Monday, July 23, 2012

“MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG”: ISANG PANANAW


Ang feedback na ito na nais kong ibahagi, kasama ang aking sagot sa ilan niyang katanungan ay tungkol sa aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.  Ito ay nagbuhat at sinulat ng isang Kababayan, Kamag-aral, Kaibigan.  Kaya kung halatang biased siya sa nasabing pananaw, pasensiya na po ang ibang babasa.

Nakatutuwa ang kanyang sinulat.  Nakatataba ng puso.  Kaya kapag ako'y inaalihan ng pagkatamad sa pagsusulat at wari ay nilisan ng aking musa, binabalikan ko ito.  Na matapos kong basahin ay nasasambit ko sa sariling --- okey naman pala ako! 
 
“MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG”:  
    ISANG PANANAW - R. Estrada


    Kababayan.   Kamag-aral.  Kaibigan.  Ganyan ang relasyon namin ni Evelyn L. Estrella - Sebastian sa loob ng maraming, maraming taon.   May common denominator kami:  ang hilig sa pagsusulat.  

(Sa totoo lamang, ang sumulat ng pananaw na ito ay ang isa sa dalawang kamag-aral kong hinahangaan at itinuturing na tunay na manunulat.  Di ba noon, sabi ko nga, ako ay isa lamang storyteller.) 

    Nakapagpalathala na ako ng mga kuwento at lathalain sa ilang babasahin -  Kislap. Aliwan, Bulaklak.  Nguni't  noon pa man, pangarap ng bawa't manunulat   – kasama na ako roon – ang makapagpalathala sa nangungunang lingguhang magasin, ang Liwayway. Karangalan ng sinumang manunulat ang masabing sumusulat siya sa Liwayway.

    Nagpadala ako ng ilang kuwento sa Liwayway.  Resulta:  mga rejection slips.  Dakong huli, napagod na ako.  At tinamad. At hindi na nagpursige.

    Marahil, nakatanggap din ng rejection slips si Evelyn (totoo po iyan, maraming beses din)Nguni't di gaya ko, di siya sumuko. Resulta: naging kuwentista at nobelista siya ng Liwayway. At hindi lamang iyan.  Naabot din niya ang tuktok na maaring maabot ng isang manunulat: nagkamit siya ng  gantimpalang Palanca.  Hindi miminsan. kundi makailan. Di ko nagawa ang nagawa niya, di ko naabot ang naabot niya.  Naiinggit ba ako sa kanya?  Oo, mangyari pa.  Nguni't pagkainggit na may paghanga, may pagmamalaki.  Pagka't kababayan ko nga siya, pagka't kamag-aral ko nga siya, pagka't kaibigan ko nga siya. Alam ko namang hindi niya ipagdaramot ang makibanaag ako sa kanyang kinang. 

    (Nang una akong manalo sa Palanca, tunay na parang nakalutang ako sa ulap.  Lubos kong ikinatuwa at ipinagmalaki, kahit palihim sa harap ng iba, pero lantaran sa harap ng pamilya, na nagawa ko ito.  Ngunit ang mga sumunod na pagkapanalo ay iba na ang dating sa akin.  Ikinatutuwa ko ito sapagkat alam kong ipinagmamalaki ako ng aking pamilya, kamag-aral, kaibigan.  Ikinalulugod kong nabibigyan ko sila ng isang magandang dahilan na makapagmalaki.  Minsan lamang na tahasan akong nagmalaki, pero, kasama pa rin dito at tangay ko ang aking mga kaiskwela.  Sa isang reyunyon ng isang malapit na kaibigan na malimit akong tuksuhin (tuksuhan lang, di naman totohanan) na higit na magaling ang kanilang klase kaysa sa klase namin, dahil siguro mas maraming accomplished alumni sa kanila, tinanong ko lamang siya:  Mayroon ba silang Palanca Awardee?  Tawa lamang niya at walang naisagot!  Kasi, wala!)

    Ang kalidad ng mga sinulat namin ay magkaibang-magkaiba.  Honda o Toyota ang sa akin sa kanyang  Mercedes Benz.  (Sana'y totoong kotse na itong  pwede kong gamitin!)

    Sa pagbasa ko ng kanyang mga kuwento, kailanman ay hindi ako binigo ng kaibigang Evelyn. Ang mga nilikha ng kanyang isip at panulat ay nanatiling -  at mananatiling  – halimbawa ng sensitibong estilo ng pagsulat,  hindi pilit, hindi contrived. Bawa't salita, bawa't pangungusap, bawa't talata ay tila batis na ang daloy ay malamig at dalisay, at tuloy-tuloy ang lagaslas.

    Tulad nga ng kanyang aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig na kalipunan ng mga kuwento na karamihan ay nalathala sa Liwayway.  May tatlong bahagi ang aklat. Ang una'y  may pamagat na Sa Dormitoryo, ang ikalawa nama'y tinawag niyang Sa Iba't Ibang Panahon at ang ikatlo'y ang klasikong  Sa Isang Pook, Dalawang Panahon.  Ang huli ay nagkamit ng unang gantimpala sa maikling kuwento sa 1987 Palanca Awards for Literature Contest.

