Thursday, June 3, 2010

BUWAN NG HUNYO, BUWAN NG PAGPAPAKASAL


BUWAN NG HUNYO, BUWAN NG PAGPAPAKASAL


Tuksuhan namin noong araw, Hunyo na naman, wala pang biyenan! Na susundan ng lampas na ng kalendaryo, wala pa ring nangyayari! Na kahalintulad ng always a bridesmaid, never a bride!

Bago ang henerasyon namin, ang edad ng pag-aasawa ng mga magkasintahan ay naglalaro sa napakababata na disisais hanggang beinte, o sa tanggap na tamang edad na mula beinte uno hanggang beinte singko. Sa panahon namin, ang beinte seis hanggang beinte nuwebe ay sinasabing tamang edad na. Pero kapag sumapit na sa liyebo tres ang isang dalaga at wala pang nakikitang paglagay nito sa tahimik, natutukso na itong baka maiwanan ng biyahe!

Ngayon, kapansin-pansin na ang mga dalaga at binata ay waring hindi nagmamadali sa pag-aasawa. O kaya, ay nalulunsad sa pagpapakasal nang napakaaga, halos mga tinedyer pa lamang. Sa mga kwentuhan ng mga magulang, nababanggit ang mga anak na mid-thirties at early forties na, na ang iba ay may mga nobyo at nobya naman, ngunit mga walang balak magpakasal. Karaniwang dahilan, mahirap ang buhay, mahal magpaaral ng anak, walang matatag na trabaho, etcetera! O sa opinyon ng isang mapagmasid, ang mga bata raw ngayon ay takot sa responsibilidad. Iyong maaga namang nag-asawa na di tapos mag-aral at walang hanap-buhay, ay mga iresponsable naman.

Isa pang dahilan marahil kung bakit ang ilan ay hindi masugid magpatali ay ang maluwag na kalakaran ngayon ng mga relasyon ng mga kabataan. Na anumang bagay na noon ay natatamo lamang kung kasal na, ngayon ay madaling naibibigay nang paganoon na lamang. Isipin mong magka-textmate lamang, nag-eyeball, tuloy na sa panandaliang ligaya!

Kamakailan nga, may nagmungkahi na magkaroon ng expiration date ang pag-aasawa. Sampung taon yata! Nakupo, ano na ba ang nangyayari sa mundo? Kababasa ko lamang sa diyaryo, isang kilalang pulitiko sa USA, makikipadiborsiyo sa kanyang asawa pagkatapos ng halos apatnapung taong pagsasama. Bakit, iyan ang naitatanong ko. Tuloy hindi maiwasan ang mag-isip na hindi ngayon at matagal nang mag-asawa, ay ligtas na sa paghihiwalay! Ang ilang mga kabataang ikinasal nang mahusay at nasa edad, napabalita ring nagkani-kaniyang landas na. Bakit?

Good News: Isang June bride na kaibigan ko (congrats to Elsie and Tony) ay magdiriwang ng kanyang ika-limampung taong kasal sa 29th. Nitong mga nakararaang buwan, ilang kaibigan pa rin ang nagselebra ng kanilang golden wedding anniversary. Marami ring nagdiwang ng kanilang ikalimampung anibersaryo nang simpli lamang, pamilya lamang. At ito ay mga nabibilang sa amin at sa sinundan naming henerasyon. May ibig sabihin ba ito? Na matibay ang pagsasamahan noon? Bagaman at may nagkomentaryo, matiisin kasi tayo. Parang hindi magandang pakingan iyong matiisin, siguro ay mas mainam sabihing mapagpatawad!

Sapagkat buwan nga ng Hunyo ngayon, ang susunod kong kwento ay tungkol sa isang dalagang nangangarap mapakasal sa binatang kanyang minamahal. Makikitang sa bawat panahon, henerasyon man noon ng mga matiisin kuno at mapagpatawad, kapag gusto, nagagawan ng paraan!

P'WERA BIRO, HA?

Abangan!





No comments:

Post a Comment