Thursday, August 26, 2010

MAJOR MAJOR, NOYNOY, BONGBONG

Sa monitor ng computer ko, habang kami ay nasa video/chat, ay buong seryosong kumakanta ang anim na taon kong apo at ang kinakanta niya ay Regina Caeli – isang sinaunang Latin Hymn para kay Mary na inaawit sa gabi o sa oras ng Angelus sa panahon ng Kuaresma.

Regina caeli, laetare, alleluia: Quia quem meruisti portare. alleluia,
Resurrexit, sicut dixit, alleluia, Ora pro nobis Deum, alleluia.

Tunay na matamis ang kanyang tinig at kung iisipin na sa murang gulang ay kayang-kaya niyang umawit nito ay wala na akong masasabi pa kundi bumulalas ng GALING GALING! Kasabay ang ulit-ulit na palakpak naming mga nanonood sa harap ng computer, ulit-ulit rin naming sinasabi, GALING GALING! Hindi isang GALING lamang. Kundi GALING GALING!

Dahil... ganito tayong mga Pilipino. Ulit-ulit. Magmula sa pangalan o palayaw ng mga anak o apo. Min-Min. Om-Om. Ningning. Letlet. Lynlyn. Dindin. Jayjay. Caycay. Katkat. Bakit kaya ganito? Sa palagay ko ay sa dahilang nais ipakita ng mga magulang ang labis-labis nilang pagkatuwa at pagmamahal sa kanilang anak, lalo pa at mga unico hijo ang mga ito tulad nina Noynoy! Bongbong!

Nangyayari rin ito sa usapan ng mag-asawang matagal nang kasal. Itatanong ni Babai sa asawang nanonood ng telebisyon: Mahal mo pa ba ako? Sasagot si Lalaki na ni hindi inaalis ang mga mata sa pinanonood: Mahal na mahal! O sa mga kwentuhan: Ganda ganda ng bata! Laki laki ng bahay! Yaman yaman ni Ano! Yabang yabang ni Kuwan! Lungkot lungkot ng biyuda. Saya saya ng ikinasal. Taas taas ng building. Guapo guapo ng artista. Na ibig lang sabihin ay major major lahat ang estado ng katangiang inilalarawan.

Kaya, major major na proud ang marami na nakarating ng Top Five sa Miss Universe Contest si Venus Raj (rah rah!) Kung paanong sobra-sobra namang dismayado ang lahat sa nangyari sa hostage -taking at rescue sa may Quirino Grandstand noong Lunes, a-23 ng Agosto. At hindi lamang dismayado, hiyang-hiya pa ang iba. Sirang-sira na raw tayo sa mata ng mundo. Sa madali't sabi, major major ang mga pangyayari ngayong linggong ito. At wala akong masasabi kundi ito:

May all of you have a MAJOR MAJOR, NICE NICE weekend!

No comments:

Post a Comment