Saturday, June 18, 2011

MAY KASUKAT NA TUNGTONG


MAY KASUKAT NA TUNGTONG

HINDI makapaniwala si Cindy sa kanyang narinig. Sabi ni Albert, sorry, Cindy, I want out.
Si Albert, kumakalas sa kanya. Bine-break siya. Dropping her like hot potatoes.

My God!
As you wish, mabilis niyang sagot. Alangan namang maghabol siya.

At sino bang Albert iyan.
Matangkad. Six footer. Manlalaro ng basketball sa kolehiyo. Guwapo. Popular sa kampus. Kinahuhumalingan ng marami. At magaling magsayaw. Kaya nga sila nagkakilala ay nagkapareha sila, isang bakasyon, sa isang cotillon. Debut ng barkada niyang si Liza. Sabi ni Liza, ang hirap mo namang ihanap ng ka-partner, Cindy. At hindi dahil matangkad siya sa karaniwan, kundi dahil marunong siya. Salutatorian siya noong high school. Dean's list sa college.

Ano naman ang kinalaman ng aking IQ diyan, ang angal niya.

Pero hindi maawat si Liza. Masyado kang accomplished, Cindy. Presidente ng isang malaking organization sa campus. Marunong tumugtog ng piano, organ, gitara at flute. Nag-ballet, nag-Hawaiian, nag-jazz. Nag-CMLI painting, nag swimming lessons, nag speechpower, nag-speed reading, mahilig sa plays ng Rep, sa mga show sa CCP. Mula Lady Bird series noong grade school ay nagdaan lamang sandali sa Hardy Boys at kaagad tumuloy kina Ludlum, no Mills & Boons please. Sa Gone with the Wind ay kay Scarlet O'hara nag-identify. Sa madali't sabi, sa lengguwahe ng kanyang Lola Saning, wala siyang makasukat na tungtong, kahit pang-cotillon lamang. Hanggang iharap ni Liza sa kanya ang pinsan nitong si Albert.

Para sa isang manlalaro ng basketball, magaling sasayaw si Albert. Iyong rhythm, sa pag-dribble, dala rin sa pagsasayaw. One, two, three, one, two, three, magaling magdadala ng kapareha sa waltz. Para pa niyang nariring ang nakakaindak na Emperor Waltz. Tarari rari rara raran, tariraran, taran tantan...

Dalawang buwan silang nagpraktis para sa cotillon ni Liza. At sa buong panahong ito ng pagsasama at pagsasayaw at pagkakainan at pagkakatuwaan, nagkahulihan sila ng loob ni Albert. Niligawan siya. Sa gabi ng debut, sinagot niya. Oo. At sinabi pa niya. Sana, Albert, ikaw na ang aking tungtong.

Tungtong? Tanong ni Albert. Anong tungtong?

Tumawa siya. Hayaan mo. Pagdating ng panahon, ipakikilala kita sa Lola Saning ko. At malalaman mo kung ano ang ibig sabihin ng tungtong.


ANG kanyang Lola Saning ay Nanay ng kanyang Mommy, na ipinanganak, lumaki, nagkaasawa't nagkaanak at hanggang ngayon ay naninirahan pa sa probinsiya. Sa mga panahong walang klase, lagi silang ibinabakasyon ng kanyang Mommy sa lumang bahay ng kanyang lola at lolo sa probinsiya. Pagbabalik nilang magkakapatid sa Maynila, kay tutunog na ng kanilang mga po at opo. May halik na sa pisngi na kanilang kinalakhan ay may nadagdag pang amen sa kamay na natutuhan. Kasama pa ang maraming bagong salitang nadagdag sa kanilang bokabularyo. Sabi ng kanyang Lola Saning, lahat daw ng palayok ay may kasukat na tungtong. Ito ay nang pagtalunan minsan, kung magkakaasawa pa ang tumatandang guro sa paaralan sa tapat ng kanilang bahay.

Oo, sabi ng kanyang lola. Basta ba at makakatagpo nito ang nakatakdang binata na magiging kapalaran.

