Sunday, June 6, 2010

P'WERA BIRO, HA?



P'WERA BIRO, HA?



NAKAHALUKIPKIP na pinagmasdan ni Neneng ang kanyang kaanyuan sa kaharap na salamin. Maganda siya, hindi sa pagmamayabang. Ngunit, masukal man sa loob, matapat din niyang inamin sa sarili, tumatanda na siya. Totoo iyon. Talagang tumatanda na siya. Ano pa ba'y liyebo tres na siya. Treinta anyos. Wala pang biyenan. At hindi dahil sa wala siyang manliligaw. Nagkakatibag, wika nga. Ngunit ang gusto niya ay si Orlan. Ang kanyang unang pag-ibig. Ang kanyang unang kasintahan.

Dinampot ni Neneng ang sepilyo sa ulo at wala sa loob, parang nanlalatang pinaraanan ang kanyang buhok. Unang kasintahan. Si Orlan. Napatawa si Neneng. Mapaklang tawa.

Ang totoo'y biruan lamang ang pinagsimulan. Biruan ng mga batang puso na tapat ang pagsasamahan, nang panahong bihira pang sumingit ang malisya sa mga usapan ng mga magkakaibigan. Sa isang pagdalaw ni Orlan sa kanyang kaserang tinutuluyan sa unang taon ng kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Ang simula.

“Ikaw nga Neneng, e matanong ko. Ilang taon ka na ba?”

Kinilingan niya si Orlan. “Hulaan mo.”

Nakangunot ang noong pinagmasdan siya ni Orlan. Hinawakan sa baba at itinagilid ang kanyang mukha. Muling iniharap. At itinagilid na muli. Pagkuwa'y umiling-iling. “Sa takbo ng mga kulubot mo sa gilid ng mata...”

Tinampal niya sa hita si Orlan. Bigla. At malakas. “Anong kulubot?”

Umiling si Orlan. At nangatlabi. “Ikaw, Neneng, e huwag mo kong matampal- tampal uli.”

Pumormal siya. “Orlan. Akala mo, isusumbong kitang talaga. Sasabihin ko ke Nanay, sabihin ke Ninang na masyado ka. Sa 'yo pa 'ko pinagbilin dito sa Maynila, lagi mo akong pinagagalit. Meron bang ganoon? Kinakapatid pa kitang naturingan.”

“Ganda mo pala Neneng pag nagagalit ka. Mukha kang sixteen.”

Talaga si Orlan. Hindi niya napigil ang hagikgik. “Talaga namang sixteen.”

Pumalatak si Orlan. “Sixteen pala, ha. Totoo ba 'yon?”

Tumango siya. At umusad nang upo si Orlan, palapit sa kanya. Bumulong. “Ikaw ba, Neneng, e, may manliligaw na?”

Tumaas ang kanyang kamay. Ngunit mabilis na sa pagsangga si Orlan. “Hep...”

Alam niya, mapulang-mapula ang kanyang mukha. “Kakainis... wala!”

“Totoong wala?” ulit ni Orlan.

Katakut-takot ang ginawa niyang pag-iling. “Talagang wala. Mamatay man.”

Si Orlan naman ang umiling. Isang katerbang iling. “'Kakahiya ka. Neneng. Ba't walang nanliligaw sa 'yo.”

Lumagapak ang palad niya sa hita ni Orlan. Na sinundan niya ng isang singhot. At singhot pa. “Sabi ni Nanay, narito 'ko sa Maynila para mag-aral. Hindi para magnobyo. Saka na raw 'yon. Darating daw 'yon.”

“Tama,” ayon ni Orlan. “Huwag kang makipagnobyo habang nag-aaral. Lalo't salbahe ang boyfriend mo, nakakasira talaga ng pag-aaral iyon. Pero ang itinatanong ko lang, e, bakit walang nanliligaw sa 'yo.”

Ipinadyak niya ang isang paa. “E, sa wala. Anong magagawa ko?”

