Friday, September 30, 2011

HAPPY ANNIVERSARY


HAPPY ANNIVERSARY


SA PAGKAKAHIGA sa kama, kitang-kita ni Marcia ang malaking kalendaryo sa dingding sa may pagpasok ng silid. Huwebes. Pebrero 25. Bumiling siya nang higa, saka sinulyapan nang palihim ang katabing asawa. Tulog na si Nestor.

Nagbuntong-hininga si Marcia. Sa kailaliman ng dibdib hinugot. Diyos ko, usal niya. Tulungan po ninyo ako sa pagkalamay ng aking loob. Ayoko nang masaktan.

Hinagkan ni Marcia sa labi ang asawa. "'Oy, gising na. Tanghali na."

Umungol si Nestor. Nagmulat ng mga mata. Nginitian ni Marcia ang asawa. Muli, hinagkan sa tungki ng ilong. Saka bumaba ng kama. Nang mapansin niya, si Nestor, sa pagkakahiga na ang ulo ay nakapatong sa magkasalikop na mga palad, ay matamang nakatitig sa kanya. Nakangiti. At lumukso ang kanyang puso.

"Bakit?" tanong niya, kinakabahan, nasasabik sa isasagot ng asawa.

"Wala naman," bumangon si Nestor. "Para lamang ang saya-saya mo. Ano ba mayron ang araw na ito at in the mood ka?"

Hindi napigilan ni Marcia, nasamid siya. At habang hinihimas-himas ni Nestor ang kanyang likod ay umiling-iling siya. "Wala naman. Wala."

Nang makatalikod at makapasok sa banyo si Nestor, napatawa siya. Mapakla. Wala naman, ulit niya. Kaya lamang, limang taon na ang nakararaan, ngayong araw na ito. Pebrero 25, alas seis ng umaga, sa simbahan sa Ermita, sa harap ng altar, tumayo ka't inabangan mo ako. Anibersaryo natin, Nestor. Nakalimutan mo na naman.

Mariing ipinagpag ni Marcia ang kumot na itinitiklop. Buhat sa banyo, nakikisabay sa lagaslas ng tubig sa dutsa ang malaking tinig ni Nestor. Kumakanta ng La Bamba.

Sa kabilang silid, may batang tumawag. "Mommy!" Ang kanilang panganay. Nagmamadaling tinakpan ni Marcia ang inaayos na higaan at sumugod sa anak na nagising.

Apat na taon na si Janet. Hustong isang buwan ito nang kauna-unahan nilang anibersaryo ng kasal. At hindi pa makakalimutin si Nestor. Pinapalitan niya ng lampin ito nang tawagin siya ni Nestor. Sa pagkakahiga sa kama, waring walang balak bumangon si Nestor. Tandang-tanda pa niya ang eksenang iyon. Noon.

Nagmamadaling tinapos niya ang gingawa at inilipat ang anak sa crib. Nilapitan niya ang asawa, niyukuan, at sa kunwari'y nanunuyang tinig ay nagtanong, ano po ang inyong kailangan?

Hindi na niya nakuhang iyunat ang kanyang katawan. Kinabig siya ni Nestor at padapa siyang bumagsak sa kama. Ano ba, kuno ay nagpumiglas siya.

Mahigpit siyang niyapos ng asawa, salikop ng kamay ang likod ng kanyang ulo. Ulit-ulit, hinagkan siya. At sa pagitan ng mga halik, bumubulong, happy anniversary. Happy anniversary.

Isang buwan pa lamang siyang nakapanganganak. Inilingan niya si Nestor, pinandilatan. Sabi ng kanyang obstetrician... ha, ungol ni Nestor. Wala na siya roon. Akong bahala... paano niya makakalimutan ang unang anibersaryong iyon.

Ngayon ay apat na taon na si Janet. Nasundan na ng isa pa. At limang taon na silang kasal ni Nestor. Limang taon lang, wala na sa bokabularyo ang salitang anibersaryo.

Sa harap ng hapag-kainan, napalatak si Nestor. Wow. Okey, ha, at nilantakan na nito ang omelet, ang hiwa-hiwang hamon, ang papaya.

