Wednesday, September 15, 2010

SAPAGKAT MAHAL KITA....


SAPAGKAT MAHAL KITA....


ISINUBSOB ni Leo ang kanyang mukha sa kayumangging dibdib. Gumapang ang kanyang labi sa puno ng batok. Huminga siya nang malalim. Nilanghap ang bangong nagmumula sa likod ng taynga, sa nakalugay na buhok. Pagkuway naniin sa siko at pinagmasdan ang mukha ng kaulayaw. Binakas ng hintuturo ang balantok ng kilay, ang tangos ng ilong, ang hubog ng mga labi. Ang daliri ni Leo ay kinagat ng nakahiga. At si Leo ay....

Ang rurok ay pilit na inabot. At narating ni Leo. Tumatagaktak ang kanyang pawis. At waring siya ay hapung-hapo.

Bakit?

Sinuklian Leo ng isang matipid na ngiti ang tawa ng kasamang nakahiga. Wala.

Ngunit hindi totoong wala. Dahil mayroon. Hindi nga lamang niya masasabi sa kaharap. Kasi kahit paano, iginagalang niya ito. At para sa kanya, ang pagsasawalang-kibo ay isang uri ng paggalang, isang pagpapakaginoo.

Masasabi ba niya, kasi, nawala ang init. Ang simbuyo. Kasi, nawala ang atraksiyon. Ang rahuyo. Ang hikayat ng laman. Kasi, naalaala ko si Minda.

At ayaw niyang maalaala si Minda. Kaya siya naroon sa piling ni Irma ay upang makalimutan si Minda.

Muli, isinubsob ni Leo ang kanyang mukha sa kayumangging dibdib. Na katuwas ng busilak na puti ng dibdib ni Minda.


SI MINDA ay isang kababata sa lalawigan. Kamag-aral sa elementarya. Isang mukha sa nagdaang kamusmusan.

Bago natapos ang kanyang pag-aaral sa mababang paaralan ay naluwas sila ng Maynila. Ang buo nilang pamilya. Ang kanilang lupa't bahay ay naiwan sa pag-aasikaso ng isang kamag-anak. Napakalayo ng lalawigan sa lungsod. At naging napakadalang ang kanilang pag-uwi. At pagkikita ni Minda. Hanggang hindi na. Wala na.

Panganay si Leo sa limang magkakakapatid. May asawa na ang dalawang sumunod sa kanya. At ikakasal ang pangatlo..

Tampulan siya ng tukso. Ano ka ba, Leo? Napag-iiwanan ka.

Tawa nang tawa ang kanyang ama. Pihikan itong binata ko.

Iiling-iling ang kanyang ina. Ewan ko ba, ang dami namang girlfriend.

Ang dami nga. Naging, pagtutuwid niya. One at a time. Si Noemi. Ang puti. Si Lyn, ang malambing, malantong, makiya na si Lyn. At si Irma.

Hindi problema sa kanya ang babae. Siya ang problema ng mga babae. Dahil ayaw niyang patali. Ewan niya kung bakit. Psychological daw, sabi ng kanyang kapatid, ayon raw sa napag-aralan nito sa kursong kinuha sa kolehiyo.

Kalukuhan, sabi niya. Ano bang psychological ang pinagsasabi mo. Magkasama tayong lumaki. May nakita ka bang hindi normal na ugali ko?

Ba, malay ko, ingos nito. E, sa mayroon tayong tinatawag na subconscious mind at …

Umiling siya. Tigilan mo ako niyang mga fixation at kung anu-anong termino mo. Ang simpli naman ng sagot sa ginagawa ko.

Aber.

Nagtawa siya. Ano pa. Maliban sa hindi pa ako sawa sa buhay binata.
Ayoko pa ng responsibilidad ng buhay may asawa. Hindi pa ako handa sa mga babaing nakadaster at nakasabog ang buhok. Sa batang iyak nang iyak at hindi mapatahan. Sa mapanghing lampin at nagkalat na laruan. Sa...

