Saturday, August 7, 2010

ANG LISTAHAN NI CHARO


ANG LISTAHAN NI CHARO


NAGLILIGPIT ng kanyang hapag si Charo. Dalawang linggo siyang magbabakasyon sa pagtatrabaho at gusto niyang malinis ito. Walang nakasingit na mahalagang papeles sa tabi-tabi na kapag nakaligtaan ay tiyak na malaking disgrasya ang kahihinatnan.

Sekretarya si Charo ng Tamayo Unit na sakop ng Espero District, isang malaking ahensiya ng insurance . Pamangkin siya ni Mr. Tamayo, ang kanyang boss sa opisina. Sa kanilang opisina ay siya ang nakaaalam ng lahat. Mula sa pagpasok ng mga aplikasyon ng mga gustong paseguro, sa pagpapadala sa doktor na iiksamen sa aplikante, sa mga follow-up at feedback ng mga claims, sa mga komisyon, allowance, debit at credit ng mga account ng mga ahente, at kung anu-ano pa. At sa loob ng dalawang linggong darating ay gusto niyang nasa ayos ang kanyang iiwan sa opisina. Wala siyang alalahaning dala-dala. Dahil espesyal ang kanyang bakasyong hinaharap. Ikakasal si Charo.

Sinulyapan ni Charo ang kanyang orasang pambisig. Ikasampu na ng umaga. Bago magtanghalian ay darating na ang kanyang sundo. Kailangang makatapos na siya. Ang kahuli-hulihang kahon ay kanyang hinila, ang lahat ng laman ay inilabas. Sa kailaliman, isang mamula-mulang papel ang kanyang nahugot. Isang tingin lamang at nalaman na ni Charo ang nakasulat dito. Ang listahan. Ang kanyang listahan.

Napasandal si Charo sa kayang kanyang silya. Buong-buong ibinalik ng hawak niyang papel ang kalilipas na dalawang taon.


“PWEDE BA,” ang sabi ni Nita, ang kasamahan niyang clerk sa opisina. “Kalimutan mo na ang Edwin na 'yan. Hindi naman siya lamang ang lalaki sa buong mundo.”

Lalo lamang tumulo ang kanyang luha. Hindi mauunawaan ni Nita, ipaliwanag man niyang mabuti, ang kanyang nadarama tungkol kay Edwin. Magkasintahan sila ni Edwin, accountant ng Espero District na sumasakop sa kanilang unit. Pwede bang hindi niya ito intindihin at kalimutan agad, samantalang hindi lumilipas ang isang araw ay nagkikita sila. Iba ngang palapag ang kinaroroonan ng opisina nito. Pero sa kantina. Sa koridor. Sa elevator.

At si Millie.


Patuloy sa pagsasalita Nita. “Napakataksil niyang Edwin na iyan. Nakita lang si Millie, nagbago na.”

Napahikbi siya. Iyon na nga. Dumating lang si Millie sa opisina nina Edwin, nagbago na ang hihip ng hangin. Tumabang na. Nawalan na ng init. Nagsimula nang magdahilan. Mahigit nang isang taon silang magkasintahan ni Edwin at ang pagtatalusira nito ay talagang napakasakit.

Naapektuhan ang kanyang trabaho. Isang hapon, hindi na marahil makatiis, tinawag siya ng kanyang tiyuhin. Sa malumanay na tinig ay pinagsabihan siya, pinangaralang tulad ng isang anak. Lalo siyang nahabag sa sarili.

Noon siya nilapitan ni Lito. “O, wala na bang katapusan ang luhang iyan, Charo. Nawawala ang charm mo.”

Bahagya siyang natigilan. Sa lahat ng mga kasamahan niya sa opisina, si Lito ang pinakapormal sa pakikitungo sa kanya. Ngayon, kinakausap siya.

“Sorry, Charo,” muli ang tinig ni Lito. “Hindi na kasi ako makatiis. Napakaliit nitong opisina natin para di ko makita ang mga kilos mo. Mahal mo siyang talaga, ano.”

Ang luhang muling gustong magwala ay pinigil niya. Tumango siya. Hindi niya makapa ang kanyang tinig.

“Pwedeng maupo?” Tiningnan ni Lito ang silyang nasa harapan ng kaniyang hapag.

Tumango siya at naupo si Lito. “Gusto mong bumalik siyang muli?”

