Monday, August 27, 2012

SUTLANG PANGARAP SA LOOB NG ESKAPARATE


Ang kwento sa buwang ito ay tungkol sa family planning.  Huwag ninyong isipin na dahil ito sa pinagtatalunan at pinagdedebatihang RH Bill o sa tinatawag  na Responsible Parenthood.  Naisip ko tuloy iyong sinabi ni Juliet sa Romeo and Juliet ni Shakespeare:

What's in a name?  That which we call a rose
By any other name would smell as sweet:


Na ibig lamang sabihin, kahit ano ang ipangalan sa isang bagay, kung pareho naman ang nilalaman, pareho din!  Kung mabango'y mabango, kung masama ang amoy, masama ang amoy, kung mabantot, e, mabantot!  Ngunit ang lahat ng ito ay depende sa iyong pananaw.  At sa pagkakaintindi rito.   At higit sa lahat, sa iyong paniniwala.

Kaya ko nililiwanag na hindi ito tungkol sa pinag-uusapang panukalang-batas ay sa dahilang taong 1977 pa nang isulat ko at nalathala sa Liwayway ang kwentong ito.  Bagaman noon pa mang panahong iyon, isinusulong na rin ang family planning.  

Basahin ninyo...

SUTLANG  PANGARAP  SA  LOOB  NG  ESKAPARATE


ARAW ng sweldo at tulad nang kinagawian, tinipan ni Elsa ang asawa na manood ng sine.  “May maganda sa Makati.”

“Saan tayo magkikita?”  tanong ni Tony.

“Sa dati.”  ang sagot niya.

At matapos marinig ang pinatunog na halik ng asawa sa kabilang dulo ng kawad ay tatawa-tawang ibinaba ni Elsa ang telepono.

Ang nasa katabing mesa ay agad nagparinig.  “Sine na naman.  Talagang kayong mag-asawa. ang hilig sa sine.”

Kumindat lamang si Elsa.  “Talagang ganoon. Kaunting dibersiyon.”

Umungol ang nasa kinakanang mesa ni Elsa.  “Kaunting dibersiyon, e, cada cambio nanonoood kayo.”

At nagsagut-sagutan na ang mga nasa paligid.

“Paano naman ang gagawin ninyo. e. wala pang tsikiting hanggang ngayon sina Elsa.   E, di libring-libre.”

“Siyanga.  Pero ba't ba naman hanggang ngayon ay wala pa, Elsa?”

Pumiksi si Elsa.  “Ayoko pa, e.

May isang napa-naku po.  “Delikado 'yan.  Baka mainis si Tony, mag-left turn tuloy.”

“Loko mo!”  binalibag ni Elsa ng paper clip ang nagsalita.  “Hindi si Tony.”

Ngunit naumpisahan na ang pambubuska. Kaya upang maiwasan ang pagkapikon, binilisan na lamang ni Elsa ang paglilligpit ng kanyang mga gamit para makaalis agad.
 

USAPAN nila iyon ni Tony.  Usapang marangal, wika nga.  Matagal bago niya napapayag si Tony.  Ngunit dala marahil ng pagmamahal sa kanya, sumunod na rin ito sa kanyang gusto.  Na limang taon bago sila mag-anak.  At hanggang dalawa lamang.

Mayroon siyang dahilan.  Sampu silang magkakapatid.  Siya ang panlima.  Sa kanyang paglaki, tandang-tanda niya.  Ang pinagkalakhang damit ng kanyang Ate ay isusuot ng kanyang Ditse.  Kung may katibayan ang tela  ang damit ay aabot pa sa kanya.  Nang panahong iyon, napakatitibay yata ng tela.  Dahil lagi, umaabot ang damit sa kanya. Laking ngitngit ng kanyang kalooban.

Lagi siyang nagrereklamo sa kaeskwela at kaibigan si Sol.  “Nakakainis.   Pati sapatos,  luma.  'Di na ako nagkaroon ng bago. Laging hand me down.”

