Saturday, May 15, 2010

SA MULING PAGIGING INA


SA MULING PAGIGING INA



SAGLIT na inalis ni Nora ang suot na salaming may kulay at pinunasan ng hawak na panyolito. Maalikabok, matao at napakamasasakyan ng pook na iyon. Parang usad ng pagong ang takbo ng taksing kaniyang kinalululanan.

“Ganito bang talaga rito araw-araw?” hindi niya napigilang itanong sa tsuper.

Napailing ang tsupser. “Matrapik hong talaga, pero sobra naman ngayon. Parang me nakabara sa unahan.”

“Baka aksidente,” sumilip si Nora sa labas ng durungawan ng sasakyan.

Waring sagot, buhat sa malayo ay umalingawngaw ang matinis na tunog ng serena. “Dito na lamang kaya ako, “ aniya sa tsuper.

“Mabuti pa ho,” sagot nito.

Sa paglalakad sa bangketa, ang salaming may kulay ay muling isinuot ni Nora at ang pagkatali ng suot na bandana ay hinigpitan. Sa kanyang ayos, marahil ay wala nang makakakilala pa sa kanya, naisaloob niya. Ang makapal na medyas ay upang itago ang mapulang balat sa kalamnan ng kanyang binti.. ang bandana'y upang ikubli ang malago at itim na itim niyang buhok. Ang salaming may kulay ay para di makita ang kanyang mapupungay na mga mata. Ang ngayon ay namumugtong mga mata. Kung ang mga bagay na madaling pagkakakilanlan sa kanya ay natatakpan, sino pa kaya ang magsasabing siya ay si Nora. Wala na marahil. Maliban kay.. . Rene.

Bumagal sa paglalakad si Nora sa pagkagunita kay Rene. Ang paghihimagsik ay muling bumangon sa kanyang puso. Ang luha ay muling nagbantang tumakas sa kanyang mga mata. At ang sama ng loob ay isang namumukol na bagay sa muling bumara sa kanyang lalamunan.

A, Rene...


KAHAPON, gabi na nang dumating si Rene. Napakain at napatulog na niya ang mga anak. Walang kakibu-kibo at waring mainit ang ulo ni Rene. Ngunit higit ang init ng kanyang ulo. At sa palagay niya'y higit na mayroon siyang dapat ipag-init ng ulo.

Mag-iisang buwan nang ang kanyang hinihintay-hintay ay hindi dumarating. Ang bawat araw na lumipas ay may katumbas na kaba ng dibdib. At taimtim na dasal. Diyos ko naman, huwag muna po. Ang paminsan-minsan niyang pagkahilo tuwing umaga nitong nakaraang linggo ay pilit niyang inihahanap ng dahilan. A, marahil ay di siya natunawan ng pagkain. Ngunit ang pagsama ng kanyang katawan nang maamoy niya ang bawang na bagong hulog sa mantika... ang amoy ng pomada sa buhok ni Rene... ng pampaligong sabon.. at ang kangina'y di na niya napigilang pagduwal at paglalabas sa lahat ng kinain ay siyang nagbigay katiyakan sa kanyang kinatatakutang mangyari.

Napaiyak siya. Diyos ko, Diyos ko, hindi naman sa ayaw ko, pero... at di matapos-tapos ang kanlyang pag-iyak. Kaya lamang siya tumigil ay nang ipaalam ng katulong sa bahay na umiiyak ang pinakamaliit niyang anak. Ang pinakabunso na wala pang limang buwan. Na hindi na bunso, dahil mayroon na namang kasunod.

Sa buong maghapon ay di niya nagampanan ang ilan sa dati niyang gawain. Nahiga na lamang siya at pinayapa ang sarili. Nag-iisip. Naghahanap ng lunas. Ang naisip na lunas ay nilimi-limi. Tinimbang-timbang, upang maging madali ang pagpapaliwanag kay Rene kapag sila ay napag-isa na.

