Thursday, February 12, 2015

Puting Rosas sa Araw ng mga Puso







PUTING  ROSAS 
SA  ARAW  NG  MGA  PUSO



KINATATAKUTAN ni Emily ang pagdating ng Valentines.  Kung maaari nga lamang na pigilin niya ang mga araw.  Ang kaso, pagkatapos maalis sa mga iskaparate ng department stores ang mga paninda   para sa Pasko, ang ipinalit naman agad ay mga panregalo sa Valentines Day.    Ang mga dekorasyon sa shopping mall ay agad nabago.  Si Santa Klaus ay naging si Kupido.  Ang mga parol at Krismas tri ay naging pulang puso.  Valentine cards sa halip na Christmas cards.  At sa kanilang opisina, na karamihan ng kanyang mga kalapit-mesa ay mga dalaga, ang Valentines Day ang laging paksa ng usapan.  

           
Ano kaya ang ibibigay ko kay Jhun, tanong ni Ruby.

            
Nagsagut-sagutan na ang mga kaharap nito.   Bigyan mo ng wallet, iyong tunay na leather.   May  nakita ako sa Rustan’s, pero, siempre, may kamahalan nga lang, sabi ni Mary...
   
Lighter ang ibigay mo, nagsisigarilyo siya, di ba?  mungkahi ni Lolit.  

Na agad tinutulan ni Rose.  Ay, naku, mali!  Dapat nga, pahintuin nang manigarilyo, bibigyan pa ng lighter.  Better ay ballpen.  Or a good book.  Mamahaling belt  kaya…

           
Sagot ni Ruby, naibigay ko nang lahat ‘yan.


‘Sus, di pa kasi pakasal at nang mahinto na iyang bigayan na iyan,  sabad ni Manang Lucy. 


Dismayado ang mga dalaga.  Bakit, Manang?  Pag mag-asawa na ba, hindi na nagreregaluhan?  Nawawala na ang romance?

           
Not necessarily na nawawala ang romance, paliwanag ni Manang Lucy.  But there are more important things to attend to ang mga mag-asawa.  Lumalaki ang pamilya, lumalaki ang

gastos.  Gatas ng bata.  Renta ng bahay.  Bayad sa kuryente.  Gasolina sa kotse at amortization dito kundi pa bayad.  Baka may hinuhulugan ring lote.  Groseri.  Tubig.  Suweldo ng yaya at labandera.  Ano pa ba?


Naku, naman, Manang Lucy!  Napaka-killjoy mo.  Getting romantic pa naman kami, angal ng mga dalaga.

            
Nagkibit ng balikat si Manang Lucy.  Bottomline, pera.  Bawat kilos, pera ang kailangan.  Iyan ang realities ng buhay may-asawa.  Hindi sa wala nang romansa.  Kaya ang maipapayo ko sa inyo, mga dalaga kayo, enjoy it while it lasts.  Para may memories kayong mapagbabalikan kung hindi na nangyayari ang ganitong mga regaluhan at candlelit dinner sa mga 5-star hotel na pinag-ipunan nang husto para gastahin sa isang gabi lamang.  As far as I am concerned, been there, done that.  Tapos na ang kabanatang iyon ng aking buhay.

            
Don’t you miss it?  Tanong ng pilyang si Ruby.

            
I’m no hypocrite, of course, I do, at tumayo si Manang Lucy, iniwan ang grupo.

            
Saglit na natahimik ang mga nag-uusap.  Nang magsalita si Dally,  ano kaya ang ibibigay sa akin ni Resty?  Puro kayo kung ano ang ibibigay n’yo ang inyong iniisip.  Ako’y iba.  Ano kaya ang tatanggapin ko?

           
Nagtawanan ang lahat, naghiwa-hiwalay na dahil oras na ng opisina.  At sa kabila ng mabigat na damdaming dala-dala, hindi napigilan ni Emily ang mapangiti.  Noong araw, madalas rin niyang itanong sa sarili iyon.  Ano kaya ang ibibigay sa akin ni Ben?  A, si Ben at ang Valentine, hindi na marahil magkakahiwalay. 



SA  isang flower shop  sila unang nagkita ni Ben.   Ilang araw bago dumating ang Valentines Day.  Tumitingin-tingin siya sa mga floral arrangement, nagtatanong ng mga presyo, nang biglang may nagsalita sa likod niya.  “Ang mahal naman!”


Napalingon siya.  Ang mga mata agad ang napansin niya kay Ben.  Tumatawang mga mata.  Hindi naman singkit, medyo malaki pa nga.  Ibinalik niya ang tingin sa mga bulaklak na nakadispley.  Anthurium.  Tulips.  Daisies.  American roses.  Sa iba’t ibang kulay.  Namamahalan man siyang tulad noong lalaking nagkomentaryo ay hindi siya umimik.  Hindi naman niya kilala ito. 

Ang babaing umaasisti sa kanya ang sumagot dito.  “Hindi na ho mahal,”  wika nitong nakangiti,  “kung tutuusing ang bibigyan ninyo ngayong Valentine ay mahal ninyo, the love of your life, wika nga.”

           
“’Yan nga ang problema,”  sagot ni Ben.

            
Na kumbaga’y kinagat naman ng salesgirl na agad nagtanong.  “Bakit ho?”

