Monday, August 6, 2012

Paboritong Dayalog O Linya ng Isang Awit


Paboritong Dayalog 
O Linya ng Isang Awit

Minsan, sa panonood natin ng sine o telebisyon, o sa pagbabasa ng isang libro, isang kwento, isang nobela, o sa pakikipag-usap o pakikinig sa isang usapan, may ilang pangungusap, o salita, na tumitimo at naiiwan sa ating alaala.  Kadalasan ay nalilimutan na natin ang mga bagay na nakapaikot sa mga senaryong ito, ngunit umuulinignig pa rin sa ating mga tainga (kahit ito'y nabasa lamang natin) ang mga nasabing dayalog.  

O minsan naman, isang linya ng isang awit, na marahil ay kumakatawan na sa isang yugto o karanasan sa ating buhay.  Tuloy, dumadaloy na ang mga gunita.  O kung minsan pa rin, 'la lang, basta naaalaala o natatandaan natin iyong salita.

Hindi naman pare-pareho ang dating sa atin ng mga narinig o nabasa.  May natawa tayo, may nakapagdulot ng leksiyon sa buhay natin, may nakapagpaisip nang mataman, gumulo sa konsensiya, nagpahupa ng ating damdamin, nagpagunita ng ating nakaraan. 

Narito ang ilang dayalog mula sa mga pelikulang Ingles na masasabi nang “classic”.

Mula sa pelikulang “Casablanca” kung saan kausap ni Humphrey Bogart si Ingrid Bergman.  “Here's looking at you, kid...”  May kasama ako dine sa amin na kapag pinapanood namin ito sa telebisyon o sa paglipat ng channel ay natapatan ang eksenang ito, lagi niyang sinasabayan si Humphrey Bogart, here's looking at you, kid.

Sa pelikulang “Gone with the Wind” kung saan sinabihan ni Clark Gable o Rhett Butler si Scarlett O'hara ng “Frankly my dear, I don't give a damn!”  Ginagamit ng marami kapag gusto nilang sabihin na wala silang pakialam.

Sa “The King and I” nang tinula ni Yul Brynner kay Deborah Kerr ang “Song of the King” kung saan niya sinabing ang mga babae ay tulad sa bulaklak at ang mga lalake ay mga bubuyog, at idineklara niyang “honeybees must be free to fly from blossom to blossom”, however, “blossoms must not ever fly from bee to bee to bee”.  Paborito ito ng mga lalake.

Sa “Two For the Road” sa naobserbahang babae at lalakeng kumakain sa isang  restoran:  “What sort of people sit with each other at a restaurant without even thinking to talk to one another?”  Ang sagot?  “Married people.”  Totoo ba ito sa tunay na buhay?  O totoo nga ba ito?

Sa mga pelikula natin, marami rin at narito ang ilan kong paborito:

Sa “Gaano Kadalas ang Minsan” na tinampukan ni Hilda Koronel:  “Once, twice, thrice, gaano ba kadalas ang minsan?”

Sa pelikula ni Da King, Ronnie Poe:  “Isang Bala ka Lang!”  Kapag inis na inis ka sa isang tao, under your breath, sinasabi mo ito, as if naman...

Rudy Fernandez:  “Trabaho lang ito, walang personalan.”  Pag may gagawin kang may masasagasaan...

Si Dolphy:  “Madali ang kumandidato.  Ano ang gagawin ko pag nanalo.”  Ito ang dapat isaisip ng mga artistang gustong kumandidato.

Si  Erap ba ang nagsabing “weather-weather lang 'yan”?  E. 'yung “she's just a plain housewife...”  At 'yung “what are we in power for?”

At marami pang nakatutuwang dayalog na paboritong sambitin kapag nakasilip ng tamang oportunidad o situwasyon.  Tulad ng “You're nothing but a second rate, trying hard copycat!” ni Cherie Gil.

Ang isang hindi ko malimutan ay sa self-introduction ng mga kandidata sa isang beauty contest dito.  Sasabihin siguro ng isang kandidata:  “It is with great pleasure...”  pero ang nasabi niya ay “It is with glate pressure...”  Ewan ko lang, pero talagang ma-jingle-jingle ako sa pagtawa noon.

Buhat naman sa nakabasa ng aking kwento at  nobelang nalathala sa Liwayway, may natatandaan din sila na kapag nakausap ko'y agad na sinasabi sa akin.  Minsan, iyong pamagat lamang ng kwento, hindi na nila malimutan.  