Tumango si Orlan. “Tama. Wala ka ngang magagawa. Ang kaso, ako, e, talaga lamang na naaawa sa mga sixteen na, e, wala pa palang manliligaw.”

Pumadyak siyang muli. At suminghal. “Kung naaawa ka, e, di ligawan mo ko.”

Napalatak si Orlan. “Naunahan mo lang ako, Neneng. 'Yon na nga ang sasabihin ko sa 'yo, e. O, ano ngayon ang sagot mo sa akin?”

“Anong sagot?” tanong niya.

Itinirik ni Orlan ang mga mata. “Sa aking iniluluhog na pag-ibig.”

Umungol siya. “Sagot kaagad, wala ka pang sinasabi. Magtapat ka muna.”

“Siyanga, ano.” At tumaas ang kilay ni Orlan. “Bukas. Neneng, humanda ka.”

Ngumiti siya. “Hanggang bukas.”

Kinabukasan, may kumatok sa pinto ng silid nila. Ang boy ng kasera. “Bisita, Neneng. Si Orlan.”

Naramdaman niya, nag-init ang kanyang mukha, na hindi naman niya dating nadarama ng mga unang pagdalaw-dalaw ni Orlan sa kanya. Itinaboy niya ng kamay ang boy. “Sabihin mong maghintay.”

Nagpulbos siya. Matamang pinagmsdan ang sarili sa salamin. Maganda naman siya. Naisip niya, nagagandahan kaya sa kanya si Orlan. Kasunod niyo'y kinagalitan niya ang sarili. Biruan lang ito, Neneng. Biruan lang....

Nagbihis siya. At umikut-ikot sa harap ng salamin. At ngumiti. At lumabi. Tumawa. Umirap. Nang may kumatok na muli.

“Bakit?” , tanong niya sa nakasalubong na boy.

“Naiinip nang bisita mo, Neneng.”

Kinutusan niya ang boy. “Hayaan mo siyang mainip. Nanliligaw lang siya, marunong pa siyang mainip.”

“Uyyyyy,” tukso ng boy.

At nilabas niya si Orlan.

Tumayo kaagad si Orlan. “'Gandang hapon sa 'yo, Neneng.”

Kinagat niya ang kanyang labi. “Gandang hapon din sa 'yo, Orlan. Maupo ka.”

Hinintay ni Orlan na makaupo muna siya at saka ito naupo. “Neneng...”

“Ano 'yon, Orlan?”

Tumikhim si Orlan. “May sasabihin sana ako sa 'yo. Baka ka magalit.”

Ang pinipigil niyang tawa ay nakahulagpos din. Parang tubig sa isang bumigay na dam. Hahahahaha!. May padyak pa siya. Naku po, hahahahaha!

“Ano ka ba,” naiinis na tanong ni Orlan.

Itinaas niya ang kanyang kamay. Na mabilis na sinangga ni Orlan. “Ikaw kasi, ang arte mo...”

Binitiwan siya ni Orlan. “Naku, Neneng. Hindi ka nga maliligawan niyan . Napakagaan ng pingkok mo. Nakahampas ka agad. At kung makatawa ka, hindi mo man lamang tinatakpan ang bibig mo. Ang laki-laki. Kita na pati utak mo.”

Hindi na niya naitaas ang kanyang kamay. Hinawakan kaagad ito ni Orlan. Hinila niya ang kanyang kamay. At siya'y lumabi. “Hindi ko mapigil, pa'no.”

Umayos ng upo si Orlan. “Aba'y pigilan mo. Kung gusto mong ituloy ko ang pagligaw sa 'yo.”

Kahit biruan, gusto na rin naman niyang maligawan. Kaya umayos na rin siya nang upo. Iniladlad niya ang kanyang panyo sa kanyang kandungan. At itiniklop. Isa. At muling itiniklop. Dalawa. At isa pang tiklop. Tatlo. At isa pa. Apat. At muling iniladlad. At muling sinimulang itiklop.