Ngunit di kumikibo at mukhang mainit nga ang ulo ni Rene nang dumating buhat sa opisina. Ang pangyayaring ito ay waring nagdadag pa ng init sa kanyang kalooban at lalong nagpakulo sa kanyang damdamin. Ang mga pambungad na pangungusap ay parang bulang naglaho. Di na niya nalimi ang mga salitang kung saang lupalop niya nahagilap at sa mga labi ay namulas.

“May masama akong ballita sa iyo...”

Nahinto sa paghitit ng sigarilyo si Rene. Tumingin sa kanya. Nagtatanong ang mga mata. Nakangunot nang bahagya ang noo. “Masama?” ang ulit nito.

Sinalubong niya ang tingin ng asawa. “Masamang... hindi naman masama.” Binasa niya ang kanlyang nanunuyong labi.

Umungol na waring nayayamot si Rene at siya ay nagsiklab. “Ang ibig kong sabihin.. ako po ay naglilihi na naman.” Pinakadiin-diin niya ang salitang naglilihi.

“Naglilihi,” ulit ni Rene. “Naglilihi! Ibig mong sabihin... na naman!” hindi niya maunawaan ang damdaming nakalarawan sa mukha ng asawa.

Tumango siya. At tumawa si Rene. Tumawa nang tumawa. At pinanlabo ng luha ang kanyang mga paningin.

“Pinagtatawanan mo ba ako? Wala ka bang sasabihin?” gumagaralgal ang kanyang tinig.

Huminto sa pagtawa si Rene. “Nagtatawa ba ako?” tanong nito na sinundang muli ng tawa. “Sorry, ha. Kaya lang ako natatawa, ang bilis-bilis, ano.” Umiling-iling si Rene at siya ay nakaramdam ng malaking habag sa sarili. Hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng kanyang luha.

Maraming pagkakataon sa buhay nilang mag-asawa na ang pagluha niya't pagtatampo ay tinutumbasan ni Rene ng masusuyong hagod sa likod, matatamis na halik at nakaiigayang bulong ng pag-ibig, ngunit sa ngayon ay waring iba si Rene. Hindi ito kumibo at nagpatuloy lamang sa paninigarilyo.

Ang kanyang habag sa sarili ay napalitan ng paghihimagsik. Naisip niya. Ito ...ito ang palad ng mga babaing may asawa na tulad niya. Ang maglihi. Manganak. Mag-alaga ng bata. At muling maglihi. At manganak. At mag- alaga ng bata. Samantalang ang mga lalaki'y tumawa lamang nang tumawa. At humitit ng sigarilyo.

“Mayroon akong sasabihin,” sa patag na tinig ay kanyang simula. Napahid na niya ang mga bakas ng luha sa kanlyang pisngi. “Mahalagang-mahalaga.”

Ibinuga ni Rene ang usok ng sigarilyo. Kumibot ang mga labi nito, waring pinapagpapatuloy siya sa pagsasalita.

At siyay nagpatuloy. “Lagi ka sa opisina. Hindi mo alam ang hirap ng nasa bahay. Totoo ngang may katulong tayo.. .naglilinis, naglalaba, namamalantsa, katuong kong nagluluto at nag-aalaga sa mga bata. Ako...pagkagising, aasikasuhin ko na ang almusal ninyong lahat. Mayroong mga bagay na di ko ipinagkakatiwala sa katulong lamang. Ang pagpapakain ng mga bata, pagtuturo nang pagkain nang nag-isa at di na sinusubuan. Pagpapaligo.. pagbibihis... pagsaway kung nag-aaway.. pagpapatahan sa mga umiiyak... pagpalo at pagdisiplina sa matigas ang ulo...'

Biglang nagsalita si Rene. Nagdidilim ang mukha nito. May talim ang tinig. 'Nagrereklamo ka ba. Nora?”

Mataas ang kanyang tinig nang siya ay sumagot. Naghihimagsik. ''Di ako nagrereklamo. Nang mag-asawa ako, alam kong ganito ang buhay na papasukin ko. Kaya lang,” humina ang kanyang tinig, gumaralgal, “kaya lang, apat na taong kasal tayo, apat ang anak natin. Maglilimang taon tayong kasal, maglilima ang anak natin. Taun-taon, nanganganak ako. Di sa ako'y nahihiya.”

