Monday, April 16, 2012

BITAG


BITAG

ISANG panaginip. Magkatabing hanay sa loob ng isang silid-aralan. I'm Alma Reyes, from Bulacan. At siya. Noel Santiago from Bulacan. Kababayan, aniya. At si Alma ay isang puting bulaklak. Busilak. Walang malay. Nakangiti. Kumakaway. Noel... Noel...

“Noel, gising na. Tanghali na.”

At sa unang mulat ng kanyang mga mata, ang mukhang nakatunghay ay ang nakangiting si Alma. Ngunit bago nagkahugiis ang pangalan ni Alma sa kanyang mga labi ay lubusan na siyang nagising. Ang mukha ay si Lorna. Ibinaba niya ang kanyang panngin. Ang katawan ay kay Lorna. Ang nasa loob ng sinapupunan nito ay sa kanila.

Sa unang pagkakaton sa kulang-kulang na pitong buwang ipinagsama nila ni Lorna, banyaga, hindi niya mabigyang-paliwanag ang damdaming naghari sa kanya.

Nakaraan ang maghapon at gabi na naman. Sa pagkakaupo sa sopa ay dahan dahang tumayo si Lorna. “Inaantok na ako. Ikaw, di ka pa ba matutulog?”

Hinatak ni Noel ang kanyang kamalayan sa pinapanood na serye sa telebisyon. Tiningala niya si Lorna. “Sige, mauna ka na. Tatapusin ko lang ito.”

Tumalikod si Lorna at tinanaw ni Noel ang marahan, uuyad-uyad na paglakad nito, sapo ng kaliwang kamay, hinimas-himas ng kanan ang tiyan. Pagkapasok ni Lorna sa silid-tulugan ay muling ibinalik ni Noel ang mga mata sa pinanonood. Siya ay binabagabag ng kakaibang damdaming nadarama. At tukso ang mga gunita.

Siya at si Alma. Kaytagal na magkasintahan. Saka dumating si Lorna. Ang ganda ay mula sa malawak na kaalaman. Mapagbasa. Mapagmasid. Isang mag-aaral sa kalikasan ng tao. Iba ang taglay na pang-akit. Matapat. Prangka. Turol kung mangusap.

Kayo ni Alma, hindi pa kasal, pormal si Lorna nang ito ay sabihin.

Anong ibig mong mangyari, pabiro ang sa kanya.

Ikaw ang tipo ko, Noel. Try me. Subukin mo ako. No strings.

At sinubok niyang maging girlfriend si Lorna. All the way. Hanggang doon. At yaon ang magandang bitag na bukas ang mga matang pinasok niya. At naiwan mang bukas ang pinto ay hindi na niya nakuhang lumabas. Nagpasiya man siyang makawala ay nagdalawa na ang kanyang kalooban. Ang alay niyang pagtatanan kay Alma ay tinanggihan nito. At sila ni Lorna ang ikinasal.

Ngunit kung gagawing simple ang mga pangyayari, kung tutuusin, siya, si Noel ay pinikot lamang ni Lorna. Pinikot lamang. Sa isang subtle na pamamaraan. Mulat ang mga matang napikot. Walang shotgun. Walang karahasan. At ang magic word, no strings. Walang tali. Kung sa kabila ng lahat ay si Alma pa rin ang mahal mo, ang pagpapasiya ay nasa iyo.

Walang tali. Ngunit siya ngayon ay nakagapos.

Ang nakalipas nila ni Alma ay isa nang saradong aklat. Nang ipasiya niyang sundin si Alma at panagutan ang nangyari sa kanila ni Lorna ay sinikap na rin niyang kalimutan ang nakaraan. Mainam ang naging pagsasama nila ni Lorna. Maligaya ang mga araw. Nang sa kanyang telepono sa opisina ay may naligaw na tinig. Noel.

Si Alma. Si Alma ay hindi pa nakalilimot. Si Alma ay nangungulila. Muli't muli ay tumatawag. Hanggang isang araw, hiniling na sila ay magkita. Ang walang malay, busilak, puting bulaklak na si Alma at ang iniaalay nito.

Pinakamamahal kita, Noel. Kung paano at kung gaano ka minahal ni Lorna noon, magagawa ko rin ngayon. At walang tali.

Ang unos sa kanyang dibdib ay kanyang pinayapa. A, hindi niya magagawa. Kahit naghuhumiyaw na makaalpas ang damdaming kaytagal niyang inalagaan sa buong panahon ng pagsisintahan nila ni Alma. Damdaming nagkaroon ng katuparan sa katauhan ni Lorna. Ng makabagong si Lorna.

Sa pagkakataong ito, kataliwas nang nangyari sa kanila noon ni Lorna, siya ay naging matatag. At naghiwalay sila ni Alma. Talos niyang napayapa na rin niya ang damdamin ni Alma. Nakahanda na si Alma sa paglimot sa kanya.