Muli, ang buntung-hininga sa kailaliman ng dibdib hinugot. Hindi man lang nagtaka, malungkot na naisaloob ni Marcia.

Ang reception ng kanilang kasal ay ginanap sa Aristocrat sa Roxas Boulevard. Tandang-tanda pa niya ang menu. Fruit cocktail. Omelet, ham, russian salad. Hindi karamihan ang putahe, ngunit tama nang pang-almusal. Iyon nga lamang ay kung magkano ang per cover.

Noon pa lamang, naisip na niya. Tuwing anibersaryo ng kanilang kasal, gagayahin niya ang mga pagkaing inihanda sa reception. Hindi man lahat, e, ilan man lamang. At taun-taon ngang ginawa ng Diyos, lagi siyang may omelet at hamon, saka kung anuman ang prutas na napapanahon. Nang una't ikalawang taon, napapansin pa ito ni Nestor. A... Aristocrat, ha. At bibirahan nito ng kain. Saka pagdating ng hapon, pagkalabas sa opisina, nanonood sila ng sine. At pagdating ng gabi...

Nang ikatlong taong anibersaryo ng kanilang kasal, parang nakalimot si Nestor. Ngunit sa kaayawan niyang mapaganoon na lamang ang kanilang anibersaryo, siya na ang nagpaalala. Paalis na ito, palabas na ng pintuan nang kanyang hatakin. May ibubulong lang ako, kanyang sabi.

Hinagkan niya sa pisngi ang asawa. Happy anniversary, pakiramdam niya ay mapapaiyak siya sa pagdaramdam

Walang sinabi si Nestor. Inakbayan siya, mahigpit. At bumulong din. Mamayang hapon, magkita tayo. Kakain tayo sa labas. Magsisine.

Kinahapunan, sa dati nilang hintayan, sa may bangketang nasa harap ng isang tindahan ng sapatos sa Carriedo, sa gusali na dati niyang pinag-oopisinahan, nagkita silang mag-asawa. May hawak na isang maliit na supot si Nestor. Regalo ko sa iyo.

Ang laman ng supot na iniabot sa kanya ay sinilip niya. Ang nakita niya ay isang balot ng sabong mabango. Ivory. Napatingin siya sa asawa. Ngumiti si Nestor. Di ba iyan ang ginamit natin sa honeymoon. Sa hotel sa Baguio.

Karaniwang empleyado lamang si Nestor. Ang suweldo ay tama lamang sa kanilang mag-anak. Bayad sa apartment. Sa katulong. Ilaw, tubig, groseri, pamalengke, bigas, allowance ni Nestor, pambili ng kung anu-anong gamit sa bahay, paminsan-minsan ay gamot at bayad sa doktor kung may nagkakasakit na mga bata, o damit kung kailangan, at ang takdang halaga na panghulog sa bangko. Kung nagtatrabaho sana siya, baka maluwag-luwag sila. Kaya lang, nasara ang opisinang pinapasukan niya.

Ang buong suweldo ni Nestor ay intregado sa kanya. Saka niya ito binibigyan ng perang sarili para sa mga gastos na pansarili. Hindi limitado sa pera si Nestor. Kung kailangan nito, biglang may pagkakagastahan, mayroon pang paghahatakan. Babawasan ang savings, na sana, pagdating ng panahon, pang down sa isang lote sa isang subdibisyon. Ngunit totoong maliban sa allowance, wala nang pagkukunang iba si Nestor. Kaya kung dumarating ang kanyang kaarawan, o ang Pasko, o ang Valentine's day, o ang anibersaryo ng kanilang kasal, walang regalo sa kanya si Nestor.

Mayroon siyang kaibigan. Dating kasama sa opisina. Dalaga pa siya ay may asawa na ito. At siya ang saksi ng mga ibinibigay na regalo ng asawa nito. Relo noong unang anibersaryo. Napakagandang lounging robe sa Rustan's binili nang pangalawa. Kuwintas na perlas nang pangatlo. Mga handbag, damit, pabango, bukod pa sa mga roses at chocolates.

