Wednesday, May 15, 2013


LOVE BUS

MAHABA na ang pila ng mga sasakay sa Love Bus na biyaheng Ayala - Makati Medical Center nang bumaba si Helen sa dyip na galing Marikina.  Dismayado siya.  Gusto kasi niyang sa tabi ng bintana maupo para maidlip nang hindi maaabala kung bababa ang kanyang katabi. Karaniwang gawain iyon ng mga nag-oopisina sa Makati na sumasakay ng Love Bus sa may Ali Mall, ang umidlip habang nagbibiyahe.

Puyat siya nang sinundang mga gabi.  Hindi siya pinatulog ng huling pag-usap nilang mag-asawa sa telepono.  Parang nakadikit sa kanyang tainga ang tinig ni Roland.

“'Len... parang gusto ko nang umuwi...”

“Gusto mo na?” ulit niya, sa nadamang pagkabigla ay wala siyang naisip sabihin

“Oo. tatapusin ko na lang ang kontrata ko ngayon.  Malapit nang mag-expire.”

Gusto niyang mag-panic sa narinig. Naalala agad niya, apat ang pinapag-aaral nilang anak.  Elementarya nga lamang, pero ang mahal ng matrikula, ang laki ng gastos sa araw-araw.  Sa ipinadadalang pera ni Roland mula sa Saudi, maluwag na maluwag sila.  Kapag umuwi ito...

“Ano ba'ng sabi ng boss mong Arabo?”

“Hindi pa naman niya alam ang balak ko, ang gusto ko.  Nang huli nga kaming mag-usap, sinabi sa akin na I'll have my exit and re-entry visa at ang contract ko ay automatically renewed.  Biniro ko pa nga.  Sabi ko, anything from the
Philippines you want me to bring back for you.”

“Ano'ng sabi?”

“Only two things,”  ang sagot sa akin.  “One, I come back daw, and two, I come back on time.  Nagtawanan nga kami.  Mabait sila sa kompanya, pero talagang gusto ko nang umuwi.”

“Pagdating mo dito...”  hindi niya itinuloy ang sasabihin.

“May naipon naman ako.  Pangnegosyo.  O maghahanap ng ibang trabaho.  Saka, di ba sabi ng boss ko diyan noon, anytime na bumalik ako, tatanggapin ako.”

Kapag umuwi si Roland, mapasok man sa inalisang kompanya na nagsabing tatanggapin itong muli ay kailangan pa rin nilang magtipid para matustusan ang kasalukuyang gastos nila.  “Gusto mo bang bumalik du'n?”  tanong niya, alam na mataas ang pride ni Roland.

“Not necessarily.  Fallback position lang iyon.  O, ano...”

“Anong ano?”

Waring hindi inaasahan ni Roland ang kanyang sagot.  Matagal na hindi ito umimik.  Akala niya, naputol ang linya.  “Roland?”

Iba ang tinig ni Roland nang sumagot.  “O, sige...”

May tampo si Roland, agad niyang nadama.  “Susulat ako sa 'yo,” nagmamadali, nag-aalala ang kanyang tinig.

“Sige,”  muling sabi ni Roland at klik, ibinaba nito ang telepono.  At gabi-gabi ay binagabag siya ng alalahaning baka kung ano na ang inisip ng asawa.

Sa dakong hulihan na ng bus nakakuha ng upuan si Helen.  At hindi sa tabi ng bintana, may nauna na rito.  Isang  lalaki na ang asta ay handa nang umidlip.  Nakapatong ang dalawang bisig sa kandong na diyaket, ang nakasandal na ulo ay nakakiling paharap sa gawing bintana at nakapikit na ang mga mata.

Maingat na naupo si Helen, sa leeg isinukbit ang mahabang strap ng dalang shoulder bag, niyakap ang bag, at pumikit na rin.  Hindi pa lumalalabas ng EDSA ang bus, nakalimot na siya.  At nagulat nang gisingin ng katabi.

“Miss... miss... excuse sandali.  Makikiraan lang.”