Aaluin naman siya ni Sol.  “Pasensiya na lang, Elsa. Talagang ganyan ang maraming magkakapatid. Masaya naman.”

Tumaas ang kanyang kilay. Masaya?  At naalaala niya ang panaghilian ng kanyang mga nakatatandang kapatid sa kung sino ang maglalaba ngayon o mamamalantsa kinabukasan.  Kani-kaniya namang duty o toka ng trabaho, kung bakit laging nagkakalituhan. 

Ang maliliit naman. maya't maya ay nagbababag.  Naingki lamang niyong isa, susuntukin ng pangalawa.  Siyempre gaganti. Natural naman, hindi padadaig ang ginantihan.  Kaya walang katapusang gantihan at iyakan kalaunan.  At paluan. At sasala ang sandok sa palayok, ang kahuli-hulihan ay umaatikabong sermunan. 

Nariyan na ang kanyang ina.  Mahigit lamang kuwarenta, pero mukhang mahigit nang singkwenta.  Sangkaterba na ang pileges sa mukha.  Sa kasesermon. 
“Por Dios por Santo, may Santo Kristo ka man sa dibdib...” ang laging pasakalye nito.  At sunud-sunod na.  “Buti pa noong maliliit kayo, hirap lamang ang katawan ko,  pero ngayon, konsumisyon!”

Nasa high school na siya nang ang nabubuo sa kanyang kalooban ay tuluyang nagkahugis.  Ito'y nang ligawan siya ng isang kaeskwela na nagmula rin sa isang malaking pamilyang tulad ng sa kanila.  Walong magkakapatid sina Jim.

Sabi niya kay Sol.  “Si Jim?  Sangkaterba rin ang mga kapatid.  Ibig sabihin, may posibilidad na magmana sa ama.  At ako?  Kung magmana ako sa nanay ko?”  Kinilig siya sa pangingilabot sa nalalarawang hinaharap.

Sa murang gulang, buo na ang kanyang mga pangarap.  May nais siyang marating.  Ang makatapos ng karera.  Ang makapagtrabaho sa opisina.  Makapag-ipon ng pera.  Magkaroon din ng boyfriend at kalaunan, magpamilya.  Maging isang ina.

Sa bahaging ito, higit ang linaw ng kanyang mga pangarap.  Isa, pinakamarami na ang dalawang anak.  Hindi tulad nilang sampu.  Sapat man ang suweldo ng kanyang ama upang hindi sila sumala sa oras at mairaos ang pag-aaral, hindi pa rin maitatangging naroon ang labis na pagtitipid, ang paghaharimunan, ang kawalan ng karaniwang kalayawan na maaaring tamasahin ng isang pamilya.  Kailan lamang ba sila nagkatelebisyon...

Sa abot ng kanyang kaya, hindi niya nais magdanas ng hirap ang kanyang magiging anak tulad ng hirap na dinanas nila.  Kung dalawa lamang, ang tamang pangangailangan ng mga ito ay maluwag na maibibigay nila.  Ang baby girl ay bibihisan niya ng manipis at maluwang na palda na sa paglakad ba ay nakikita ang cute na panti na puno ng ruffles.  Ang ipasusuot niya ay makintab at malambot na sapatos at may lace ang puting medyas.  Ang lalaki naman, kung malaki-laki na, ay bibihisan niya ng ternong shirt at pants na talagang groovy.  A...  malinaw at nakahugis na ang kanyang mga pangarap.

Tapos na siyang mag-aral sa kolehiyo at pumapasok na sa isang pribadong opisina nang makilala niya si Tony.  Na bumisita agad sa kanilang bahay.

“Ang saya dito sa inyo.”  ang unang sinabi ni Tony nang makita ang pamilya niya.

“Magulo nga.”  sabi naman niya.

