Monday, September 5, 2011

BAGYO AT LINDOL SA PILIPINAS


BAGYO AT LINDOL SA PILIPINAS


May tagasubaybay na nagtanong ng tungkol sa bagyo at lindol sa Pilipinas. Naalaala ko tuloy ang kamakailan na pagdalaw ng lindol sa ilang estado sa North America. Kabilang dito ang Virginia na kinaroroonan ng aking anak at kapatid. Agad akong tumawag upang mangumusta. Ganito ang paglalarawan ng aking anak sa kanyang unang karanasan sa lindol doon. Aniya -

Kumpara sa Pilipinas, kung saan sideways ang kilos ng lindol, dito ay parang may rumble na nanggagaling sa ilalim. Akala ko'y may puputok na furnace o airconditioner o nag-stuck na washing machine. Parang may nagdaraang 12-14 wheeler truck o train sa tabi ko. Agad kong inilabas ng bahay ang aking mga anak. Isang kapit-bahay ang nagsabing lindol nga ito.

Sa kanyang email ay nagbigay siya ng link sa Washington Post tungkol sa mga impormasyon ng nangyaring lindol sa kanila, at ito ang aking nabasa:

Na ang klasipikasyon ng Virginia ay “moderate” seismic risk at ang tsansa lamang na makaranas ng isang 4.75 na lindol ay minsan sa isang dantaon (century). Ang nangyaring lindol na may lakas na 5.8 sa Richter Scale ay itinuturing nilang pinakamalakas na tumama sa kanila sapul ng taong 1897. bagama't may mahihina namang lindol na nagaganap na bahagya nang nararamdaman at hindi nagdudulot ng mga pagkasira o pananalanta.

Ngunit sa Pilipinas, iba ang senaryo. Pinalad akong maregaluhan ng isang aklat, Catalogue of Philippine Earthquakes 1589 - 1864 na ang nilalaman ay tinipong impormasyon ng mga naganap na lindol sa bansa simula pa ng Hulyo, 1589. Hindi nga pinatawad ni Ondoy ang nasabing aklat, ngunit pinagtiyagaan kong patuyuin ito. Bagama't naninikit ang mga pahina, nababasa ko pa rin naman. Kasama sa sumulat at nagtipon nito ay isa kong kamag-aral sa high school, si Rolando Valenzuela. Natatandaan kong nagbigay pa kami ng mga kopya nito sa library ng high school na pinagtapusan namin ng pag-aaral.

Noon, ang karaniwang nasasalanta ng lindol ay mga gusali at simbahan. Ang mga pari ang nangangalap ng impormasyon tungkol sa mga naganap na lindol, kaya, sa pananaliksik ng mga sumulat ng aklat, dito sila nakakuha ng mga datos.

Ang lakas o Intensity ng lindol sa Pilipinas ay sinusukat batay sa Rossi-Forel Scale of Nine, ayon sa aklat na nabasa ko. Ang ibig sabihin naman ng Intensity ay ang sukat ng lakas ng lindol batay sa epekto nito sa tao, sa mga gusali at bahay at sa mga kapaligiran. Iba naman ang ibig sabihin ng Magnitude ng lindol. Ito naman ay ang sukat ng laki (measure of size) ng paglindol. Ang Magnitude ng isang lindol ay isa lamang, kahit iba-iba ang nadamang Intensity nito.

Agosto 02, 1968 – 4:19 A.M. Isa ito sa mga lindol na ilalahad ko rito. Personal ko itong naranasan. Madaling-araw, at ginising ako ng pag-uga ng pintuan ng aming silid, parang inihahampas ang dahon sa hamba nito. Nagmula ito sa Silangang bahagi ng Casiguran na nagtataglay ng Intensity VIII at ang lindol ay nadama sa buong Luzon, Intensity VII sa Maynila at ilang bahagi ng Hilagang Bisaya. Itinuring itong isa sa mga pinakamapinsalang lindol sa nakaraang dalawampung taon na sumira sa maraming gusali. Noon gumuho ang Ruby Tower, isang gusaling may anim na palapag, mga tindahan sa una, opisina sa pangalawa at mga residencia mula ikatlo hanggang ikaanim na level. Ito ay yari sa reinforced concrete frame na buung-buong gumuho, maliban sa hilagang bahagi ng una at ikalawang palapag. Daang tao ang namatay at nasaktan sa lindol na ito.

