Saturday, January 31, 2015

Salamat sa Isang Bakasyon


SALAMAT  SA  ISANG  BAKASYON

-sa muling pagkikita nang harapan, hindi lamang sa monitor screen ng isang computer, ng anak at kanyang pamilya, mga kapatid at kaibigang nasa ibayo ng Pacific Ocean; 






 
-sa mga araw na punung-puno ng mahigpit at loving bear hugs ng mga apo sa umaga pagkagising, sa gabi bago matulog, o sa anumang oras na magkatinginan kapag nagkasalubong sa bahay; ng mga kindatan at pataasan ng kilay, salit-salit ang kaliwa't kanan sa harap ng mesa habang kumakain; 

ng mga matatamis na salitang "stay a bit longer",



"stay a year", "stay till after Christmas",  "don't you dare wash the dishes, it's Isabel's turn!" hahaha!,  "love you, Anda", "thank you and we appreciate your cooking for us, we love your embotido!"-



 -sa tumatangkad na apo na nilampasan na ang 5'2" na height ko, na sa huling pagsukat sa akin sa ospital sa isang check-up ay 5'1" na lamang, paano na ang awit namin ng barkada sa high school na "five foot two, eyes so blue (kahit hindi naman), oh what a five foot two can do..."

-sa walang oras at walang katapusang tawagan at kumustahan sa telephone sa mga kaibigan sa California, Chicago, Florida, Nevada, Maryland, New Jersey, New York at Canada;

-sa kwentuhang-magkapatid na tanging magkapatid lamang ang pwedeng magkwentuhan;

-sa nagkataon at naging pagkakataon na makirasal sa katapusan ng pasiyam sa isang namayapang malapit sa pamilya, gayundin sa pakikilibing sa sumunod pang kamag-anak na namayapa;

-sa Mexican Train na kinahumalingang laruin, gabi at araw, manalo lamang ng mga quarters, sa kwentuhan mula umaga hanggang gabi sa bahay ng kapatid, sa Keno at buffet sa casino;

-sa naulit na pamimitas at pagtanggap ng regalong persimmons;

                        
 
 
-sa mga paboritong lugar at mga taong muling nakita at nakasalamuha - kaiskwela, dating kasamahan sa trabaho, ang Golden Gate, Times Square at Broadway shows, sa ngayon ay -

Wicked,   
 

 

Degas at Cassatt sa National Gallery of Art, Virginia Beach, St. Michael Church,

Teahouse,

                                 
 
                                  

library booksale, Costco (hahaha!);

-sa mga bagong destinasyon at mga bagong karanasan - Frontier Culture Museum,





                                                       
  Stevenson Ridge,


 hayride sa Salatin Farm kung saan nila binibili ang kanilang mga free-range na meat products at dairy,









                                 

Comedy of Errors sa American Shakespeare Theatre, sa wine festival na naging introduction sa isang bakasyong highlighted ng white wine in most dinners, sa restaurant man o sa bahay,






 champagne breakfast, wedding anniversary cake at fondue dinner!


                                                              




 
-sa muling pagkasilay sa nagbabagong kulay ng mga dahon, sa pagkalagas ng mga ito at pagbagsak sa lupa, sa mga nahubarang punong naghihintay ng muling pagsulpot ng mga luntiang dahon ng tagsibol;










-sa maputi at busilak na niyebeng nagbunsod sa mga bata at matanda man, sa sabay-sabay na pag-awit ng dashing thru the snow in a one-horse open sleigh;




-sa matamis na tinig ng isang batang isinilang at lumalaking Ingles ang unang lengguahe ngunit sa pagdatal ng simoy ng Pasko ay maririnig nang umaawit sa kabahayan ng mga awiting pamasko ng Pilipinas - Pasko na naman, o kay tulin ng araw...

