Thursday, May 9, 2013


NASAAN?

Isang araw, wala kang magawa.  Nasa bahay ka lang.  Tinamaan ka ng tamaritis.  Iyon bang natatamad kang kumilos o mag-isip o magligpit-ligpit, alam mo naman, hindi natatapos ang trabaho sa bahay.  Hindi mo type ang palabas sa telebisyon.  Ilang ulit mo nang pinanood ang dvd ng sitcom na "Friends".  Mabagal ang internet, nakakainis mag-surf.  Wala na halos load ang celfone, huwag munang gamitin.  At wala ka nang mabasa, kasi, pinahinto mo na ang subscription ng Time at Reader's Digest.  Tapos na ring basahin ang serye ni Jan Karon at Aunt Dimity at ang "The Help" ni Kathryn Stockett.  Para namang heavy for the day na umpisahan ang libro ni G. K. Chesterton na "The Innocence and Wisdom of Father Brown", maliit ang font.

Ano'ng gagawin mo?

Ako, nang mangyari itong minsan, nagbuklat ako ng mga album ng litrato.  Mga lumang album na nakasalansan sa shelf.  Sangkaterba ito.  Natatandaan ko, ang una kong binili nang ako ay magkatrabaho after college, ay ang bumili ng class ring (kasi, uso noon ang pagbibigayan ng ganitong singsing sa mga magkasintahan).  Ang ikalawa ay ang pagbili ng camera.  Isang Kodak Brownie.  Isang munting pangarap na natupad!  Celebrity sa akin noon si Topico sa Malolos, siya ang photographer ng bayan. 

Sa rolyo ng film napupunta ang ekstra sa sweldo ko tuwing kinsenas.  Kuha dine, kuha doon.  


Aso ni Amang... 


Rosas at cactus...



Bahay ng Oya at Amang Puten...

Sarili ko, paminsan-minsan, hindi kasi ako fotogenic, hehheh.  Kailangan ay lagi sa good side lang ang anggulo.  At gastos pa rin sa pagpapadebelop. 

Nang mag-asawa ako at magkaanak, lumawak ang aking subject matter.  



Mga bata - dalawang taon, tatlo't kalahati, apat at kalahati...



Lahat ng birthday, communion, mga milestones sa buhay nila, faithfully recorded ng brownie hanggang napalitan ito ng mas kumplikadong brand, na may depth of field pa, etcetera, etcetera.  Pero, natutuhan ko rin ito.  Hanggang minana ng aking mga anak at nagkasya na lang ako sa instamatic.  Less problem, lalo at nasa biyahe.  Point and shoot lang.  24.  36.  Lahat nang ito ay pawang gumagamit ng rolyo ng negatibo, na pang-black and white lang, mahal ang colored kasi.  Then came the digital camera.  Baterya lang ang kailangan at madali namang mag-upload sa computer ng mga kinodakan.  Kaya lang, dito naman nagrereklamo ang mga kinuhanan na walang computer.  Hindi nila ito nakikita.

But I digress.  Balik tayo sa pagbubuklat ng album, na aking ginawa noong wala akong magawa...  na sa paisa-isang pagbuklat ng mga pahina nito, sa wari ay panonood ng isang silent film na hindi kumikilos, sa pagmamasid sa mga kilalang mukha ng mga taong nakasalamuha, nakasama, naging bahagi ng aking buhay minsan, isang panahon, may namuong tanong sa aking isipan -
Nasaan na kaya sila? 

Isang film exchange ang kompanyang napasukan ko noon.  Namimili ang kompanya namin ng mga pelikulang Ingles sa abroad at ipinalalabas sa mga first at second run theatres sa Manila at sa mga probinsiya. Marami kaming checkers na siyang tagabantay sa mga takilya kapag percentage ang renta sa aming pelikula. Kung flat rental, hindi na kailangan ang serbisyo nila.   Ngunit iilan lamang kaming empleyado sa opisina,  Apat na dalaga at apat na binata, dalawang lalaking may-asawa at si Mang Ambo.  Nabalitaan ko, sumakabilang-buhay na raw si Mang Ambo.  Siya ang taga-ayos ng mga rolyo ng pelikula.  Siya rin ang bahala kung lagare ang pagpapalabas (dalawang sinehan, iisang kopya ang pelikula). 