At sa tanong ni Alma kung bakit siya tumanggi sa walang taling alay, ang sagot niya ay ang katotohanan lamang.

Pinakamamahal kita... kaya....

Ang alaala ng huling pagkikita nila ni Alma ang nagpatingkad sa pangit na katotohanan sa buhay nila ni Lorna ngayon. Pitong buwang pagsasama, bago niya ito nadama, nakita, natatap. At ang salita ay mapait ang lasa sa kanyang bibig. Napikot.


ANG paghihintay sa isisilang na sanggol ay wala nang hatid na pananabik. At hindi niya maikubli ang kawalan ng interes.

“Kung lalaki, ang gusto ko'y junior,” masayang wika ni Lorna.

Ang sagot niya ay isang kibit ng balikat. At hindi na iimik si Lorna. Titingnan lamang siyang wari ay nagtataka. Na hindi naman niya papansinin.

Sa almusal lamang sila nagkakasabay sa pagkain ni Lorna. At sa hapunan. Noon. Ngayon ay nagpapagabi na siya nang pag-uwi. Nagpapalipas ng oras sa labas. At sa kanyang pagdating, tapos nang kumain si Lorna. “Hindi na kita nahintay. Gutom na si baby,” anito, sabay tapik sa tiyan.

“Di ko naman dala ang palayok,” matabang niyang sagot.

At si Lorna ay tatalikod na lamang.

Ngunit si Lorna ay prangka, turol kng mangusap, matapat sa sarili. Isang gabi ay hindi kaagad ito natulog. Hinintay siyang makatapos nang panonood ng telebisyon. “Bakit?” tanong niya.

“Talagang hinintay kita. May gusto sana akong sabihin.”

“Tungkol sa...”

“Sa ating dalawa,” nakatalikod si Lorna. Hindi niya nakikita ang mukha nito. Ngunit hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang panunuwid ng katawan nito, ang wari ay pagtigil nang paghinga nang marinig ang kanyang sinabi. “Mag-asawa na tayo, di ba. Ano pa'ng gusto mo?”

Ang udyok na makasakit ay di na niya napigilan. “Matalino ka, Lorna. Alam mong hindi kita matatalikuran, kaya malakas ang loob mo nang iyong ialay ang sarili mo sa akin.”

Nagpalakad-lakad siya sa kabuuan ng silid. Ngunit waring tuod sa pagkakatayo si Lorna. “Tinalikuran ko si Alma...”

Ang larawan ni Alma ay naglaro sa kanyang isipan. Ang tinig nito ay waring kanyang narinig. Pinakamamahal kita, Noel. At magagawa ko rin ang ginawa ni Lorna noon. Walang tali, Noel. Walang tali...

Ang marinig ang gayong mga salita sa bibig ni Alma, may sulak ng galit siyang nadama. Galit sa sarili. Sa angking kahinaan. Sa kay Lorna. Sa taglay nitong katalinuhan.

“Noel...”

Napahinto siya sa paglakad. Si Lorna ay nakatingin sa kanya ngunit di niya mabasa ang damdamin sa mukha nito. Nakatalikod ito sa lamparang pangmesa at anino lamang ng mukha nito ang kanyang nakita. “Kaya kita nais makausap, Noel.”

At siya naman ang tumalikod. Nagpatuloy si Lorna.

“Pinakamamahal kita, Noel. Nang sabihin ko sa iyo ito, akala ko'y naniniwala ka sa akin. Nagkamali ako. Ngayon ko lamang naunawaang tanging si Alma lamang ang mag-aari ng iyong puso. Pati ang pagkaalay ko ng aking sarili sa iyo ay inari mong bitag. Isang uri ng pamimikot...”

Bigla niyang hinarap si Lorna. “Hindi ba?” Nasa kanyang tinig ang hagupit ng pananakit.

Umiling si Lorna. “Hindi! Hindi! Sinabi kong walang tali. Ikaw ang nagpasiya. Ikaw, Noel, hindi ako. At kung katuwas ng mga nangyari ang naging pasiya mo, kung hindi mo ako pinakasalan, alam mong nakahanda akong mag-isang makiharap sa buhay. Ako at ang anak... anak natin...”

“Mahal kita, Lorna,” ang putol niya. “Sinabi ko sa iyo, noon. At hindi ko itinatatuwa. Kaya kita pinakasalan. Ngunit waring... waring kulang, hindi sapat ang uri ng pagmamahal na iyon, upang...”

“Makasama ako habang buhay,” ang sapo ni Lorna.

Ang mga sumunod na sinabi ni Lorna ay hindi niya inaasahan. Bagaman at ang ganitong pasiya ay umaayon sa kalikasan ni Lorna.