 -sa mainit nitong mga palad na kaagad kukulungin ang mga nanlalalamig kong kamay dulot ng Fahrenheit na may katumbas na 18.22 degree Celcius na temperatura;

-sa marshmallow roasting on an open fire (sa fireplace na nagbibigay ng init... at usok, haha!);






-sa isang early Christmas Mass sa Basilica sa Washington DC;

-sa kasunod na early Media Noche (malapit na kaming umuwi, malayo pa ang Pasko, di pa malay mag-simbang gabi), na mainit na tsokolateng Swiss Miss at lasang enseimadang tinapay na sinundan ng isang harmonized duet na ipinarinig sa amin;



-sa mga pagkakataong makadalo sa klase ng Paaralang Pinoy ng mga batang Fil-Am na tinuturuan ng mga volunteer  teachers na makilala ang lahi at bayang pinagmulan;

-sa mga sandaling naging bahagi (taga-Kodak) ng mga batang Fil-Am sa paggawa ng parol;


-sa pagkakataong makita nang harapan ang malaking pagbabago ng mga dating musmos na ngayon ay maasikaso, maalalahanin, marunong magsipagtrabaho, 






makipag-usap, umistima sa mga nakatatandang bisita habang wala pa ang mga magulang na siyang sadya; na sa kaunting paghiling namin ay pariringgan kami ng mga awit nila sa church choir sa Ingles o Latin, o Ama Namin sa Pilipino;

-sa priority boarding ng mga seniors, sa mga matulunging airport people, sa kaibigan ng anak na nagpa-waive ng second maleta restriction para maiuwi ang mga pasalubong;

-sa magandang panahon sa loob ng tatlong buwang bakasyon;

-sa pagtigil nang paglalim ng bahang dala ni Mario na hanggang eight inches lang ang taas na inabot sa aming bahay sa Marikina habang wala kami roon at sa pagtutulungan ng mga naiwanan sa paglilinis at pagliligpit;

-sa sorpresang digital presentation ng mga pagbating ipinarating sa amin ng mga kaanak, kaibigan, kaiskwela (nila at namin) para sa pagdiriwang ng aming ika-50 anibersaryo ng kasal, na isinaayos ng aming mga anak;

-sa mga bumati noon... hanggang ngayon;

-at higit sa lahat, salamat sa limampung taong pagsasama, sa tunay na kahirapan at kaginhawahang dulot ng payapang kaisipan, magkatugong damdamin ng katapatan at respeto sa isa't isa... na siyang dahilan ng BAKASYONG ito!



SALAMAT!  SALAMAT!  SALAMAT!

Wednesday, January 28, 2015

HELLO DOLLY




Narito ang isang pre-valentine na kwento.  Circa nineteen kopong-kopong nang bata pa si Sabel...

HELLO DOLLY


ANG kulay kremang telepono sa bawat mesita ang unang tumawag ng pansin ni Dolly pagbungad niya sa klab. Animo mga sundalong nakatanod, waring may hinihintay. How naughty, naisip niya.

Maganda ang babaing sumalubong kay Dolly. Bata at maganda. Mahaba ang manggas ng suot na blusa. Tikom ang kuwelyo ngunit nakabutadtad ang sikmura. Hinapit ni Dolly ang kanyang shoulder bag saka kinilingan ang kaharap. “A table for two, please.”

Mula sa kanyang kinauupuan, ilang metro lamang ang layo ni Dolly sa munting entabladong kinaroroonan ng tatlo-kataong jazz combo. Ganado ang nasa piyano, pinagmumuntikanang mahulog sa upuan sa bigay na pagtugtog. Gayon din ang nasa drums. Lumilipad ang mga kamay at yugyog ang buong katawan. Ngunit simpli lamang ang nasa bajo.

“Drinks?”

Sinulyapan ni Dolly ang kanyang relos. Wala pa si Amalia. Hindi siya iinom ng may alcohol hangga’t wala ito. “Fresh orange please,” ang kanyang pakli.

Nang tumalikod ang waiter ay huminga siya nang malalim, hinusay ang pag-upo at pilit pinayapa ang inaalong dibdib. Alam niyang may mangilan- ngilang nagpupukol ng tingin sa kanyang kinalalagyan, ngunit ang karimlan ng paligid ay isang kaibigan. At ang pumapailanlang na tinig ng crooner ay isang kasama.

Si Mr. Eusebio, kalapit mesa niya sa opisina ang promotor. Isang araw, coffee break nila. kinausap siya nito. “Kailan ba kayo pakakasal ni Ronnie?”

Ang halakhak niya ay pinuno ang gawing iyon ng kantina. Ngunit sa kanilang opisina, di na pinapansin ang buo, bigay at nakahahawang halakhak niya. Si Dolly ‘yon, sasabihin kung may naliligaw na tanong. Ang pinakamatibay namin. Pinakamatatag. Sa madaling salita, si Dolly, ang aming dalaga. Pa.