Kalabisan nang sabihin na sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakakaramdam siya ng inggit kay Millet. Mabuti pa si Millet. Ngunit hanggang doon lamang ang pananaghili niya. Mapagregalo ang asawa ni Millet, sapagkat unang-una'y talagang maalalahanin ito marahil. Pangalawa'y talagang makuwarta. Pangatlo at hindi siya ang nakaaalam nito, kundi pati ang buo nilang opisina, medyo kaliwete raw. Ang pagreregalo raw nito, ayon sa sabi-sabi ay isang paraan ng pagbabawas ng kasalanan sa asawa.

Kaya naman hindi niya pinaghahanapan si Nestor. Wala itong pagkukunan ng mga ireregalo sa kanya, maliban kung babawasan ang suweldong iniintrega. Saka, wala itong kasalanang dapat bawasin. Mabait na asawa si Nestor.

Ang tangi lamang niyang hinihiling, bagaman at hindi niya masabi nang harapan, ay ang maalaala man lamang ni Nestor na siya ay batiin. Happy anniversary, dear. Saka, isang halik. Tapos na. Kuntento na siya. Ang kaso, ikatlong taon pa lamang ng kanilang kasal, makakalimutin na ito. Kundi pa niya ipinaalala, makaaalis ito nang hindi man lamang nalaman na anibersaryo nila.

At noon niya naisip, sa susunod na taon, sa ikaapat na anibersaryo nila, talagang-talaga, na hindi na niya ipaaalala ito. At nang dumating ang nasabing petsa, kahit pa nga naghanda rin siya ng omelet at hamon sa almusal, wala siyang sinabi. O, sige, ang sabi ni Nestor bago lumabas ng pinto ng apartment.

O sige. Tumango siya. Hinding-hindi siya makapagsalita. Mapapabulalas siya ng iyak. Hindi pa nakasasakay ng bus si Nestor ay tumalikod na siya't nagtungo sa kanilang silid. Ikinandado ang pinto. Bumira nang iyak. Na kaya lamang niya itinigil ay sa dahilang ayaw naman niyang mahalata ng katulong.

Noong binata naman si Nestor ay maalalahanin. Talaga raw ganoon ang binata, ang kuwentuhan sa opisina. Lahat ng petsa ay natatandaan. Kung kailan sinagot. Pati oras. Pati ang kulay at yari ng suot nilang damit. Alam kung saang sine unang nanood. At restorang kinainan. Pero kapag mag-asawa na, wala na... ang kwentuhan sa opisina. Noon ay dalaga pa siya at ayaw niyang maniwala. Buo ang pag-asa niyang naiiba si Nestor. Nagkamali yata siya.

Nang dumating si Nestor nang hapon iyon nang ikaapat nilang anibersaryo, wala pa rin. Pagkahapunan, nanood ito ng telebisyon. Pagkatapos ay nahiga at nagbasa ng isang Ludlum. Sa tingin niya, matatapos ang araw, hindi makaaalaala si Nestor. At wari ngang hindi. Hindi pa nagtatagal sa pagbabasa'y inapuhap na nito ang switch ng lampara sa tabi ng kanilang kama. Huwag, gumatol ang tinig niya.

Napatingin si Nestor sa kanya. Bakit. Magbabasa ka pa ba.

Bigla, sumubsob siya sa dibdib ni Nestor. Wari, binabagyo ang kanyang dibdib. Tinangka niyang magsalita. Wala siyang tinig. Inipit ng sama ng loob na bumara sa kanyang lalamunan.

Gulilat na hinawakan siya ni Nestor sa magkabilang balikat. Pilit na itinataas ang kanyang mukha. Na pilit naman niyang itinatago. Bakit, tanong nito.

Tinakpan niya ng dalawang palad ang kanyang mukha, huhuhu, napapalakas ang kanyang iyak.

Kinabig siya ni Nestor. Hinimas-himas ang kanyang likod. Bakit.

Naka... nakali.... nakalimutan mo... muli bumara ang salita sa kanyang lalamunan.

Ang alin. Ang alin, ulit-ulit na tanong ni Nestor.

Kinagat niya nang mariin ang kanyang labi. Ang... anibersaryo natin.

Ngayon, bigla, waring nanlata si Nestor.