I love you Neneng.

Napatigil siya nang pagtitiklop ng panyo. Nag-init ang kanyang buong pakiramdam. Bigla, parang tumahimik ang buong paligid. Nawalang lahat ang ingay. Ang tangi niyang naririnig ay ang mabilis na bog bog bog sa loob ng kanyang dibdib. Kaagad niyang tinutop ng palad ang tapat ng kanyang puso. Kanyang naisip, baka marinig ni Orlan.

“Nagalit ka yata, Neneng.”

Parang kumikinig ang tinig ni Orlan. Mabilis niya itong sinulyapan. Nakatingin si Orlan sa kanya. Nakangunot nang bahagya ang noo. Nakabakas sa mukha ang pag-aalaala. Serious ang hitsura ni Orlan. Parang nadala ng mga sinabi. Katulad din niya. Parang nadala siya ng mga narinig.

Ngumiti siya. Ang balak niya ay tumawa, kung bakit sa ngiti lamang natuloy. “Hindi. Bakit ako magagalit.”

Si Orlan naman ang ngumiti. “Salamat naman. Kung nagkataon, Neneng, hindi ko mapapatawad ang aking sarili.”

Ipinagpag niya ang hawak na panyo. Humalimuyak ito. “Bakit naman?”

Yumuko si Orlan. “Kasi, ayaw kong magalit ka sa akin. Dahil... dahil mahal kita, Neneng. Mahal kita, sana... sana'y mahal mo rin ako.”

“Mahal naman kita,” biglang sagot niya. Tumatalbog ang kanyang dibdib.

“Talaga?” nanulay ang tuwa sa tinig ni Orlan.

“Bilang isang kinakapatid,” at ngumiti siya.

Nagbuntong-hininga si Orlan. “Gusto ko sana'y bilang kasintahan.”

“Kailangang maghintay ka,” sabi niya.

“Nakahanda ako,” sagot ni Orlan.

At nalunsad ang biruang ligawan nila. Mayroon na siyang manliligaw. At sa kaserang tinutuluyan, may napuna ang marami sa kanya. “Alam mo, Neneng, gumaganda ka ngayon.”

“Etong singko,” sagot niya. Pero totoo. Napansin na rin niya iyon. Na gumaganda siya. At ito'y ayon sa salamin na kaharap niya. Totoo na parang laging kumikislap ang kanyang mga mata. At parang napakadali niyang mangiti. At bihira siyang mainis. Talaga marahil na gayon ang may manliligaw. Kuntento sa buhay. Lalo na at gusto ang manliligaw.

Si Orlan, akala mo tunay. “Kailan mo ako sasagutin, Neneng. Isang taon na mula noon.”

“Gusto kong matiyak ang aking sarili,” sagot niya.

“At natiyak mo na,” tanong ni Orlan.

Huminga siya nang malalim. “Natiyak ko na, Orlan.”

Biglang nagpormal ng mukha si Orlan. Pigil ang hiningang tumingin sa kanya. “Ano, Neneng, ano?”

Tumingin siya kay Orlan. Saka yumuko. At muling sumulyap nang pailalim. “Kuwan...”

“Anong kuwan?” Walang kangiti-ngiti si Orlan.

Hinarap niya si Orlan. At pinalaki niya ang kanyang mga mata. “Ano pa. E, di kuwan. oo.”

“Oo!” tumatawa si Orlan.

Tinakpan niya ng dalawang palad ang kanyang mukha. Bakit tumatawa si Orlan. Pinagtatawanan yata siya. Init na init ang kanyang pakiramdam. Na parang gusto niyang umiyak. Na hindi naman.

“Mahal kong Neneng...” inalis ni Orlan ang nakatakip niyang palad sa mukha.

Tumatawa pa rin si Orlan. Tumawa na rin siya. “Pero biruan lang, ha. Biruan lang, Orlan.”