“Ako at si Ronnie ay the best of friend lamang, sir,” ang kanyang sagot.

Umiling si Mr. Eusebio. “Hindi lumiligaw?” 

Umiling siya. “Hindi ho.”

“Pero gusto ka niya.” tiyak ang tinig ni Mr. Eusebio.

Nagkibit siya ng balikat. At alanganin. “Siguro ho.”

Si Mr. Eusebio. “At gusto mo siya.”

Ang kulay ng dugo ay alam niyang nalarawan sa kanyang mukha. “Naman…”

Ngumiti ang matanda. “Meet him half-way, Dolly.”

“Ay…” ang matinding pagtutol sa idea ay nanulay sa kanyang tinig.

Ngunit hindi mapigil si Mr. Eusebio. “Iba na ang panahon ngayon, Dolly. Nanghihinayang ako sa iyo. Maganda kang bata. At mabait. You have all the potentials of a good wife. Warm and loving. Full of life. At si Ronnie…”

Tinawanan na lamang niya ang matandang kaopisina. “Hayaan n’yo Mr. Eusebio, kayo ang ninong.” Ngunit sa sarili niya, kailan pa... kailan

Totoo lahat ang sinasabi ni Mr. Eusebio, modesty aside. Nasa kanya ang potential ng isang magiging mabuting asawa. Ngunit dalaga pa siya hanggang ngayon.  Kung ang pagbabasihan ay kalendayo, isang buwan at kalahati na siya ngayon. at hindi buwan ng Pebrero.

But not for lack of opportunities, ang lagi niyang katwiran. Elementary pa lamang mayroon na siyang manliligaw. Mga love letter na nakasulat sa padpaper. Isiningit sa English Fundamentals. Sa Homeland. May Homeland pa ba ngayon? Mga love note sa eroplanong papel na nagla- landing sa ibabaw ng kanyang desk. Nakakainis, lagi ang sumbong niya kay Ronnie. Dahil noon pa lang, magkaibigan na sila ni Ronnie. Magkalaro. Magkababata.

Maputi siya. Noon ang tawag sa maputi, white cover. At noong high school, basta white cover, lapitin, ligawin. Mula sa pad paper ang love letter ay naging blue nylon. Hindi na de abot. Nagdaraan na sa koreo. Special delivery pa.

Saka biglang may nangyari. Si Ronnie ay nanligaw sa isa niyang kaibigan. Kay Linda. Noon pa lamang, sa sarili ay inamin na niya ang dahilan ng matinding sakit ng damdaming kanyang nadama. Crush niya si Ronnie. Kaso iba pala ang crush nito.

Sa kolehiyo ang mga manliligaw ay iba na. Bihira na ang mga sumusulat dahil ayon na rin sa mga ito, ebidensiya. Pero harapan na kung dumiga. Dumadalaw na sa dorm. Pumupormal na sa kasera. At siya, si Dolly na white cover noong high school na blue seal naman sa kolehiyo ay hindi nawalan ng talisuyo. Oh yes. Not for lack of opportunities

Samantalang si Ronnie at si Linda ay nagbabalak nang pakasal. At siyay nagnanais nang mamatay.

Ngunit si Linda ang namatay. Nang bumangga ang bus na sinasakyan nito. At maraming-marami nang taon ang lumipas mula noon. Wala nang ibang niligawan si Ronnie sa kanyang pagkaalam. Siya na lamang ang laging dinadalaw. At unt-unti na ring nawala ang mga lumiligaw sa kanya. Hanggang wala nang natira. Sa opisina ang tawag sa kanya, ang aming si Dolly. Ang matibay. Ang matatag. Sa kanyang sarili, isinusunod niya, sa isang pagibig. At nasa isip niya ay si Ronnie. Hangga’t hindi ito nag-aasawa.

“Kailan ka mag-aasawa, Dolly?” minsan, itinanong sa kanya ni Ronnie.

Tumawa siya. At sa loob-loob niya, just say the word. Sa halip, gumanti siya ng tanong. “Ikaw ba, kailan?”

Nag-isip si Ronnie. “Ewan. Hindi ko kasi alam kung gusto ako niyong gusto ko.”

Muntik na siyang masamid. “Alam na ba niyang gusto mo siya?” kanyang tanong.

