Sunday, August 22, 2010


SOME FEEDBACK, SOME SHARING


Sari-sari ang tinanggap kong feedback tungkol sa mga nakaraang kwento. Sabi ng isa sa kwentong ISANG KUMOT, ISANG UNAN, ISANG KATRE: Tukoy na tukoy mo ang mga senaryo sa buhay ng isang mag-asawa. Kathang-isip ba ang mga ito o may mga naglahad sa iyo ng kanilang karanasan? Ask ko lang, he he!

Ganito iyon. Marami akong naringgan nang ganoong problema ng mag-asawa na nagbigay ideya na makabuo ng kwento. Pero tama ka, Miss C, nangyayari nga ito sa isang pag-asawahan. Problema sa hiraman ng pera na involved ang mga in-laws. Totoong nangyayari na may pinapanigang pahiramin ang kapamilya na nagmamaramot naman sa kabila.

Isang kwento ng isang manugang tungkol sa kanyang biyenan: Sinabi raw ng biyenan sa sariling anak na kung manghihiram ito ng pera, huwag sa mismong kapatid magsasabi, kundi sa asawa ng nasabing kapatid. Ibig sabihin, sa kanyang hipag o bayaw. Na natural, siya namang magsasabi sa asawa nito. Kung ano ang mapagpasiyahan ng mag-asawa, lalabas na desisyon nila itong pareho. Ito ay upang maiwasan ang samaan ng loob na ang kapatid ay maluwag magpahiram ng pera sa kapwa kapatid o kapartido. Sa kwentong ISANG KUMOT... tama rin ang kapatid ni Lorie na sa bayaw niyang si Nap siya nagsabi. Ang problema nila ay dahil sa isang previous hiraman na tinanggihan.

Mula naman kay Uding ng San Isidro, Nueva Ecija, ang mga kwento ko raw ay pinapa-print niya sa anak niya, para nababalik-balikan niyang basahin. Salamat. Alam kong marami rin ang gumagawa ng pagpapa-print sa kanilang anak para mabasa nila ang kwento, dahil hindi sila marunong mag-computer. Salamat din. May nag-text naman na buong pamilya nila ang bumabasa ng aking kwento at tagahanga ko na silang lahat. Salamat po. Ang nakatatawa ay ito: May isang interesadong malaman kung ano ang aking kwento, pero tamad namang magbasa sa computer, kaya ipinababasa niya sa asawa, saka ipinaku-kuwento na lamang dito. Tama ang hula ng iba riyan, kamag-anak ko nga ito.

Narito naman ang isang feedback na nais kong ibahagi sa mga tagasubaybay Tunay na ikinatuwa ko ang sharing niyang ito na marami ang tiyak na makaka-relate. Tuloy nais kong imbitahin ang iba pa riyan na magpadala rin ng kanilang sariling karanasan tungkol sa nasabing paksa. Huwag mag-alala at itatago ko ang inyong identity sa ilalim ng gusto ninyong alias.

Heto na ang liham ni ECR:

Dear Eve:

Siyang-siya ako sa kuwento mong ANG LISTAHAN NI CHARO. Naka-relate ako.

Gaya nga naming mag-asawa. Sa totoo lang, nagpaikot-ikot muna ako sa paniningalang-pugad. Nagka-girl friends (plural ha! pero ilan lang naman), nagkagasta sa pamasahe at pagbibigay ng regalo sa kanila, pero sa bandang huli, ang hinahanap at makakaisang-dibdib ko pala'y katabing-hapag ko lamang sa opisinang kapwa namin pinapasukan.

Sa awa ng Diyos, apatnapu't limang taon na kaming kasal noong Hunyo at lagi kong idinadalangin na sana'y umabot kami ng limampu and beyond!

Hindi madali ang ang mga unang taon. Very brief ang pagkakilala namin sa isa't isa kaya't marami kaming adjustment na ginawa. Marami kaming pinagkakasunduan (art in general, halimbawa), nguni't marami rin namang magka-kontra kami. (Wika nga, lahat ng ayaw niya ay ginagawa ko: ayaw niyang maglaba, ako ang naglalaba; ayaw niyang mamalantsa, ako ang namamalantsa [he-he. . . biro lang]).

Halimbawa, sa oras na lang. Lubha akong punctual, siya naman maburiri. Hindi ko alam kung bakit napakatagal ng babae mula sa banyo, hanggang sa pagbibihis at sa pagharap sa salamin. Madalas namin itong pagtalunan -- at pagkagalitan kung minsan. Nguni't kalaunan, natuto rin akong umunawa. Sa loob-loob ko, siguro kaya nagpapaganda ay dahil din sa akin -- na gusto maipagmalaki ko siya. Kaya nagtiyaga na lang akong maghintay. O kaya'y manood muna ng TV hanggang sa makatapos siya.

O sa paghihilik kaya. Pag natutulog ako, para akong barko. Di siya makatulog nang husto. Palagi niyang ibinabaling ang katawan ako. Nguni't anuman ang gawin niya, tuloy pa rin ang harurot ng ilong ko't bunganga. Sa kalaunan, nasanay na siya sa akin. Nasanay nang nasanay, hanggang pati siya ay natuto na ring maghilik. Sabi ng anak ko: Diyos ko, ano ba naman 'yan? Para kayong dalawang speakers. Talagang stereophonic ang sound ninyong dalawa!

May mga bagay pang noong una'y di namin pinagkakasunduan -- mga bisyo ko, mga paniniwala, ang pagdisiplina sa anak, at iba pa. Nguni't sa pagdaraan ng mga taon, napag-aralan naming magbigayan at unawain ang isa't isa. After all, what matters most is that we love each other and we tried to understand each other's weaknesses and strengths.

Thanks, Eve, and I look forward to another beautiful kuwento from you!

Salamat, ECR :)

No comments:

Post a Comment