Monday, July 4, 2011


GANITO SILA NOON


Ang lahat ay nagsimula sa mga kwentuhan at kaabalahan sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng pagsilang ni Dr. Jose Rizal. Itong interest sa mga bagay na naganap noong araw... na kay layo nang panahon.

Noong nabubuhay pa ang aking Amang, naitanong ko kung naabutan niya si Rizal. Hindi. Dahil isinilang siya ng 1898, namatay si Rizal ng 1896. Lumaki siyang naririnig na pinag-uusapan, ganoon lamang.

Ngunit kamakailan, sa isang pag-uwi sa probinsiya, sa isang pagliligpit at pag-aayos sa mga lumang kahon, sa lumang bahay ng aking “bana”, may natagpuan kaming dokumento, a true copy of a baptismal certificate dated July 13, 1947. Ito ang Partida Bautismo ng nuno o IMPO ng aking bana. Ang kanyang Impo ay bininyagan noong Hulyo 6, 1870. Nakatutuwa ang hitsura ng nasabing dokumento na nasusulat sa Wikang Kastila. Narito ang mga datos na sinasagot sa nasabing dokumento:

Parroquia de ----------- Malolos
Provincia de------------ Bulacan
Libro de Bautismo No. 20
Folio 152
Fecha del Bautismo – 6 de Julio de 1870
Nombre del Ministro-- Exequiel Merino
Nombre de la Bautizada – (ngalan ng Impo)
Fecha de Nacimiento – (kailan ipinanganak)
Legitimidad --- Hija legitima
Nombre del padre – (ngalan ng ama)
Natural de--- (kung tagasaan)
Nombre de la madre – (ngalan ng ina)
Natural de --- (kung tagasaan)
Residencia de las padres - (kung saan nakatira)
Abuelos Paternos – (paternal grandparents)
Abuelos Maternos – (maternal grandparents)
Padrino o madrina – (ninong o ninang)
El Cura Parroco Rev. Sr. ---

Ang nasabing dokumento ay isang “true copy of the original” lamang (1870) na animnapung taon na katagal (1947), ibinabadya nang mamula-mula at halos malutong nang papel. Ang kinauwian ng pagkadiskubre sa lumang dokumentong ito ay ang nagising na interest sa mga ninunong pinagmulan.

Ang lumang larawan sa antigong kuwadrong nakasabit sa dingding ay muling pinagmasdan, inusisa ang mga pangalan, inanalisa ang mga kasuutan na mga sinaunang saya, ang naguas de ojetes, makapal at itim na medyas sa malaki ang takong na sapatos, payneta sa ayos na ayos na buhok, hawak na pamaypay sa mga babae at amerkanang unat na unat sa lalaki. Iisa ang hitsura ng kanilang katawan, tuwid na tuwid. Pormal ang mga mukha, walang ngiting mababakas sa mga labi, nanunuri ang mga mata.

Ganoon sila noon. Hindi tulad ng mga “wacky poses” natin ngayon!

Kayo, sa mga pagkakataong nauuwi kayo sa probinsiya, sa lumang bahay ng mga ninuno ninyo, ugaliing magbuklat ng mga lumang album at pagmasdan ang mga lumang larawan nila. Sa totoo lamang, may isang libo't isang kasaysayan ang nakapaloob sa mga larawang ito. May malaman lamang tayong isa, hindi na natin mapipigilang mag-isip, magmuni-muni, magnilay-nilay... tuloy maaaring may mapulot tayong aral o leksiyon sa mga ito... tuloy mabago ang ating buhay. Mga kwento ng kanilang pag-ibig, tulad ng isang naisalaysay sa akin ng pinakapanganay kong kapatid. Bagama't hindi ito circa ng panahon ni Rizal at ng nabanggit kong ninuno na nasa partida bautismo, masasabing maibibilang na rin ito sa panahong “ganito sila noon...”