Nagkurus ang kanyang kapatid. Hindi pa sawa ang treinta anyos.

Kinutusan niya ang kapatid. Sa isang binata, ang treinta ay kasarapan pa lamang.

Siya, si Leo ay kung ilang taong natira sa Amerika. Nag-aral. Ngayon ay executive sa isang malaking advertising company. Malaki ang suweldo. Sapat na makapag-galante sa mga magulang at kapatid at kaibigan. At sapat na makapamuhay nang sarili.

Sayang ang iyuupa mo sa apartment, sabi ng kanyang ina.

Ang luwag naman dito, susog ng kanilang bunso.

Kung magkano, hindi pa furnished, nagsasayang ng kuwarta ang kuya, kantiyaw ng sumunod sa kanya.

At dumale ang isa pa. Baka wala ka nang mapaglagyan, e, dine mo na itapon sa gawi ko.

Nagtawanan ang lahat, maliban sa kanyang ama. Na siyang tumapos sa salitaan. Nasa hustong gulang na ang kuya nyo. Alam niya ang kanyang ginagawa.

Salamat, Tatay, aniya sa ama. Binalingan niya ang kanyang ina. Ganito iyon Nanay. Kung minsan kasi, may bisita ako. Ginagabi. Kung dito sa atin...

Yahoo, sigaw ng bunso. Naiintindihan na namin, Kuya.

Kaya mag-isa siyang nanirahan sa isang makabagong apartmen, sa isang pribadong compound na ang karaniwang umuupa ay mga katulad niya. Na malalaki ang suweldo at mahuhusay ang trabaho. Na ang mga edad ay treinta pataas. Na pawang wala pang balak mag-asawa sa malapit na hinaharap.

Saka sila nagkita ni Minda. Na kanyang kababata at kamag-aral sa lalawigan. Dalaga pa si Minda.

“Wala pa?” biro niya.

Tumawa si Minda. At tumawa pati ang mga mata nito. “Kung sakali...”

Hindi itinuloy ni Minda ang sasabihin at sila ay nagkatawanan. Siya ay kinutuban.

Tuwang-tuwa ang kaniyang ama't ina nang dalhin niya si Minda sa kanilang tahanan. Tigas na kumustahan. At tanungan. Kuwentuhan.

“Naku, ang batang ito. Kailan ka pa ba rito sa Maynila? Saan ka ba nakatira?. Ang mga nanay mo, nasaan?”

“Isa-isa ang tanong Inay,” kantiyaw ng bunso.

Ngunit patuloy sa pagtatanong ang kanyang ina. “Hindi na kami nauwi sa atin. Abala sa negosyo ang Mang Fredo mo. Ano na ba ang nangyari doon? Marami bang nasira noong bumagyo?”

At laking tawanan nang sumagot si Minda. “E, matagal na rin ho akong hindi nauuwi. Hindi nga lamang kasing-tagal nang hindi ninyo pagkauwi.”

Kaya pala ay nadestino ang ama ni Minda sa isang lalawigan sa kabisayaan. At doon na rin sila nanirahan. Hanggang sa makapag-asawa ang mga kapatid nito. At sa isang aksidente ay namatay ang kanyang ama. Sa isang atake ay sumunod naman ang ina. Noon napunta si Minda sa Maynila. Nanirahan muna sa isang kamag-anak. Kalaunan ay nagsarili, kasama ang ilang kaibigan. A nagtayo ng negosyo, batay sa kursong napag-aralan sa kolehiyo.

“Mayroon kang shoppe sa Makati?” tanong ng kanyang ina.

“Interior Decorator ka? May patahian ka ng mga kurtina?” tanong naman niya.

Nagtawa si Minda. “Hindi ba sinabi ko na sa iyo nang magkita tayo?”

Siya naman ang tumawa. “Nakalimutan ko na. Kasi nagulat ako nang magkita tayo. Dati, di ba ang payat mo. Saka masyadong singkit ang mga mata mo. At saka ang balat mo noon, parang ang daming maliliit na butlig.”