Napatingin si Helen sa lalaking nagsalita.  Napalinga sa paligid. Ilan na lamang ang taong  sakay ng bus.  “Bakit?  Nasa'n na ba tayo?”

“Lampas ng Herrera.”

Napadukwang si Helen sa buton ng when get off.  “Paseo lang ako,” sabi niya sabay tayo.

Tumayo na rin ang lalaki at magkasunod silang bumaba, sabay na naglakad ng Ayala Avenue pabalik ng gawing EDSA.  Nasa kanto sila ng Herrera nang magsalita ang lalaki.  “Nakikita kitang lagi sa Love Bus.  Taga-Cubao ka ba?”

Umiling si Helen.  “Marikina ako.”

“Marikina.  Marami akong kamag-anak du'n,  sa San Roque, mga Samson.  May mga pinsan ako, sina Eddie, may pwesto sa palengke sa bayan, magkakarne sila.  Baka suki mo pa sila.”

Umiling si Helen.  “Hindi kami taal na tagaroon.  Doon lang nakakuha ng house and lot kaming mag-asawa, sa SSS Village.  Saka medyo malayo kami sa bayan, sa Concepcion ako namamalengke.”

“A...” napatango ang lalaki.  “E, ba't hindi mo kasama si mister.  Sabagay,” mabilis na dugtong, “hindi ko rin kasama si misis,”  at nagtawa ito.

Napangiti si Helen, lubos na naunawaan ang buong kahulugan ng mga sinabi ng lalaki.  Na nakikipag-usap lamang ito, small talk, sa isang kasakay sa Love Bus, na kaparehong lumampas ng bababaan.  Na walang ibang ibig sabihin ang pakikipag-usap.

“Wala siya rito. Nasa Saudi.”

“Saan sa Saudi?  Galing din ako du'n.”

Nagkainteres si Helen.  “Sa Riyadh siya.”

“Du'n din ako nu'n,”  nilinga ng lalaki si Helen habang naglalakad.  “Siyanga pala, ako si Lito.  Lito Santos.  Diyan ako sa DBP pumapasok.”

“Ako si Helen.  Reyes.  Sa BPI ako.  Kung  DBP ka, di ba dapat, sa Buendia ka bababa, saka kukuha ng dyip.”

“Oo,  kaso lumampas nga.  Lalakarin ko na lang, sa Makati Avenue, total, maaga pa, saka maganda ang panahon.  Yun nga palang husband mo, saan connected?”

“Dati sa El Seif Development.  Pero iba na ngayon.”

“Matagal na ba siya du'n?”

“Matagal na rin.”


“Wala pa ba siyang balak umuwi?  Nang permanente?”

“Pinag-uusapan.  E, ikaw, ilang taon ka ba doon?  Bakit ka umuwi?”  Sinulyapan ni Helen ang lalaki.

“Mahigit din limang taong ang itinagal ko dun.  At medyo mahabang istorya kaya ako umuwi.”

Napatawa si Helen.  “E saka mo na lang ikwento sa akin. Narito na ko sa amin,” isang tango sa kausap at tumawid na si Helen ng Ayala Avenue sa kanto ng Paseo de Roxas.

Sa maghapong pagtatrabaho sa opisina, hindi miminsang sumingit sa isipan ni Helen si Lito.  Nadama niyang gusto niyang muli itong makita, makausap, mausisa tungkol sa pagtatrabaho sa Riyadh, sa buhay-buhay doon ng mga Pilipino.  Hindi palakwento ang kanyang asawa.  Maigsi ang mga sulat nito. Nangungumusta lang at nagsasabing mag-ingat sila, huwag mag-alala at ito nama'y okey, walang sakit.  At lagi, ang pahabol na sulat ka agad

 

KINABUKASAN, sa istasyon ng Love Bus sa may Ali Mall, sa dating upuan sa dakong hulihan, dinatnan ni Helen si Lito.

“Naka-save na itong upuan mo,” nakangiting bati ni Lito.

“Thank you.”  Sa loob siya pinaupo ni Lito.