Tiningnan niya ang di umiimik na asawa. “Ba't ako mahihiya'y may asawa naman akong tao. Yung iba nga riyan, walang asawa'y nanganganak. Kaya lang taon-taon, may lamping nakasabit sa ating sampayan. May batang uha nang uha sa ating bahay. Di na ako naalis sa pagpapalit ng lampin. Sa paglilinis ng...” pinagtiim niya ang kanyang mga bagang. “Kahit anong paligo ang gawin ko, amoy maanggo ako dahil sa gatas. Mapanghi dahil sa ihi. Di na ako naalis sa daster na maluwang...”

Padaskol na binuksan ni Rene ang iba pang bintana. Naalinsanganan dahil sa ang sinasabi niya'y totoo, kaniyang naisaloob.

At siya'y nagpatuloy. “Kung malabas ako ng bahay ay dahil mamamalengke lamang. Bihira na akong mapunta sa downtown. Maliligaw na siguro ako doon. Baka mahuli pa ako ng jaywalking. Di ko na alam ang hitsura ng mga sine. Di pa ako nasasakay sa escalator...” tumawa siya nang hungkag.

Si Rene ay di man nangiti. Bagong sindi na naman ang sigarilyong hinihitit nito. “Saka noong minsan, nasalubong ko sa may palengke iyong isa kong dating kasamahan sa dormitoryo. Mukhang dalaga pa rin hanggang ngayon, samantalang nauna pa yung nag-asawa sa akin.”

Napaungol si Rene. At kanyang nasakyan ang ibig sabihin nito. Muling nadama niya ang pag-iinit ng kalooban. “Alam kong nasa sa akin ang bagay na iyon. Ngunit maski naman anong ingat ang gawin ko sa katawan ko, kung taon-taon ay nanganganak ako... kaya naisip ko, para di naman ako maluma at tumanda kaagad nang wala sa panahon... maghahanap ako ng trabaho. Kahit magkano ang sweldo..”

Mabilis ang pagkasagot ni Rene at naisip agad niya na mataman pala itong nakikinig. “Sinong tatanggap sa iyo? Maternity leave kaagad.”

Huminga siya nang malalim. “Ito nga ang mahalagang sasabihin ko sa iyo. May nakapagkwento sa akin, minsan, tungkol sa... sa isang doktor. Ang bata'y...”

“Ano?” waring di humihinga si Rene nang magtanong.

“Ipalalaglag ko,” aywan niya kung saan nanggaling ang kanyang tinig.

“Nababaliw ka na ba, Nora?” ipinagdiinang isinulsol ni Rene ang hawak na sigarilyo sa sinisera. “Nasisira ka na ba?”

Humakbang siya nang palapit sa asawa. “Oo oo. Nababaliw ako. Sira ako. Pero lalo kang baliw at sira kapag di mo ako pinayagan. At sinasabi ko... sa ayaw mo at sa gusto... gagawin ko. Bukas na bukas rin. Ipalalaglag ko. Ipalalag...”

Sinapo niya ang kanyang kaliwang pisngi. Napatigalgal siya. Matagal bago gumuhit sa kanyang kamalayan ang ginawa ni Rene sa kanya. Sinampal! Sinampal siya ni Rene! Ni Rene. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa mga palad. Humagulgol siya nang iyak. Walang katapusang pag-iyak sa buong magdamag.



NAGHAHABULAN ang mga paa ni Nora sa mabilis na paglakad. Malapit na siya sa kanyang patutunguhan. Yaon ay isang beauty parlour sa harapan. Ang manggagamot na kanyang kailangan ay nasa kalooban nito. May tutukuyin siyang pangalan. Ito ay may itatanong. May isasagot siya. At magkakaunawaan sila. Kung may dala siyang sapat na salapi, noon din ay matuturukan siya ng pampalaglag ng sanggol. Kung higit sa iniksiyon ang kailangan, may munting silid operahan sa likod ng beauty parlour. Iniksiyon lamang ang kanyang kailangan isang buwan pa lamang na mahigit ang bata sa kaniyang sinapupunan.

