Friday, August 24, 2012

AGOSTO – BUWAN NG WIKA


AGOSTO – BUWAN NG WIKA

Kamakailan ay pinadalhan ako ng kanyang “sharing” ng tagasubaybay kong si R. Estrada, na masipag magsaliksik ng mga paksang makabuluhan na makadadagdag ng   kaalaman ng marami, lalo na ng mga istudyante.  Ito ay tungkol sa kasaysayan ng ating Pambansang Awit. 

Dahil ngayon ay Buwan ng Wika, naisip kong ngayon mainam ilabas ang sinaliksik niyang paksa.  Sa pagkakataong ito ay pupulutin ko lamang ang mga bahaging may kinalaman sa maituturing na ebolusyon ng pagsasalin ng Pambansang Awit mula sa pinagmulan nitong titik sa Wikang Kastila hanggang sa lirikang inaawit nating ngayon.

ANG KASAYSAYAN NG PAMBANSANG AWIT NG PILIPINAS

Sa Pagsasaliksik ni R. Estrada

    NOONG PANAHON ng himagsikan laban sa mga Kastila, sumibol ang hangarin ng mga Pilipino na pinamumunuan ni Heneral Emilio Aguinaldo na magkaroon ng isang pambansang sagisag upang lalong magkaisa ang bayan laban sa mga kaaway.  Bunga nito, kinomisyon niya ang isang piyanista at kompositor na taga-Cavite, si Julian Felipe, na gumawa ng isang martsa para sa mga manghihimagsik.  Iyon ay noong ika-5 ng Hunyo, taong 1898.

    Ang komposisyon ay natapos ni Felipe pagkatapos ng anim na araw at noon ngang ika-11 ng nasabing buwan, ipinarinig ito ni Felipe kay Heneral Aguinaldo at mga tinyente nito.  Pingtibay noon din ang tugtugin at sa simula ay tinawag itong Marcha Filipino Magdalo. (Ang Magdalo ay nom de guerre ni Heneral Aguinaldo.)  Binago ang titulo ng komposisyon at ito'y naging Marcha National Filipino o Pambansang Awit ng Pilipinas.

    Nang sumunod na araw, ipinahayag ang kasarinlan ng bayang Pilipinas, at sa unang pagkakataon ay tinugtog ang Pambansang Awit ng banda ng San Francisco de Malabon.  Sa araw ding iyon unang iwinagayway ang pambasang watawat ng bansa.

    Ang tugtugin ay instrumental at mahigit ding isang taon ang nakalipas bago ito nalapatan ng titik sa pamamagitan ng isang tula na may pamagat na Filipinas na sinulat naman ng isang 23 na taong kawal na si Jose Palma. Ang mga titik ay sa wikang Espanyol.  Ang buong komposisyon – musika at titIk – ay Inilathala noong ika-3 ng Setyembre,  1899, sa La Independencia, isang pahayagan ng rebolusyon.

        Tierra adorada
        Hija del sol de Oriente
        Su fuego ardiente
        En ti latiendo esta.

        Tierra de amores!
        Del hereoismo cuna 
        Los invasores
        No te hollaran jamas.
       
        En tu azul cielo, en tus auras
        En tus montes y en tu mar
        Esplende y late el poema
        De tu armada libertad.

        Tu pabellon, que en las lides
        La victoria ilumino
        No vera nunca apagados
        Sus estrellas y su sol.

        Tierra de dichas de sol y de amores
        En tu regazo dulce es vivir,
        Es una gloria para tus hijos,
        Cuando te ofenden por ti morir.

    ANG tinamong “kasarinlan” mg Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo, 1898, ay panandalian lamang.  Ang hidwaan naman ng Estados Unidos at Espanya ay nagkaroon ng resolusyon sa pamamagitan ng Treaty of Paris na nilagdaan ng dalawang bansa noong ika-10 ng Disyembre,  1898. (May bisa ito mula ika-11 ng Abril, 1899.)

    Sa ilalim ng tratadong ito, ISINUKO NG ESPANYA ANG PILIPINAS SA ESTADOS UNIDOS SA HALAGANG DALAWAMPUNG MILYONG DOLYAR ($20,000,000.00). Ang Treaty of Paris ay panimula rin ng pagiging kapangyarihang kolonyal ng Estados Unidos.   

    Noong Pebrero, 1899, pinangunahan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang pakikibaka laban sa mga Amerikano.  Ang panibagong paghihimagsik na ito,  nasimulan noong ika-4 ng Pebrero, 1899, ay naging madugo-- higit na marami ang nabuwis na buhay dito kung ihahambinbg sa pakikidigma sa mga Kastila.  Nagwakas ang rebolusyon nang madakip si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong ika-23 ng Marso, 1901.
 
    Ang pamahalaang sibil ay itinatag ng mga Amerikano mula noong 1901, sa ilalim ni William Howard Taft bilang unang Amerikanong Gobernador Heneral sa Pilipinas. Ipinahayag ang English bilang opisyal na lengguwahe, Anim na raang guro ang inangkat, sakay ng barkong USS Thomas.

    Noong ika-8 ng Setyembre, 1907, nagkaroon ng batas na tinawag na Flag Law (Act No. 1696).  Itinalaga ng batas na ito ang pagbabawal na gamitin ang watawat ng Pilipinas o anumang pambansang watawat, mga banners at iba pang simbolo, lalo na yaong may kinalaman sa Katipunan. Gayundin, ipinagbawal ang pagpapatugtog o pag-awit ng pambansang awit ng Pilipinas.  Pinawalang bisa ang batas na ito noong 1919.

