Saturday, June 25, 2011

PANGITAIN NI ONDOY


PANGITAIN NI ONDOY

Narito na naman ang mga baha. Kaming taga-Marikina, may dalang pangamba at masidhing takot ang pagdatal ng tag-ulan. Bagaman at sa ngayon, hindi lamang kami ang nababahala dahil sa nakikita sa telebisyon at nababasa sa peryodiko, laganap na sa kapuluan at buong daigdig man, ang panganib na dulot ng walang tigil na pag-ulan na nauuwi sa mga pagguho ng lupa, pag-apaw ng mga lawa at ilog, at malawakang pagbaha, huwag nang isama ang tsunami na dulot ng lindol.

Nitong nakaraang linggo, ang payapang daigdig namin ay binulabog ng sunud-sunod na bagyo. Pinakahuli na sina Egay at Falcon. Hindi nga tuwirang tumatama sa bansa, ngunit may dalang mga malalakas na buhos ng ulan. Pabugsu-bugso, ngunit naroon ang ngitngit na kimkim ng kalikasan. Bubuhos nang pagkalakas-lakas na kung wala kang dalang payong o kapote at inabutan ka sa gitna ng daan, naligo ka na nang wala sa oras. Sunod ay biglang hihinto, na para bang ikaw ay kinukutya.

Pero may suot ka mang kapote, kung di naman kaya ng dala mong bisikleta, hihinto ka rin at maghihintay na humupa ang baha.


Ang pinakahuling karanasan ko sa nangyaring pagbaha ay ang hindi makauwi ng bahay, kundi halos ikalawa na ng madaling-araw.

Ngunit paminsan-minsan, may nasisilip pa rin akong nakatutuwang senaryo ng mga pagbaha. Tulad nang katuwaan ng mga batang naglalaro, naghahabulan, lumalangoy sa baha sa tapat ng aming bahay.





At eksenang nakatataba ng puso, tulad ng isang empleyado ng City Hall, na tuloy sa pagpulot sa inaanod na basura sa kalsada na tangay ng umaagos na tubig.




Sino ka man, saludo ako sa iyo! Mabuhay ka!

No comments:

Post a Comment