Masakit mangungurot si Minda. At hindi kaagad binibitiwan. Hanggang hindi humihinto ang tawanan.

Kaagad naman niyang binawi ang panunukso. At totoong-totoo sa loob, matamang-mataman ang kanyang pagkakatitig, sinabi niya. “Pero ngayon, ang ganda mo, Minda.”

Namula ang mga pisngi ni Minda. At ehem, tikhim ng kanilang bunso. At nahuli niya, makahulugang nagpalitan ng tingin ang kanyang ina at ama.

Tinandaan niya sa sandaling iyon, hindi na niya muling pupurihin si Minda sa harap ng kanyang pamilya. Talagang hindi na. Dahil hindi pa siya nakahandang mag-asawa. Saka hindi naman niya gusto si Minda. Sabagay, maganda ito. At mabait. May pinag-aralan. Kilala nila ang pinagmulang pamilya. Isang malapit na kaibigan noon.

At saka malay niya, baka may boyfriend si Minda.

Dinala siya ni Minda sa ari nitong shoppe sa Makati Commercial. At nakilala niya ang mga kasama nito. At may nalaman siya.

“Ikaw pala si Leo,” nakangiti si Connie, ang partner ni Minda sa negosyo.

May ibig sabihin ang ngiti ni Connie. At nagbiro siya. “Bakit? Ano ba ang tsismis sa iyo nitong kaibigan mo...”

Mula sa sinusuperbisyuhang mananahi, ay sumagot si Minda. Naku, huwag ninyo akong igawa ng istorya diyan.

Ngunit pilya si Connie. At may ibinulong. “Ikaw pala'ng dahilan kung bakit walang magustuhang manliligaw itong si Minda.”

“Hoy,” saway ni Minda.

Ngunit nasabi na ni Connie ang sikreto at wala nang nagawa si Minda. At sa kaibuturan ng kanyang dibdib ay nakaramdam siya ng kakaibang kasiyahan. Likha ng balitang siya pala ang unang pag-ibig ni Minda. Noon pa man sa lalawigan.

Dinala niya sa kanyang apartmen si Minda. At hinaplos ng mga daliri nito ang upholstery ng kanyang sala set. Hinawakan at dinama ang kapal ng tela ng nakasabit na kurtina. Nakangunot ang noong pinagmasdan ang kuwadro sa dingding.

Ipinasok niya sa kanyang kuwarto si Minda. Umiling-iling ito. “Ang mamahal ng mga kasangkapan mo, pero hindi tama ang pagkakaayos. Sino bang nagtrabaho nito?”

“Isang kaibigan,” sagot niya. “Pero hindi siya interior decorator.”

Nagkibit ang balikat si Minda. At kinilingan siya. “Gusto mong ayusin ko? Mura lamang kitang sisingilin.”

Muli niyang dinala sa kanyang apartmen si Minda. At nagkabit ito ng bagong kurtina. Sa may pagpanhik ng hagdanan ay nagsabit ng maliliit na kuwadro ng pintura. Sa pagitan ng mga malalaking aklat ay isiningit ang isang munti, antique na tapayan at ang ulo ng isang mandirigmang katutubo. Sa likod ng sopa at sa mga dingding ay maraming inalis. Masyadong maraming clutter. Less is more, sabi pa ni Minda.

Iniba ni Minda ang ayos ng malaking kama sa silid-tulugan. Marami na namang inalis, Isa lamang ang idinagdag. Isang leon sa ulunan ng kama, dahil ang pangalan niya ay Leo at ang zodiac sign niya ay leon. Ang namayaning kulay sa silid ay panlalaki.

Nasiyahan siya. At nagbayaran sila ni Minda. “Hindi kita pinatubuan,” sabi nito.

“Libu-libo na, wala pang tubo,” angal niya.