“Matutulog ba tayo ulit.”  biro ni Lito.  “Baka lumampas na naman tayo.”

Nagtawa si Helen.  “Hindi.  Pakukuwento ako sa'yo tungkol sa Riyadh, sa trabaho n'yo doon, sa buhay ninyo.”

Si Lito naman ang nagtawa.  “Magbabaka-sakali kang makarinig ng mga bagay na hindi naikukuwento ng asawa mo.  Baka naman pagsimulan pa 'ko ng kagalitan ninyo.  Mahirap na.”

“Naku hindi. Mabait ang asawa ko.”

Umayos ng upo si Lito at nagsimulang magkwento ng buhay nito.  Bago nagpunta sa Saudi.  Habang nasa Saudi.  At bakit bumalik na muli sa Pilipinas.

“Mid-eighties noon.  Kabi-kabila ang retrenchment sa mga opisina.  Nag-usap kaming mag-asawa, kailangang umisip kami ng ibang pagkakakitaan.  At naisip ko ang Saudi, kahit marami nga ang lokohan dito.  Alam mo na, iba ang kontratang pinirmahan sa trabahong daratnan.”

“Paano nga ba nangyayari iyon?”

Si Lito.  “Halimbawa, ang kontrata ay para sa plumber, pero daragdagan nila ng and other job.  Ayun na, pagdating doon, hindi tubo ang hahawakan mo, kundi piko.  Kuwento nga ng isang umuwi na sa Pilipinas, hindi naman sila makareklamo.  Kaya kahit sila tubero, nagtiiis na lang sila sa pagtibag ng bato.  Sa pagtira sa barracks, hindi makatulog sa ginaw.  Walang ibang tao sa kanilang kinalalagyan.  Para silang itinapon.  Isa pa'y iba ang suweldong ibinigay sa suweldong ipinangako.  Noon iyon, ha, kuwento nila noon.  Ngayon, ewan kung nabago na.” 

Napahinga nang malalim si Helen.

“Ako naman, sa awa ng Diyos, okey ang trabaho kong nakuha.  Walang lagay-lagay.  Kaya lang, iyong unang dalawang linggo ko, hindi ko makakalimutan...”
humina ang tinig ni Lito.

Unang dalawang linggo.  Pinagbalikan sa isip ni Helen ang unang sulat ng kanyang asawa mula Saudi.  Napakalungkot, ito ang tandang-tanda niya.  Pero talagang ganito ang buhay, kaunting tiis.

Mabait si Roland.  Sa sulat nito, siya pa ang inaalala at inaaliw.  Ang sariling damdamin at pangngulila ay hindi gaanong pinag-ukulan ng pansin sa hangaring mapanatag ang kanyang kalooban.  Sa puntong ito'y nagtagumpay ang kanyang asawa. 

Patuloy sa pagkukuwento si Lito. 

“Pagdating ko sa airport, nanghaba ang leeg ko sa paghanap nu'ng plakard na kinasusulatan ng pangalan ko.  Matagal bago ko nakita at talagang kinabahan ako.  Baka ikako hindi natanggap ang telex na ipinadala ng recruiting agency.  Baka mali ang oras ng departure o ang flight number.  Laking pasasalamat ko sa Diyos na okey naman pala.”

Bahagyang napangiti si Lito.  “Ang haba ng unang sulat ko sa misis ko.  Ikinuwento kong lahat, detalyado.  Ang pagpirma sa bagong kontrata na nasusulat sa English at Arabic, naroon ang halaga ng suweldo sa riyal, hindi na sa dolyar.  Ang pagsurender sa passport sa aming employer na pinalitan ng tinatawag na Iqama.

 
Napatango si Helen.   Naikwento rin ni Roland ang tungkol sa iqama, iyong libretang kinasusulatan ng pangalan niya, propesyon, kapanganakan, passport number at bansang pinanggalingan, ang lokasyon ng kompanyang pinapasukan at ng iqama number.  Napakaimportante raw nito.

