkasintahan pa lamang sila. O baka di lamang niya napuna na talagang matrimonial risk ang tipo ni Jim. Pero hindi.


SI JIM ay katulad ng kaniyang tatay. Ito kaagad ang kanyang napuna nang sila ay unang magkakilala.

“Ang taas mo. Anong height mo?” tanong niya.

Ang sagot, “'Baba lang, wala pang six.”

Sa loob-loob niya, wow, pareho ni tatay. At kaagad niyang napansin. “Di ka pala naninigarilyo.”

Ngumiti si Jim. “Naninigarilyo rin. Paminsan-minsan na inaalok. Hindi makatanggi.”

Kiniliti ang kanyang puso, pareho ni tatay. Ang paninigarilyo ay pakikisama lamang. “Pero, umiinom ka paminsan-minsan...” patuloy niya.

“Allergic ako sa beer,” ang sagot at muntik na siyang mapabulalas. Pareho ni tatay!

“Whisky?” tanong pa rin niya.

“Iinom pagdating ng pangangailangang sosyal.” Ngumiti si Jim at idinugtong. “Pasado na ba ako?”

Kinurot niya nang maliit si Jim.

Nanligaw si Jim sa kanya ngunit ito'y hindi kaagad niya sinagot. Patuloy niya itong kinilatis. Mayroon siyang batayan. Mataas ang kanyang standard. Sapagkat ang pag-aasawa'y hindi gawang biro, sabi nga ng kanyang Nanaly, iluluwa kung mapaso.

Tandang-tanda niya ang kanyang ama nang nabubuhay pa ito. Maliit pa siya ngunit nakauunawa na. Ang kanyang ama ay walang bisyo. Maagang umuwi buhat sa opisina. Walang barkada sa kahulugang grupo sa paglilimayon At higit sa lahat, ang mga libreng araw nito ay para sa kanilang pamilya.

Nang siya ay malaki na ay mataas na ang pusisyon ng kanyang ama sa kompanyang pinapasukan ngunit hindi pa rin ito nagbabago ng pakikitungo sa pamilya. Isa pa ring ulirang ama. At ang pagiging bunso niya at paborito nito sa kanilang lahat ay lalong nakadagdag sa pagpapahalagang iniuukol niya rito.

Di kasing ito ang naging ideyal niya. Isang huwaran. Hindi kataka-takang ito'y inilagay niya sa isang pedestal. Lahat ng kaniyang naging manliligaw ay nagdaan sa isang mahigpit na paghahalintulad. Mga sinawing-palad. Maliban kay Jim.

“Nanay,” ang telepono ay inipit ng ulo't balikat ni Gina.

“Gina.” ang sagot.

“Nanay,” huminga nang malalim si Gina. “May problema ako.”

“O, si Jim, ba't di mo sabihin sa asawa mo?” ang tanong.

Lumunok ng laway si Gina. “Siya nga ang problema ko.”

“A...” ang sagot. At muli, “a...”

“Nanay, ano ang gagawin ko?” Pumiyok ang tinig ni Gina.

Ang tinig ng kanyang ina. “Marinig ko muna ang lahat. Pumunta ka rine.”


BUMABABA pa lamang sa taksi ay sumasalubong na ang nanay ni Gina. At pumapasok pa lamang sa bakuran ay sinimulan na ni Gina ang pagkukuwento. “Si Jim, Nanay...”

“Teka,” kasabay ang iling na wika ng kanyang nanay. “Mamaya na. Magmiryenda muna . May niluto ang Ate mo.”

Ang Ate niya, biglang naisaloob ni Gina. Tanging kapisan ng kanyang nanay. Nakamatayan ng nobyo. Di na nag-asawa. Laking inam ng buhay nito.

“O, ano ngayon ang istorya?” tanong ng kanyang ina nang maayos na silang nakaupo sa salas matapos magmiryenda.

At ang litanya ng mga masamang gawi at asal ni Jim ay sinimulan niya. “Nagpapasensiya na nga ako, Nanay. Sabi kasi niya, para raw sa aming kinabukasan ang mga ginagawa niya.”

“Baka naman totoo,” wika ng kanyang ina.

“Noong una, siguro ay totoo, Nanay. Nasa Sales si Jim at iyong mga wala sa oras na uwi ay hindi ko pinapansin. Pero kalaunan ay sobra na. Pati araw ng Linggo at pista opisyal, wala siya sa bahay.”

“Barkada?” ang tanong.

“Nauwi sa barkada. Una'y palabas-labas lamang, painum-inom. Pa-club-club. Mga prospect daw. Mga isinasaradong deal. Pero nitong bandang huli, may suki nang sauna.”

Sa tono ng boses ni Gina ay napabulalas ng tawa ang nakikinig na ate at nanay niya. “Masyado siguro ang tensiyon sa trabaho kaya kailangan ang masahe,” ang biro.

“Pero grabe sa lahat ang pag-inom ni Jim. Laging lasing kung umuwi,” patuloy ni Gina.

“Sinasaktan ka ba?” tanong ng kanyang nanay.

Umiling si Gina at kasunod, “Subukin niya...”

“Babae?” sabad ng kanyang Ate.

“Kasunod na iyon kapag di naputol ang ginagawa niya ngayon.”

“Sa harap ng lahat na ito ay ano ang ginagawa mo ?” ang huling tanong.

Hindi na sinagot ni Gina ang tanong. Alam na ng kanyang mga kaharap. Natural, nagagalit. Nanunumbat. Nananadya. Si Gina yata ito.

Nang ilahad ng kanyang nanay ang aksiyon na dapat niyang gawin ay pinasok ng alinlangan ang kalooban ni Gina. “Umubra kaya, Nanay?”

