Friday, July 27, 2012

MAHIRAP BA AKONG MAHALIN, Unang Kabanata


Tulad ng aking pangako, inilalathala ko ngayon dito sa blog ang isang bahagi ng unang kabanata ng nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN na kasalukuyang inaayos namin na maipalimbag sa susunod na buwan.

Ang nobelang ito na nalathala sa Lingguhang Liwayway noong 2001-2002 ay umiikot sa pag-ibig ng dalawang binata sa iisang dalaga.  At ng isa pang dalaga sa isa sa mga binata.  Na talaga namang nangyayari sa tunay na buhay.  Ngunit ang situwasyong kinasangkutan ng apat na ito ay hindi ninyo nanaising mangyari sa inyong sarili.  Bagama't sa kaibuturan ng inyong puso, marahil, hindi ninyo maiiwasang ilarawan na kayo ang nasabing dalaga na pinag-uukulan ng mataos na pagmamahal ng dalawang binata.  Ngunit paano naman, kung kayo ang ikalawang dalaga? O ikaw ang isa sa dalawang binata?  A... malapit nang ilabas ang aklat na ito.  Abangan na lamang ninyo!

Narito ang BIRU-BIRO KUNG SANLAN, ang una sa labingwalong kabanatang  bumubuo dito.
 

MAHIRAP  BA  AKONG MAHALIN?
  

1.  Biru-Biro Kung Sanlan

      NASA kalagitnaan nang ginagawang pagluluto si Natalie nang tumunog ang telepono.  Dinampot niya ito at sinagot.  “Hello...”

     “Natalie?”  Si Leny ang nasa kabilang dulo ng kawad.
    
     Pinahid ni Natalie ang pawis sa kanyang noo.  “O, Leny, bakit?”
    
     “May ginagawa ka ba?”  tanong ni Leny.
    
     “Nagluluto.  Bakit?”  ulit niyang tanong.
    
     “Mayro’n akong balita, and I want you to be the first one to know.”
    
     Seryoso si Leny, napuna ni Natalie at medyo siya kinabahan.  “Bad news?”
    
     Si Leny.  “Hindi naman.  Depende sa ‘yo.”
    
     Huminga nang malalim si Natalie.  “Ano ‘yon?”
    
     “Darating si Kuya Benjoe!”  Hindi na nagpaliguy-ligoy si Leny.   “Next week, sa birthday ni Tatay.”
    
     Matagal na hindi nakahuma si Natalie.  Nablangko ang kanyang utak.
    
     “Natalie?”
    
     “Leny...”
    
     “Okey ka ba?”
    
     “Okey naman.”
    
     “I had to tell you.”
    
     “Thank you.  I appreciate it.  Sino na ba’ng nasabihan mo?”
    
     “Ikaw pa lang.  Katatawag lang sa akin.  Kabababa ko lang ng telepono.  Naisip ko agad ikaw.”
    
     “Salamat ulit, Leny.  Pero, bakit daw napaaga?  Next year pa’ng selebrasyon nina Tatay.”
    
     “Tinanong ko nga.  Sabi, saka na lang daw niya ikukuwento, pagdating dito.”
    
     Muli  napahinga  nang malalim si Natalie.  “Leny, sa palagay mo kaya, natuloy…”
    
     Si Leny.  “I hope not.  Huwag naman sana…”
    
     “Kasama ngang lagi sa dasal ko iyan.”
    
     “O, sige,  tawagan na  lang tayo...”  patapos na wika ni Leny.
    
     Ibinaba ni Natalie ang telepono at binalikan ang ginagawa nang muling tumunog ang telepono.  “Natalie, ako ulit,”  tinig ni Leny.   “Nalimutan ko palang sabihin iyong message ni Kuya Benjoe sa iyo.”
    
     “Sa akin!”  parang biglang sumakit ang ulo ni Natalie.
    
     “Gusto ni Kuya Benjoe na magkausap kayo pagdating niya.  Kayong dalawa lang daw.  O, sige…”  nagmamadali si Leny, parang ayaw nang marinig kung anuman ang kanyang sasabihin.   
    