Isa sa apat na binata, na ang trabaho noon sa aming opisina ay tipong “all-around go-fer” (at acknowledged naming “matinik” sa girls) ay naging mayor ng isang bayan sa Sorsogon.  Galing, saludo ako sa kanya.  Tawag namin sa kanya ay Emil.  Guwapo siya.  Kulot ang buhok.  Malambing.  Maganda ang boses.  Mabait.  Natatandaan ko, isang pangyayari, bagong kasal ako at may pagkaing nais kainin – murang buko, tinalupang bilog na bilog ang laman na tinusukan ng straw.  Ngunit saan kaya ako makabibili nito sa downtown Carriedo o Avenida Rizal?  Nasa labas ng opisina si Emil, sa isang errand, nang bigla itong bumalik.  Nasita pa siya kung bakit bumalik nang iyabot niya sa akin ang isang supot na kinapapalooban ng murang buko na aking napupusuang kainin.  Na noon din ay literally, “nilantakan” ko, oblivious sa mga kaopisinang nanonood na hindi ko man naalalang alukin.  Iyan si Emil... maalalahanin... pero, nasaan kaya siya ngayon?

Isa pang binata noon, na paboritong manood ng lahat na yatang palabas sa Araneta Coliseum, mahilig sa basketball, singkit, crewcut, kamag-anak yata ng isang military man (Calinawan?) na nagkagusto (ewan lang kung nakaligaw) sa isang kaopisinang dalaga, at paminsan-minsan ay inihahatid ako sa dorm dahil wala raw naman siyang gagawin, hehheh, (pero di ko naman siya laging pinatutuloy sa itaas, kasi, may bisita na akong naghihintay doon), nang huli kong nabalitaan ay nagtungo sa Vietnam.  Masasabi kong isa siya sa mga unang OFW.  For a time ay nagkapalitan pa kami ng mga sulat.  Na natigil rin dahil bisi ako sa buhay pamilya.  Pero, nasaan na kaya siya ngayon?

Kaibigan, naging kumare, ang buhay at pag-ibig ng kasama kong ito sa opisina noon ay tunay na makulay.  Pang-telebisyon.  Pang-teleserye.  Nang maghiwalay kami dahil tumigil na ako sa pag-oopisina matapos isilang ang aking panganay, hindi pa rin siya nakalimot sa akin.  Paminsan-minsan, dumarating siyang bigla sa aming tahanan, nangungumusta.  Binibigyan ako ng update ng mga pangyayari sa kanyang buhay.   At pag-ibig.  Taon ang binibilang sa pagitan ng mga pagbisita niya sa akin. 

May isang pagkakataon na ako ang nakatunton sa kanya dahil sa isang nabasang pangalan sa obituary.  Ang pinakahuli ay nang siya naman ang tumawag,  Nagkita kami sa lumang Greenbelt, kumain sa Max.  Mula noon, wala na akong nabalitaan sa kanya.  Alam ko, nagpunta rin siya sa abroad.  Kung talagang nanirahan na roon sa California na kinaroroonan ng kanyang anak, iyon ang hindi ko tiyak. 

Ilang panahon nang sumasagi sa aking isipan, o kaya at bigla na lamang na makita kong nakatayo siya sa aming gate, kumakatok...  dahil hindi naman ako lumilipat ng tirahan.  Ngunit wala, hindi pa rin siya dumarating.  Ano na kaya ang nangyari sa kanya? C – iyan ang initial ng pangalan niya.  Nasaan na kaya siya?

Isang lumang, lumang bahay sa Legarda noon.  Katapat ng Legarda Bowling Lanes.  Diyan ako nangasera sa unang taon ko ng pag-aaral sa kolehiyo.  Kasama ko ang aking kapatid na lalaki at iba pang mga magkakapatid na taga-Malolos at Guiguinto.  Tatlo silang magkakapatid na anak ng aming kasera.  Dalawang lalaki, isang babai.  Matatalino.  Mga relihiyosong tao, istudyante ng mga exclusive schools.  Mga die-hard fans ng kanilang kolehiyo.   Hanggang ngayon, kabisado ko pa ang mga battle songs sa baskeball ng mga eskwelahan na miyembro ng NCAA.   Dahil sa kanila.   The red and the white, colors true, it is you we defend, fearless for you, our might in the fight we will end...  Pleasant silang makisama sa amin, ngunit hanggang doon lamang.  Wari, may distansiya.  Nakatungo sila kung maglakad kapag nadadaanan kami.  Snob?  Ewan, hindi naman namin feel na ganoon.  Mas tipong mahiyain pa nga.  Kung bakit naman, ewan rin namin.  At hindi kami nagkaroon ng pagkakataong malaman.