At talagang magulo nga.  Bukas ang telebisyon.  May nagkakaingay sa paglalaro ng scrabble.  May walang tigil nang pagtugtog ng gitara.  May kumakanta.

“Pero gusto ko.”  giit pa rin nito.

At siya ay nagtanong.  “Sa inyo ba, ganito rin kagulo?”

Tumawa si Tony.  “Nag-iisa lang akong anak, Elsa.  Malungkot.”

Nakatawa man si Tony ay talagang may lungkot siyang nadama na nanulay sa tinig nito.  Kaya di na niya itinuloy ang kanya sanang sasabihin.  Nag-iisa kang anak.  Ang sarap mo pala.  At hindi niya naiwasang paglaruin sa isipan ang buhay ni Tony sa piling ng mga magulang nito.  Sunod ang layaw sa mga kagamitan.  Walang problema sa pera at sa pag-aaral.  Kayang-kayang tustusan sa paglaki.

Ang pagdalaw-dalaw ni Tony ay humantong sa panliligaw.  At sapagkat mahal rin niya ito, sila'y naging magkasintahan.  Ngunit si Tony, ang gusto ay kasalan agad.

Tumutol siya.  “Beinte uno lang ako.”

Nanunukso si Tony.  “Iyan raw ang perfect age for childbearing.”

Noon niya sinabi kay Tony.  Ang posisyon niya sa pagpapamilya.  “Sampu kami, Tony.  Sampu.  Malaki man ang suweldo ng Tatay noon ay halos hindi rin sumapat.  Lumaki kaming kaalakbay ang pagtitipid.  Ako bilang panlima ay bihirang datnan ng bagong damit o sapatos.  Kung pwede rin lamang gamitin pa ginagamit ko pa ang pinagkalakhan ng mga Ate ko.  Ni hindi ako nakatikim ng parti para sa birthday ko.  Walang sele-selebra sa amin.  Basta, magpapansit si nanay, tapos na.  Hindi sa nagrereklamo ako.  Dahil, kahit ganoon ang buhay namin ay masaya naman.  Kaya lang gusto kong mapaiba naman ahg buhay ng magiging anak ko.   Higit na mainam kaysa dinanas ko.  Higit na mainam ang maibibigay ko.”

Saglit lamang nagmuni muni si Tony.  Madali nitong naunawaan ang ibig niyang sabihin.  Nanunukso pa rin ang kasunod nitong tanong.  “Ilan ba ang gusto mo?”

Sa pagitan ng kurot, sinabi niya.  “Pinakamarami na ang dalawa.”

“Pwedeng tumawad?”

Tatawa-tawang umiing siya.  “Talagang hanggang dalawa lamang.”

At nakasal sila ni Tony na may dagdag pa siyang kondisyon.  Na hindi kaagad sila mag-aanak.  Magpapalipas muna sila ng mga limang taon bago magsimulang magpamilya. 

Hindi na tumutol si Tony.  Marahil ay inisip nitong mapagbabago siya ng isip kapag naroon na. Ngunit buo na ang kanyang loob sa gusto niyang mangyari.  At kakampi niya ang kampanya para sa family planning, sa world population control program na isinusulong noon.  Kung batang nag-asawa, pagpapaliban sa pagsisimulang pagpapamilya.  Kung naumpisahan nang mag-anak, ang wastong pagpapagitan sa pagkakasunud-sunod ng mga bata.  At ang pinakamahalaga sa lahat, ang pagpaplano sa bilang ng iaanak. 

Nakatatlong taon na sila ni Tony.  Nag-oopisina.  Nagtitipon sa banko.  Naghuhulog sa isang lote sa isang subdibisyong kalapit ng Maynila.  May telebisyon sila sa bahay.  Stereo.  Refrigerator.  Mayroon pa silang katulong.  Maluwag silang makapamasyal kung kailan gusto.  Sa mga biyenan niya.  Sa mga magulang niya.  Kung napapansin man niyang giliw na giliw si Tony sa kanyang mga pamangkin, ibinabaling na lamang niya ang paningin sa ibang bagay.  Kung mayroong mga tanong tungkol sa pag-aanak na dinadaan sa tawa ni Tony at ang tawa'y nagiging hungkag, nauuwi sa isang ngiting pilit at mapakla, sisingit na lang siya at  iibahin ang usapan.