      Hindi na niya itinuloy ang ginagawa.  Ipinagbilin na lamang sa katulong kung paano ito tatapusin. Pumasok siya sa kuwarto pagkaraang magbilin na huwag siyang gambalain dahil masakit ang kanyang ulo.  Kung may tawag sa telepono ay itanong na lamang kung sino at kung ano ang mensahe.
    
      Nahiga sa kama si Natalie hindi upang matulog kundi upang linawin ang pag-iisip, payapain ang damdaming ginulo ng tawag sa telepono ni Leny.  Darating si Benjoe!   Kung tutuusin ay hindi naman balita ang pagdating nito.  Natural lamang na umuwi ito.  At magkita sila.  Alam naman niya iyon.  Kaya lang... bakit gusto siyang kausapin nang sarilinan.  Silang dalawa lang daw!
    
     Bilib na rin siya kay Leny.  Na agad naisipang pagsabihan siya.  Para marahil maihanda niya ang kanyang kalooban.  Talagang maaasahan si Leny.  Isa itong tunay na kaibigan.  Sabagay, alam rin naman ni Leny na ito ang pinagsimulan ng lahat, maraming-maraming taon na ang nakalilipas.  Ang promotor, kumbaga.
    
      BATCHMATE sila ni Leny sa unibersidad.  Lista ito at matalino.  Popular sa kampus.  Siya nama’y galing sa probinsiya.  May pagka-reserved.  Walang kibo at pangiti-ngiti lamang.  Pero, hindi siya silong sa mga kamag-aral.  Matalino naman siya at maganda.  Talaga lamang na hindi madaling pumalagay ang kanyang loob.  Tipong mailap.
    
     Si Leny ang unang lumapit sa kanya.  “Saan ka umuuwi, Natalie?”  tanong nito at sinabi niya.
   
     “May probinsiya ka ba?”  muling tanong na sinagot rin niya.
    
     Tanong, sagot.  Tanong, sagot.  Napatawa si Leny.  “Nakakatuwa kang nakakaintriga, Natalie.”
    
     Medyo tumaas ang kanyang kilay.  “Bakit?”
    
     “Kasi, parang pinagtitiyagaan mo lang akong sagutin,”  wika ni Leny.  “Parang napaka-independent mo.  Parang kuntento ka nang mag-isa.  Nagkakagulo na kami’y parang bale wala sa iyo.  Ayaw mo bang makisama sa amin?”  ang tanong pa.
    
     “Taga-probinsiya ako,”  sagot niya.
    
     Ang pagtataka’y lumarawan sa mukha ni Leny.  Ano’ng koneksiyon, wari’y isinasaad nito.
    
     “Bago kami makipagkaibigan...” nagdalawang-isip siyang ituloy ang sasabihin.
    
     Mabilis sa pakiramdaman si Leny na sinalo ang kanyang sasabihin.  “Kinikilala muna ninyo,”  walang malisya sa tinig ni Leny.   
    
     Pero, naging defensive na rin siya.  “Hindi naman.  Kaya lang, sabi ng Nanay ko, iba’ng probinsiya, iba’ng Maynila.”
    
     “At hindi dapat magtitiwala agad sa mga bagong kakilala.”
    
     Pinigil niya ang kanyang ngiti.  “Bakit mo alam?”
    
     Ngumiti nang todo si Leny.  “Alam mo, kasi, taga-probinsiya mo rin ang Nanay at Tatay ko.”
    
     “Siyanga?”  nanulay ang interes sa kanyang tinig, may namintanang tuwa sa kanyang mga mata.  Narinig na niya iyon noon.  Na kapag bago raw salta sa Maynila ang isang istudyante, tuwang-tuwa ito na makatagpo ng kahit na sinong ka-probinsiya.  Kahit hindi kababayan, basta’t parehong lalawigan.  Ibig sabihin, pareho ng salita, pareho ng kaugalian.
    