Napatingin siya kay Lito. Matagal. May pagtataka. Tumango si Lito. “Kayang-kaya mo siyang pabalikin, Charo. Kung gugustuhin mo lamang...”

Napahinga siya nang malalim. At nag-aalangang tanong. “Paano?”

Umiling si Lito. “Hindi sa pag-iyak o pagmumukmok.”

“Paano?” ang ulit niya.

Humila ng isang coupon bond si Lito sa salansan na nasa ibabaw ng hapag. “Gagawa ka ng listahan, Charo.”

Napatingin siya kay Lito. “Listahan?”

Ang malinis na papel ay iniabot ni Lito sa kanya. “Oo. Gagawa ka ng isang listahan. A list of your assets and liabilities as a person. Hindi iyong kuwarta mo sa banko. O alahas. O mga pagkakautang at salary loan. Hindi iyon. Your assets and liabilities as a person. Magagandang katangian bilang isang katangi-tanging dalaga. Assets. Your eyes are your assets. At ang iyong magandang ugali...” mahabang paliwanag ni Lito. Si Lito na dati ay bihira siyang kausapin, ngayon ay parang palagay na palagay ang loob na nagpapayo sa kanya.

“Assets... e, sa liabilities?” tanong niya. Nananantiya ang tinig.

“In the liability side, however...” tumikhim pa muna si Lito bago nagpatuloy, “masasabing parang kulang ka sa warmth. Parang laging may distansiya. Aloof.”

Aloof? Bahagyang kumunot ang kanyang noo. Kalaunan, napatango siya. “Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin. Pero ano ang koneksiyon nito sa pagbabalik ni... niya...”

Ngumiti si Lito. “Huwag mong sabihin na hindi mo alam, Charo. Be honest with yourself. Ang wala sa iyo ay natagpuan ni Edwin kay Millie. Isang kakulangan. Isang kasahulan. Na hindi masama kung iyong babaguhin sapagkat kapag iyon ay nabago, lalong titingkad ang iyong pagkatao.”

Wala sa akin? Natagpuan kay Millie? Anuman iyon, parang di niya matanggap. Muling kumunot ang kanyang noo. “Hindi ba ito isang uri ng pagkukunwari? Hypocrisy,” sabi na lang niya.

Ang sagot ni Lito. “Kung ikaw ay hindi magiging tapat sa iyong sarili at ang gagawin mo ay isang pagkukunwari, tama ang iyong sinabi. Ito'y hypocrisy.”

Tumayo si Lito, ngunit nag-iwan pa rin ng salita. "Suggestion lang naman, Charo. Subukan mo. Wala namang mawawala sa 'yo kahit gawin mo."

Buong araw niyang pinagnilay-nilayan ang mga sinabi ni Lito. Pati ang dahilang nagbunsod rito upang kausapin siya. Talaga kayang napaka-miserable ang hitsura niya na hindi na nga ito nakatiis, kahit hindi naman sila malapit sa isa't isa? Siguro nga... siguro nga... ano pa ba ang magiging dahilan nito maliban sa pagmamalasakit marahil.

Nang gabing iyon ay sinimulan niyang gawin ang listahan. Subukan daw. Sa isang malinis na papel ay nagsimula siyang sumulat. Nilagyan niya ng heading. Assets. Mga katangiang panlabas. Mga kaangkinang kaagad namamalas. Sinundan niya ang mga halimbawang ibinigay sa kanya ni Lito.

Mukha at katawan. Maganda siya. Makinis ang kanyang kutis. Katamtaman ang tangos ng kanyang ilong. Maganda rin ang hugis ng kanyang mga labi. May biloy siya sa sulok ng bibig na kaagad lumilitaw kapag siya ay ngumingiti, ngiting sinasabayan ng kanyang medyo tsinitang mga mata. Sino nga ba yong nagsabi at bumati sa kanyang minsan. Alam mo Charo, lalo kang gumaganda kapag nakangiti ka. Hirap lang, ang mahal ng ngiti mo.

Ang papel ay binaligtad niya. Ang likod ay sinimulang sulatan. Sa heading . Liabilities. Mga kasahulang panlabas. Mga kakulangang nakababawas sa kabuuang katangian. Naalala niya ang sinabi ni Lito. Aloof raw siya. At naisip niya. Kung higit siyang maganda kapag nakangiti, ngunit bihira naman siyang ngumiti, maramot, wika nga, di kaya maituturing na isang kasahulan ang ugali niyang ito?

