Sunday, April 22, 2012


BALAGTASAN

Kasabihang walang kupas, na gamit na gamit ng mga senior citizens na malimit nang makalimot sa dapat gawin o sabihin o isulat ay ito: 
Huli man daw at magaling, naihahabol din.  

Narito ang isang artikulo na padala ng masipag kong tagasubaybay at “a researcher in his own right” - si Rolly E.  Pagdating sa panitikan, Ingles man o sa ating sariling wika, tula man o prosa, siya ay aking maituturing na isa kong kindred spirit.  

Ito ay tungkol sa Balagtasan, sapagkat ngayon ay buwan ng Abril, ang buwan ni Francisco Balagtas Baltazar.

PINAKA-ANGKOP na depinisyon ng balagtasan ang isinasaad sa Wikipedia:  “Binubuo ng tatlong magtatanghal: dalawang magtatalo na magkasalungat ang pananaw, at isang tagapamagitan na tinatawag na lakandiwa (lalaki) o lakambini (babae).  Mayroon ding mga hurado na siyang maghahayag kung sino ang mananalo. Ang panitikang ito ay patalinuhan ng pagpapahayag ng mga patulang argumento nguni't maari din namang magbigay libangan sa pamamagitan ng katatawanan, anghang ng pang-aasar, pambihirang talas ng isip, at mala-teatriko at dramatikong pagpapahayag.”       

Ano ang pinagmulan ng salitang balagtasan?  Buhat ito sa salitang balagtas na tawag, gaya ng alam ng marami, sa makatang buhat sa Panginay, Bigaa, Bulakan, si Francisco Balagtas Baltazar. Alam din ng nakararami na ang Bigaa ay kilala ngayon bilang Balagtas.  Binago ang pangalan ng bayan sa pamamagitan ng isang legislative act na ang awtor ay si Congressman Teodulo C. Natividad, bilang pagkilala sa karangalang ibinigay ng makata sa bayang sinilangan.

Dalawa ang teorya sa apelyido ng tinaguriang Hari ng Makatang Pilipino:  (1) Ang Balagtas buhat sa kanyang sagisag pampanitikan (nom-de-plume o pen name) na Kikong Balagtas.  (2)  Noong 1849, nag-utos ang Gobernador Heneral na si Narciso Claveria na lahat ng Pilipino ay gumamit ng apelyidong Espanyol.  Ginamit ng mag-anak nila ang Baltazar.  Nguni't ang Balagtas ay nanatiling nakakabit pa rin sa apelyido ng pamilya.

MAHALAGA ring malaman natin kung sino si Francisco Balagtas Baltazar.  Narito – sa maikling paglalahad – ang kanyang talambuhay:

Ipinanganak siya sa Panginay, Bigaa, Bulakan, noong Abril 2, 1788.   Ang kanyang ama, si Juan Balagtas, ay isang panday.  Nagngangalang Juana de la Cruz ang kanyang ina.  Si Kiko, ang pangkaraniwang palayaw sa pangalang Francisco, ay may tatlong kapatid: sina Felipe, Concha at Nicolasa.

Nagpunta sa Tondo noong 1799 at nanilbihan sa kanyang tiyahing si Donya Trinidad.  Pinapag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at sa Colegio de San Jose at nagpakadalubhasa sa Latin, Espanyol, humanidades, at batas. Natapos siya ng pag-aaral noong 1812. Isang makata mula sa Tondo, si Jose de la Cruz (kilala sa tawag na Huseng Sisiw), na isang magaling na guro  ang nagturo sa kanya ng pagsulat ng mga tula, awit at moro-moro.

Si  Kiko ay nagpunta sa Pandacan, Maynila noong 1835.   Nakilala niya dito si Maria Asuncion Rivera.  Umibig siya sa dalaga, nguni't nagkaroon siya ng kaagaw sa pagtatangi nito  – si Mariano Capule – na isang mayamang casique.  Ginamit nito ang
yaman at impluwensya upang maipakulong si Balagtas.  Pinaniniwalaang sa piitan niya sinulat ang kanyang obra maestra, ang Florante at Laura.  Nakalaya  siya noong 1838.

Nagtungo naman siya sa Balanga, Bataan, kung saan naging kalihim ng isang hukom.  Doon, nakilala naman niya si Juana Tiambeng, isang mayamang mestisa na tumustos sa pagpapalimbag ng Florante at Laura sa palimbagan ng Unibersidad ng Santo Tomas.  Labing-isa ang naging anak nila, pito sa mga ito ang pumanaw.  Maraming mahuhusay na tula ang sinulat ni Balagtas nang nasa Bataan siya.

Sinasabing sa Orion, Bataan, sumapi siya sa isang lihim na pangkat ng mga rebelde na lumaban para sa kasarinlan.  Sa Bataan, nakulong siya sa ikalawang pagkakataon,  dahil sa akusasyong pinutulan niya ng buhok ang isang kasambahay.  Upang makalaya, napilitan ang pamilyang ipagbili ang mga ari-arian na naging dahilan ng kanilang paghihirap.

Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga tula, awit at moro-moro, hanggang sa kamatayan niya noong Pebrero 20, 1862, sa edad na 74.  Ilan sa mga sinulat niya ang Mohamet at Constanza, Almanzor at Rosalina, Rodolfo at Rosamunda, atbp.  Nguni't nanataling pinakatampok na likha niya ang Florante at Laura.