“Subukin. Walang mawawala,” ang sagot. “Baka sakali.”


LASING na naman nang dumating si Jim. Sa pinto pa lamang ay sinalubong na ni Gina ito. “Kumain ka na ba, dear?” ang nakangiting tanong. Sa sarili. Ang walang hiya. At lasing na naman. Bwisit.

Wa epek kay Jim. Sobra yatang pagkalasing . Pag-upo sa sopa ay tuluyan nang lumupasay. Pagpikit ng mata ay kasunod na ang hilik. Ang kahudas hudasan.

Nakahanda na ang mainit na tubig. Ang bimpong pamunas ng mukha. Ang padyama. Ang kape. Aspirin para sa sakit ng ulo. At kumilos si Gina.

Kinabukasan. Nagulat si Jim. Sa kama siya nakahiga. Kahit paano, alam niyang sa sopa siya lumupasay. Doon siya pinatutulog ni Gina kapag lasing siyang umuwi.

At may softboiled egg pa sa kanyang almusal. At french toast. At ang paborito niyang bacon..

“Sorry kagabi,” ang sabi.

Ngumiti lamang si Gina. Ngiti lamang ang dapat na isagot.

Ngunit kinagabihan ay lasing pa rin nang umuwi si Jim. At nang sumunod pang gabi. At nang sumunod pa.

Ang telepono ay dinayal niya. “Nanay...”

Sabi ng kanyang nanay. “Ganito ang gawin mo.”

Nagdidilig siya ng kanilang halaman sa kapiraso nilang hardin sa harap ng apartment nang huminto ang kotse ng mga lasing na kabarkada ni Jim.

“Oy, kayo pala,” matamis niyang bati. Dumaan muna kayo at magkape.”

Sabay-sabay, “Huwag na, Misis. Maaabala pa kayo.”

Kinalabit niya si Jim. “Ano ba, Jim. Painumin muna natin sila ng kape. Inihatid ka pa riyan. Nakakahiya.”

At siyempre lasing na si Jim. Tinablan nang pataob. “Siyanga naman, mga pare ko. Tikman muna ninyo ang kape namin.”

Bantulot na nagsibaba ang apat pang lalaki sa kotse at waring silaw sa liwanag na naupo sa madilim na parte ng salas nina Gina.

Ang kape ay nakahanda na. At nag-inuman ng kape ang mga ito. Ngunit may isang nasamid. At ang walang hiya, sa loob loob ni Gina, ay naglabas ng lahat ng laman ng sikumura sa bagong upholstered na sopa.

Kinaumagahan ay nagisnan niya si Jim na naglilinis ng sukal sa sala. Sa unang pagkakataon, napansin niyang nag-iisip nang malalim si Jim.

Kinahapunan ay tinawagan siya ni Jim sa telepono. “Magsine tayo,” ang yaya.

Gusto niyang isagot. Bakit wala ba kayong lakad. Sa halip, “Sige. Saan tayo magkikita?” ang tuwa ay nasa kanyang tinig.

Sa loob ng sine, akbay siya ni Jim . At mabango si Jim. Amoy after shave. Kaylayo sa sangsang ng alkohol.

Kinagabihan, nagmahalan sila ni Jim. Sober si Jim. Siya yata ang nalasing.

Naulit ang pag-uwi ng lasing ni Jim ngunit apologetic na ito. Muli ring naulit ang pagtungo ng barkada sa kanila. Birthday ni Jim at di siya pumayag na di maimbita ang buong barkada. Kaydami niyang inihandang pulutan. At ang mga nakatagong bote ng alak ay inilabas niya. Enjoy naman ang lahat. At pati siya ay nakitimpla. At nakiinom. Kaunting whisky, kaunting soda, aba, masarap pala. Ang titig sa kanya ni Jim.

May nasamid na naman. At nasuka. Ngunit hindi na siya ang nakapagligpit ng mga sukal. Si Jim ang nagmando sa kanilang katulong sa paglilinis nito.

At iyon ang kahuli-hulihan. Ang simula ng pagbabago. Si Jim ay naging huwarang katulad ng tatay niya.


LINGGO. Mahigit nang dalawang taon ang nakalilipas mula noong isang araw ng Linggo na si Gina ay nagsumbong at humingi ng payo sa kanyang ina.

“Nanay, iyong mga ipinagawa mo sa akin noong kasalukuyang si Jim ay ganoon, saang magasin mo natutuhan?” tanong niya isang hapong dumalaw sila dito.

Tumawa ang kanyang Nanay. Ngumiti ang kanyang Ate. “Sentido komun. Aplikasyon. At magandang resulta.”

May kung anong naligaw sa kanyang utak. “Aplikasyon kanino?”

Tumingin sa malayo ang kanyang ina. “Sa isang lalaking may asawa, isang ama, na minsan, isang panahon ay naging katulad ni Jim. Naglalasing, nakikibarkada, umaga nang umuwi, ang katwiran rin ay pakikisama, para sa opisina.”

“Ang tatay!” tiyak ang tinig ni Gina.

“Wala ka pa noon. Ang Ate mo pa lamang at saka ang Kuya mo.”

Ang huwaran niyang ama. Hindi malaman ni Gina kung mapapaiyak siya o mapapatawa sa narinig na katotohanan. Ngunit isa lamang ang tiyak niya. Hindi nagbabago ang pagpapahalaga niya sa kanyang ama. And diyos sa pedestal ay naging tao lamang, ngunit nasa pedestal pa rin. Taong katulad niya at ni Jim.

At kanyang nadamang higit niyang mahal si Jim, ngayon.


LIWAYWAY, AGOSTO 5, 1974

No comments:

Post a Comment