                    I.  SA  DORMITORYO

    Mahihinuha, di man sabihin, na kasera si Evelyn sa isang dormitoryo nang mag-aral siya sa Maynila. Ang dormitoryo ay nasa pusod ng university belt. Sa dormitoryong ito nabuo ang composite ng iba't ibang babae sa kanyang mga kuwento  May mga recurring characters, gaya halimbawa ni Ate Nene na siyang namamahala ng dormitoryo.  Bawa't isa'y makatatayo sa sarili nitong merits, wika nga. Nguni't higit na maganda at makabuluhan ang kabuuan ng labindalawang kuwento sapagka't parang damit na tinabas ang bawa't bahagi  na nang matabas na  ay tinahi at naging isang bestidang makapagpapatingkad sa kagandahan ng sinumang magsusuot nito.

    Ang unang kuwento na may pamagat na Bawat Buhay, Isang Kasaysayan ay pasakalye ng sumunod pang mga kuwento.  Ang huli sa labindalawa na may pamagat na Ate Nene ay sumagot sa maraming katanungang naiwang nakabitin sa sinundang sampu pang kuwento.

    Ang huling kuwento ay tungkol sa pagkamatay ni Ate Nene. 

    Iniwanan ni Evelyn sa kanyang mambabasa  ang pag-iisip sa closure ng kuwento ng isang karakter, na para bang sinabing, “Kayo na ang bahalang magtapos ng istoryang ito!”

    May puna lang ako sa unang bahagi ng aklat.  Hindi na-explore ni Evelyn ang istorya ni Chita sa kabila ng pahiwatig nitong “Iyong buhay ko na lamang ang di mo alam.”  Isa pa, sa ganang akin, dapat sana'y naisulat din ni Evelyn ang buhay ni Ate Nene.  Sa likod ng bawa't damontres ni Ate Nene, marahil ay may nakatagong lihim.

(Tunay na hindi ko isinama ang istorya ni Chita bilang isang buong kwento, ngunit sa kanya at sa iba pang kaibigang dormitoryana na bumasa at babasa pa ng aklat, maliwanag ang pira-pirasong yugto na nagsasalaysay ng kanyang buhay at pag-ibig na masasalamin sa ilang talata, sa ilalim ng pangalan ng ilang karakter sa aklat.

Si Ate Nene?  Naku, damontres, makakagalitan ako noon!  Kaya, hindi na lang.)


                     II. SA IBA'T IBANG PANAHON

    Ang ikalawang bahagi ng aklat ay may pitong kuwento na ang anim ay nalathala sa Liwayway.  Higit akong naka-relate dito sapagka't karamihan ay may pamilyar na  setting:  mga baryo at mga bayan sa lalawigan. At naglalarawan ng mga kaugaliang Tagalog.  Kaya lamang, tila naligaw sa kalipunan ang Mayo-Disyembre 

(Bagaman at may partikular na baryo at bayan akong nasa isip nang gawin ko ang mga kwento, alam kong ang mga kaugalian at kalakaran sa mga ito ay hindi naiiba sa marami pang baryo at bayan sa iba pang lalawigan sa Pilipinas.  Mahal na Araw, Santakrusan, Todos Los Santos, mga reyunyon.  May istorya rin ng mga immigrant na nagbabakasyon sa Pilipinas, kaya ang kwentong Mayo-Disyembre ay masasabing hindi naman naligaw sa kalipunan.

Sa mga typographical/grammatical error na napuna mo, tulad ng dobleng “l” sa Hollly Ghost, mga nagkukulang na letra sa mga salita, hindi pagkalagay ng kudlit sa ibang-iba'ng, tatlong – tatlo'ng, at iba pa, hingi ko ay paumanhin sa lahat nang bumasa at babasa pa.  Kasi, lubha akong excited sa unang pagpapalathala ng aklat na MINSAN...na marami akong hindi naisaayos.  Pero, sabi mo nga, maaari itong iwasto sa susunod na pagpapalimbag.

Sa kasalukuyan, ang inaayos ko ay ang pagpapalimbag ng aking nobelang, MAHIRAP BA AKONG MAHALIN.  Ulit-ulit ko na itong binabasa at sana'y nakita ko na ang mga typo errors.

Kay R. Estrada, salamat nang marami sa magandang feedback na ito.  Sana ay huwag kang magsawa sa pagpapadala ng mga artikulong nakakatulong sa mga istudyanteng bumabasa sa blog, tulad ng iyong Uyayi at Kundiman.  Muli, salamat!)

    Sa lahat ng tagasubaybay, abangan na ang susunod kong aklat!   MAHIRAP BA AKONG MAHALIN?  May kilig factor daw ito, komentaryo ng isang sumubaybay sa Liwayway noong 2001 at na-in love siya sa bida.  Kaya, abangan na ito.

At sa mga hindi pa nakabibili ng unang aklat na MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG, mag-order na kayo.  Maganda itong panregalo sa darating na Pasko!    

No comments:

Post a Comment