Ang  Florante at Laura ay isang awit (isa pang uri ng panitikan) o mahabang panulaan na may apat na taludtod.  Kabayanihan ang paksa.  Mga banyaga ang tauhan nito at nangyari sa isang malayong lugar sa Europa, nguni't ang mga pangyayari ay naglalarawan ng kalagayan ng lipunang Pilipino. May ilang panahon ding ang Florante at Laura ay naging isang kinakailangang aralin sa haiskul.

ILANG manunulat ang nagpulong noong Marso 28, 1924, sa tahanan ng isang Rosa Sevilla, sa Tayuman, Tondo, Maynila, para  balangkasin ang gagawing pagdiriwang ng kaarawan ni Balagtas sa Abril 2, 1924.  Nalikha ang konsepto ng balagtasan sa isang  mungkahing magdaos ng isang makabagong duplo.  Ang duplo ay isa ring pagtatalo ng patula  na idinaraos  sa mga lamayan.

Ang una ngang balagtasan ay idinaos noong April 6, 1924.  Tatlong tambalan ang lumahok.   Ginanap sa Instituto de Mujeres, doon din sa kalye Tayuman.  Sa tatlong pares, ang tambalan nina Jose Corazon de Jesus na kilala sa palayaw na Huseng Batute, at Florentino Collantes, isang manunulang buhat sa Bulakan ang kilala naman sa palayaw na Kuntil Butil, ang umani ng pnakamainit na pagtanggap mula sa mga nanood.  Ang paksa:  Bulaklak ng Lahing Kalinislinisan  na sila rin ang sumulat.  Patas ang naging hatol ng mga hurado. 

Tagumpay iyong ganap na tinanggap ng publiko kaya't nasundan pa ng isang pagsasagupa ng dalawa.  Ang sumunod na pagtatagisan ay naganap noong Oktubre 18, 1925, sa Olympic Stadium sa Maynila na ang naging paksa naman ay Ang Dalagang Filipina:  Noon at Ngayon.  Si De Jesus ay nasa panig ng Noon, sa panig naman ng Ngayon si Collantes.  Dito, ang nanalo ay si De Jesus at siya ay tinanghal na Hari ng Balagtasan.

Sumikat nang husto ang balagtasan ng mga sumunod pang mga taon.  Kumalat na parang apoy.  Buhat sa lunsod, lumaganap ito sa mga bayan at nayon ng katagalugan at di naglao'y sa iba'r ibang dako ng kapuluan.  Nalagay din sa mga babasahin.  Naisa-radyo. Nagkaroon din ng balagtasan na Espanyol o Ingles ang lengguwahe, gayundin sa  ibang dialect.  Ang sa mga Ilokano ay tinawag itong  bukanegan bilang pagkilala sa isang makatang Ilokano, si Pedro Bukaneg.  Ang sa mga Kapampangan naman ay kinilala bilang crisotan, hango sa mula sa pangalan ng manunulat at dramatistang taga-Pampanga, si Juan Crisostomo Soto

Ang mga taong 1924 hanggang 1941 ay tinaguriang Ginintuang Panahon ng Balagtasan sa ating bansa.

Lumamlam nang kaunti ang balagtsan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.  Bagama't di -bigla, nabawasan ang kinang nang dati'y marubdob na pagtangkilik ng madla; hindi naglaho, nanatiling naroroon at binabalik-balikan pa rin.

Noong mga huling bahagi ng dekada 50, lumaganap na muli ang balagtasan sa pamamagitan ng isantg palatuntunang panradyo, ang Oras ng Balagtasan sa DZRH, tuwing araw ng Linggo, sa ganap na ika-siyam ng gabi.  Tampok si Antonio Raymundo na kinilala sa taguring Tony Rey at si Ofelia Angeles. Gumanap na lakandiwa si Tino Estanislao at tagapagpakila naman si Rino Dakome.  Namayagpag na muli sa pagtangkilik ng libu-libong Pilipino.  Isa itong tanging kabanata sa kasaysayan ng balagtasan.

Pagkatapos noon, lumamlam uli.  Unti-unti, nguni't patuloy. di naman ganap na naglaho, parang buwan na madalas nang matakpan ng ulap.  Hanggang ang pagtangkilik dito ng madla ay nabawasaan nang malaki.  Ngayon, ang balagtasan, kung sakali mang mayroon pa ay bihira na nating marinig.  Marahil, sa mga paaralan at mga espesyal na palatuntunan ay nagaganap pa rin ito, nguni't wala nang iniiwang impact, wika nga.

Sayang . . . sana muling manumbalik ang sigla nito para sa kapakanan ng panitikang Pilipino.  Kailan kaya ito muling mamumulaklak?

 
Isang marubdob na pasasalamat kay Rolly E. sa kanyang napakagandang artikulo.   Wala akong maibibigay na halimbawa ng aktuwal na balagtasan, kaya ang ilalagay ko na lamang rito ay ang tulang kinatha ni Balagtas para kay Selia, na kinopya ko sa isang lumang, lumang aklat na pag-aari ng mga Sebastians, sa unang pagkalimbag nito noong 1906 (di pa malay ipanganak ang aking biyenan!)  Ang aklat na namumula na sa kalumaan, malutong na ang mga pahina ay tungkol sa buhay ni Francisco Baltazar, at isang pag-uulat sa kanyang karununga't kadakilaan.


3 comments:

  1. mayroon ba keu uri na balagtasan na my apat na tauhan?

    ReplyDelete
  2. wala! dahil kapag sa balagtasan, 3 lamang ang dapat na kalahok. isang landiwa at dalawang mambabatas

    ReplyDelete
  3. i MEAN 2 MAMBABALAGTAS
    sorry na mali yung pag type :)

    ReplyDelete