    Noong dekada ng 1920s, naisipan ng kolonyal na gobyernong Amerikano ang pagsasalin ng pambansang awit sa Engish, buhat sa orihinal nitong mga titik na Espanyol. Ang unang pagsasalin ay ginawa ni Paz Marquez Benitez ng Unibersidad ng Pilipinas, na isa ring makata.  Nguni't pinakapopular na salin na tinawag na Philippine Hymn ay ang isinulat  ng noo'y senador na si Camilo Osias at isang Amerikana, si Mary A. Lane.  Ang salin ay isinabatas ng Kongreso ng Pilipinas noong 1938.  Ang salin na ito sa English ay ang sumusunod:

        Land of the morning
        Child of the sun returning
        With fervor burning
        Thee do our souls adore.

        Land dear and holy
        Cradle of noble heroes
        Ne'er shall invaders,
        Trample thy sacred shores.

        Even within thy skies
        And through thy clouds
        And o'er thy hills and seas
        Do we behold thy radiance, feel the throb
        Of glorious liberty

        Thy banner dear to all our hearts
        Its sun and stars alight
        Oh, never shall its shining field
        Be dimmed by tyrant's might.

        Beautiful land of love, O land of light
        In thine embrace 'tis rapture to lie,
        But it is glory ever, when thou art wronged
        For us, thy sons to suffer and die.   

    ANG PAGSASALIN sa sariling wika ay sinimulan noong 1940s.  Ang unang pagsasalin ay may pamagat na Diwa ng Bayan (1943) na inawit noong panahon ng pananakop ng mga Hapon, na ang titik ay ganito:               

        Lupang mapalad, na mutya ng silangan,
        Bayang kasuyo, ng sangkalikasan.
       
        Buhay at yaman, ng kapilipinuhan
        Kuha't bawi, sa banyagang kamay.

        Sa iyong langit, bundok, batis, dagat na pinalupig,
        Nailibing na ang karimlan, ng kahapong pagtitiis.

        Sakit at luha, hirap, dusa at sumpa sa pagaamis
        Ay wala nang lahat at naligtas, sa ibig manlupig.

        Hayo't magdiwang lahi kong minamahal,
        Iyong watawat ang siyang tanglaw'
        At kung sakaling ikaw ay muling pagbantaan,
        Aming bangkay ang siyang hahadlang.

    Sinundan naman ito ng O Sintang Lupa ni Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Caballo.  Ito ang naging pambansang Awit noong 1948:

        O sintang lupa, Perlas ng Silanganan
        Diwang apoy kang sa araw nagmula.

        Lupang magiliw, pugad ng kagitingan,
        Sa manlulupig, di ka papapaslang

        Sa iyong langit, simoy, parang, dagat at kabundukan
        Laganap ang tibok ng puso, sa paglayang walang hanggan.
        Sagisag ng watawat mong mahal, ningning at tagumpay,
        Araw't bituin niyang maalab, ang s'yang lagi naming tanglaw.
        Sa  iyo Lupa ng ligaya't pagsinta, tamis mabuhay na yakap mo,
         Datapwa't langit ding kung ikaw a apihin
        Ay mamatay ng dahil sa 'yo.
   
    Sa termino ng Pangulong Ramon Magsaysay, nagtayo ng isang komisyon ang noo'y Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Gregorio Hernandez upang rebisahin ang titik ng salin sa Tagalog.  Noong May 26, 1956, ang Pambansang Awit, ang Lupang Hinirang, ay inawit sa wikang Pilipino.  Mayroon pang mga ginawang ilang maliliit na pagbabago na ginawa noong 1960s, at ang bersiyon na ito, na ginawa naman ni Felipe Padilla de Leon ang siya nating ginagamit ngayon.

                LUPANG HINIRANG

                Bayang magiliw,
                Perlas ng silanganan,
                Alab ng puso,
                Sa dibdib mo'y buhay.

                Lupang hinirang,
                Duyan ka ng magiting,
                Sa manlulupig,
                Di ka pasisiil.

                Sa dagat at bundok,
                Sa simoy at sa langit mong bughaw
                May dilag ang tula
                At awit sa paglayang minamahal..
               
                Ang kislap ng watawat mo'y
                Tagumpay na nagniningning'
                Ang bituin at araw niya,
                 Kailan pa ma'y di magdidilim.

                Lupa ng araw,
                ng luwalhati't pagsinta,
                Buhay ay langit
                sa piling mo.

                Aming ligaya       
                na 'pag may mang-aapi
                Ang mamatay
                nang dahil sa iyo.
 
    Ang salinwika sa Pilipino ay pinagtibay ng batas na kumakatawan sa mga bagong simbolo ng ating bansa noong 1998 sa ilalim ng Republic Act No. 8491 o ng Flag and Heraldic Code of the Philippines.

    Itinatalaga ng Seksyon 35 ng Republic Act 8491 na ang titulo ng Pambansang Awit ng Pilipinas ay Lupang Hinirang.  Ang Seksyon 36 naman ay maliwanag na sinasabi ang mga titik ng Lupang Hinirang. Sinasabi din ng batas na ito ay dapat awitin sa wikang pambansa sa loob o sa labas ng Pilipinas.    

At ito ang kasaysayan ng ating Pambansang Wika mula sa titik niyang Kastila hanggang sa salinwika sa Pilipino.  Na siyang inaawit natin ngayon sa lahat ng okasyon o pagtitipon na pinahihintulutan ng National Historical Institute.  Na ayon din sa batas, ang pag-awit ay dapat na ayon sa areglo at komposisyon ng orihinal na musika ni Julian Felipe.

Sabi nga ni Gat Jose Rizal, ang hindi magmahal sa sariling wika, higit pa sa hayop at malansang isda!

Kay R. Estrada, tanggapin mo ang mataos kong pasasalamat sa napakaganda mong “sharing”. 
                   



No comments:

Post a Comment