Bata. Babae kaya ito. O lalake na namang tulad ng apat na sinundan. Kamukha kaya niya? O ni Rene.

Rene... muli niyang hinaplos ng palad ang pisnging sinayaran ng kamay ni Rene. Ngunit wala na ang sakit doon. Ang latay na naiwanan ay nasa kanyang puso. Ang kirot na naramdaman ay kaniyang iwinaksi at binilisan niyang lalo ang paglalakad.


Kanginang umaga, bago pumasok sa opisina ay kinausap siya ni Rene. Nora... ang hina ng tinig nito ay nakikibagay sa gaan ng dantay ng palad na humagod sa kanyang likod. “Nora, nabigla ako kagabi.”

Kinagat niya ang kanyang labi. Hindi siya kumibo. Ano ang masasabi ng isang babae sa asawa niya na nagbuhat sa kanya ng kamay.

At nagpatuloy sa pagsasalita si Rene. “Masyado akong pagod kagabi. Saka, mainit ang aking ulo. Maraming trabaho sa opisina. Isa pa'y binigla mo rin ako sa sinabi mo. Walang-wala sa hinagap kong maaari mong isipin ang bagay na iyon... ni sa panaginip, Nora...”


“Tanghali na, Rene...” putol niya sa pagsasalita ng asawa. “Huli ka na sa pagpasok.”

“Marami pa tayong pag-uusapan, Nora...”

“Wala na,” umiling-iling siya. “Wala na. Tapos na kagabi.”

“Nora, pakinggan mo ako,” sumasamo ang tinig ni Rene. “Inaamin kong mayroong mga bagay akong ipinagkulang sa iyo. Alam kong maraming mga pagkakataong ang sarili ko lamang ang aking inaalala. At nauunawaan ko ang iyong damdamin. Ngunit mapag-uusapan ang bagay na ito at malulunasan sa ibang paraan. Hindi man ang isang ito na ating kinakaharap, ay ang iba pang darating. Kaya, Nora, ipinakikiusap kong huwag mong ituloy ang iyong balak. Alang-alang sa kanya... at sa iba pa nating anak. Alang-alang sa ating dalawa. Alam kong pag nangyari iyon, ay mahihirapan tayong magbalik pa sa ganitong palagayan. Magsisilbing multo iyon na di natin matatakasan. Mawawalan tayo ng katahimikan.”

Dumantay ang mga kamay nito sa kanyang balikat. Bumaba sa kanyang mga bisig. Humigpit sa pagkakahawak. Saka, lumuwag. “Mahal na mahal kita, Nora...” at ito ay tumalikod.

Ngunit buo na ang kanyang pasiya. Pagkaalis ni Rene ay nagbihis siya upang tuparin iyon.



ANG silid na kinaroroonan ni Nora ay airconditioned ngunit sa wari niya, siya ay nilalagnat sa matinding damdamin na nararamdaman. Pinapawisan pati ang kanyang mga palad..

“Dito kayo maghintay,” wika ng babaing sumalubong at kumausap sa kanya.

Umalis ang babae at napag-isa si Nora. Ipinikit niya nang mariin ang kanyang mga mata at pilit na pinayapa ang sarili. Ang lindol sa kanyang dibdib ay humupa. Dumilat siya. Ang mga paningin ay gumala sa kabuuan ng silid, humantong at hindi iniyalis sa isang nakapinid na pinto.

Naroon ang manggamot na kanyang kailangan. May inaasikasong pasyente. Isang katulad niya na taon-taon manganak? Isang dalagang nagtiwala at pagkatapos ay iniwanan? Isang hostess na nagbibili ng aliw? Hostess? Katulad ba niya ay isa na lamang kalapating mababa ang lipad? Nakaramdam siya ng pagtutol.