Umiling si Ronnie. “Hindi ko yata masasabi. Baka magalit.” At idinugtong. “Anyway, mayroon pa namang panahon.”

“Panahon!” nanlaki ang kanyang mga mata. “Matanda ka na, Mr. Ronnie Panganiban. Baka akala mo’y bata ka pa.”
At sa pagitan ng hagikgik ay itinanong niya. “May nakikita ka pa bang Tabu? Vervena at Night in Shanghai?” 

Laking tawa ni Ronnie. “Loko mo, hindi ko alam iyong pinagsasabi mo.”  At ang ganti. “Baka ikaw nga Dolly. Ang favorite song mo ay You are My sunshine.”

“Gago… gago… gago…” at kinurot niya na
ng kinurot si Ronnie.

Ngunit sa kaibuturan ng kanyang sarili ay ayaw rin naman niyang tumandang dalaga. At naisip niya kung may makikita sigurong karibal si Ronnie baka pumasok sa isip nito na ligawan siya. Iyon ay kung talagang gusto naman siya at nahihiya lamang manligaw. Ay, sa panahon bang ito ay may nahihiya pang manligaw. Wala na yata. Lamang, sila ni Ronnie ay hindi na sa panahong ito.

Hanggang hindi nag-aasawa si Ronnie, hindi siya mag-aasawa. Kundi sila ang maging magkapalaran, pasensiya. Samantala, circulate, sabi nga ni Mr. Eusebio. Malay mo wika pa nito, baka magising si Ronnie.

Noon niya nabalitaan ang tungkol sa isang klab. Okey raw, sabi ng nagkukuwento na nanggaling na roon. Disente. May mahusay na tumutugtog. May magandang kumakanta. At may telepono sa mga mesa.

Ito ang ikiuwento niya kay Ronnie. “Malapit na akong mag-asawa, Ronnie,” kanyang bida.

Tumaas ang kilay ni Ronnie. “Totoo?”

Tumawa siya. Saka niya ikinuwento ang tungkol sa klab.  “Klase singles club. Ang kainaman niyon ay harapan kong makikita agad ang prospective bridegroom. Makikilatis ko agad. Maririnig kong magsalita.”

“Baka di marunong umingles…” singit ni Ronnie.

Humagikgik siya. “Makikita ko kung pino o garapal kumilos. Mapipigurahan kung talagang guwapo. Siyempre iba na iyong may cara, para maganda ang magiging anak namin.”

Kumunot ang noon ni Ronnie. “Talaga bang desperado ka na, Dolly.

Seryoso sa pagsasalita si Ronnie at may sakit siyang nadama. Na dinaan niya sa tawa.”Naghahanap lamang ako ng kaibigan, Ronnie. Kaibigan na malay natin, maaaring maging asawa pagdating ng panahon. Kung mahal ko at mahal naman ako.”

“Marami ka namang mga kaibigan ngayon,” pilit pa rin nito.

Huminga siya nang malalim. “Ang dami nga. Kundi may asawa, biyudo. Gusto ko nama’y brand new.”

Ngumiti si Ronnie. “A… pwede ako riyan. Ako’y brand new.”

Tumawa siya. “Katalo ba tayo?”

Hindi sumagot si Ronnie. At sising-sisi siya kung bakit may opening na ay di pa siya pumasok.


KAYA siya ay nasa klab na iyon. Na may kulay kremang telepono sa bawat mesa. At tatlo-kataong kombo, mga guwapong waiter at simpatikang receptionist. Parami ang dumarating na tao. Grupo ng babae. Grupo ng babae’t lalaki. Dalawang lalaki. Isang lalaki. At siya isang babae. Mahuhuli raw nang dating si Amalia. Susunod na lang daw. Kung bakit di siya makapaghintay. Desperado na nga yata siya. Desperate Dolly.

Nadama niya, hindi nakita ang paghinto ng isang anino sa kanyang likuran. Ang tinig at ang mga salita ay nilunod ng tunog ng drums. “May I join you?” Iyon ang kanyang pagkaintindi sa narinig.

Humigpit ang pagkakahawak ni Dolly sa baso ng fresh orange. Gusto niyang mahilo na hindi mawari. Diyos ko. Anong ginagawa ko rito? 

