Monday, May 3, 2010

MAYO: BUWAN NG MGA INA


MAYO: BUWAN NG MGA INA


Mayo na naman! Noong araw, kapag sumapit na ang buwang ito, panay na ang kanta namin ng flowers are blooming in May, flowers that speak of romancing, hearts that are carefree and gay, beautiful moments together...

At ang Mayo ay bakasyon... santakrusan... barkada... iskarsiyong simba sa Antipolo at piknik sa La Mesa Dam o Balara...

Ngunit ngayon, ang buwan ng Mayo ay buwan rin ng mga ina. Noon, sa aking pagkatanda, ang Mother's Day ay sa unang Lunes ng Disyembre ginagawa. Pinaglalagay kami ng bulaklak sa damit, nakaperdible sa dakong balikat, kulay puting bulaklak kapag ulila na sa ina, at may kulay naman, kapag buhay pa ito.

Sa elementary, karaniwan nang may programa din, kung saan may tumutula ng tungkol sa mga ina at ang pinakapaboritong kantahin ay -

Mama, I miss the days when you were near beside me,
Mama, those happy days when you were here to guide me
Safe in the glow of your love
Sent from the heavens above
No one can ever replace
The warmth of your tender embrace
Oh, Mama, until the days
that we're together once more

I live in this memory,
until the days
that we're together
once more.


Kapag nabanggit ang salitang ina, ang naaalaala ko ay ang aking sariling ina at ang aking anak na isang ina na rin. Hindi ako, bilang ina.

Kapag inisip ko kung ano ang natatandaan ko sa aking ina, walang gaanong partikular na bagay akong naaalaala. Alalaon baga'y mga grandeng bagay na ginawa niya o ibinigay sa akin. Ang alam ko lamang ay kung ano ang aking nadama noon... na siya kong napagbabalikang gunitain ngayong wala na siya.

Na lagi... naroon siya... naaasahan... nalalapitan... kaya lumaki akong walang pangamba...

Hindi ko narinig ang aking ina na ako'y pinuri nang harapan, ngunit lumaki akong buo ang paniniwala na ako'y kanyang ipinagmamalaki.

Kung ihahambing ko naman ang aking sarili sa aking anak na isang ina na rin, walang kurap kong masasabi na higit siyang seryoso sa kanyang pagiging ina, in the sense na talagang pinag-aaralan niya ang mga bagay-bagay upang magampanan ito. Noon ay isang libro lamang yata ang aking nabasa tungkol sa pagpapalaki ng anak, ngunit ang aking anak ay higit ang dami ng pinagkukunan ng mga ganitong kaalaman.

Sinabi ko na lamang sa aking mga anak, na sa abot ng aking makakaya, ginawa ko ang sa palagay ko ay dapat kong gawin, in order not to be remiss in my duty as a parent (paborito kong expression ito kapag may sermon ako sa kanila) sa pagpapalaki sa kanila. At kung sa palagay nila ay kulang o mali ang mga nagawa ko, huwag nila itong ulitin, bagkus ay baguhin, pagdating ng panahon ng pagpapalaki sa sarili nilang mga anak.

Ngayong buwan ng Mayo, tungkol sa isang ina ang aking kwento. Ito ay isang kwento na akala ko ay lubusan nang nawala, dahil wala akong naitagong kopya ng Liwayway. Na kahit anong buklat ko naman sa mga duplicate copies ng kwentong sa aking lumang Underwood ginawa, ay hindi ko pa rin makita.

Hanggang dumating si Ondoy...

At sa aking pagtatapon at pagliligpit, mula sa kung saan, wari ay lumutang ang ilang piraso ng onion skin paper na duplikado ng kwentong. SA MULING PAGIGING INA. Ang nawawala kong kwento, bulalas ko. At ang mga basang papel ay ibinilad ko at pinatuyo sa araw. Na di naman kaagad nailigpit. At ang kwento ay muling nawaglit! Matagal ko ring hinanap. At di nakita.

Hanggang nitong mga huling araw, muli ko siyang nasilayan.

Ngayong Mayo, abangan ang kwentong ito: SA MULING PAGIGING INA.

Samantala, narito ang dalawang tula, o sabihin na lamang nating katha, hindi ko alam, ngunit ito ay tungkol sa mga ina.

Ang una ay assignment ng aking anak noong elementary o high school siguro, tungkol sa kanilang ina, na siempre, ako ang tinutukoy. Na sa akin rin ipinagawa, kasi, manunulat daw ako. Kaya ang nangyari, ako ang gumawa ng tula tungkol sa akin, bagaman at parang sa punto de vista ng aking anak. Medyo mataas naman ang kanyang nakuhang grade dito. Tungkol doon sa tula, masasabi kong medyo gano'n nga ako nang bahagya...

1.

May inang mabait, masipag, tahimik.
Lagay ng pamilya, laging nasa isip
Sa kanyang aklat, burado ang tsismis
Buhay sa piling niya, tila baga langit.

Ngunit ang nanay ko, siya ba ay ano?
Mabait ba siya? Ayaw patatalo!
Siya ba'y masipag? Magaling magmando!
Minsan ay tahimik. madalas, makwento.

Ngunit ang alam ko, kami ay mahal niya,
Busog sa pangaral kami sa tuwina.
Sa aking paglaki, huwaran ko siya
Ito ang nanay ko, kaibigan, ina!


Ang ikalawa ay tungkol sa aking Inang (Siya ang nasa larawan nang siya ay dalawampu't tatlong taon gulang.) Na sinulat ko nang kamamatay lamang niya at sariwa pa sa aking alaala ang kanyang mga huling araw, kung kailan pinanawan ng siya ng kanyang diwa.


2.

Sa sulok ng kasuluk-sulukan,
ang ina ng ina, ay ina, ay anak.
Sa mandala ng alaala.
Ang tuyong dayami ay sariwang uhay
na hitik sa bunga ng ginintuang palay.
Sanggol pa ang araw.

Malabong estero ay batis na malinaw,
Pinanalaminan.
Pinilakang buhok, kapara ay gabing
balot ng karimlan.
Kislap ng bituin ay wala sa langit
kundi nasa matang
wala na ngang ilaw.

Kay tamis ng ngiti! Kay lamyos ng tinig...
na ang hinuhuni'y isang lumang himig,
na walang simula't walang katapusan,
waring naghihintay ng isang kasabay.

Sino ka? Bakit ako narito?
Ang tanong ng ina na anak
sa anak na ina.
Ako ang anak mo na pinakamaganda!
Ito ang bahay mo. Dito ka nakatira.

Ulit-ulit ang pag-iling,
hapo na ang ulo'y
ayaw pang tumigil,
ang luhang nangilid sa mata'y
naglandas sa pisnging kulubot,
hikbi ay abut-abot.

Para mo nang awa,
ako ay ihatid ...
kay Tatang...
kay Inang...
sa aking kapatid...


Tandang-tanda ko, Agosto 17, itinawag sa akin na hindi na raw nakakakilala ang aking ina. Wala siyang sakit, malakas, naglalakad. Setyembre 11, siya ay pumanaw. Ang mga huling araw ay ginugol sa malimit na pag-idlip, kalaunan, tumatagal na pagtulog. Hanggang sa tuluyang namaalam.

Isang pag-alaala sa aking ina, sa lahat ng ina, hindi lamang ngayong araw o buwan niya, kundi sa lahat ng sandali.





No comments:

Post a Comment