Maganda rin si Millie. Makinis din ang kutis, higit pang maputi kaysa kanya. Magkatulad lamang sila ng ilong at higit pang maganda ang hugis ng kanyang mga labi kaysa rito. May biloy siya, si Millie ay wala. Kaya lamang, masakit isipin, pero totoo, si Millie ay mukhang mabait na kausap. Kapag tinawag mo'y nakangiti agad sa pagsagot.

Ngunit kung mahal siya ni Edwin, kung talagang tunay ang pag-ibig nito sa kanya, ano na ang ngiti. Ang papel ay nabasa ng tumulong luha, ngunit nang mahimas-himasan, sa ilalim ng liabilities ay isinulat niya. Maramot sa ngiti. Laging nakasimangot.

Muli nagbalik siya sa assets. Mahaba, malago, ngunit tuwid ang kanyang buhok. Natural na kulot ang buhok ni Millie. Sa kanyang palagay, hindi ito problema. Sa pangangatawan ay halos pareho na sila ni Millie. Hindi man pang-contest ay ayos na rin. Kapwa makinis at maganda ang hubog ng kanilang binti.

At kung pareho silang maganda ni Millie, dahil lamang ba sa ngiti kaya nalulong si Edwin dito?

Muli sumulat siya.

Pinag-aralan at inklinasyong pansining. Sa kabila ng dinaramdam, sa bahaging ito ng pagsusulat ay hindi niya napigil ang mapangiti. Sabihin nang pareho na lamang sila ni Millie. Huwag nang sabihin nagkakadaigan pa. Huwag nang tingnan ang kanilang transcript sa eskwela noong nag-aaral sila. O busisiin ang mga sinalihang activities nila noon. Okey siya rito.

Ngunit kung sa mga inklinasyon din lamang nag pag-uusapan, natitiyak niyang nakahihigit siya kay Millie. Ang kanyang ina ay isang guro sa musika at nakakaintindi sa pag-awit. Hindi pa malay umabot ang kanyang paa sa pedal ng piyano at ilang teklado pa lamang ang abot ng kanyang mga daliri ay may piyesa na siyang tinutugtog. Lumaki siyang pamilyar ang tainga sa mga tugtugin ng mga dalubhasa. Hindi siya inaantok sa mga panooring opera.

Ang kanyang ama ay mahilig magpinta. Tinuruan siya, dito siya natuto na kumilala ng mahusay na pintura. Hindi siya nakikiming maglibot sa mga art gallery. Natural lamang ito sa kanya.

Kaya nga ba siya nayayamot kay Edwin kung minsan. Walang alam puntahan kundi sine. At mga labanan ng basket ball. At boksing. Minsan tuloy, biniro niya ito. “Alam mo ba, Edwin kung saan ang Cultural Center?”

Sagot nito. “Sa Roxas Boulevard.”

Nagtawa siya. “Akala ko kasi, iyon lamang Coliseum sa Cubao ang alam mo.”

Nagtawa rin si Edwin. Ngunit ngayon lamang niya napagwari, mapakla ang tawa nito. Noon ba nagsimulang magbago si Edwin? Noon na ba tumabang? Noon na ba nagsimulang tumanggi sa pagsama-sama sa kanya sa pamamasyal sa mga panooring kultura, sa mga exhibits, sa mga galerya? Wala pa noon si Millie. Hindi si Millie ang dahilan ng kanilang paghihiwalay. May lamat na ang kanilang pagtitinginan nang dumating si Millie sa kanilang buhay. At siya, si Charo ang dahilan.

Magkaiba sila ng inklinasyon ni Edwin. Ngunit marami naman siyang kakilala at mga kaibigang nagkakasundo sa kabila ng pagkakaiba ng mga hilig at gusto, bakit napaiba sila ni Edwin? Waring hindi sila magkasundo.

Ang masakit na katotohanan ay tinanggap niya. Siya si Charo ay hindi marunong magdala. Gusto niyang baguhin si Edwin, ibaling ang mga hilig nito sa hilig niya.

Sa ilalim ng liabilities ay sunud-sunod niyang isinulat. Snob. Pa-class. Kulang sa pang-unawa. Hindi marunong mag-relate. Makitid. Hindi curious. Selfish. Self-centered. Makasarili. At sa sarili, aloof!