At ang nagdudumilat na katotohanan. Ibang daigdig ito. Ibang panahon. Ang ugali’t kinamihasnan sa kanyang daigdig at panahon ay hindi niya maitatakwil. Hindi siya totoong desperado. Mahal niya si Ronnie, ngunit ibang salitaan na ito.

“Dolly!”

Ang napigil na paghinga ay pinakawalan ni Dollly. Kilala niya ang tinig na iyon. Lumingon siya. “Ronnie!” gusto niyang mapaiyak.

“Hello, Dolly, pwede bang maupo?”

Tumango siya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. 

Naupo si Ronnie. “Nalaman ko kay Amalia. At alam mo ba kung bakit ako narito?”

Umiling siya, hindi niya alam. At siya ay tumango. Gusto niyang malaman. Ngunit hindi niya marinig ang sinasabi ni Ronnie. Ang tinig nito’y nilulunod ng malakas na tugtugin ng kombo.

Umiling ito. Ayoko

“Na ano?” tanong niya. 

Mawala ka ang sagot. 

“Ano?” ang ulit niya. 

Na mawala ka ang muling sagot. 

“Kanino mawawala?” tanong niya.  Kasinlakas ng tunog ng tambol ang tibok ng kanyang puso. 

Sumenyas si Ronnie. Itinuro ang sarili. Sa akin

“Bakit? Bakit?”  Sunud-sunod niyang tnaong. Nais niyang makatiyak.

Biglang hinawakan ni Ronnie ang kanyang kamay. Ginagap ang kanyang palad. Pinisil. Kasi.. kuwan… 

“Ano…” halos pasigaw na ang kanyang tanong, hindi sila magkarinigan.

Bigla ang pagtigil ng tugtog. Biglang-bigla. At namaibabaw ang malakas na tinig ni Ronnie. Pasigaw pa ang pagsasalita. Mahal kita!

Ang mga tao ay napalingon sa kanilang kinaroroonan. Nagpulu-pulutong ang tawanan. Hindi malaman ni Dolly kung tatawa o hindi. Hawak pa rin ni Ronnie ang kanyang kamay. Lalong mahigpit ang pagkagagap.

“Ronnie…” inaninaw ni Dolly sa karimlan ang mukha ng binata. At halos pabulong. Totoo ba ang sinabi mo.

Sunud-sunod ang pagtango ni Ronnie. “Maraming witness, Dolly. Maraming witness.”

Saglit na napapikit si Dolly. Mr. Eusebio humanda ka sa iyong regalo. Kasalan na ito.

June 10 1985

Saturday, January 24, 2015

‘WENTONG MAY ‘WENTA #6, 7, 8 at 9




‘WENTONG MAY ‘WENTA  #6, 7, 8 at 9 


‘Wentong May ‘Wenta – 6 – Sa Bangko

Panahon na naman ng bayaran ng mga bills, tubig, ilaw, credit card, insurance.  Nasa bangko na naman ako para rito, na dinatnan kong punung-puno ng tao.  Offline daw sa isang branch kaya nagsisugod sa kinaroroonan ko.  Numero 51 ako at pinoproseso ay numero 21 pa lamang.  Tatlumpo pa ang hihintayin kong matapos, huwag naman sanang mabilasa ang pinamalengke kong isda na ihinabilin ko lamang sa aking suki.

Lahat ng upuan ay okupado na.  May namataan akong isang bangko, isang plastic stool na walang nakaupo ngunit may isang babaing nakatayo sa tabi nito.  Napansin ng isa pang babae na tinatanaw ko ang upuan.  Kinindatan ko ito, sabi ko senior!  Ngumiti ang babae at kinalabit ang babaing nakatayo sa tabi ng upuan, saka itinuro ako.  Agad namang tumango iyong babae at ako’y kinawayan.  Noon naman natawag ang kanyang numero at lumapit na siya sa teller.

Naupo na ako.  Nakatayo sa tabi ko ang babaeng tumulong sa akin.  Nginitian ko siya at sinabi ko, fifty one ako! 

Ngumiti siya, pero duda ako sa ngiti niya.  Saka ko naisip, una kong sinabi sa kanya ay senior  ako, sunod ay  fifty one ako,  naku, baka na-misinterpret ang sinabi ko.

Fifty one ang number ko,  agad kong paliwanag.  Hindi  edad…  akala mo, edad, ano?