Napalis ang tuwa sa mukha ni Orlan. Matagal na napatitig sa kanya. Pagkuway nagkibit ng balikat. “Aba, e, oo. Biruan lang.”

Sabay pa nang sila'y magbuntong-hininga.

Pero talagang masarap ang may boyfriend. Lalo't katulad ni Orlan na guwapo at magandang magdala ng damit. Palabiro at makwento. Mahusay makisama.

“Siya ba, Neneng?” tanungan ng kanyang mga kaiskwela.

“Oo,” sagot niya. Malay ba ng mga itong biruan lamang ang relasyon nila ni Orlan

“Mukha namang mabait,” ang sabihan.

“Pipili ba 'ko ng loko?” mabilis niyang sagot.

Minsan naman, kasabay niya si Orlan. Galing sa isang pagmimiryenda, may nakasalubong sila na ilang lalaking kakilala nito. Ipinakilala ni Orlan ang mga ito sa kanya. “Mga kaibigan ko, Neneng...”

“A, siya pala,” wika ng mga ito.

Napatingn siya kay Orlan. At tumango ito. “Alam nila, girlfrined kita.”

Kaya sila ni Orlan ay opisyal na magkasintahan sa lahat nilang kakilala at kaibigan sa Maynila. At sa loob ng apat na taon niyang pag-aaral, nagturingan silang magkasintahan. Sa pagsasamahan at pag-aalalahanan sa isa't isa. Sa pananalita. Bagaman at lagi pa, kapag nakikita niyang tumatawa si Orlan, kaagad niyang ipinaalaala na ang lahat ay biruan lamang. Kahit na para sa kanya, hindi biru-biruan ang damdaming iniuukol niya rito. Iniibig niya si Orlan. Tunay na tunay..

Hanggang magkausap sila ng kanyang ina. “Ibig mong sabihin sa loob ng apat na taong pag-aaral mo sa kolehiyo, kunwari'y boyfriend mo si Orlan?”

Paungol siyang sumagot. “Nagkalukuhan ho kami, Nanay. Kasi, naisip ko, ayaw ninyo akong maligawan habang nag-aaral. Ano pa ang pinakamainam kundi ang magkaroon ng boyfriend na kunwari lamang. E, di walang lumapit sa akin. Akala nila, di na ko pwede.”

Napailing ang kanyang ina. “Sabi ko lang naman, e bantayan ka. Di ko naman akalaing ganoon ang gawin ni Orlan. Kawawa naman iyong tao kung tutuusin. Biro mo 'yong hindi makaligaw kung may nagugustuhang iba dahil sa lumalabas na nakatali sa 'yo.”

Nagkibit ng balikat si Neneng. “E di ako rin, kawawa...”

Ngunit patapos ang salita ng kanyang ina. “Walang pinakamainam kundi makipag-break ka na kay Orlan. Siguro, matagal nang gusto ni Orlan na tapusin ang biruan ninyong iyan, nahihiya lang sa iyo. Kahit na nga biruan, kailangang sa babae rin magmula ang pakikipaghiwalay.”

Kaya kinausap niya si Orlan. At hindi naman ito tumutol. Anong sakit ng kanyang damdamin na sila ay nagkahiwalay. At sa loob ng mga sumunod pang taon ay pinilit niyang limutin ito. At hanapin sa marami niyang talisuyo ang mga katangiang natagpuan niya sa kinakapatid na naging kasintahan sa mahaba rin namang panahon. Ngunit walang nangyari, wala siyang napusuan. Hanggang daanan siya ng mga taon. Na hindi naman niya inalintana dahil sa ilang hibla ng pag-asa. Si Orlan ay wala pa ring asawa.

At ngayon, sa kanyang ika-tatlumpong taong kaarawan ay panauhin niya si Orlan. Si Orlan lamang. Dahil buo na ang kanyang pasiya. Isusugal na niya ang kanyang huling baraha. Bahala na kung walang mangyari.

Hindi niya matatanggap na tumandang dalaga dahil lamang sa isang biruan.