“Napakalungkot ng mga unang buwan,”  patuloy ni Lito.  “Matatawag na ngang langit ang pagdating ng mga sulat buhat sa Pilipinas.  Dyahe pero napapaiyak ako sa aking pag-iisa.  Mahirap ang malayo sa sariling pamilya.  At sa sariling bansa.  Korni, pero totoo iyong kasabihang wala nang sasarap pa kundi ang tumira sa sariling bayan.”

Saglit na tumigil si Lito, bahagyang tumikhim.  “Sa totoo lang, tuwing makakakita ako ng eroplano at ng ibon na tila ba maya, higit lang maputla ang kulay, e, talagang gusto ko nang umuwi.”

Napabuntung-hininga nang malalim si Helen.

“Buti na lang at marami kaming Pilipino na nakatira sa may Hara District.”

“Blumetritt?”

Napatawa si Lito.  “Alam mo pala.  Blumentritt nga ang tawag namin sa Hara District.  Pag Huwebes ng gabi, di nga ba iyon ang parang pinaka-weekend, kasi Biyernes ang pinaka-Linggo sa Saudi, nagkakainuman kami.  Alam mo naman ang mga Pinoy.  Kaya nga lang , non-alcoholic ang beer.  Tulad ng mousi, nakakabunsol lamang, wa epek, walang binatbat sa San Miguel.  Sabagay, walang point of comparison.  Pero ang importante ay may nakakausp kang Pinoy.  Kahit nga ba kung minsan, e, nakaka-depress ang mga kwentuhan.”

“Bakit, masyadong malungkot?” 

Umiling si Lito, napangiti.  “Hindi malungkot.  Biruan nga.  Kaya lang,  maaanghang na mga biruan.  Na baka kami, e, miyembro na ng kung anong unyon doon, hindi pa namin alam.  Alam mo na, na baka may sunong na kaming kung ano sa ulo.  Biruan lang.  Pero kadalasan nga, ang mga usapan ay tungkol sa lungkot, init, lamig, pagtitiis, pag-aalala sa mga iniwan na baka kung ano na ang mga nangyayari... “  muli, humina ang tinig ni lito.

“Pero naka-adjust din kayo kalaunan, di ba.  Enjoy na rin.”

Tumango si Lito.  “Kailangang mag-adjust.  Forced to good ka, wika nga.  Saka marami namang napapasyalan du'n.  Sa Batha na karaniwang pasyalan ng mga Pinoy.  Sa harap ng Batha Hotel ang tagpuan ng mga gustong magkita.  Para bumili ng damit at sapatos o electronic goods.  O para kumain sa Bahay Kubo Restaurant.  O sa Quiapo o Pinoy, pangalan ng mga kainan doon.  O para makabasa ng diyaryong galing sa Pilipinas.  Liwayway.  Mod.”

“Nagpaparti rin ba kayo doon?”

Lumaki ang mga mata ni Lito, nilingap si Helen.  “Oops, ang kuwento ko'y nung naro'n ako, ha.  Baka mamaya, awayin mong asawa mo.”

Ang tawa ni Helen.  “Hindi.  Sabi ko naman nga sa yo, mabait iyon.”

“Buweno, nagpaparti rin kami doon.  Kaya nga lang, kung lalaki ang may parti, panay lalaki ang imbitado.  Kung babae, panay babae.  Mixed crowd kapag married o couple ang may parti.  Ang usual entertainment namin ay manood ng beta movie, mamasyal nga sa mga shopping center para magwindow-shopping at girl-watching.  Uupo kami sa mga bench, magkukukot ng popcorn, saka kakain ng swarma.”

“Swarma?  Iyon bang sandwich na may palamang manok o beef?”

Tumango si Lito.  “Ang mga shopping center ay karaniwang bukas mula alas kuwatro ng hapon hanggang alas onse ng gabi, liban kung Ramadan, na mula alas siyete ng gabi hanggang alas dos ng madaling-araw.  Saka, pag oras ng dasal nila, na depende sa paglubog ng araw, karaniwa'y alas sais, isinasara ang mga tindahan.”