Ang pintuan ng silid na kinaroroonan ng doktor ay bumukas. Lumabas ang isang babaeng nakaputi. Saglit na huminto sa tapat ni Nora. “Matatagalan pa ang doktor.”

Pinilit ni Nora ang isang ngiti. Tumalikod ang babae. Lumabas ng silid. Ibinaling ni Nora ang mga paningin sa silid na pinanggalingan nito. Bukas ang pinto. Naiwanang bukas ang pinto. Ang buong katauhan ni Nora ay waring hinigop ng isang bagay na nakapatong sa ibabaw ng isang hapag sa panig ng silid na nakikita buhat sa kanyang kinauupuan. Yaon ay isang bandeha. At sa bandeha ay nakalagay ang isang...

Noon lamang nakakita ng bubuwaning binhi si Nora at nagimbal ang buo niyang kalooban. Yaon ay larawan ng isang kalunus-lunos na nilalang. Alangang tao. Alangang... a, maaaninag na ang hugis ng mga bisig na sa pagkabaluktot ay waring giniginaw. At ang mga kamay na ang mga daliri ay dikit-dikit pa, waring nakaduop at nagdarasal. Ang nakayukong ulo... ang bago pa lamang nagkakahugis na mukha.. ang mga matang... mata nga ba iyon... na nakatitig sa kawalan... napahahabag.

Ina ko... ina...


Waring may isang kamay na dumaklot sa puso ni Nora. Narito ako, anak. Narito ako. Dumantay ang palad niya sa kanyang tiyan.

Sa tabi ng bandeha, ibinaba ng isang nakaguwantes na kamay ang isang bote na maluwang ang bibig. Ang doktor. Ngunit mula sa kanyang kinaroroonan ay kanlong ang mukha ng doktor. Ang mga nakaguwantes na kamay lamang ang kanyang nakikita. At hawak ng kamay ang isang surgical tong. Inipit nito ang bubuwaning binhi at isinilid sa garapon. At hagupit na lumatay sa buong kamalayan ni Nora ang tanong. Gayon lamang ba ang buhay?

Napahumindig si Nora sa nadamang pagtutol. Hindi. Ngunit walang tinig na namulas sa kanyang mga labi. Isang hindi matingkalang lamig ang gumapang sa kanyang gulugod. Kinilig siya. At ang lamig ay namuo at namukol sa kanyang sikmura.

Sa loob ng garapon ay hindi nagbago ang ayos ng bubuwaning binhi. Sa pagkakayuko ay halos mag-abot ang ulo at katawan. Waring higit lamang kalunus-lunos ang anyo. Lubusan nang napag-isa at napabayaan. Ina ko. Ina...

Ang lamig sa sikmura ni Nora ay sumabog. Ang asim na umakyat ay nalasahan niya sa kanyang bibig. Tumayo siya. Tutop ang mga labi. Binuksan niya ang pinto palabas sa pasilyo. Nasalubong niya ang babaeng nakaputi. Doon doon, wika nito nang mapansin ang kanyang ayos na tutop ang bibig at masusuka.

Tumango si Nora ngunit nang makatalikod ang babae ay mabilis niyang tinunton ang daang palabas sa silid na iyon. Pagsapit sa labas ng gusali ay pinara niya kaagad ang isang nagdaang taksi at inihimatong kung saan siya ihahatid. Sa loob ng taksi, inilabas niyang lahat ang laman ng kanyang sikmura sa isang dala-dalang plastik sa supot, habang halos maghalo ang luha at pawis sa kaniyang mukha sa nararamdamang sama ng katawan.

Pagkatapos ay sumandal siya sa upuan ng taksi. Pumikit. Hinagod ng palad ang tiyan.

Narito ako, anak. Narito ako... bulong niya sa sarili.

At naroon sa kanyang tinig ang taimtim na pagsisisi.

Naroon na rin ang kabuuan ng damdamin ng isang ina,

na hindi makapapayag na ang kanyang anak

ay malagay na lamang

sa loob

ng isang

garapon.


LIWAYWAY, DISYEMBRE 16, 1969



No comments:

Post a Comment