Mukhang tinablan si Minda sa biro niya. Hindi kumibo. At hindi siya nagpabaya. “Huwag mong sabihing pikon ka na ngayon.”

Niyaya niyang lumabas si Minda. “Kakain tayo. Nightclub...”

Umiling si Minda, “Huwag na lang.”

Nabahala siya, “Tampo ka yata, Minda...”

“Hindi.”

“O, e bakit ka ganyan?” Pilit niyang tanong.

“Talagang hindi,” sabi ni Minda. “At para maniwala ka, dito mo na lang ako i-blowout. Sa apartment mo. At ako ang magluluto. Masarap akong magluto, baka akala mo. At magbibihis tayo nang maganda. Saka magsisindi ng kandila. Magpapatugtog ng stereo.”

Pumayag siya. Ngunit kinakabahan siya sa takbo ng mga pangyayari. Ang ganoong uri ng pagsasalo ay karaniwan nang sa isang bagay lamang nauuwi. Sa pagsisiping sa kama. Wala siyang tutol dito. Kaya lamang , nagkataong ang babae ay si Minda. At si Minda ay isang kaibigan at kababata. At si Minda'y may pag-ibig sa kanya.

Binuo na lamang niya sa sarili na siya ay magpapakatimping mabuti.

Dinatnan na niya si Minda sa pag-aayos at pagluluto sa loob ng apartmen. Nakasuot ito ng short pants at naka-roller ang buhok. Naka-tsinelas ng goma at may malaking apron.

“Gutom na ko,” sabi niya.

Itinaboy siya ni Minda. “Magpahinga ka muna, at sunod, magbihis ka. Amerkana, ha. Magkurbata ka.”

Natatawa siya sa sarili. Naging sunud-sunuran siya kay Minda . Naligo siya. At nagbihis. At sinilip ang laman ng kanyang munting bar. Naghanap ng maiinom, kasama ng sit down dinner nila ni Minda.

Mula sa itaas ng hagdanan, dumukwang si Minda. “Huwag ka nang maghanap. Mayroon akong dala.”

“Na ano?” tanong niya.

Naupo si Minda sa isang baitang. Ang roller ng buhok ay sininulang tanggalin. “May nagregalo sa akin ng champagne noong Pasko. Hindi nga lang of excellent vintage, alam mo na, pero pwede na rin. Nariyan sa dala kong cooler. Pakidagdagan nga ng asin iyong yelo. At kilusin mo lang. Baka maging sherbet.”

Champagne. Musika. Candlelight. At si Minda. Kinakakabahan na siyang talaga.

Naka-micro mini si Minda. At maputing-maputi. At magandang-maganda. At pilit man niyang isaisip na si Minda ay ang kababatang taga-probinsiya, na payat noon at masyadong singkit, hindi mawala-wala ang kanyang kaba. Natatakot siya sa mangyayari. Kung si Minda nga lamang ay hindi si Minda...

Kumpleto ang pagkaing inihanda ni Minda. May appetizer. Sopas. Salad. May fish course. Ang entree ay isang roast beef. May dessert. At kape.

“Maswerte ang mapapangasawa mo,” sabi niya.

Ngumiti ang mga mata ni Minda. At mali, naisip niya, ang kanyang sinabi. Bakit dito nadadako ang aming usapan.

“Ikaw Leo, bakit hindi ka pa nag-aasawa?” tanong ni Minda.

At naisaloob niya, magandang tanong. Ang kanyang mga baraha ay maliwanag niyang maipakikita kay Minda.

“Alam mo Minda, hindi ako naniniwala sa buhay may asawa.”

“Siyanga,” tumaas ang kilay ni Minda.

Tumikhim siya. “Hindi naman sa hindi ako naniniwala. Sabihin na lamang natin na ayaw ko pang mag-asawa. Hindi pa ako handa sa buhay na nakatali.”