Siya ay nasisiyahan sa takbo ng kanilang buhay.  Sa kabila ng kawalan ng anak.  Tulad ngayon.  Manonood na naman sila ng sine.
 

NATAGALAN si Elsa bago nakarating sa pook tipanan nilang mag-asawa.  Wala si Tony sa lugar na malimit na tinatayuan nito sa paghihintay sa kanya. Tuluy-tuloy siya sa Books and Magazine section.  Dito nagpupunta si Tony kapag nainip sa paghihintay sa kanya.  Ngunit wala si Tony. 

Tinungo ni Elsa ang Hardware Section ng department store.  Mahilig magtitingin si Tony ng mga gamit sa bahay kahit hindi bibili.  Wala rin si Tony dito. Naghabulan ang kanyang mga paa sa pagpunta sa Apparel Section.  Baka may bibilhing tee-shirt si Tony.  Ngunit wala rin.

Buhat sa malayo ay pumailanlang ang tinig ng paboritong mang-aawit ni Tony.  A, sa records. Bumibili ng plaka si Tony.  Masiglang ipinihit niya ang mga paa upang magtungo rito.  At noon niya nakita si Tony.

Ito'y nakatayong nag-iisa.  Hindi alumana ang mga namimili sa paligid.  Naglilibot, nagpipista ang mga mata sa mga panindang nakadispley.  Nalulugod ang mga palad na humahagod sa makinis na salamin ng eskaparate.

Bigla ang paninikip ng dibdib ni Elsa. Mariing kagat ang labi, mabilis niyang tinalikuran ang tanawing natambad sa mga mata.  Hindi ko alam, Tony, ang hiyaw ng kanyang puso.  Hindi ko alam.

Naging bulag siya sa damdamin ng asawa.  Lubha siyang naging masakim.  Tanging sarili ang inalintana.  Nagtago pa mandin sa kampanya ng pagpapamilya.  Sampu kami, Tony. Sampu.  At gusto kong mapaiba ang buhay ng magiging anak ko.  Higit na mainam kaysa dinanas ko.  

Tama. Hindi masama.  Ngunit sa kanyang kaibuturan, sa liblib ng kanyang utak, ang nasa isip niya ay ang karangyaan, ang layaw, ang kaalwan ng pamumuhay na gusto muna niyang maranasan ngayon, sapagkat hindi niya naranasan noon. 

Siya ang una.  Pumapangalawa lamang ang magiging anak niya.  At si Tony ay  nasa hulihan ng linya.  Si Tony, sa pagbibigay sa kanya. Si Tony na nag-iisang anak.  Walang kapatid.  Lumaking walang kasama.  Malungkot, wika nga nito.  At ngayon, tatlong taon nang kasal, ang anak ay isang malabo pa ring pangarap. Na tulad ng mga sutlang pangarap na nasa loob ng salaming eskaparate na malugod na hinahagod ng palad.

Butitos na kulay bughaw at murang dilaw.  Puting lampin.  Binurdahang bigkis.  Mumunting rosas na bulaklak sa manipis na baby dresses.  Isang sanggol.  Isang anak.

Bumalik si Elsa sa lugar na hintayan nila ni Tony.  May nabuo na siyang pasiya.  Sasabihin niya kay Tony, huwag na lang silang manood ng sine.  Umuwi na lang sila agad.  Sapat na ang tatlong taong ipinagpaliban nila.  Handa na siyang magpamilya.  Kahit na dalawa lamang. 

Hulyo 18, 1977  Liwayway

No comments:

Post a Comment