Pagkatapos ng anibersaryong iyon, talagang binuo na niya sa loob na kalilimutan na niya ang mga ani-anibersaryo. Tinatanggap na niya. Maluwag na niyang tinatanggap, wala sa bokabularyo ni Nestor ang mga ganitong bagay. Isang kapintasan ng isang lalaking may asawa ngunit iyon lamang naman ang kapintasan ni Nestor. Mabait ito, hindi kaliwete na tulad ng asawa ni Millet, aliw niya sa sarili. Kaya nga lang, kung thoughtful ba si Nestor, a, di lalo sanang mainam.


AT NGAYON nga ay limang taon na silang kasal ni Nestor. At sarap na sarap ito sa pagkain ng omelet at hamon. Na sa kabila ng kanyang resolusyon na hindi lutuin upang lubusang mabura ang importansiya ng nasabing araw, ay niluto pa rin niya. Baka sakali, kanyang naisaloob. Basta, hindi ko na pasasamain ang aking loob. Wala nang iyakan.

Humalik si Nestor sa mga anak. "Babay, Janet. Babay, Boyet."

Saka inakbayan siya ni Nestor. "O, sige."

Sa buong maghapon, ginampanan niya ang mga gawaing araw-araw niyang ginagawa. Talagang ganoon, hindi sentimental si Nestor. At karagdagan pang dahilan. Lubhang subsob sa trabaho. Lumalaki ang pamilya, kailangang kumayod. Nalulungkot siya sa mga pangyayari, nguni't hindi siya umiyak.

Kinagabihan, nagprito siya ng manok para sa kanilang hapunan. Tutal, hindi na kakain sa labas at hindi rin magsisine. Habang siyang-siya sa pagkain si Nestor ang pag-asang hindi mamatay-matay sa kanyang dibdib ay pilit niyang iwinaksi. Masasaktan lamang ako, huwag na, kanyang usal. Talagang nalimutan na niya. Ngunit ang pag-asa'y hindi lubos na matabunan ng katuwiran. Bago matulog ay naligo si Marcia. Ang ginamit na sabon ay ang honeymoon soap nila. Ang ivory.

Ngunit si Nestor ay nagtagal sa ibaba, sa panonood ng telebisyon. Doon tuluyang tinanggap ni Marcia ang pagkatalo. Bago siya nahiga, nilapitan niya ang kalendaryo sa dingding. Huwebes. Pebrero 25. Napailing-iling siya. Malungkot na binaliktad ang dahon nito sa buwan ng Marso. Kahit hindi pa tapos ang buwan. Kahit hindi na makita ang natitirang araw nito. Paalam, Pebrero, buwan ng aking anibersaryo, bulong niya sa sarili.

Hinihila na siya ng antok, napapapikit na siya, nang maramdaman niya ang pagpanhik ni Nestor, ang payao't ditong mga yabag, ang pagtigil sa harap ng kalendaryo sa dingding. Naalimpungatan namulatan niya si Nestor, nagmamadali sa pagkuha ng nakasabit na kalendaryo.

"Hindi ka kumikibo. Muntik ko nang makalimutan!" nanunumbat ang tinig ni Nestor, habang iwinawasiwas ang hawak na kalendaryo.

"Ang alin?" bigla, gising na gising siya.

"Anibersaryo ng ating kasal bukas! Bukas!" ipinakadiin-diin ni Nestor habang ipinakikita ang hawak na kalendaryo, itinuturo ang araw at petsa rito. Biyernes. A-beinte singko. At natanto niya, na ni hindi napansin ni Nestor na ang kalendaryo ay nakalagay na sa buwan ng Marso, hindi na sa buwan ng Pebrero.

Inagaw ni Marcia ang kalendaryo. Ang binaliktad niyang dahon ng kalendaryo. Nakaalala ngang tumingin ng petsa si Nestor, mali naman ang buwan..

Pero hindi na bale. Matututo rin silang dalawa. Si Nestor, na maging maalalahanin, kalaunan. At siya, na maging tunay na pasensiyosa. Sa kabila ng lahat, ang pag-ibig pa rin ang mahalaga.

Sinapo niya ng palad ang mukha ng asawa at hinagkan sa ilong. "Happy anniversary," kanyang bati. Saka na niya ikukuwento ang malaking pagkakamali.


Pebrero 8, 1988 liwayway

No comments:

Post a Comment