Tulad ni Mary na sa pambihirang pagkakataon na nagkita kami, agad nitong binabanggit.  Pinakamamahal kita... kaya.  Sunod ay sasabihin niya, I would be true for there are those who trust me, I would be pure for there are those who care...

Mula naman kay Gaying T. R. Na “fan” ko raw siya:  Minahal kita ng isang pagmamahal na  hindi naghihintay ng katugon.  Isang pagmamahal na nakahanda akong ilihim sa habang panahon.  (Kay Gaying, tinutupad ko na ang mithi mong isaaklat ang nobelang “Mahirap Ba Akong Mahalin”.)

Ang paborito naman ng isang tagasubaybay ko sa Liwayway na kaibigan ng isang kaiskwelang nagtatrabaho sa GSIS noon at pinagmulan rin ng ideya ng isang kwentong ginawa ko (“Kandila sa Harap ng Bahay” na siya mismo ang humiling na isulat ko) ay ito:  Mil nueve cientos cincuenta.  Si Dalisay ay bunga at bihag ng nasabing panahon.  Bunga at bihag, gustung-gusto niya ito.  Siguro, dahil marami sa atin ay tunay namang bunga at bihag ng ating nakaraan, ng panahong ating kinalakhan.  Mga childhood inputs ng ating mga magulang, guro, simbahan, na tumimo at naging bahagi ng ating katauhan.  Na nagsusulong sa atin upang magtagumpay.  O sa isang dako ay pumipigil naman at nagiging hadlang.

Buhat sa aking sariling karanasan, mula sa sariling pamilya, narito ang kanilang sagot sa aking mga salitang nagbabadya ng aking nadarama ng mga sandaling sinabi ko ito: 

Kami, nang may pinupunang gawi ng ilang kakilala: Sabi ng aking ama: Naiinggit lamang kayo.  Natutuhan ko rito, na sa mga situwasyon ay ang tingnan o unawain ang kabilang panig.

Ako, nang sabihin kong mabuti pa ang matulog kaysa maglimayong kasama ang barkada: Ang aking kapatid: Kaya mo lang nasabi iyan, hindi mo pa nararanasan ang makipagbarkada.  Naging leksiyon ko rito ay huwag magsalita nang tapos.

Ako, nang sabihin kong madali akong magsawa sa iisang uri ng pagkain, paano na kung tao, paano ko malalaman na ito na nga: Isa ko pang kapatid:  Malalaman mo!  At nalaman ko ngang tunay.

Sa mga awit naman, ang “Impatient Years” ni Frank Sinatra ay naging paborito ko noon.  Siguro, dahil talagang dumadaan ako sa nasabing panahon, the growing-up years.  Kapag kinakanta ko nga ito ay pinapalitan ko pa ang “we” ng “I”.  Alam ninyo ba ito?

I'm going through the impatient years
The years when the day seems twice as long
Restless and sighing and laughing and crying
And dreaming a dream people say is wrong
But I'll journey through the impatient years...

Isa pang awit, “You Keep Coming Back like a Song”.  Buong-buong ibinabalik nito ang panahon ng isang barkadahan.  

Ang inaawit na “Dios Te Salve, Maria...” ay ang panahon ng kabataan at santakrusan.  

Ang theme song sa “The Apartment” ni Shirley Maclaine at Jack Lemmon ay panahon ng pag-oopisina sa isang gusali sa may Carriedo, paggising nang maaga pero nahuhuli pa rin, pagkain ng rasyong naka-pyambrera o pagpapabili sa isang kaopisina (na naging mayor kalaunan sa kanilang bayan sa Bicol) ng pansit sa Panciteria National o Wa Nam.  

O, Bernadine” ni Pat Boone sa panahon ng pagre-review sa UE, kung saan buhay pa naman wari ngayon ang pagkakaibigan ng barkada, kahit naging milyunaryo na many times over ang isa.  

Moon River” sa isang panahong katatapos lamang ng isang bagyong nanalasa sa bansa at baha sa Malolos nang kami ay umuwi. 

At … “Two for the Road”.

Kayo ba, ano ang mga dayalog o awit na nag-iwan ng tatak sa buhay at katauhan ninyo?   Share naman kayo, email me lamang  -

eve.manunulat@gmail.com


Sa pagtingin ko sa stats ng blog na ito, lagi kong nababasa na bukod sa Pilipinas at United States, may bumibisitang taga iba pang bansa, tulad ng Ukraine (marami bang Pilipino doon?), China, Germany at France, bukod sa mga taga-Singapore, UAE, at Russia.  Sana'y makatangap ako ng input mula sa kanila at makilala sila.  Ikatutuwa ko itong tunay.

No comments:

Post a Comment