Ibinibigay ko ang natitirang kaunting kalayaan mo na maisasauli ko. At ngayon na, habang wala pa siya. Siya. Ayokong ang pagsilang niya ay maging dagdag na tanikala na gagapos sa iyo at sa akin. Madadalaw mo siya at maaangking iyo. Sapagkat siya ay iyo. Bunga ng pag-ibig ko, sa iyo. Ito'y hindi ko pinagsisisihan. Ngunit ang pagpapakasal natin ay isang pagkakamali.


MADILIM ang apartment at inakala niyang tulog na si Lorna. Kumatok si Noel, una'y mahina lamang upang huwag bigla ang pagkapukaw ni Lorna. Ngunit walang sumasagot. At inapuhap niya ang susi sa kanyang bulsa.

Amoy luom ang sumalubong sa kanyang pagbukas ng pinto. Tinuunan niya ang switch ng ilaw. Hindi niya kailangang pahirin upang malamang makapal na sa alikabok ang sopa't mesa sa salas, ang ibabaw ng telebisyon, ang mga kurtina. Tuloy-tuloy siya sa silid-tulugan. Ang gulo ng kamang iniwan niya noong umaga ay gulo pa ring dinatnan niya. Ipinipilig ang ulong naupo si Noel sa gilid. Ngunit tinamaan ng kanyang paningin ang tokador ni Lorna. Malinis sa mga gamit. Wala nang rollers na maayos na nakasalansan sa isang tanging lalagyan. Wala na ang hairbrush. Ang magagandang bote ng pabango.

Wala na si Lorna. Talagang wala na si Lorna.

Hindi siya nakatanggi sa pasiya ni Lorna. Maghiwalay. Nang mga sandaling iyon na magkausap sila, naniwala siyang iyon lamang ang tanging kalutasan ng kanilang suliranin. Uuwi si Lorna sa mga magulang, magbibigay ng paunang paliwanag. At siya, si Noel, ay maiiwan muna sa apartment, siyang mag-aasikaso sa pagbebenta ng lahat ng kanilang kasangkapang naiwan. Saka na lamang sila muling mag-uusap. At magpapasabi na lamang ito kapag nagsilang na.

Dalawang buwan na silang magkahiwalay ngunit hindi pa niya binibitiwan ang pag-upa sa apartment, hindi pa nagpapaanunsiyo ng mga ibebentang kasangkapan. Dalawang buwan na siyang umuuwi sa isang ulilang apartment. Dalawang buwan nang pakain-kain sa mga restauran, papano-panood ng sine, palaru-laro ng bowling. Kalaunan, painum-inom nang kaunti, para kaagad makatulog pagdating ng bahay.

Lorna...

Humiga si Noel. At pumikit. Lorna, ang kanyang bulong. At sa balintataw niya'y naglaro ang dalawang larawan.

Pinakamamahal kita, Noel. Subukin mo ako, hanggang doon.

Pinakamamahal kita, Noel. Magagawa ko rin ang nagawa ni Lorna noon, at walang tali.

Si Lorna at Alma. At siya. Pinakamamahal kita, Alma, kaya kita tinatanggihan sa iyong iniaalay.

At muli, ang larawan ni Lorna. Malaking-malaki sa dinadalang sanggol. Ibinibigay ko ang natitirang kaunting kalayaan mo na maisasauli ko. Pinakamamahal kita, Noel. Kung uulitin ang mga pangyayari ay muli't muli kong iaalay ang aking sarili sa iyo. Ngunit tatanggihan ang alay mong pagpapakasal. Patawad, Noel... Please... remember me with kindness.


NASA labor room si Lorna. “Sa gawing iyon,” nakangiting wika ng nars.

Nakasalubong ni Noel sa pasilyo ang biyenang babae. “Magpapatawag sana ako sa iyo, alam mo na pala,” hindi ito ngumingiti, ngunit iniabot ang kamay kay Noel.

“Nagpunta ho ako sa bahay. Kakausapin ko sana si Lorna.”

“Hindi ba pwedeng ipagpaliban? Naghihirap si Lorna.”

“Inay,” inakbayan ni Noel ang biyenan. “Nais kong marinig ni Lorna ang aking sasabihin bago siya magsilang. Tungkol sa inaalaaan kong halaman. Na nangangailangan ng kanyang kalinga at pagmamahal. Kung papayag siyang muli naming bigyan ng bagong pagkakataon ang aming pagsasama. Ang nakaraan ay wala na. Ang mahalaga ay ang ngayon, Inay.”

Nagpapahid ng luha ang matanda. “Sulong na't dadalhin na siya sa delivery room.”

Sugod si Noel. Sa pagliko ng pasilyo ay muntik na niyang mabangga ang isang wheelchair, may sakay. Noel!

“Lorna,” ginagap ni Noel ang kamay ng asawa. "I love you."

May luhang sumungaw sa mga mata ni Lorna. "I love you, too."

At tumikhim ang nars na nagtutulak ng wheelchair.


Pebrero 4, 1985





No comments:

Post a Comment