‘Wentong May ‘Wenta – 10 – Sa Kalye
Isang istraktura ang itinatayo sa tabi ng kalye sa harap ng
palengke. Parang madalian ang paggawa
nito, maraming trabahador, saka ang mga gamit na materyales ay ikinakabit na
lamang – mga tubo at yero. Humigit-kumulang sa 4 x 6 na metro ang laki, mga 3
metro ang taas.
Siempre, curious ako kung ano iyon, kaya nang madaan ako sa
tabi nito ay huminto ako para magtanong, nang ito ang bumulaga sa aking mga
mata, isang nakasabit na malaking karton na may nakasulat na -
Huwag kayung magtanong dahil hindi rin naming alam!
Tunay na ang tawa ko’y ganoon na lamang!
‘Wentong May ‘Wenta – 11 – Sa Isang Kwentuhang Napakinggan
Hindi ko naman ugali ang makinig sa mga nag-uusap sa aking
tabi, ngunit may mga pagkakataong hindi ito maiwasan. Sa isang paglabas ng bahay nang ako’y
nagbabakasyon sa aking anak, nagkani-kaniya silang lakad at ako ay iniwan
sumandali sa isang café, ibinili ng breakfast at ibinigay ang password ng lugar
para magamit ko ang dalang laptop habang hinihintay sila. Tabi-tabi halos ang
mga mesita at ito ang aking napakinggan:
Na ang biyenan raw niyang babae na halos nobenta anyos na ay
nag-renew ng kanyang driver’s license online at nabigyan naman. Wow, sa loob-loob ko, ganito pala sa
States! Kaso nang magsimula na muling
magmaneho, hindi na malaman kung saan ang bahay na uuwian, nagkaroon na ng
memory gap! O baka onset na ng
Alzheimer. Kaya ang ginawa noong anak na lalaki ay may inalis o diniskonek sa
makina ng kotse para hindi na ito makapagmaneho.
Sabi naman noong kausap, ang kanya raw ama nang maging sixty
five ay nagsabing “I’ve been driving almost all my life, and that’s it!” At tumigil na nga.
Iba naman ang kwentong ito na nakatutuwa: Nang namatay ang kanyang tiyuhin, inayos niya
ang closet nito para maipamigay ang mga pwede pang pakinabangan. Nakakita siya ng isang lumang-luma, malaki at
makapal na shirt na masarap isuot. Kaya
kinuha niya ito para sa kanyang sarili and it keeps her warm all the time. Ang sweet naman...
Minsan, makinig rin
kayo!
‘Wentong May ‘Wenta – 12 – Drayber
Nakasakay ako sa traysikel patungong palengke. Ang mga drayber ng traysikel ay kilalang
palasingit sa pagmamaneho. Basta may
bahagyang espasyo, pasok agad ang nguso ng motorsiklo. Ang natuwa lamang ako, dahil hindi ko ito nakikita
sa ibang drayber ay ang ginawa niya nang pagbigyan siya at pasingitin ng isang
kotse. Nilingon niya ang kotse at
itinaas niya ang kanyang kamay – ang anyong nagsasabing “salamat, tenk yu!” Gawa rin kasi namin ito kapag napagbigyan ng
ibang drayber kapag lumiliko sa mga krosing na walang traffic lights. Kahit hindi kami naririnig, sinasabi namin
nang malakas ang “thank you!”
Isa pang drayber ang natatandaan kong may ginawang
tama. Sa shortcut na dinadaanan namin sa
loob ng Balara, mayroong mga posteng nakatirik sa gitna ng kalye na may
naka-perpendicular na kalyeng lilikuan.
Karaniwan na, hindi na iniikutan ito ng maraming drayber, traysikel man
o kotse, kahit ito ang tama. Kakaliwa
agad at iiwasan na lamang ang makakasalubong.
Ngunit minsan ay may nasundan kaming taksi na ang tama ang ginawa. Umikot siya. Kaya kaming mga kasunod ay naalangan pa!
‘Pahiya!
No comments:
Post a Comment