     Tumango si Leny.  “Kaya lang, dito na sila lumaki at nagkatagpo.  Pero, dala pa rin nila ang ugaling-probinsiya, dahil doon sila pinalaki ng kani-kanilang mga magulang.  Kaya sa pamilya namin, nagmamano kami sa matatanda.  At namumupo sa pakikipag-usap.  Kuya at Ate ang tawag sa nakatatandang kapatid.  Laging nagsasama-sama, nagtitipun-tipon.  Big deal ang reyunyon sa aming pamilya.  Pag may okasyon, lalo’t bertdey ni Lola o Lolo noong nabubuhay pa ang mga ito, hindi pwedeng absent.  Gano’n daw sa probinsiya n’yo.  Importante ang pamilya.  At isa pang napakaimportante na idinikdik na tunay sa aming ulo, kapag daw may sinabi ka, o ginawa, dapat ay panindigan mo.”
    
     Natawa siya sa mahabang diskurso ni Leny.  “Akalain mo...”  pakiramdam niya’y pumalagay na ang kanyang loob kay Leny sa narinig na sinabi nito.
    
     “O, pasado na ba ‘ko sa ‘yo ngayon?”  prangkang tanong ni Leny.
   
     Muli siyang natawa, mas malakas.  Tinukso tuloy siya ni Leny.  “Marunong ka palang tumawa nang malakas.”
    
     Humabang lalo ang kanyang tawa.  “Oo naman...”
    
     “Ang hinhin mo kasi,”  sabi ni Leny, na sinundan nang pagkunot ng noo at pag-iisip.  “May boyfriend ka na ba, Natalie?”
    
     “Naku, wala,”  mabilis niyang sagot, parang nanghilakbot.
    
     “O, bakit ganyan ang reaksiyon mo?  Masama ba’ng mag-boyfriend?” 
    
     “Hindi naman,”  sagot niya.  “Pero, sa akin, bawal pa ang mag-boyfriend.  Bawal magpaligaw.”
    
     “Mapipigil mo ba ’yung ligawan ka?”  tanong ni Leny.  “Sa ayaw mo’t sa gusto, maliligawan ka, basta’t kursunada ka ng isang tao.”
    
     “E, di basted mo agad para di magpatuloy, sabi ni Nanay,”  wika niya.
    
     “'Sus, ang lupit n'yo naman,”  puna ni Leny.  “Bakit naman gano’n?”
    
     “Mahigpit, e...”
   
     “Sobra naman yata.  Ano ba’ng dahilan?”
    
     Napabuntong-hininga siya.  “Mahabang istorya.”
    
     Matagal siyang tinitigan ni Leny.  “Kapag ready ka na, pwede bang ikuwento mo sa akin?”
    
     Saglit lamang siyang nag-atubili.  “Bakit hindi.”  At si Leny naman ang hinarap niya.  “Ikaw, may boyfriend ka na?”
    
     Tumango ito.  “Dati.  Wala na ngayon.  Cool off na kami.  Break na.”
    
     “Bakit?”  Tanong niya.
    
     Kumindat si Leny.  “Kasi, bagong iskwela ito.  Malay mo, baka makatagpo ako rito nang higit kaysa kanya.”
    
     “Salbahi ka,”  wika niya.
    
    Tinitigan siya ni Leny.  “Ikaw rin, sa ganda mong ‘yan, tiyak na makakakita ka rito.”
    
    Umiling siya.  “Bawal nga, di ba?  Pero, darating din ako riyan...”
    
    Natigilan si Leny, waring may binubuo sa isip.  Pagkuway tumango.  “Tama, huwag ka munang magboyfriend, Natalie.  Pag  pwede ka na, mayro’n akong ipakikilala sa ‘yo.”
    
    “Naku, sino namang Poncio Pilato ‘yon?”  pakikilaro niya.
    
    “‘Oy, hindi kung sino lamang ‘yon, Natalie... Dalawang guapong binata!  Sabi nga'y walang tulak-kabigin!"

    “Naku, tigilan mo nga ako.”


***

Natalie... Leni... at kung sinuman ang ipakikilala nito!  Sa nabasa ninyong bahagi ng unang kabanata ay may masisilip na kayong wari ay mamumuong tatsulok!  Ngunit ito ay hindi pangkaraniwang tatsulok.  Tuklasin sa nobelang MAHIRAP BA AKONG MAHALIN!  Malapit na!


1 comment:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete