Sunday, August 1, 2010

PAPEL NG “ACCOUNTING” SA PAG-IBIG

PAPEL NG “ACCOUNTING” SA PAG-IBIG

Minsan, saksi ako sa pagtatalo ng dalawa kong kaibigan. Isang inhenyero na tapos sa UP at isang accountant na produkto ng UE. Alam naman ng marami na ang maka-graduate ka sa UP ng Engineering na isang quota course ay tunay na big deal, kumbaga. Ngunit ang maipasa mo naman ang CPA Board Exam noon ay tunay na kahanga-hanga, bagaman at kung taga-UE ka, ay sinasabing given na iyon.

Ang pinagtatalunan ng dalawa ay tungkol sa board examination ng dalawang kurso. Kung alin ang “mas mahirap” ipasa. Siempre, kantiyawan ang dalawa. Tagapakinig lamang kami. At tagatawa.

Sabi ng inhenyero, kailangang magaling sa Math para makatapos ng Engineering at maipasa ito sa board. Sagot naman noong isa, kailangang magaling rin sa Math ang kumukuha ng Accounting at kailangang maipasa lahat sa CPA Board exams (noon), ang apat na subject (Theory of Accounts, Practical Accounting, Auditing at Commercial Law). Ibig sabihin, no grade lower than 75%. Na kahit 80% o 90% ang grado sa ibang subject, kung bagsak sa isa, less than 75%, hindi pa rin magiging CPA. Conditioned ang tawag dito at kailangang kumuhang muli ng board exam para sa ibinagsak na subject. Ang tawag dito ay removal exam. Kapag ipinasa ito, pwede nang mag-oathtaking. Kapag ibinagsak na muli, take all o muling kukunin sa susunod na board exams ang apat na subjects. O, di ba mas mahirap ito, tanong ng CPA kong kaibigan.

Pero siempre, ayaw patalo ang inhenyero. Noon yata, may subject sa Engineering na considered passing grade ang below 75%. Di ba pruweba ito na talagang mas mahirap ang Engineering kaysa sa Accounting, balik na tanong naman nito.?

Siempre, hindi naman nagkaalaman ang dalawa kung sino ang panalo. At kaming mga miron ay wala namang pinanigan. Hindi ko na maalaala kung paano sila nahinto sa kanilang diskusyon. Siguro ay tumigil na lamang sa pangangatwiran ang inhenyero kasi ay nasa bahay kami noong kausap niyang CPA.

Pero, bakit ko nabanggit ang alaalang ito na medyo may katagalan nang nangyari. Lalo pa at ngayon ay iba na marahil ang komposisyon ng mga subjects na kailangang ipasa sa board exams (mas marami na raw). At iba na rin siguro ang grading process. Kasi... ang susunod kong kwento para sa buwan ng Agosto ay tungkol sa ASSETS at LIABILITIES. Na mga terminong unang natututuhan ng mga kumukuha ng Accounting sa kolehiyo.

Pero ito ay mga Assets at Liabilities na may kinalaman sa pag-ibig. Tama. Ito ay ang papel na ginagampanan ng Accounting sa pag-iibigan ng magkasintahan. Abangan ninyo ito at kahit na hindi kayo Accountant, at kahit kayo Inhenyero, o anupaman ang propesyon ninyo, o trabaho o pinagkakakitaan, I'm sure, makaka-relate kayo rito.

Ang pamagat ng kwento? ANG LISTAHAN NI CHARO.

No comments:

Post a Comment