Kilala niya si Orlan. Papainan niya si Orlan.



ANG tarhetang kasama ng espesyal na pagkabalot na regalo ay sinulatan ni Orlan. Neneng, at nag-isip si Orlan. Mahal... kanyang isinunod. Maligayang kaarawan.

Ilang taon na nga si Neneng ngayon. Treinta. Oo nga. Treinta na si Neneng. Dahil trenta'y dos na siya. At kapareho ni Neneng, wala pa rin siyang asawa. Hindi dahil sa wala siyang niligawan na hindi siya nagustuhan. Ang totoo, siya ang gumagawa ng paraan upang siya ay makahiwalay sa nangaging kasintahan. Parang hindi niya matanggap na mapatali sa isang hindi naman lubos ang kanyang pag-ibig. Di tulad ng kanyang pag-ibig kay Neneng. Na kanyang kinakapatid . At naging kasintahan. Si Neneng. Napatawa si Orlan. Mapait na tawa.

Ang totoo'y biruan lamang ang pinagsimulan. Pikon si Neneng at siya naman ay mahilig magbiro sa pikon. Tinukso niya ito. Sixteen na, wala pang manliligaw. At sabi niya, ako e, talaga lamang na naaawa sa mga sixteen na e, wala pa palang manliligaw.

Nagalit si Neneng . Pumadyak pa. At suminghal. At kasabi-sabi. Kung naaawa ka, e di ligawan mo 'ko.

Alam niyang biro na anak ng galit ang sinabi ni Neneng. Ngunit ang bagay na iyon ay hindi niya pinalampas. Iyon ay isang pagkakataon na maluwag na ipinagkakaloob sa kanya ni Neneng. Isang pagkakataon na ni sa panaginip ay di niya akalaing darating sa kanya. Kaytagal niyang pinag-isip-isipan kung paano siya makapagtatapat ng sinisimpang pag-ibig sa kinakapatid. Na hindi niya magawa-gawa sa pag-aalangan sa kanilang kalagayan. At noon, sumapit ang pagkakataong iyon...

Kaya niligawan niya si Neneng. Biruan lang, sabi nito. Pero sa kanya, totohanan na. Alam niya, nahalata ni Neneng ang pagkinig ng kanyang tinig nang siya ay magtapat. Pero ang hindi alam ni Neneng, pati tuhod niya ay kumikinig.

Isang taon din niyang niligawan si Neneng. Biruang ligaw, sabi nga nito. Ngunit sa loob-loob niya, biro lang sa iyo, Neneng, pero darating ang araw, matututuhan mo rin akong mahalin. Tuturuan niya si Neneng.

Sinagot siya ni Neneng. Oo raw. At hindi niya napigil ang pagtawa upang ikubli ang katuwaan. Saka sinabi ni Neneng, biruan lang Orlan. At damang dama niya ang kirot na nilikha niyon sa kanyang dibdib.

Sila ni Neneng ay naging opisyal na magkasintahan sa mata ng lahat nilang kakilala at kaibigan sa Maynila. Malayo ang kanilang lalawigan at ang ganoong bagay ay madaling ipaglihim. Naisip niya noon, ipagbibigay-alam lamang niya ang kanilang relasyon ni Neneng sa kanilang pamilya kapag hindi na biru-biruan ang lahat.

At naging mabait siya kay Neneng. Laging nasa oras ang kanyang pagdalaw. At hindi pumapalya. Lagi pang may bitbit na pasalubong. Kahit ano lamang. Isang manggang hilaw. Isang supot na mani. Minsan ay tsokolate. Kadalasan ay kwintas ng sampagita o tinuhog na hasmin.

Umabot ang kanilang pagtitinginan ni Neneng hanggang sa panonood ng sine. Sine? Nagulat pa si Neneng. Natural, ang sagot niya. Mayroon bang magkasintahan na hindi nanonood ng sine?

