Tuesday, June 15, 2010

HAPPY FATHER'S DAY



HAPPY FATHER'S DAY


Ang awit na Ito ni Eddie Fisher ang paboritong kanta tungkol sa mga ama noong araw.

Oh, my pa-pa, to me he was so wonderful
Oh, my pa-pa, to me he was so good
No one could be, so gentle and so lovable
Oh, my pa-pa, he always understood.

Gone are the days when he could take me on his knee
And with a smile he'd change my tears to laughter

Oh, my pa-pa, so funny, so adorable
Always the clown so funny in his way
Oh, my pa-pa, to me he was so wonderful
Deep in my heart I miss him so today.

Ngayon naman, ang You Raise Me Up ni Josh Groban ang gusto ng marami..

When I am down, and, oh my soul so weary
When troubles come and my heart burdened be;
Then I am still and here I wait in silence
Until you come and sit awhile with me.

You raise me up, so I can stand on mountains
You raise me up to walk on stormy seas
I am strong when I am on your shoulders
You raise me up to more than I can be.

Ang ikatlong Linggo ng buwan ng Hunyo ay itinalagang Araw ng mga Ama, bilang pag-alaala sa kanila. Sa ating mga Amang, Tatang, Tatay – na siyang kinagisnang tawag sa ating panahon (bagaman at may kilala akong ang tawag sa kanyang ina ay Inang, ngunit sa kanyang ama ay Daddy), isang paggunita sa panahong kasama natin sila, sa pagpapalaki nila sa atin, sa pagtaguyod sa ating pag-aaral, sa mga pagpapayo o sermon, na noon, marahil ay ayaw nating pakinggan ngunit sa ngayon ay natanto nating nakatulong sa pagtugpa natin sa sariling buhay at sa pagpapalaki naman sa ating mga sariling anak.

Sa araw ding ito bigla nating maaalaala na bigyang-halaga at pansin ang mga ama ng ating supling, na kayod sa paghahanap-buhay upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya. At sa panahong ito, mga OFW na nagtitiis ng pangungulila upang guminhawa ang buhay ng kanilang mga mahal sa buhay.

At kung ikaw naman mismo ang ama, ito ang araw na naghihintay ka na ng mga sorpresa ng iyong pamilya. Saan ka kaya ibo-blow-out ng iyong mag-iina? Kung maigsi ang pisi ni Mommy, baka sa food court ng mga mall ka dadalhin. Kung medyo may pera, restoran siguro. Kung talagang mapera, baka sa otel pa kamo. Kaya lang, kung walang-wala, sa bahay na lang, okey na ang fried chicken at pansit. Pwede na rin ang wala maski ano, basta batiin ka ng Happy Father's Day, ayos na rin.

Ano ba ang naaalaala ninyo sa inyong ama?

Istrikto ang aking Amang. Lumaki kaming isang tingin lamang sa amin, hinto na agad kami kung anuman ang ginagawa naming sa palagay niya ay mali. Isa siyang empleyado ng gobyerno at kinagisnan ko nang lagi siya sa mga destino, buwanan kung umuwi, at kung minsan, higit pa. Para din palang OFW kung tutuusin. Halos nagalugad niya ang kanortehan ng bansa – Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Abra, Isabela, Mountain Province kasama ang Baguio City, (kaya parang second language na niya ang Ilokano), Nueva Ecija, Pampanga at iba pang lalawigan na di ko na nalaman dahil di pa ako ipinanganganak noon.

Pinananabikan namin ang kanyang pag-uwi dahil marami siyang pasalubong. Ngunit natatandaan ko rin na may isa akong kapatid na kapag matagal na ang Amang sa bahay, ay gusto na rin niyang bumalik ito sa trabaho dahil sa kaistriktuhan.

Pero, ang nakatutuwa, marami sa aming magkakapatid ang nag-akalang siya ang paborito ng aming ama. Papa's pet, wika nga. Kaso, pare-pareho pala kaming may gayong pakiramdam, na kami ang paborito niya. Kung paano niya ginawa ito, ewan, just give him credit.

Natatandaan ko, ang ilang matatawag na bonding moments namin ng aking Amang. Ito ay ang pagtuturo niya sa akin ng isang kanta na waring sa akin lamang sa aming magkakapatid niya itinuro. Ganito ang lyrics noon:

Isang gabing tahimik, maliwanag ang buwan
Basang-basa pa ng hamog ang mga halaman
Dibdib ko'y may susi, pilit na bubuksan
Dahilan sa ganda mong kapita-pitagan.

Kapag kinanta ko ito ay kuntodo aksiyon pa. Inaakompanyahan niya ako sa gitara. Hanggang ngayon ay alam ko pa ito at balak ko namang ituro sa aking mga apo (dahil hindi ko naituro sa aking mga anak noon).

Tinuruan din niya akong tumugtog ng gitara at ipinagpagawa pa sa Pampanga ng isang gitara na tamang-tama lamang ang laki para sa akin. Matiyaga siyang naggupit at nagkolekta ng mga kanta sa diyaryo na may kasamang chord na gamit sa pagtugtog ng ukulele dahil naregaluhan naman ako nito ng aking kapatid na lalaki. At minsan, sinasabayan niya ako sa pagkanta, second voice siya.

Sa aking pagkakaalam, ako yata ang unang-unang nagkaroon ng fountain pen na parker 51 sa aming magkakaiskwela sa high school (pinaglumaan niya). Ang unang relo ko ay relong panlalaki na pinaglumaan rin niya, ngunit proudly, isinuot ko ito habang nag-aaral sa UE. Tanda ko pa ang tatak nito, Bulova.

