Wednesday, January 28, 2015

HELLO DOLLY




Narito ang isang pre-valentine na kwento.  Circa nineteen kopong-kopong nang bata pa si Sabel...

HELLO DOLLY


ANG kulay kremang telepono sa bawat mesita ang unang tumawag ng pansin ni Dolly pagbungad niya sa klab. Animo mga sundalong nakatanod, waring may hinihintay. How naughty, naisip niya.

Maganda ang babaing sumalubong kay Dolly. Bata at maganda. Mahaba ang manggas ng suot na blusa. Tikom ang kuwelyo ngunit nakabutadtad ang sikmura. Hinapit ni Dolly ang kanyang shoulder bag saka kinilingan ang kaharap. “A table for two, please.”

Mula sa kanyang kinauupuan, ilang metro lamang ang layo ni Dolly sa munting entabladong kinaroroonan ng tatlo-kataong jazz combo. Ganado ang nasa piyano, pinagmumuntikanang mahulog sa upuan sa bigay na pagtugtog. Gayon din ang nasa drums. Lumilipad ang mga kamay at yugyog ang buong katawan. Ngunit simpli lamang ang nasa bajo.

“Drinks?”

Sinulyapan ni Dolly ang kanyang relos. Wala pa si Amalia. Hindi siya iinom ng may alcohol hangga’t wala ito. “Fresh orange please,” ang kanyang pakli.

Nang tumalikod ang waiter ay huminga siya nang malalim, hinusay ang pag-upo at pilit pinayapa ang inaalong dibdib. Alam niyang may mangilan- ngilang nagpupukol ng tingin sa kanyang kinalalagyan, ngunit ang karimlan ng paligid ay isang kaibigan. At ang pumapailanlang na tinig ng crooner ay isang kasama.

Si Mr. Eusebio, kalapit mesa niya sa opisina ang promotor. Isang araw, coffee break nila. kinausap siya nito. “Kailan ba kayo pakakasal ni Ronnie?”

Ang halakhak niya ay pinuno ang gawing iyon ng kantina. Ngunit sa kanilang opisina, di na pinapansin ang buo, bigay at nakahahawang halakhak niya. Si Dolly ‘yon, sasabihin kung may naliligaw na tanong. Ang pinakamatibay namin. Pinakamatatag. Sa madaling salita, si Dolly, ang aming dalaga. Pa.

“Ako at si Ronnie ay the best of friend lamang, sir,” ang kanyang sagot.

Umiling si Mr. Eusebio. “Hindi lumiligaw?” 

Umiling siya. “Hindi ho.”

“Pero gusto ka niya.” tiyak ang tinig ni Mr. Eusebio.

Nagkibit siya ng balikat. At alanganin. “Siguro ho.”

Si Mr. Eusebio. “At gusto mo siya.”

Ang kulay ng dugo ay alam niyang nalarawan sa kanyang mukha. “Naman…”

Ngumiti ang matanda. “Meet him half-way, Dolly.”

“Ay…” ang matinding pagtutol sa idea ay nanulay sa kanyang tinig.

Ngunit hindi mapigil si Mr. Eusebio. “Iba na ang panahon ngayon, Dolly. Nanghihinayang ako sa iyo. Maganda kang bata. At mabait. You have all the potentials of a good wife. Warm and loving. Full of life. At si Ronnie…”

Tinawanan na lamang niya ang matandang kaopisina. “Hayaan n’yo Mr. Eusebio, kayo ang ninong.” Ngunit sa sarili niya, kailan pa... kailan

Totoo lahat ang sinasabi ni Mr. Eusebio, modesty aside. Nasa kanya ang potential ng isang magiging mabuting asawa. Ngunit dalaga pa siya hanggang ngayon.  Kung ang pagbabasihan ay kalendayo, isang buwan at kalahati na siya ngayon. at hindi buwan ng Pebrero.

But not for lack of opportunities, ang lagi niyang katwiran. Elementary pa lamang mayroon na siyang manliligaw. Mga love letter na nakasulat sa padpaper. Isiningit sa English Fundamentals. Sa Homeland. May Homeland pa ba ngayon? Mga love note sa eroplanong papel na nagla- landing sa ibabaw ng kanyang desk. Nakakainis, lagi ang sumbong niya kay Ronnie. Dahil noon pa lang, magkaibigan na sila ni Ronnie. Magkalaro. Magkababata.