Mabait naman siya sa loob ng sine. Hanggang dumating ang panahong magkahawak sila ng kamay ni Neneng habang nanonood. At hindi lamang iyon. Naging bahagi na rin ng kanilang pagtitinginan ang pagseselosan.

Si Neneng. Ay Orlan, sino 'yong kausap mo kangina?

Sagot niya, classmate ko, si Nora.

Sisimangot si Neneng. Classmate lang, very sweet kausapin.

Parang totoo kung magselos si Neneng. At nakikiliti ang kanyang puso. Kahit sinasabi ni Neneng pagkatapos, biro lang, Orlan... birong selos lang.

Ngunit sa kanya ay hindi na biro ang lahat. Talagang nagpapanting ang kanyang tainga kapag nakikita niyang may kumakausap kay Neneng. Ngunit wala naman siyang magawa. Nagdadalang-hiya naman siyang pagbawalan si Neneng na makipag-usap sa ibang lalaki. Dahil alam niya, hindi tunay ang kanyang karapatan kay Neneng.

Naisip na rin niya na magtapat kay Neneng. Na sabihin ditong totoo ang kanyang damdamin para rito. Ngunit nadaig naman siya ng takot. Takot na baka walang pag-ibig si Neneng sa kanya. Baka sa paghahangad niyang maging tunay na kasintahan si Neneng ay lalo pang mawala ito sa kanyang buhay. Kaya hinayaan na lamang niya na lumawig ang mga araw. Ipinasiya na lamang niyang ipaghintay ng magandang pagkakataon ang lahat.

Hanggang kausapin siya ni Neneng.

The party's over, it's time to call it a day... maganda ang tinig ni Neneng.

Hu... kanta na ba 'yan, tukso niya.

Aber, ikaw nga... lagi na, sa alin man nilang pag-uusap ni Neneng, pinapasok nito ang mga opening niya. Isang gawi na kumplementaryo sa kanyang ugali.

Ito ang boses. Makinig ka. At kumanta siya. Sinisinta kita di ka kumikibo akala mo yata ako'y nagbibiro, saksi ko ang langit sampu ng kanduro...

Hindi niya mawari ang mukha ni Neneng. Nakangiti ay para namang maiiyak. Nakuha tuloy niyang magpormal. Bakit Neneng. May problema ba?

Saka sinabi ni Neneng. Alam mo Orlan, naisip ko lang, Orlan, panahon na siguro...

Bigla ang dating ng pangamba. Panahon na para ano, Neneng.

Tumawa si Neneng. Kakaibang tawa. Ano pa? E, di panahon na para...para tapusin natin... ang lahat.

Ang lahat! Ang katal ng kanyang tinig ay pinilit niyang takpan ng pagtawa. Oo nga, ano. Biruan nga lang pala ang lahat.

Matagal silang hindi nag-imikan. Si Neneng, sa hindi nagbabagong ugali na pagtiklup-tiklop at pagladlad-ladlad ng panyolito. Siya, sa kanyang pagkakayuko at pagtingin sa dulo ng kanyang sapatos.

Neneng. Neneng. Parang puputok ang kanyang dibdib. Mahal kita, Neneng. Hanggang dito na lang ba tayo, Neneng. Wala bang halaga ang nakaraan nating pagtitinginan, Neneng. Hindi mo ba ako mahal?

At naisip niya, hindi makikipagkalas si Neneng sa kanya kung mahal siya nito. Marahil, may ibang mahal si Neneng. Si Noli, siguro. Ang kasama nito sa opisina. Halata niya, may gusto si Noli kay Neneng. Ngunit paano makaliligaw si Noli kay Neneng. Siya ang sagabal sa pag-ibig ni Noli kay Neneng. At ni Neneng kay Noli. a... Neneng...