Itinuon ni Helen ang paningin sa labas ng bintana ng Love Bus.  Alam naman pala niya ang halos lahat nang narinig kay Lito.  Hindi naisulat ni Roland sa kanya pero napagkuwentuhan naman nila sa mga pag-uwi at pagbabakasyon nito.  “Kung Pasko't Bagong Taon, ano'ng ginagawa n'yo?”

Napailing si Lito.  “May pasok sa trabaho.  Hindi masayang pareho sa atin.  May parti rin, kanya-kanyang dala ng pagkain, may exchange gift.  Pero siyempre mababaw lang yun.  Sa likod ng isipan namin, ang mga narito sa Pilipinas ang naaalala namin.  Kaya napakaimportante sa amin ang tumatanggap ng sulat.  Ako, ulit-ulit kong binabasa ang sulat ng pamilya ko.  Ang sulat kasi ang tanging nag-uugnay sa amin dito.  Kaya iyong tamad sumulat ang pamilya, napapalitan ng penpal..." nakangiting nilingap ni Lito si Helen.

“Madalas akong sumulat sa asawa ko,”  sambot ni Helen sabay sa pagkaalala sa pangakong sulat sa asawa.  “Pero, bakit ka umuwi?”

Hindi kaagad sumagot si Lito.  Waring inisip na mabuti ang sasabihin.  “Nang huling uwi ko'y may napansin ako sa aking pamilya.”

Inisip ni Helen kung ano ang senaryo sa kanilang bahay nang huling uwi ni Roland.

Si Lito.  “Maliliit pang mga anak ko, toddler ang bunso nang umalis ko.  Pagbabakasyon ko'y medyo malaki na.  At istranghero ako sa tingin nila.  Ayaw sumama sa akin ang bunso.  Natatakot lumapit.  Kalauna'y naging close na rin pero papaalis na ako.  Nang huling uwi ko, ang malalaki nang umalis ako ay mga tinedyer na, higit nang malalaki at waring may sarili nang buhay.  Na hindi ako kasali.  At naisip ko, its not worth it.  Ang malaking kinikitang pera, kapalit ay watak-watak na pamilya.”

“Pero kahit naman magkakasama ang pamilya, kung may communication gap, hindi nag-uusap ang mga magulang at anak, para ring watak-watak,”  sabi ni Helen.

“Totoo iyon,”  ayon ni Lito.  “Ibig ko lang sabihin, ang mga tao sa Saudi ay naroon sa kani-kanilang dahilan, mostly economic.  Pero kung dumating ka na sa puntong medyo nakaipon na, pwedeng may panimula nang pang-negosyo o baka may mababalikang trabaho dito sa Pilipinas, and I am only speaking for myself, masasabi kong hindi worth it na hiwa-hiwalay ang pamilya.  Ang totoo naman, e, walang may gustong watak-watak ang pamilya kundi nga lang kailangan.”

How true, naisip ni Helen at binalingan si Lito.  “So, ang mga anak mo ang dahilan, kaya ka nagdesisyong umuwi....”

Bahagyang napangiti si Lito.  Waring nag-isip-isip kung itutuloy ang sasabihin.  Pagkuwa'y nagkibit ng balikat.  “I'm not exactly honest with you.  Ang totoo'y may isa pang dahilan.”

Hinintay ni Helen ang sasabihin ni Lito.  Tumikhim ito. “Nagkaroon ako ng penpal.  Ang pangalan ko'y ibinigay ng isang kaibigan sa kanyang kaibigan na kanyang kasulatan na ibinigay naman sa isang naghahanp ng penpal sa Saudi. Biruan lang umpisa.  Kalaunan, nakakawilihan na, hinahanap-hanap na, hinihintay-hintay.  Pinadalhan ako ng litrato,  maganda, seksi, saka kung anu- ano pa.  Malayo ang Saudi sa Pilipinas at ang distansiya nito ay waring nakakabawas sa guilt feelings namin sa pakikipagsulatan sa ibang tao.”