-Isa siyang dalagang nabibilang sa mabuting angkan sa kabayanan. Ang kanyang nobyo ay gayundin ang kinabibilangang pamilya. Kapwa sila nag-aral sa kolehiyo. Hindi sila nagkatuluyan, bakit 'ikamo? Kapag nagkasalubong ang nasabing magnobyo sa kalsada, ni hindi raw tumitingin, o bumabati ang dalaga sa kanyang nobyo. Ito ang dahilan kung bakit tinabangan ang lalaki. Kung iisipin, hindi ba naunawaan ito ng nobyo, na ganoon ang kanilang kinabibilangang panahon? Na ang dalaga ay hindi tuwirang nakikipag-usap sa nobyo, lalo pa at sila ay nagkasalubong lamang sa kalye? (Anong rupok naman ng kanyang pag-ibig!)

-Isa pang kwento ng pag-ibig noong araw. Magnobyo rin sila. Nagkaroon ng digmaan, sinamang-palad na nasugatan ang nobyo. Hindi ito nadalaw ng nobya (o kung nadalaw man, baka minsan lamang, at may kasama pang bantay). Hindi rin sila nagkatuluyan. Ang napangasawa ng lalake ay isang dalagang hindi nangiming dumalaw (at nag-alaga pa?) sa kanya. Kumbaga, ay napanibulos ang loob ng lalake rito. Nang panahong yaon, masasabi nang makabago ang dalagang nagbantay. Ang nangyari, tumanda at namatay na dalaga ang sawing kasintahan. Ngunit hanggang sa huling sandali, laging kinukumusta ng lalake ang dating kasintahan. (Ibig sabihin, sa kalibliban ng kanyang puso ay nananatiling namamahay ang kanyang pag-ibig sa dalagang hindi naging kapalaran. Basahin ang ang kwento kong “Takipsilim” sa aklat kong “Minsan, May Isang Pag-ibig”.

-Magkasintahan ring hindi nagkatuluyan. Nasa probinsiya ang babae, isang guro. Isang alagad ng sining ang lalake na gumagalaw sa ibang daigdig. Nagkahiwalay sila nang hindi nagkakaliwanagan. Nagkaroon naman sila ng kani-kanilang kapalaran sa buhay. Ngunit nang dumating ang sandali ng kamatayan sa lalake, ipinatawag niya ang dating kasintahan upang humingi ng tawad.

-Magkasintahan sila sa isang panahong hindi pa yata naiimbento ang salitang “ecumenism”. Magkaiba sila ng relihiyon, kapwa aktibo sa kani-kanilang simbahan. Kapwa kabilang sa korong umaawit sa misa. Hindi sila nagkatuluyan, ngunit kapwa hindi umibig sa iba. Hanggang sa dapit-hapon ng kanilang buhay ay muli silang nagkatagpo at ang pag-ibig sa isa't isa na isinaisang-tabi ay muling binigyang-buhay. Napakasal na sila... sa panahong higit na maunawain ang mga tao. (Hindi ko lang alam kung kani-kaniya pa rin sila ng pinupuntahang simbahan.)

Ang ganda ng kanilang mga kasaysayan ng pag-ibig. May malulungkot nga lamang. Maihahalintulad ba ang kanilang kwento sa mga kwento ng pag-ibig ngayon? Sa mga magkasintahan na kapag nag-break na raw, ay agad nang nakahahanap ng iba? Na kung minsan, kapatid o pinsan o best friend pa ng dating nobya o nobyo ang napipili?

Pero sabi nga, talagang ganyan ang buhay. E, kung talagang iyong isa ang gusto, bakit hindi? Ang katuwiran nila ay nagiging “totoo” lamang sila sa kanilang sarili. At iyan ang panahon ngayon. Na iba sa panahon noon... Kaming nakapagitna sa dalawang panahong ito ay nagtataglay ng mga katangian, masama at mabuti, ng nasabing dalawang panahon. Sa ilang pananalita, kami ay “bunga at bihag” ng aming panahon. Tulad ni Dalisay.

Pagbalikan basahin ang kwentong “Pag-ibig ni Dalisay” na lumabas sa blog na ito noong Pebrero 22, 2008, ang kauna-unahang kwento rito. At hintayin ang kwento para sa buwan ng Hulyo. Ang pamagat?

ANG PIPILIIN.

No comments:

Post a Comment