Sila ay naghiwalay ni Neneng. At sa loob ng mga sumunod pang taon ay pinilit niyang limutin ito. Ang lambing ni Neneng ay hinanap niya kay Rosy. Ang hampas at kurot nito'y hinintay niya kay Cora. Kung ano ang bilang ng nababalitaan niyang manliligaw ni Neneng ay siya ring naging dami ng bilang ng kanyang nililigawan. Na ang iba'y napasagot niya na kalaunan ay nilayuan. Ang iba'y hindi nadala ng kanyang hindi totohanang panunuyo. Hanggang daanan siya ng mga taon. Na hindi naman niya inalintana. Dahil sa isang hibla ng pag-asa.

Si Neneng ay dalaga pa. Sa gulang na tatlumpong taon, si Neneng ay wala pa ring asawa. At ngayon sa kaarawan nito, siya lamang daw ang inanyayahan nitong panauhin. Mapapalampas ba niya ang ganitong pagkakataon? Buo na ang kanyang pasiya. Isusugal na niya ang kanyang huling baraha.

Kilala niya si Neneng. Papainan niya si Neneng.



NAKATAWA si Neneng. “Huwag mong sabihing nagdala ka pa ng regalo, Orlan.”

Umungol si Orlan. “Ano pang gagawin ko, e sinabi mong birthday mo. Kung di kita regaluhan, e di hindi mo ko pinatuloy.”

Lumabi si Neneng. “Ku, 'yan na nga bang sinasabi ko. Kung di ko pa sinabi at ipinaalalang birthday ko, kung di ko pa tinawagan sa telepono, hindi pa ako madadalaw. Puro iyong mga girlfriend niya ang inaasikaso.”

Nandilat ang mga mata ni Orlan. “Naku, pa'no naman ako makasisingit sa mga manliligaw mo. Nagkakatibag.”

Itinaas ni Neneng ang noo. “Natural, maganda yata ito.”

Itinirik ni Orlan ang mga mata. “Maganda pala. Kung maganda ka, ba't hangang ngayon ,e ,wala ka pang asawa?”

Nangurot si Neneng. “Ayaw ko lang.” At umirap. “Saka wala ka nang pakialam d'un.”

Tumango si Orlan. “Ano nga bang pakialam ko d'un. Ang kaso, ako e, talaga lamang na naaawa sa mga treinta anyos na, kulubot na ang mukha...”

Pumadyak si Neneng. “Aaa... Orlan...”

Tuloy pa rin si Orlan. “Kulubot na ang mukha, malapit nang malaos, e, wala pa ring asawa. Naku, kahabag-habag!”

Higit na malakas ang padyak ni Neneng. Kasabay na ang singhal. “Kung naaawa ka, e, di... e, di...”

“Pakasalan kita!” Mabilis na sapo ni Orlan.

Yumuko si Neneng. Mapulang-mapula ang mukha. “Orlan...”

At kumikinig ang tinig ni Orlan. “Kung tunay na mahal mo ako, Neneng... kung pumapayag ka lamang, Neneng, dahil mahal mo ako. Saka lang kita pakakasalan.”

Umiling si Neneng. “Pwera biro, Orlan...”

Tumango si Orlan. “P'wera biro, Neneng. Mahal kita. Naririnig mo ba? Talaga kitang mahal. Mahal mo ba ako?”

Umiling si Neneng. P'wera biro. Tumango si Neneng. Mahal kita, Orlan. Totoong mahal.

Tumawa si Neneng. At tumawa si Orlan.

At naisip ni Neneng, hindi rin nagkabisala ang kanyang pain kay Orlan. Kumagat din sa takbo ng kanilang pag-uusap.

At naisip ni Orlan, hindi pa rin siya nagkakamali sa pagkakilala kay Neneng. Kumagat din sa kanyang paing takbo ng kanilang usapan.

At halos sabay nilang naisip -

Kung nagbibiro ka man, pasensiya na lamang.
Hindi na kita pawawalan.


LIWAYWAY Agosto 2, 1971

1 comment:

  1. Ay, salamat at the story ended the way I wished it would. Siguro totoong pinagpapala ang mga marunong magtiis

    -EVD.

    ReplyDelete