Nilinga ni Lito si Helen.  “Isipin mong ganito ang damdamin ko samantalang regular at madalas ang sulat sa akin ng misis ko.  Paano mo masisisi ang mga kasamahan ko na bihira o ni hindi nakatatanggap ng balita mula sa kanilang pamilya?”

Inisip ni Helen kung kailan ang huling sulat niya kay Roland.  Nagpatuloy si Lito.  “Ayokong ibigay na katuwiran ang likas na kahinaan ng tao kung bakit nangyayari ang mga nangyayari sa mga asawang iniwan sa Pilipinas at sa mga asawang nagtatrabaho sa abroad,  pero nangyayari.  Naisip ko lang noon, kapag naramdaman kong nangyayari na sa akin iyon, uuwi na ako habang hawak ko pa  ang aking sarili.”

“Ano ang nangyari?”  sabi ni Helen.

Napailing si Lito.  “Ang sumunod na sulat sa akin ng penpal ko ay may tatak na Al-Khobar.  Natanggap raw siya sa isang kompanya doon.”

Natutop ni Helen ang kanyang dibdib.  “Ano'ng ginawa mo?”
 
Napahinga nang malalim si Lito.  “Suwerte lang.  Matatapos nang kontrata ko.  Tinawagan kong misis ko.  Sabi ko'y gusto ko nang umuwi.”

Kagyat na naalala ni Helen si Roland.  “Ano'ng sabi niya?”

“Tuwang-tuwa siya.”

“Marami siguro kayong savings...“ nag-aalanganin pang tanong ni Helen ngunit iyon lamang ang dahilang naisip niya kung bakit parang hindi nanghinayang ang asawa ni Lito sa pag-uwi nito.

“Hindi naman,”  sabi ni Lito.  “Kailangan pa ring kumayod kaming pareho.”

“Ikinuwento mo ba sa kanya kung bakit ka nagdesisyong umuwi?”

Ngumiti si Lito.  “Kalaunan, naitanong ko sa kanya kung bakit hindi man siya nagpasubali sa desisyon kong umuwi.  Marami kasi kaming alam na kaso na gusto nang umuwi ng lalaki e, ayaw pang pumayag ang asawa dito sa Pilipinas.  Ang dahilan, economic.  Marami pang hinuhulugang lote at appliance, mga anak na pinapag-aaral.  Gano'n din ang kalagayan naming mag-asawa to a certain point.  Bakit nga ikako agad siyang pumayag.”

Parang napigil ang hininga ni Helen.  Pakiramdam niya'y may matututuhan siya sa naging sagot ng asawa ni Lito noon, sa situwasyon nila ni Roland ngayon.

Nilingap siya ni Lito.  Nagtama ang kanilang mga paningin.  “Sabi niya... “ binawi, muling itinuon ni Lito ang mga mata sa harap ng bus, “sabi niya, nang tumawag ako't nagsabing gusto ko nang umuwi, may nadama siya sa aking tinig.  A call for help.  Nangangailangan ako ng tulong.  Kung anuman ang dahilan, hindi niya alam, hindi rin inalam.  Ang punto'y nangangailangan ako, tinawagan ko siya, at pinakinggan niya ako.”

Napasandal sa upuan si Helen.  Napapikit nang mariin.  At sa sarili ay inulit.  Ang punto'y nangangailangan ako, tinawagan ko siya, at pinakinggan ako.

Mamayang gabi, naisip niya, a, hindi, pagdating palang sa opisina, kung hindi pa time, gagawa na siya ng sulat para kay Roland.  Sasabihin niya, umuwi na ito, walang problema, may naipon naman sila, saka nagtatrabaho naman siya.

Biglang tumigil ang bus, iminulat ni Helen ang kanyang mga mata.  Nakatayo na si Lito, nakangiti.  “Dito na 'ko, bababa na ko...”

Nakangiting tumango rin si Helen.  “Thank you, Lito...”  ang tanging nasabi niya.  At tutoong-totoo sa loob ang sinabi niyang pasasalamat.


Nobyembre 21 at 28, 1994, Liwayway






No comments:

Post a Comment