Ang bunso nila ay naging abogado.  Ngunit ang natatandaan ko sa kanya ay  ang pagtugtog niya ng isang wind instrument na kadalasan ay pumupunit sa katahimihan ng isang natatamad na dapit-hapon.  Ruby, ang theme song ng pelikulang Ruby Gentry ang tinutugtog niya.  Hindi naman siya kagalingang tumugtog ngunit maganda ang piyesa.  Haunting.  At naiwan sa akin ang alaala ng isang tahimik na kapaligiran sa loob ng isang luma at antigong kabahayan, mataas na kisame, isang kuwarto na may nakahilerang apat na tiheras, isang maliit na mesa, ilang silya, isang nakalawit na kuryente na kinakabitan ng isang incandescent na bombilya, isang bintanang kinukulong ng rehas at nakaharap,  higit lang na isang metro ang layo sa pader ng katabing lumang gusali.

Isang schoolyear lang ako sa kasera at lumipat na sa dormitoryo.  Mula noon ay hindi ko na sila nakita.  Si Lola.  Si Tiyang.  Silang magkakapatid.  May ilang balita, ganoon lang, ngunit wala nang komunikasyon.  Kung nasaan sila ngayon, iyon ang aking katanungan.

Dormitoryo.  Pag-aaral at paghahanap-buhay, dito ako nakatira.  Isang melting pot kung saan nagkasama-sama sa loob ng isang bubong ang iba't ibang nilalang, na isinulat ko sa aking talaarawan na “right out of my geography book”.
Halos limampu kami sa limang kuwarto.  Marami akong pwedeng hanapin at itanong kung nasaan sila, ngunit ang tutuunan ko ng pansin ay ang silid na naging tahanan ko nang matagal.

Sapagkat matagal akong nanirahan dito, may panahong ako ang pinakabata at dumating rin ang panahong, isa ako sa mga nakatatanda, yaong napapanahon nang lumagay sa tahimik,  Noon naman nagsimula sa pag-aaral ang grupo ng mga batang nag-gravitate agad sa akin.  Lahat sila ay naging malapit sa akin, dahil masaya raw ako at nakakausap, hindi masungit.  Huwag lang nainis sa boss sa opisina at “huwag kang hahara-hara sa daan at mainit ang ulo ni Eve”.  Minahal ko silang lahat, siguro lang, some more than the others, dahil lamang mayroong mga taong natural na lovable at malambing.

Sa ngayon, matapos ang ilanpung taong paghihiwalay at pagkakaroon ng kani-kaniyang buhay, halos natunton ko na silang lahat.  Karamihan ay nasa abroad.  Nakita ko na sila doon.  Pag umuuwi sila ay nagkikita kami rito.  Mayroong may pamilya na, mayroong “blessedly single” pa.  At no regrets.  Ang daming litraro ng bawat reyunyon namin.  Nakakausap ko sila sa telepono, sa email, sa text.  Alalaon baga'y may koneksiyon.

Maliban sa isa.

Maganda siyang dalaginding noon.  Mahiyain.  Mahinhin.  Tipikal na galing-probinsiya.  Mahaba ang kanyang buhok na laging naka-ponytail.  Mapungay ang kanyang mga mata, malantik ang mga pilik, malago ang kilay.  At kay habang manamit.  Nasa kalagitnaan ng binti ang laylayan ng damit.  Sabagay, di pa yata uso ang mini noon. 

Nagkita pa kaming minsan nang may nagbalik-bayan na kasama naming bumisita sa dating tagapamahala ng aming dormitoryo na nakatira noon sa Wack-Wack.   Iyon ang huli.  Ngayon ay wala nang kabali-balita. 

Sa iyo... marami nang nangyari.   Alam mo ba, wala na si Chita.  Miss ka na namin.  Nasaan ka na ba ngayon? 
 

Marami pa akong pwedeng hanapin, tulad ni Liwliwa, isang Ilokana, Cynthia, isa sa mga unang kaibigan ng aking kamusmusan at kaiskwela sa elementarya, Hilda Q., kabarkada sa UE...  ngunit ako'y titigil muna.  

Dahil... 

...nalulungkot ako.

No comments:

Post a Comment