Thursday, August 23, 2012

AGOSTO 2012


AGOSTO 2012

May nagbiro sa akin, ang Agosto raw na buwan ng  aking kapanganakan at tatlo pang miyembro ng aking pamilya, ay buwan ng maraming kaganapang pang-ulong balita sa mga pahayagan, radyo at telebisyon.  Maligalig.  Madugo. Malagim.

Noong araw, natatak ang buwang ito – Agosto – sa isipan ng mga Pilipino nang sumabog ang isang bomba sa Plaza Miranda sa Quiapo habang ang Partido Liberal ay nagdaraos ng isang malaking pagpupulong.

Nang makalipas ang ilang taon, muling ginimbal ang lahat sa nangyari kay Ninoy Aquino sa nasabing buwan rin ng Agosto, na gumising at naging mitsa ng pagbabago sa bansa. 

Sa kasalukuyan naman, ang kamalayan ng lahat ay natutok sa nangyaring sakuna, pagbagsak ng sinasakyang eroplano, ng isang miyembro ng gabinete ng pangulo ng bansa, si Kalihim Jesse Robredo ng DILG.  Ngayong buwan ng Agosto.

Sa radyo, telebisyon at peryodiko, naging laman ng balita ang lahat sa buhay ng kalihim.  Tunay na kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa kanilang siyudad ng Naga.  Ipinagluksa ng lahat ang maaga niyang pagpanaw.

Ngunit sa dinami-dami ng mga papuri na narinig at nabasa kong ipinatungkol sa kanya, ang tumimo sa aking alaala ay ang mga sinabi ng kanyang maybahay na si Atty. Leni. 

Sa telebisyon, siya ay larawan ng kapayapaan.  Naroon ang maluwag na pagtanggap sa kalooban nang ayon sa kanya, ay ang itinakdang panahon ng Maykapal para sa paglisan ng kanyang mahal na kabiyak.  Ito na ang kanyang takda, aniya, na may bahid man ng lungkot, ay nakapamilaylay pa rin ang bahagyang ngiti sa mga labi.  Matatandaan raw niya ito bilang isang mabuting asawa, mapagmahal na ama, at tapat na lingkod ng bayan.  Ibinigay nito ang lahat nang maibibigay... sa kanila... at sa bayan.  Kung paanong sila, sa kanilang pamilya ay gayun din. 

Naalaala ko tuloy ang isa kong kwento na matagal nang nalathala sa blog na ito.  Paborito ko ito, kaya agad kong inilagay.  Ang pamagat ay GA'NONG PORSIYENTO NG PAGMAMAHAL, Marso 12, 2008.  Makikita ito sa sidebar.  Pwede rin sa Archive sa taong 2008, buwan ng Marso.  Bisitahin ninyong muli.

Sinulat ko ang kwentong ito dahil sa isang tanong sa akin ng isang kaibigan.  Anya'y gaanong porsiyento raw ba ang ibibigay ko sa aking magiging asawa (dalaga pa ako noon) pagdating ng panahong iyon.  

Nagmamalaki pa ako, sabi ko'y, fifty-fifty.  Siempre.  

Sabi niya sa akin, mali!  

At bakit, mataray kong tanong.  

Kung fifty ang ibibigay mo, sabi niya, malamang na fifty rin ang matatanggap mo.  Kung one hundred ang iyong bigay, buong pusong ibibigay, maluwag sa kaloobang ibibigay, ganito rin ang iyong tatanggapin.

Napaglimi-limi kong tama siya.  At nang dumating ang nasabing panahon, siguro naman, (kung kilala ninyo ang aking partner, pwede sigurong tanungin ito), naging ganito ang prinsipiyo ko sa buhay-may-asawa.  Siyento porsiyento.  O baka 95 minsan.  O 85.  Pero laging pasado.  Like giving one's best.  Bagama't depende sa tumatanggap, one's best may not be enough.  Ngunit kung para sa nagbigay, ay ibinigay mo ang lahat, malinis, maluwag na ang iyong kalooban.

At ito ang naalaala ko sa narinig ko sa maybahay ng yumaong kalihim.  Sa wari ko'y ibinigay nila ang sandaang porsiyento sa isa't isa.  At sa kabila ng pangungulila ngayon at sa hinaharap, napapangiti pa rin sila sa daloy ng magagandang alaala ng kanilang pagsasama at pagmamahalan.

Maituturing silang huwaran ng isang pag-asawahan, ng isang pamilya.

At sa kabila ng nangyaring ito ngayong buwan ng Agosto, may mapupulot pa rin tayong butil ng katotohanang kapupulutan ng aral sa mga naganap at sa mga taong sangkot dito, na maaaring gawing pamantayan ng mga susunod sa kanilang yapak.


No comments:

Post a Comment