Maputi siya. Noon ang tawag sa maputi, white cover. At noong high school, basta white cover, lapitin, ligawin. Mula sa pad paper ang love letter ay naging blue nylon. Hindi na de abot. Nagdaraan na sa koreo. Special delivery pa.

Saka biglang may nangyari. Si Ronnie ay nanligaw sa isa niyang kaibigan. Kay Linda. Noon pa lamang, sa sarili ay inamin na niya ang dahilan ng matinding sakit ng damdaming kanyang nadama. Crush niya si Ronnie. Kaso iba pala ang crush nito.

Sa kolehiyo ang mga manliligaw ay iba na. Bihira na ang mga sumusulat dahil ayon na rin sa mga ito, ebidensiya. Pero harapan na kung dumiga. Dumadalaw na sa dorm. Pumupormal na sa kasera. At siya, si Dolly na white cover noong high school na blue seal naman sa kolehiyo ay hindi nawalan ng talisuyo. Oh yes. Not for lack of opportunities

Samantalang si Ronnie at si Linda ay nagbabalak nang pakasal. At siyay nagnanais nang mamatay.

Ngunit si Linda ang namatay. Nang bumangga ang bus na sinasakyan nito. At maraming-marami nang taon ang lumipas mula noon. Wala nang ibang niligawan si Ronnie sa kanyang pagkaalam. Siya na lamang ang laging dinadalaw. At unt-unti na ring nawala ang mga lumiligaw sa kanya. Hanggang wala nang natira. Sa opisina ang tawag sa kanya, ang aming si Dolly. Ang matibay. Ang matatag. Sa kanyang sarili, isinusunod niya, sa isang pagibig. At nasa isip niya ay si Ronnie. Hangga’t hindi ito nag-aasawa.

“Kailan ka mag-aasawa, Dolly?” minsan, itinanong sa kanya ni Ronnie.

Tumawa siya. At sa loob-loob niya, just say the word. Sa halip, gumanti siya ng tanong. “Ikaw ba, kailan?”

Nag-isip si Ronnie. “Ewan. Hindi ko kasi alam kung gusto ako niyong gusto ko.”

Muntik na siyang masamid. “Alam na ba niyang gusto mo siya?” kanyang tanong.

Umiling si Ronnie. “Hindi ko yata masasabi. Baka magalit.” At idinugtong. “Anyway, mayroon pa namang panahon.”

“Panahon!” nanlaki ang kanyang mga mata. “Matanda ka na, Mr. Ronnie Panganiban. Baka akala mo’y bata ka pa.”
At sa pagitan ng hagikgik ay itinanong niya. “May nakikita ka pa bang Tabu? Vervena at Night in Shanghai?” 

Laking tawa ni Ronnie. “Loko mo, hindi ko alam iyong pinagsasabi mo.”  At ang ganti. “Baka ikaw nga Dolly. Ang favorite song mo ay You are My sunshine.”

“Gago… gago… gago…” at kinurot niya na
ng kinurot si Ronnie.

Ngunit sa kaibuturan ng kanyang sarili ay ayaw rin naman niyang tumandang dalaga. At naisip niya kung may makikita sigurong karibal si Ronnie baka pumasok sa isip nito na ligawan siya. Iyon ay kung talagang gusto naman siya at nahihiya lamang manligaw. Ay, sa panahon bang ito ay may nahihiya pang manligaw. Wala na yata. Lamang, sila ni Ronnie ay hindi na sa panahong ito.

Hanggang hindi nag-aasawa si Ronnie, hindi siya mag-aasawa. Kundi sila ang maging magkapalaran, pasensiya. Samantala, circulate, sabi nga ni Mr. Eusebio. Malay mo wika pa nito, baka magising si Ronnie.

Noon niya nabalitaan ang tungkol sa isang klab. Okey raw, sabi ng nagkukuwento na nanggaling na roon. Disente. May mahusay na tumutugtog. May magandang kumakanta. At may telepono sa mga mesa.

Ito ang ikiuwento niya kay Ronnie. “Malapit na akong mag-asawa, Ronnie,” kanyang bida.

Tumaas ang kilay ni Ronnie. “Totoo?”

Tumawa siya. Saka niya ikinuwento ang tungkol sa klab.  “Klase singles club. Ang kainaman niyon ay harapan kong makikita agad ang prospective bridegroom. Makikilatis ko agad. Maririnig kong magsalita.”

“Baka di marunong umingles…” singit ni Ronnie.

Humagikgik siya. “Makikita ko kung pino o garapal kumilos. Mapipigurahan kung talagang guwapo. Siyempre iba na iyong may cara, para maganda ang magiging anak namin.”