Ang listahan ay ipinakita niya kay Lito kinabukasan. Gusto niyang malaman ang sasabihin nito. Ang sabi niya. “There, you have it in black and white." At nag-aalangang isinunod. "It seems... kasalanan ko.”

Napangiti si Lito matapos paraanan ng tingin ang mga sinulat niya. “The fact na naisip mong maaaring kasalanan mo, kayang-kaya mong magbago.”

Tumango siya. “Meanwhile, ano?” anong niya.

Ngumiti si Lito. “Huwag kang magmukmok. Go out. Maglibang ka. Mamasyal. Manood ng sine. Puntahan mo ang mga paborito mong gallery. Mag-shopping ka.”

Napailing siya. “Wala ako sa ... " mood, sasabihin sana niya, pero iniba nang magtama ang kanilang mga mata ni Lito. "Wala akong kasama,” ang isinagot niya.

“Pwede kitang samahan, kung gusto mo,” alok ni Lito.

May sumingit sa kanyang isipan. Na kanyang iwinaksi. “Mahilig ka sa mga painting?” sa halip, itinanong niya.

Umiling si Lito. “Hindi. Pero, kung gusto mo, masasamahan kita, nang hindi ako nagsasakripisyo.”

Natigilan siya. Ang muli niyang tanong. “Anong hilig mo, Lito?”

Kumibit ang mga balikat ni Lito. "Chess. Sine. Jazz concerts.”

At narinig na lamang niya ang kanyang sarili na nagtatanong. “Paano ba ang chess. Ano ba ang jazz?”

At habang nagpapaliwanag si Lito ay kanya namang tinitiklop ang papel at sa kailaliman ng kanyang kahon ay itinago. Na ngayon, sa kanyang pagbubuklat at paglilinis, ay kanyang natagpuan, muling nabasa, at di kasing nagpabalik ng mga gunita. Siya at si Edwin. Siya at si Lito.


SI LITO. Naging kasa-kasama sa mga lakad niya. Wala raw naman itong gagawin. Na naging isang mag-aaral sa mga bagay na hindi alam. Ang sabi nito, wala akong alam sa painting. Hindi ko kilala ang mga tugtugin ni Mozart o Beethoven. Kung ikukuwento mo sa akin ang bagay-bagay tungkol sa kanila, maaaring magkaroon ako ng kaunting pagkaunawa at kalaunan, interes. Hindi ko sinasabing overnight, magiging katulad mo ako, ngunit matututuhan kong maunawaan ka.

Kung bakit siya kinausap at nilapitan noon ni Lito ay hindi na niya inalam. Natuwa na lamang siya na may nakakasama at nakakausap siya. Na nakalibang sa kanya.

Sa mukha ng mga ipinakita sa kanya ni Lito, natuto rin siya. Naging isang mag-aaral ding tulad ni Lito. Tungkol naman sa mga bagay na kinahihiligan nito. Ang simula ng tugtuging jazz, ang ibig sabihin ng improvisation, kung sino ang matinik na mga Pilipino sa larangang ito. Natutuhan niya ang paglalaro ng chess. Nalaman niya ang pangalan ng bawat chess piece, at ng mga kilalang grandmasters.

Sa kinauuwian ay hindi pa rin naging mahilig si Lito sa pintura o tugtuging klasika, at siya ay hindi rin gaanong naingganya sa jazz o sa chess, ngunit natutuhan niyang igalang ang hilig ng iba. Ganap niyang naunawaan ang pagkagiliw ni Edwin sa basketball at boksing at sine. Bagaman at nang muling magpakita ng pagbabalik-loob ito ay ganap nang nagbago ang kanyang damdamin. May bago na siyang iniibig. Ang lalaking magiging kaisang-palad niya sa loob ng dalawang linggong darating.

Ang listahan ay tiniklop ni Charo at inilagay sa loob ng kanyang kalupi. Malapit nang dumating ang kanyang sundo. Magbabakasyon din ito ng dalawang linggo at kinailangang pulungin muna hanggang huling oras ang mga ahente nitong sinusuperbisyuhan. Ganoon kasipag si Lito. Si Lito ang kanyang mapapangasawa.

Ang lalaking nagpagawa sa kanya ng listahan.


Disyembre 11, 1978

No comments:

Post a Comment