Tumawa siya at alam kong tama ang hinala ko.  Kaya naman agad kong kinorek dahil baka akala, ako’y nagpapabata.  Pero malay mo, baka makalusot, heheheh!


‘Wentong May ‘Wenta – 7 – Sa Bangko Pa Rin

Matagal pa bago matawag ang aking numero kaya pinalipas ko ang mga sandali sa pamamagitan ng pagmamasid sa paligid.  Tinawag ang aking pansin ng isang mag-ina.  Matabang-mataba ang babae na kabataan pa ang hitsura.  Inisip ko kung nagdadalang-tao siya sa laki ng kanyang tiyan o talaga lamang na dala ito ng kanyang katabaan.  Sa laki nito, kahit siya nakaupo, ay wala nang maupuan ang kandong niyang anak na laging dumadausdus.  Kaya naupo na siyang pahilata, reclining kumbaga at ang batang hindi makandong ay dumapa  na sa kanyang dibdib.

Naisip ko tuloy, napaka-naiibang larawan ng isang mother and child.  Nabuhay na muli tuloy ang musmos kong adhika na matutong magpinta, na bago ang pagsusulat, ito ang nais kong maging!

Dahil naaaliw akong pagmasdan ang mag-ina, hindi ko agad napansin na humuhuni ang nanay ng isang tagulaylay o uyayi, ang Brahms’s Lullaby.

Lullaby and goodnight, thy mother's delight
Bright angels beside my darling abide
They will guard thee at rest, thou shalt wake on my breast
They will guard thee at rest, thou shalt wake on my breast


Ang bata ay payapa nang naidlip sa pagkakayakap sa kanyang ina.  Nagkatinginan kami  ng nanay.  At nagngitian.  At narinig kong tinawag ang aking numero.


‘Wentong May ‘Wenta – 8 – Sa Palengke

May namana ako (hand me down) na isang maganda, mahaba, bulaklakin at baligtarang palda.  Stateside.  Bihirang maisuot kaya ipinamigay na. Kaso, como garterized ito, lumuwag na ang baywang, kaya dinala ko sa suki kong mananahi sa dry section  ng aming palengke para ipaayos.  Ang taga-repair ko ay dating drayber na tinuruan noong asawa na manahi dahil dati silang subcon ng mga pantalong denims.  Na nang tumigil magmaneho ay ito na ang naging opisyo.  Tatlo ang pwesto nila ng patahian sa palengke, pero nang makausap ko nitong huli ay itinigil na raw nila iyong isa.

“Bakit?” tanong ko.

“Pinaalis ko na ang mga mananahi ko,” sabi niya.

“Bakit?” tanong ko ulit.

“Niloloko kami,” paliwanag niya.  “Isipin mong binigyan na namin ng trabaho, live-in sa amin, libre pagkain, may suweldo pa sila, iyon pala ay hindi sinasabi ang lahat ng kanilang tahi at repair job sa amin.  Sunod, tumatanggap pa ng trabaho na sa ibang mananahi ibinibigay, kumu-commission na lang.  Kaya lang namin nalaman ay dahil minsan, may kumukuha ng damit na hindi namin alam.”

Napailing ako.  At naisip.  Talamak nang talaga ang katiwalian
. 

‘Wentong May ‘Wenta – 9- Sa abroad

Katulad nang sinundang kwento, may nalaman din akong ganitong uri ng panloloko kamakailan.  Pero sa abroad ito nangyari.

May kaibigan akong may negosyo, limousine service.  Nakatutuwa at lagi kong ipinagmamalaki na sa sikap at tiyaga ay sinimulan at napalago nila ang negosyong ito mula sa isang unit hanggang dumami na.  Isang panahong sila ang nagse-service sa mga VIPs na Pinoy na nagtutungo abroad.  Tanda ko pa rin na kapag bumibisita ako doon at gusto niyang mag-lunch kami  ay ito ang ipinangsusundo niya sa akin.   Marami  silang empleyado, mga drayber na binigyan ng hanapbuhay ng kanyang asawa.  Nalaman ko na lamang nitong huling kwentuhan namin na itinigil na nila ang limo service nila.

“Bakit?” tanong ko noon.

“Dahil niloloko kami ng mga drayber.  Binigyan na namin ng trabaho, isina-sideline pa pala ang mga unit nang hindi namin alam,”  kwento niya.

Ay, naku, talagang kahit saan!  Nakapanghihinayang din.