Agosto 17, 1976 – 12:11 A.M. Isang napakalakas na lindol ang nadama, as far north as the Visayas and the southeastern tip of Luzon and as far south as Borneo. The magnitude was 7.8 on the Richter Scale, from preliminary determinations made by the National Oceanographic and Atmospheric Administration (NOAA), U.S.A. The number of people confirmed killed reached a total of 3,564. Missing were 1,502; injured were 8,256 and 12,183 families were rendered homeless. Ang lindol ay sinundan ng tsunami sa baybayin ng mga lalawigan ng Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao. Ang Sulu, Tawi-tawi at Basilan ay idineklarang mga disaster areas. Ayon sa mga U.S. Geophysicist, ang epicenter ng lindol ay nagmula 33 kilometro sa ilalim ng dagat kung saan nagko-contact ang tectonic plates ng Pilipinas at Tsina.

Wala pa sa hawak kong aklat ang nangyaring lindol kung saan parang accordion na natupi ang Hyatt Hotel sa Baguio.

Noong 1980's, may ginawa akong komiks para sa PAGASA tungkol sa bagyo, lindol at pagputok ng bulkan at ang kaakibat na disaster preparedness para sa mga ito. Ito ay SI NENENG AT ANG BAGYO, SI NENENG AT ANG BULKAN, SI NENENG AT ANG LINDOL. Ngunit mula noon, marami nang naganap na pagbabago sa naisulat ko. Halimbawa'y ang pagpapangalan ng mga bagyo.

Naisulat ko noon na ang pagpapangalan sa bagyo ay nagmula kay Clement Wragge, isang Australyano, noong ika-19 dantaon. Walang malinaw na dahilan kung bakit ngalan ng babae ang dahilan. Nang ikalawang digmaang pandaigdig, sinimulan ng mga Amerkano ang paggamit ng Army's phonetic alphabet tulad ng Able, Baker, Charlie para sa madali at mabilis na pakikipagtalastasan tungkol sa bagyo.

Ngunit sa Pilipinas, noong taong 1963, ipinasiya ng Kawanihan ng Panahon ang pagbibigay ng pangalang Pilipino na karaniwang nagtatapos sa ng sa mga bagyong dumadaan sa Philippine Area of Responsbility. Apat na grupo ng mga pangalan ang ginagamit sa iba't ibang taon na inuulit lamang tuwing ikaapat na taon. Halimbawa ay tulad ng Auring, Bebeng, Karing, Diding, Etang, Gening, etc. para sa taong 1995. Na kapag umabot ang halaga ng pinsala sa batayang napagpasiyahan ng mga awtoridad, hindi na inuulit ang pangalan ng nasabing bagyo. Tulad ng Bagyong Dading noong 1964, pinalitan ng Didang noong Mayo 1976 na muling binago at naging Ditang noong 1988. Noon ito. Ngayon ay naiba na ang mga pangalan ng bagyo, medyo naging moderno na.


Isa pang nabago ay ang klasipikasyon ng lakas ng bagyo. Noon, tatlo lamang ngunit ngayon ay apat na ito at mayroon nang Signal No. 4. Ayon sa datos na pinagbatayan ng ginawang komiks ng PAGASA noon -

Sa Public Storm Signal No. 1 – may bagyo na sa loob ng 36 na oras ay mararamdaman sa pook kung saan nakataas ang babalang ito. Ang hangin ay may 30 higit pa hanggang 60 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 2 – Palapit na ang bagyo. Sa loob ng 24 oras ay mararamdaman sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin higit pa 60 hanggang 100 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 3 – Sa loob ng 18 na oras ay mararamdaman na sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin na higit pa 100 hanggang 185 kilometro isang oras.

Sa Public Storm Signal No. 4 – Sa loob ng 12 na oras ay mararamdaman na sa pook kung saan nakataas ang babalang ito ang hanging may tulin na higit sa 185 kilometro isang oras. Napakamapanganib ang bagyong ito.

Kung sakaling may nabago na rin dito, hindi ko na alam sa ngayon. Ang mga nabanggit sa itaas ay ibinatay ko lamang sa mga nakalap kong datos mula sa PAGASA nang ipagawa nila sa akin ang mga nasabing komiks.

Sa kasalukuyan, mga apat na bagyo pa raw ang darating sa bansa. Halos sinasabayan naman tayo ng mga hurricane na dumadalaw sa America. Katatapos lamang ng Hurricane Irene na sinagasaan ang North Carolina, New Jersey, New York at iba pa. Katatanggap lamang namin ng balita na ang kapatid ng aking manugang na naninirahan sa Vermont ay nakaranas ng 8 feet na baha at tulad sa ginawa ng Ondoy sa atin, ngayon ay abala sila sa pag-aasikaso sa mga nasira at nabasa nilang kasangkapan at pamamahay.

Ito ang Kalikasan, kaabay natin sa ating buhay at hindi natin dapat ipagwalang-bahala. Mahalin natin at pagpalain.



















No comments: