Friday, September 3, 2010

SETYEMBRE NA NAMAN, BALIK-GUNITA KAY ONDOY!

SETYEMBRE NA NAMAN, BALIK-GUNITA KAY ONDOY!

Isang taon na pala, sa a-26 ng buwang ito, si Ondoy! Kumbaga'y anibersaryo, ngunit isang anibersaryong hindi ipinagdiriwang. Manapa'y ginugunita lamang upang ang mga leksiyong natutuhan sa nangyaring kalamidad ay hindi makalimutan.

Sa totoo lamang, tuwing bubuhos ang malakas na ulan, marami nang mga tao ang dinadalaw ng pangamba, lalung-lalo na kaming mga taga-Marikina. Baka bumaha. Nakabantay na agad kami sa may bungad ng aming driveway, tinatanaw ang sapang kaibayo ng aming kalsada. Lumalaki na ba ang tubig? Umaahon na ba sa lansangan?

Tatanawin namin ang kabundukan ng Antipolo. Umuulan ba roon? Kasi, kahit wala nang ulan sa amin, kadalasan ay bumabaha pa rin dahil sa tubig na kulay putik na nagmumula sa kalbong bundok. Ganito kami ngayon, laging kinakabahan sa munting pagbuhos ng ulan, sa kabila ng Operasyon Tanggal-Bara ng City Hall.

Isang pangyayari na mapapansin sa aming kapaligiran ay ang mga nadadagdag na bagong patayong ikalawang grado ng mga bahay. Hindi malawakang expansion. Manapa'y dagdag lamang na kuwarto sa itaas ng garahe upang may maakyatan ang mga nakatira sa mga bahay na walang second floor. Na noong isang taon, sa pananalasa ni Ondoy, ay nagsiakyat ng bubungan upang maligtas sa baha. Ang tawag dito ay panic room.

Kami rin ay nagpatayo ng panic room. Pero ang tawag namin dito ay D' Attic.
Kasi, ipinataas lamang namin ang existing na bubungan, at ang itinaas nito ang nagsilbing second floor namin. Pero dahil sa taas ng bubong, naisipan pa ring i-maximize ang construction at dinagdagan pa ng talagang attic. Hindi pa ito yari pero natutuwa na kaming umakyat sa matarik na hagdan at manungaw sa bintana kung saan natatanaw namin ang isa o dalawang matatayog na gusali sa may Libis, Eastwood na raw iyon, ewan lang.

Mula sa itaas ng D' Attic ay kitang-kita ang mga nagdaraang namimisekleta sa bike lane sa tabi ng sapa, na mga trabahador pauwi sa kani-kanilang tahanan, mga batang naghahabulan, nag-aaway, mga namamahinga, nagkukuwentuhan, naka-istambay na matatanda. Slice of life talaga. Parang trailer ng isang pelikulang hindi mo alam ang puno't katapusan. Na ikaw na mismo ang pwedeng humabi ng istorya ng kanilang buhay habang nakaupo ka sa isang uugoy-ugoy na rocking chair sa tabi ng bintana.

Bumili kaya ako ng rocking chair?

Isa ito sa mga pagbabagong naganap na dala ni Ondoy. At isa pa na nagdulot ng kawalan sa aming buhay, ang pagkawala, pagpanaw ng dalawa naming aso, sina Tanya at Buffy, na dinapuan ng sakit sa atay na dala ng baha.

Isang masamang panaginip na lamang si Ondoy, ngunit sa kasalukuyan, sinimulan na namang pasukin ng bagyo ang bansa. Kaaalis lamang, o kalilihis lamang wari ng landas ng bagyong si Glenda, salamat naman! Dahil kahit may panic room o D' Attic kami, naroon pa rin ang aming orihinal na first floor ng bahay kung saan kapag pinasok ng baha ay muling lulutang, titihaya ang mga refrigerator, washing machine, cooking range at iba pang mabibigat na bagay na hindi mabubuhat upang isalba.

Kaya, tuloy ang dasal...

No comments:

Post a Comment