Noong araw, kapag nakagalitan ang isang bata, bumibira ng siyam-siyam na iyak. Iyong iyak na tuluy-tuloy, na kalaunan, unti-unting humihina, na kapag napansin ng mga kasambahay na tumigil na, ay muling bibira ng iyak. Hindi ko ito naranasan, kasi, bihira akong makagalitan. At sa isang natatandaan kong pagkakataon na nakagalitan ako ng aking Amang, at umiyak ako, iyong tahimik na iyak (kawawa-epek, kumbaga sa ngayon), after a while, tinawag niya ako at binulungan. Tanda ko pa ang kanyang ibinulong noon sa akin: Punta ka sa aparador n'yo. Sa ilalim ng salansan ng damit mo, may pera akong bigay sa iyo. Ungol naman ako, ayokong maniwala, pero huminto na ako sa pag-iyak. Konti pang taboy at sinunod ko na rin siya. Tiningnan ko ang ilalim ng mga damit at nakakita ako ng dalawang piso! Dalawang piso nang panahong ang baon ko sa eskwela sa elementarya ay singko o diyes sentimos yata! Siempre, tuwang-tuwa ako.

Sa aming magkakalaro, kami ng aking kapatid ang unang nagkaroon ng laruang payong na yari sa papel at disenyong pang-haponesa. Natatandaan ko pa rin ang isang kilong ubas na hiniling ko sa kanya, minsang ako ay nagkasakit at tinanong niya kung anong pasalubong ang gusto ko. At ang bayad niyang singko bawat puting buhok na binubunot ko sa kanyang ulo. Kung paano ang paggamit ng chopsticks. Pagluluto ng french toast mula sa lumang pandesal. Sweet/sour dressing para sa pipino.

Sa aking paglaki ay bihira nga siya sa bahay, ngunit may katotohanan ang sinasabi ngayon ng mga child psychologists na malaki rin ang nagagawa sa upbringing ng mga bata ang quality time na ginugugol ng mga magulang sa piling ng mga anak. Ganoon marahil ang nangyari sa amin ng aking Amang. Ang dami kong natatandaang moments naming dalawa. Lalo na nang tin-edyer ako. Lumaki ako at dumalo sa mga sayawan o piknik o iskursiyon sa baryo na sanay na kasama sila ng aking Inang, pinapanood kami, na hindi kami naaasiwa. Nang nagtapos na akong magkolehiyo at nag-oopisina na, dumako naman kami sa mga exchange of ideas, mga diskusyon, mga debate.

Wala akong maalaalang seryosong pangangaral niya sa akin. Walang mga bawal. Walang mga huwag. And yet, if I may say so myself, kaming magkakapatid ay lumaki namang hindi nagpasakit ng kanilang ulo o nagbigay ng problema sa kanila. Anuman ang mga pagkukulang namin, hindi kami ang mga anak na maipagmamalaking mayaman, marunong, mataas ang pwesto sa opisina, tinanggap nila kami.

Lumaki kaming hindi maiinggitin, manapa'y ikinasisiya namin ang tagumpay ng iba. Ito ang leksiyong ipinamulat niya sa akin nang minsan, kaming magkakabarkada ay nagkukwentuhan tungkol sa isang hindi namin kagrupo at nagkomentaryo siyang naiinggit lamang kayo! At kung susuriin nga ang mga ganitong usapan, may katotohanan ang kanyang sinabi. I envy nobody, and nobody envies me – paborito niyang sabihin ito sa akin. At natutuhan rin namin ito. Respeto sa kapuwa, sa opinyon ng iba, at ang mabuting pakikitungo, lalo na sa mga taong kapos sa buhay.

May mga bagay na hindi rin niya naibigay sa akin. Mga pangakong hindi natupad. Tulad ng pangakong pair of skates na sinabi niyang ibibigay sa akin kapag nanalo ako sa oratorical contest noong elementary. Nanalo naman ako ngunit hindi pa rin niya ibinigay, delikado raw, baka ako mabalian. Bisikleta naman ang pangako niya kapag nanalo sa oratorical contest sa high school. Nanalo rin, pero wala rin, hindi rin naibigay, baka raw ako masagasaan. Ngunit sa kabila ng mga hindi natupad na pangako, wala akong sama ng loob sa kanya. Lalo pa ngayong naging magulang ako at nang hilingin ng aking mga anak na magkaroon ng bisikleta ay tumanggi ako, wala 'ikakong budget. Nang mag-pool sila ng mga savings at sinabing sila ang bibili, tumanggi pa rin ako. Sa kaparehong dahilan ng aking Amang: delikado, baka madisgrasya.

Marami pa akong anekdota tungkol sa aking ama. Hindi lamang bilang ama, kundi bilang tao. Istrikto siya, ngunit masayahin, mapagbiro, may lambing, na pambihira sa kanyang henerasyon. Nailalarawan ko pa siya sa kanyang puting-puti, plantsadong-plantsadong pantalong de hilo, amerkana at kurbata, at sambalilong habing Baliwag. Na sa mga kodakan sa family reunion ay laging nakakiling ang kanyang ulo at nakangiti ang mga labi ng ngiting pinalalabas ang kanyang dimple sa pisngi (na minana ko sa kanya).

Ayyy, masarap pagbalikan ang masasayang araw na iyon... at ngayon, kayo naman ang aking inaanyayahan na magbahagi ng gunita ng inyong mga ama. Again, let's make this interactive, tulad noong Christmas issue ng blog na ito kung saan ikinuwento ninyo ang inyong mga karanasan tuwing Kapaskuhan. Maganda ang feedback noon. At masaya. Nakatutuwang basahin. Kaya, sige na, share na kayo. Hihintayin ko... mahaba pa ang buwan ng Hunyo...



No comments:

Post a Comment