Umiling si Minda. “Wala kang nararamdaman... iyong mga saloobin ng isang lalaki para sa isang babae. Na para bang masarap iyong may dinaratnan sa bahay. Na mag-aasikaso sa iyo.”

Sunud-sunod ang kanyang pag-iling. “Sanay akong mag-isa. Isa pa'y asikaso rin naman ako ng nanay, kahit ganitong nasa malayo ako. At iyong sinasabi mong damdamin ng isang lalaki, huwag ka namang mag-iisip nang hindi mainam, pero, hindi problema iyon. Marami akong kaibigang babae, Minda.”

Naging pormal si Minda. “Ibig mong sabihin, kaibigan, pero may nangyayari?”

Pinung-pino ang kanyang pagtango.

“Hindi sila nagyayayang pakasal.”

Si Minda, parang disiotso anyos kung magtanong. Parang hindi beinte otso. Alam niya, dahil dalawang taon ang gulang niya dito. Umiling siya. “Hindi. Bago naman mangyari ang sinasabi ko, e, alam na nila ang saloobin ko tungkol doon.”

“Alam na nila, pero sige pa rin sila.”

Si Minda, gusto niyang haplusin ng daliri ang pagkangunot ng noo nito. Tumango siya. “Oo. Mahal kasi nila ako.”

Si Minda naman ang tumango. A, kung talagang mahal....usal nito.

Hindi niya alam kung paano ang nangyari. Basta nagkayayaan silang magsayaw. Sa kanyang stereo tape recorder ay ikinasa niya ang isang spool na panay Jack Jones. Sinabayan pa ni Minda ang pag-awit.

Magaang isayaw si Minda. At malambot ang katawan. Ang dibdib. At mabango. Pilit, tinandaan niya, si Minda ay isang kaibigan, kaibigan, kaibigan.

“Totoo ba, Minda, ako'ng first love mo?” tanong niya.

Tumawa lamang si Minda. At humilig sa kanyang balikat. At lumipas ang maraming sandali. At nagpaalam si Minda. At sinabi niyang ihahatid niya ito.

“Magbibihis muna ako,” sabi ni Minda. At iyon ang kanilang pagkakamali. Nagpatulong si Minda sa pagbababa ng zipper. Na umipit. At matagal bago natanggal.

Maputlang-maputla si Minda.

“Minda, bakit. Bakit hindi ka tumutol? O, Minda...”

Umiling si Minda. At tinukop ang kanyang bibig. “Huwag mong sisihin ang iyong sarili, Leo. Nangyari, dahil pumayag ako. Kagustuhan.. kagustuhan ko rin ang nangyari. Siguro... dahil...sapagkat ...mahal kita. Noon pa man, Leo. Pinilit ko ang makalimot. Walang nangyari, Leo.”

“Pero, Minda. Alam mo Minda. .” Hindi niya masabi, nahihirapan siyang sabihin kay Minda, na kagustuhan man nito ang nangyari, may pag-ibig man ito sa kanya, para sa kanya, ang nangyari ay bunga lamang ng musika, ng liwanag ng kandila, ng champagne. At hindi niya mapapanagutan.

Tumawa si Minda. Ngunit napansin niya, may katal ang tinig nito, na para bang maiiyak. “Huwag kang mag-isip ng kung ano, Leo. Hindi kita yayayaing pakasal. Di ba maliwanag mong sinabi iyon kangina?”

“Pero Minda...” at sa dahilang wala siyang maisip pang sasabihin ay dinugtong niya, “nagpi-pills ka ba?”

Kitang-kita niya ang latay ng nasaktang damdamin sa mukha ni Minda. Alam niya, hindi niya dapat sinabi iyon. Dahil si Minda, si Minda ay isang birhen. Wala sa katergorya ng mga babaing nakasama na niya.

Iniwasan siya ni Minda pagkatapos ng pangyayaring iyon. Na ikinaluwag ng kanyang damdamin. At lumipas ang ilang buwan na hindi sila nagkita sa dahilang natapat naman sa maraming trabaho sa kanilang opisina. Nang sa isang pagdalaw sa mga magulang, siya ay kinausap ng mga ito.