Ang sagutan nila, e, di hindi pala siguradong may kasukat na tungtong si Miss Santos.

Sagot naman ng kanyang lolo, mayroon ding kasukat, nawawaglit lamang. Ang tawanan nila.



NANG dumating ang pasukan, naging pamilyar na tanawin silang dalawa ni Albert sa kampus. Kapag may praktis sa basketball si Albert, matiyaga siyang maghihintay rito. Kung siya naman ang may miting sa organization nila, si Albert naman ang nag-aantabay sa kanya. Kapag may laro sa ULTRA ang paboritong team ni Albert, naroon na sila. Kung may gusto siyang panoorin sa Fort Santiago, sumasama naman si Albert sa kanya. Noong una. Kalaunan, nagdadahilan na. May praktis daw.

Nagmiting ang opisyales ng kanilang organization. Nagkaisa sila sa stand na laban sa tuition fee increase ng iskwela. Sasama sila sa rally. Iyon ang una nilang mahigpit na pagtatalo ni Albert.

“Kayang-kaya naman ang increase, ano pa naman ang reklamo ninyo,” anito.

“Hindi naman para sa amin ito. Para sa ibang walang kakayahan,” sagot niya.


Nakokornihan si Albert sa tinatawag na relevance. Ang sabi pa. “Noong nariyan si Marcos, galit kayo. Ngayong wala na si Marcos, galit pa rin kayo. Noong nakaraang regime, panay ang reklamo sa human rights violations. Ngayong demokrasya na, tuloy pa rin ang reklamo ninyo sa human rights violations.”


“Paano, mayroon pa rin,” agaw niya.
Umiling-iling si Albert. “Ang sabihin mo Cindy, kahit ayos na ayos na ang bansa, tiyak na may masisilip pa rin ang mga taong tulad ng nasa organisasyon ninyo. Pa-relevance, sabi nga.”

Sumilid sa isip niya, makitid si Albert. Ang tangkad pa naman. At kay guwapo. Sayang.

Pero doon lamang naman sila nagtatalo ni Albert. Basta at sa mga disco at debutants ball sa Mandarin, Club Filipino, okey na kasama ito. Perfect partner sila. Very handsome couple, komentaryo nga ng isang expat sa lobby ng Manila Pen. Na naulinigan ni Albert, binulungan kaagad siya. Pedophile yata, Cindy... at iyon lamang ang isa pang saving grace ni Albert, ang sense of humor nito.

Mahigit ding isang taon na on sila ni Albert. Sa kabila ng marami nilang incompatibilities, nakatagal sila nang ganoon. Basta at hindi nila pinag-uusapan ang pulitika o lipunan o militar o NPA o si Balweg o si Olalia o PCGG o CARP.

Ngayong pinagbabalikan niya ng tanaw ang nakaraan, napakalaki pala ng ginawa niyang pagbibigay kay Albert. Dahil siya ang nagtikom ng bibig. Hindi bumanggit ng mga kontrobersiyal na bagay. Si Albert ay patuloy sa sariling mga kuwento. PBA. Purefoods. San Miguel. Kung saan hindi rin siya makakibo. Kasi, Anejo siya. Wala silang konbersasyon ni Albert. One way lagi ang usapan. Kaya sila nakatagal ng mahigit na santaon. At ngayon, siya pa ang inunahang makipag-break. My God, si Albert, bulag! Good catch siya, inayawan. Siya, si Cindy, mataas ang IQ, dean's list, aktibo. Tinalikuran ni Albert. Matangkad nga't guwapo, pero hangang doon lamang. My God, nagtampo siya sa steak.



NAGBAKASYON siya sa kanyang Lola Saning. Nagulat, natuwa siya sa balita nito. May asawa na si Miss Santos, ang matandang dalagang guro sa katapat na iskwelahan.


Sabi ng kanyang lolo. “Nagkita rin ang palayok at ang katapat na tungtong.”

“Pero, sino ang napangasawa ni Miss Santos?” tanong niya

"Kasamahan niyang titser na nabiyudo,” sagot ng kanyang lolo.

Napailing siya. “Second hand na tungtong pala ang natagpuan niya.”