Kumunot ang noon ni Ronnie. “Talaga bang desperado ka na, Dolly.

Seryoso sa pagsasalita si Ronnie at may sakit siyang nadama. Na dinaan niya sa tawa.”Naghahanap lamang ako ng kaibigan, Ronnie. Kaibigan na malay natin, maaaring maging asawa pagdating ng panahon. Kung mahal ko at mahal naman ako.”

“Marami ka namang mga kaibigan ngayon,” pilit pa rin nito.

Huminga siya nang malalim. “Ang dami nga. Kundi may asawa, biyudo. Gusto ko nama’y brand new.”

Ngumiti si Ronnie. “A… pwede ako riyan. Ako’y brand new.”

Tumawa siya. “Katalo ba tayo?”

Hindi sumagot si Ronnie. At sising-sisi siya kung bakit may opening na ay di pa siya pumasok.


KAYA siya ay nasa klab na iyon. Na may kulay kremang telepono sa bawat mesa. At tatlo-kataong kombo, mga guwapong waiter at simpatikang receptionist. Parami ang dumarating na tao. Grupo ng babae. Grupo ng babae’t lalaki. Dalawang lalaki. Isang lalaki. At siya isang babae. Mahuhuli raw nang dating si Amalia. Susunod na lang daw. Kung bakit di siya makapaghintay. Desperado na nga yata siya. Desperate Dolly.

Nadama niya, hindi nakita ang paghinto ng isang anino sa kanyang likuran. Ang tinig at ang mga salita ay nilunod ng tunog ng drums. “May I join you?” Iyon ang kanyang pagkaintindi sa narinig.

Humigpit ang pagkakahawak ni Dolly sa baso ng fresh orange. Gusto niyang mahilo na hindi mawari. Diyos ko. Anong ginagawa ko rito? 

At ang nagdudumilat na katotohanan. Ibang daigdig ito. Ibang panahon. Ang ugali’t kinamihasnan sa kanyang daigdig at panahon ay hindi niya maitatakwil. Hindi siya totoong desperado. Mahal niya si Ronnie, ngunit ibang salitaan na ito.

“Dolly!”

Ang napigil na paghinga ay pinakawalan ni Dollly. Kilala niya ang tinig na iyon. Lumingon siya. “Ronnie!” gusto niyang mapaiyak.

“Hello, Dolly, pwede bang maupo?”

Tumango siya. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. 

Naupo si Ronnie. “Nalaman ko kay Amalia. At alam mo ba kung bakit ako narito?”

Umiling siya, hindi niya alam. At siya ay tumango. Gusto niyang malaman. Ngunit hindi niya marinig ang sinasabi ni Ronnie. Ang tinig nito’y nilulunod ng malakas na tugtugin ng kombo.

Umiling ito. Ayoko

“Na ano?” tanong niya. 

Mawala ka ang sagot. 

“Ano?” ang ulit niya. 

Na mawala ka ang muling sagot. 

“Kanino mawawala?” tanong niya.  Kasinlakas ng tunog ng tambol ang tibok ng kanyang puso. 

Sumenyas si Ronnie. Itinuro ang sarili. Sa akin

“Bakit? Bakit?”  Sunud-sunod niyang tnaong. Nais niyang makatiyak.

Biglang hinawakan ni Ronnie ang kanyang kamay. Ginagap ang kanyang palad. Pinisil. Kasi.. kuwan… 

“Ano…” halos pasigaw na ang kanyang tanong, hindi sila magkarinigan.

Bigla ang pagtigil ng tugtog. Biglang-bigla. At namaibabaw ang malakas na tinig ni Ronnie. Pasigaw pa ang pagsasalita. Mahal kita!

Ang mga tao ay napalingon sa kanilang kinaroroonan. Nagpulu-pulutong ang tawanan. Hindi malaman ni Dolly kung tatawa o hindi. Hawak pa rin ni Ronnie ang kanyang kamay. Lalong mahigpit ang pagkagagap.

“Ronnie…” inaninaw ni Dolly sa karimlan ang mukha ng binata. At halos pabulong. Totoo ba ang sinabi mo.

Sunud-sunod ang pagtango ni Ronnie. “Maraming witness, Dolly. Maraming witness.”

Saglit na napapikit si Dolly. Mr. Eusebio humanda ka sa iyong regalo. Kasalan na ito.

June 10 1985

No comments:

Post a Comment