“Alam namin ang nangyari, Leo,” bungad ng kanyang ama.

Tungkol kay Minda nasiguro na niya. Isang masamang hinala ang dagling sumingit sa kanyang isipan. Si Minda, sa kabila ng indipindiyenteng pamumuhay ay taal pa ring probinsiyana. At hindi makatitiis, hindi matatanggap nang paganoon na lamang ang nangyari sa kanila. Tiyak, ito ay lumapit sa kanyang mga magulang. Upang mahikayat siyang magpakasal.

“Kagustuhan namin ang nangyari, Tatay at kapwa kami nasa ead.”

At hindi siya masusubong pakasal nang ganoon lamang. Kahit ano pa ang sabihin ng kanyang mga magulang. Kahit ano pa ang mangyari. Sabihin pang birhen si Minda at siya ang tanging lalaki sa buhay nito. Na pinaniniwalaan naman niya.

“Nagdadalang tao si Minda,” sabi ng kanyang ina.

At natigilan siya. At matagal na napatitig sa kanyang ina.

Hindi rin niya pinakasalan si Minda. Ang binhi ng hinala ay kaagad tumubo. Si Minda, ang unang pag-ibig ni Minda ay siya. At siya pa rin ang pag-ibig ni Minda ngayon. Si Minda ay matalinong babae. Isang tunay na anak ni Eba. Ang lahat ay binalak ni Minda. Isang patibong. Pati ang sanggol. Para sila makasal. Sa tindi ng hinala, hindi na sumilid sa kanyan isipan na minsan lamang silang nagkasama ni Minda, na isang birhen. Hindi na niya naisip na ang naganap sa kanila ni Minda ay maaring naganap, hindi dahil sa isang pakana kundi dahil sa isang hindi mapigil na pagpapamalas ng pag-ibig ng dalaga sa kanya.

Sa panahon ng pagdadalang-tao ni Minda, kinilala ito ng kanyang mga magulang. Madalas na sunduin, patulugin sa kanilang tahanan. Isang bagay na lubha niyang ikinayamot. Isang damdamin na hindi nagamot ng pagkatuklas kalaunan sa katotohanang lumapit si Minda sa kanyang mga magulang upang ipaalam lamang ang nangyari at hindi upang magpatulong na ito'y kanyang pakasalan.

Abala siya sa kanyang trabaho, paalis-alis ng bansa. At marami siyang mga kaibigang dalaga. Na may gusto sa kanya at naghihintay na siya ay masilo. Sa sarili niyang pagpapasiya. Isa pa'y nasa pills ang mga kaibigang ito. Hindi tulad ni Minda.

Na nagsilang ng isang sanggol na lalaki.

Tuwang-tuwa ang kanyang pamilya. Ang kanilang bunso. “Naku, Kuya, matutuwa ka kay Tatay. Ngayon lang ba naman nagkaapo ng lalaki...”

Nakaramdam siya ng pagnanais na makita ang sanggol. Ngunit sinikil niya ang nasabing damdamin sa dahilang baka mapagkamalan ito na isang pagpayag sa higit kailanman, ay dapat na madaos na kasalan.

Hanggang lumipas pa ang mga buwan at datnan niya isang araw ang sanggol sa kanilang tahanan.

Ang mata, ang ilong, ang bibig, ang hugis ng ulo, siyang-siya. Walang kinuha kay Minda, maliban sa puti ng kutis.

“Heto hawakan mo, dahan-dahan sa likod,” ang sanggol ay iniyabot ng kanyang ina.

Asiwang kinuha niya ang sanggol. At isinandal sa kanyang dibdib. Sumibi ang sanggol. At umiyak. Kay pula ng dila nito. At kay ganda ng gilagid.

“Madalas ba siyang iwan dito?” tanong niya.