Umungol ang kanyang Lola Saning. “Bago man o luma, kung may katapat kang tungtong, may katapat ka.”


ALAM niya, mahihirapan siyang makita ang katapat niyang tungtong. Sabi nga ni Liza, nang malamang nag-break sila ni Albert. “Ay Cindy, kailangang ipalit mo kay Albert ay mas mataas, mga 6'1 o 6'2. Mas guwapo. Mas popular sa kampus. Mas magaling sumayaw.”

Saan naman siya makakakita ng ganoong tao. Isa pa, masyado siyang naging conscious sa nangyari sa kanila ni Albert, na tuwing may makikilala o makakausap siyang matangkad at guwapo, at the back of her mind, iniisip na niya kung iyon ang katapat niyang tungtong. Karaniwan tuloy, simula pa lamang ay stilted na ang konbersasyon, palpak ang kinauuwian. Nang muling magpasukan sa iskwela naging bising muli si Cindy sa mga aralin at extracurricular activities. Dumaan ang mga araw at buwan at mga semestre, at hindi man siya nainip, tapos na sila nina Liza ng college. Papalaot na sila sa daigdig ng mga yuppies. Kung saan marahil ay maraming higit ang mga katangian kay Albert.


SA kompanyang napasukan ni Cindy ay nakasama niya si Andrew. Kapuwa sila bagong tapos sa kolehiyo, kapwa may karangalan nang magtapos, kapuwa aktibo sa kampus nang nag-aaral pa. Maganda ang mga mata ni Andrew at malakas ang dating ng personalidad. Ngunit bahagya lamang ang kataasan nito sa kanya. Ito agad ang kanyang napansin, kulang sa sukat ang binata. Hindi puwedeng pamalit kay Albert na six footer.

Marahil iyon ang naging dahilan kung kaya't naging mabuti silang magkaibigan ni Andrew. Naging malapit sila sa isa't isa bunga ng pagkakaunawaan sa maraming bagay, pag-usap na may tinutungo, pagtatalong may kinauuwian, pagkakatuwaang walang balatkayo, tuksuhang kapag nagkapikunan ay binabawi ng pagso-sorry, hindi ko na uulitin o pagbibigay na may kasamang pambubuska na sige, panalo ka, talo ako, baboy ka, etcetera, etcetera....


Sa isang pistahan sa probinsiya, inimbita niya si Andrew, ipinakilala sa kanyang Lola Saning. Bago sila bumalik sa lungsod, binulungan siya ng kanyang lola. “May kutob akong nakita mo na ang katapat mong tungtong, Cindy.”


Ang lakas ng kanyang tawa.
Kaagad nyang nalimutan ang sinabi ng kanyang lola.

Samantala, patuloy na nahuhulog ang kanyang loob kay Andrew. Tumitibay, tumatamis ang kanilang pagsasamahan. Hanggang maghiwalay sila't lumipat ng ibang kompanyang mapapasukan si Andrew. At sa pusisyong iniwanan ni Andrew ay pumalit si Carl, matangkad, guwapo at marunong. Na kaagad nanligaw sa kanya. Kaagad niyang naalala si Albert at si Llza. Between Albert and Carl, no contest, wika nga. Ngunit wala siyang makapang pagtatangi sa binata. Iba ang hinahanap-hanap ng kanyang puso.


NANG tumawag si Andrew, ang sa kanyang standard ay pandakaki na si Andrew, at hilinging magkita sila upang maisakay siya sa bagong kotse nito at upang maihatid siya sa kanilang bahay dahil may mahalagang sasabihin sa kanya, ang naalaala niya ay ang kanyang Lola Saning.

Sana, ang dasal niya, sana ay totoo na ang kutob ng loob ng kanyang lola.
Na si Andrew ang katapat niyang tungtong. Dahil ito ang mahal niya.

Liwayway, Nobyembre 21, 1988

TANONG: Kayo ba, natagpuan na ninyo ang "kasukat ninyong tungtong?" Share naman... email me at eve.manunulat@gmail.com

No comments:

Post a Comment