‘WENTONG MAY ‘WENTA
#6, 7, 8 at 9
‘Wentong May ‘Wenta – 6 – Sa Bangko
Panahon na naman ng bayaran ng mga bills, tubig, ilaw,
credit card, insurance. Nasa bangko na
naman ako para rito, na dinatnan kong punung-puno ng tao. Offline daw sa isang branch kaya nagsisugod
sa kinaroroonan ko. Numero 51 ako at
pinoproseso ay numero 21 pa lamang.
Tatlumpo pa ang hihintayin kong matapos, huwag naman sanang mabilasa ang
pinamalengke kong isda na ihinabilin ko lamang sa aking suki.
Lahat ng upuan ay okupado na. May namataan akong isang bangko, isang
plastic stool na walang nakaupo ngunit may isang babaing nakatayo sa tabi
nito. Napansin ng isa pang babae na
tinatanaw ko ang upuan. Kinindatan ko
ito, sabi ko senior! Ngumiti ang babae at kinalabit ang
babaing nakatayo sa tabi ng upuan, saka itinuro ako. Agad namang tumango iyong babae at ako’y
kinawayan. Noon naman natawag ang
kanyang numero at lumapit na siya sa teller.
Naupo na ako.
Nakatayo sa tabi ko ang babaeng tumulong sa akin. Nginitian ko siya at sinabi ko, fifty one ako!
Ngumiti siya, pero duda ako sa ngiti niya. Saka ko naisip, una kong sinabi sa kanya ay senior
ako, sunod ay fifty one ako, naku, baka na-misinterpret ang sinabi ko.
Fifty
one ang number ko, agad
kong paliwanag. Hindi edad… akala mo, edad, ano?
Tumawa siya at alam kong tama ang hinala ko. Kaya naman agad kong kinorek dahil baka
akala, ako’y nagpapabata. Pero malay mo,
baka makalusot, heheheh!
‘Wentong May ‘Wenta – 7 – Sa Bangko Pa Rin
Matagal pa bago matawag ang aking numero kaya pinalipas
ko ang mga sandali sa pamamagitan ng pagmamasid sa paligid. Tinawag ang aking pansin ng isang
mag-ina. Matabang-mataba ang babae na
kabataan pa ang hitsura. Inisip ko kung
nagdadalang-tao siya sa laki ng kanyang tiyan o talaga lamang na dala ito ng
kanyang katabaan. Sa laki nito, kahit
siya nakaupo, ay wala nang maupuan ang kandong niyang anak na laging
dumadausdus. Kaya naupo na siyang
pahilata, reclining kumbaga at ang batang hindi makandong ay dumapa na sa kanyang dibdib.
Naisip ko tuloy, napaka-naiibang larawan ng isang mother
and child. Nabuhay na muli tuloy ang
musmos kong adhika na matutong magpinta, na bago ang pagsusulat, ito ang nais
kong maging!
Dahil naaaliw akong pagmasdan ang mag-ina, hindi ko agad
napansin na humuhuni ang nanay ng isang tagulaylay o uyayi, ang Brahms’s
Lullaby.
Bright angels beside my darling abide
They will guard thee at rest, thou shalt wake on my breast
They will guard thee at rest, thou shalt wake on my breast
Ang bata ay payapa nang naidlip sa pagkakayakap sa
kanyang ina. Nagkatinginan kami ng nanay.
At nagngitian. At narinig kong
tinawag ang aking numero.
‘Wentong May ‘Wenta – 8 – Sa Palengke
May namana ako (hand me down) na isang maganda, mahaba,
bulaklakin at baligtarang palda.
Stateside. Bihirang maisuot kaya
ipinamigay na. Kaso, como garterized ito, lumuwag na ang baywang, kaya dinala
ko sa suki kong mananahi sa dry section ng
aming palengke para ipaayos. Ang
taga-repair ko ay dating drayber na tinuruan noong asawa na manahi dahil dati
silang subcon ng mga pantalong denims.
Na nang tumigil magmaneho ay ito na ang naging opisyo. Tatlo ang pwesto nila ng patahian sa
palengke, pero nang makausap ko nitong huli ay itinigil na raw nila iyong isa.
“Bakit?” tanong ko.
“Pinaalis ko na ang mga mananahi ko,” sabi niya.
“Bakit?” tanong ko ulit.
“Niloloko kami,” paliwanag niya. “Isipin mong binigyan na namin ng trabaho,
live-in sa amin, libre pagkain, may suweldo pa sila, iyon pala ay hindi
sinasabi ang lahat ng kanilang tahi at repair job sa amin. Sunod, tumatanggap pa ng trabaho na sa ibang
mananahi ibinibigay, kumu-commission na lang.
Kaya lang namin nalaman ay dahil minsan, may kumukuha ng damit na hindi namin
alam.”
Napailing ako. At
naisip. Talamak nang talaga ang katiwalian
.
‘Wentong May ‘Wenta – 9- Sa abroad
Katulad nang sinundang kwento, may nalaman din akong
ganitong uri ng panloloko kamakailan.
Pero sa abroad ito nangyari.
May kaibigan akong may negosyo, limousine service. Nakatutuwa at lagi kong ipinagmamalaki na sa
sikap at tiyaga ay sinimulan at napalago nila ang negosyong ito mula sa isang
unit hanggang dumami na. Isang panahong
sila ang nagse-service sa mga VIPs na Pinoy na nagtutungo abroad. Tanda ko pa rin na kapag bumibisita ako doon
at gusto niyang mag-lunch kami ay ito
ang ipinangsusundo niya sa akin. Marami silang empleyado, mga drayber na binigyan ng
hanapbuhay ng kanyang asawa. Nalaman ko
na lamang nitong huling kwentuhan namin na itinigil na nila ang limo service
nila.
“Bakit?” tanong ko noon.
“Dahil niloloko kami ng mga drayber. Binigyan na namin ng trabaho, isina-sideline
pa pala ang mga unit nang hindi namin alam,”
kwento niya.
Ay,
naku, talagang kahit saan! Nakapanghihinayang din.
No comments:
Post a Comment