Madalas daw. At nadalas ang pagdalaw niya sa dating tahanan. Isang kahungkagan sa kanyang sarili na dati ay hindi niya alam na naroroon ang pinuno ng mga tawa at ngiti ng sanggol. At sa isa niyang pagdalaw, nagkatagpo sila ni Minda.

Nang makita niya si Minda, hindi niya malaman kung bakit ang sumingit na larawan sa kanyang isip ay ang maputlang-maputlang mukha nito nang gabing iyon sa kanyang apartmen. At ang sinabi nito, naging higit na malinaw sa kanya ang kahulugan. Kagustuhan ko ang nangyari, Leo. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Huwag kang mag-isip ng kung ano. Hindi kita yayayaing pakasal. Kagustuhan ko, Leo. Sapagkat mahal kita.

Hindi na siya nagtagal sa kanilang bahay. “Ihahatid kita , Minda.”

Sa kotse, walang kakibo-kibo si Minda. At siya ang nagbukas ng usapan. “Magandang bata si Boyet, Minda...”

Tumawa si Minda. At may kasiyahang bumunggo sa kanyang puso. “Kamukha mo si Boyet, Leo.”

Matagal na hindi sila nag-imikan. Malapit nang bumaba si Minda nang masabi niya. “Pakasal na tayo, Minda.”

Alang-alang kay Boyet, naisip niya noon pa mang makita niya ito sa pag-aaruga ng kanyang pamilya. Kawawa naman si Boyet. Isa pa'y parang gusto na rin niyang manahimik. At higit sa lahat, si Minda ang marapat lamang na pakasalan niya.

Ang inaasahan niyang mababasa sa mukha ni Minda ay wala. Sa halip, muli niyang nakita ang latay ng isang nasaktang damdamin. Sunud-sunod ang iling nito. “ Hindi. Huwag Leo. Please.”

At hindi siya handa sa sumunod pang sinabi ni Minda. “Kung gusto mo si Boyet, ibibigay ko siya sa iyo, Leo. O kung nasa akin naman ay pwede mong dalawin, anytime. Pero huwag mong isakripisyo ang iyong sarili. Natatandaan ko pa ang iyong sinabi noon. Hindi ka naniniwala sa buhay may asawa. At isa pa, Leo hindi ko naman matatanggap ang ibinibigay mo. Dahil ayaw ko ng awa. Noon Leo, nasa krisis ang buhay ko, ang katayuan ko sa aking pamilya, sa munting lipunan na aking ginagalawan. Pero, noon pa man, Leo nagyaya ka mang pakasal noon, hindi ko rin tatanggapin. Dahil pakakasal lamang ako sa lalaking umiibig sa akin. At alam ko, hindi mo naman ako iniibig.

At bumalik siya kay Noemi. Kay Lyn. At kay Irma. At kanyang dinama ang sarili. Nasaan ang pag-ibig. Ang balani ng isang gabi o isang hapon sa piling ng mga ito. Wala wala wala.

Naggugumiit ang isang mukha. Ang isang tinig. Sapagkat mahal kita, Leo. Sapagkat mahal kita. At sa kaibuturan ng kanyang sarili ay damang-dama niya, na sina Noemi, Lyn at Irma ay pawang malalabong anino na lamang, matapos ang nangyari sa kanila ni Minda. Matapos niyang maunawaan ang damdaming ngayon ay nadarama niya para dito. Kung mapaniniwala lamang niya ito...


HELLO, Minda...

“Leo?”

“Ako nga Minda. Pwede ba.... pwede bang dumalaw sa iyo?”

“Ha, e, bakit? Ano ba ang sasabihin mo?”

“Sa pagkikita na natin, Minda. Masyadong personal.”

“Ha... e di sige. Bye.”

“Bye,” at ibinaba niya ang telepono. Nasa unang hakbang na siya ng panliligaw. Na itataguyod niya hanggang sa magtagumpay.


LIWAYWAY (noong seventies, nawala ang kopya)

No comments:

Post a Comment