Wednesday, April 4, 2012

ARE YOU HAPPY?


ARE YOU HAPPY?

Noong nakaraang buwan, may dinaluhan kaming miting/forum kung saan nirerepaso o dinadagdagan o ina-update, kumbaga, ang mga natutuhan namin sa isang seminar na kinuha, dalawampung taon nang mahigit ang nakalilipas. Nawiwili kaming dumalo sa forum na ito, kasi, bukod sa may bagong kaalaman na natututuhan, muli pa naming nakikita ang mga maituturing na ring dating “kaiskwela”.


Ang miting/forum ay sinisimulan ng aming facilitator sa pamamagitan ng paghingi o sharing ng mga “jokes”. Lahat ng uri ng jokes, lahat ng kulay, political o pampulitiko, absurd, corny, irreverent, at kung anu-ano pa. Isa lang ang hiling ng aming facilitator, kahit hindi nakatatawa, kailangang tumawa ang lahat. Dahil, napatunayan na sa isang isinagawang study na totoong “laughter is the best medicine”. Kapag tumatawa ang isang tao, nagri-release siya ng endorphins, na isang natural painkiller ng ating katawan, bukod pa sa nagbibigay ito ng pangkalahatang mabuting pakiramdam.


Ayon pa rin sa mga pag-aaral, ang pagtawa ay nagtataas ng “interferon level” ng ating immune system, tuloy tinutulungan itong labanan ang anumang sakit, bukod sa higit na mabilis na pagpapagaling.


Nakaka-relax din ang pagtawa. Nakakawala ng tension, nakakabawas ng stress. Nagiging “pleasant” ang pakiramdam, nagiging “in the mood” - sa pagtatrabaho, sa pakikipagkaibigan, o sa anupamang ginagawa.


Aba, e, nakakababa pa raw ng level ng blood pressure! Kailangan natin iyan. At alam ba ninyo kung saang lugar tayo makatatagpo ng mga katawa-tawa o katuwa-tuwang situwasyon?


Simpli lang. Sa piling ng mga dating kaiskwela at kaibigan. Makipag-reyunyon! Sa pamilya. Sa pagmamasid sa mga naglalarong bata. O kuting! O tuta! Sa pakikinig sa usapan ng mga musmos. Sa panonood ng mga sitcom sa telebisyon o pelikula ng mga paborito ninyong komedyante. Sa pagbabasa ng komiks o libro ni Kuwan... alam na ninyo kung sino.


Hindi ko malimutan ang aking Inang. Nakaupo siya sa tabi ng bintana ng aming bahay at nanonood ng mga naglalaro ng patintero sa kalsada na nasa aming harap. Mga dalawang metro lamang ang layo ng aming bahay sa bakod. Sa malaking katuwaan niya sa panonood, nahulog ang kanyang pustiso sa ibaba. Swerte na lamang na hindi nabasag o nabiyak ito. Mahusay talaga ang dentista niya. Lagi, ang gunitang ito ay nagdadala ng katuwaan sa pamilya tuwing ito'y napag-uusapan.


Lahat tayo ay may kani-kaniyang nakatutuwang karanasan na nagdulot nang hindi matingkalang katuwaan, o hagalpakan, o pigil na pagtawa (upang hindi naman mapahiya ang biktima, kumbaga.) Isang hindi ko makakalimutan ay isang sariling karanasan nang una kong pagtungo sa Amerika. Agad kong napansin na kasama sa mga batian doon, bukod sa “good morning o afternoon o evening” sa mga nakakasalubong, kahit hindi naman magkakilala, ay ang mga salitang, “have a nice day!” Na agad namang sinasagot ng binati ng mga salitang “you, too!” Siempre, mabilis kong natutuhang sumagot ng “you, too!” Isang buwan pa lamang ako roon ay bihasa na akong sumagot ng “you, too.” At... dumating na ngayon ang napipinto kong pag-uwi sa Pilipinas. Sinamahan akong mamili ng mga pasalubong ng hipag ng aking kapatid. Habang namimili ako, ikinukwento naman niya sa salesman na taga-Pilipinas ako, nagbakasyon doon, etcetera. Siempre, very attentive naman iyong Amerkano. Hanggang binalingan niya ako at sinabing “have a nice...”


Kaso, hindi pa natatapos iyong mga salita niya, ay sumagot na agad ako ng “you, too!” E, ang kasunod pala naman ng kanyang sinasabi ay “trip”. Have a nice trip! Na sinagot ko ng “you, too!” Naku, e, sa loob-loob siguro noon Amerkano, aba, e, pinagtri-trip pa ako nito! Alam ba ninyong gusto kong bumunghalit ng tawa noon din, kaso, iyong kasama ko, e, pinigil ang pagtawa niya dahil ayaw siguro akong mapahiya. Nang dumating kami ng bahay at ikwento ko ito sa aking kapatid, noon lamang po tumawa ang kanyang hipag. Dahil nakita niyang todo rin ang aking halakhak. Bait naman niya, ano po!


Ngayon, kung hindi naman ninyo type ang tumawa, baka talagang wala sa bokabularyo ninyo ang pagtawa nang malakas, iyong bumubunghalit, kumbaga, na halos mag-lockjaw ka na sa laki ng bukas ng bibig, e, di daanin na lamang ninyo sa ngiti, sa simpling ngiti, sa mahinhing ngiti. Basta at sa kaibuturan ng inyong sarili ay naroroon ang kasiyahan, ang katuwaan, ang payapang damdamin ng isang maligaya sa kanyang buhay. Okey na rin ito.


At ano naman kaya ang magpapangiti sa inyo? Na kahit nag-iisa kayo ay magbibigay sa inyo ng damdaming ngumiti? Simpli rin naman. Magpatugtog kayo ng CD ng mga lumang tugtugin ng inyong kabataan. Makinig sa programa sa radyo nina Barr Samson at Jo San Diego at ng mga katulad nila sa DZBR o 104.3 FM at ngumiti sa pagdaloy ng mga gunita ng inyong “golden years” sa himig ng mga oldies but goodies na awitin nina Frank Sinatra, Matt Monroe, Tony Bennett, Dean Martin at kung sinu-sino pa.


Para lalong mainam, kung mayroon kayong stationary bike, sabayan ninyo ito nang pagbibisikleta. Nakaka-exercise na kayo, nakaka-reminisce pa nang hindi nakatanga lamang at mapapangiti pa habang binabalikan sa alaala ang mga panahong “yaon” na hindi naman ninyo maibabahagi o maikukwento sa kasalukuyan ninyong partner sa buhay ngayon.


O kung wala kayong bisikleta, ang patugtugin naman ninyo ay iyong non-stop na cha cha at kahit mag-isa kayo, e, birahan na rin ng sayaw. Menos pa sa DI. Imagine na lang na kasayaw ninyo, kung sinuman iyong nais ninyong makasayaw. Nakaka-exercise na rin, masaya pa!


Okey ito, di ba? Kaya, sige...







No comments:

Post a Comment