           
Lumayo siya nang bahagya sa dalawa.  Katalas ng kanyang pakiramdam at parang alam na niya ang tinutungo ng mga salita ni Ben.  At totoo nga.

            
“Wala pa nga akong  love of my life,”  wika nito.

            
Natawa ang salesgirl.  “Naku, sir, kunwari pa raw, wala…”

            
“Totoong wala,”  sagot ni Ben.  “Pero, sa palagay ko’y matitigil na ako sa paghahanap.  Ngayon,”  idiniin pa nito ang huling salita.

            
Humagikgik ang palabirong salesgirl.  “Huwag n’yong sabihing ako, sir!”

            
“Bakit naman huwag?”  pabirong sagot ni Ben at nagtawanan ang dalawa.

            
Medyo nainis siya.  Tatlo lamang sila sa loob ng flower shop noon.  Hindi naman siya pintasera, pero sigurado siyang hindi nga iyong salesgirl ang pinariringgan ni Ben ng mga sandaling iyon.  Atrebido, presko, naisaloob niya.  Kundi lang kailangan niyang bumili ng bulaklak, lumabas na sana siya ng tindahan.

            
Na napansin pala ng salesgirl.  Agad nitong napakiramdaman na nasusundan niya ang naganap na usapan at napipikon siya.  “Naku, sir, baka mawalan ako ng customer.”

            
Ngumiti si Ben, kumaway pa at lumabas na ng tindahan.  Tatawa-tawang sinundan ito ng tanaw ng salesgirl, saka siya muling hinarap.  “Palabiro si  Sir.”

             
Tumango siya at namamahalan man siyang talaga sa mga bulaklak ay napilitan na rin siyang bumili.  Lunchbreak lamang at kailangan niyang bumalik na sa opisina.  Isang munting paso na may  sandosenang  pink roses na nasasalitan ng puti at pinung-pinong baby’s breath ang kanyang itinuro.  Binigyan siya ng salesgirl ng tarheta ng flowershop na sinulatan niya ng Dearest Nanay, Happy Valentine’s Day!  Love, Emily.  Ibinigay niya ang address nila sa bahay na pagdadalhan ng bulaklak sa mismong Araw ng mga Puso, binayaran ang binili at mabilis na nilisan ang tindahan.

            
Nang Valentines Day, tumanggap siya ng isang kahong imported chocolates, Lindt, at kahon na may lamang three red roses mula sa isang admirer na taga-opisina.  Pero, wala siyang Valentine date dahil wala  pa siyang boyfriend.  Ayaw naman niyang sumama sa imbita nito.  Ayaw niyang umasa ito nang wala naman talagang aasahan.  Hindi pa rin niya natatagpuan ang… at biglang sumingit sa kanyang isipan ang mukha, ang tumatawang mga mata ng lalaking nakatagpo niya sa flower shop, at ang sinabi nitong  the love of my life.

             
Paalis na siya sa opisina nang tumunog ang kanyang telepono.  Ang kanyang nanay.  “ Emily, thank you, tinanggap ko na ‘yung bulaklak.”

            
“Naku, mahal ‘yan, ‘Nay,”  biro naman niya.  Alam na rin niya ang isasagot ng kanyang ina.  Naku, at may presyo!  Laging ganoon ang kanilang dayalog na mag-ina mula nang siya na ang nagpapadala ng bulaklak sa kanyang nanay, dahil yumao na ang kanyang tatay.  Isa ang kanyang ina sa mapapalad na nagkaroon ng asawang maalalahanin at hindi nakalilimot sa mga okasyong malapit sa puso ng isang babai.  Sabi pa nga niya noon, sana, pareho ni Tatay ang matagpuan ko.  Na bahagyang inilingan ng kanyang ina at sinabing hindi naman ngayon at nalimutan kang bigyan ay hindi ka na mahal. 

            
Ngunit iba sa inaasahang sagot tungkol sa presyo ang sinabi ng kanyang nanay.   “Mas mahal siguro itong tinanggap mo.”

            
“Tinanggap ko?”  ulit niya.

            
“Oo.  Sandosenang American red roses.  Laki-laki ng kahon.  Long-stemmed kasi.”

            
“Sa akin?  Sigurado ka, Nanay?  Kangino galing?”  sunud-sunod niyang tanong.

           
“Nakalagay ay  Ben.”

           
“Wala akong kakilalang Ben,”  sagot niya.  “Baka nagkamali ng delivery.”

            
"Tama ang address, dito sa atin.  Alangan namang sa akin,”  biro ng kanyang nanay, at nagtawa ito nang nagtawa.

            
“’Nay, bakit?”  nagtatakang tanong niya.

            
“Babasahin ko ang dedication,”  sagot ng kanyang nanay.  To the love of my life, at last I found thee… Ben.”

            
Pinuntahan niya ang flower shop.  Ito ang una niyang reaksiyon, ang sitahin ang salesgirl na nagbigay ng kanyang addrss sa atrebidong Ben na iyon.  Ngunit wala ang nasabing salesgirl, off daw, may valentines date yata, sabi ng lalaking dinatnan niya.  At nahiya na siyang magtanong.  Umuwi na lamang siya.

            
Dinatnan niya sa kanilang bahay si Ben.  Kausap ang kanyang nanay.  Naisip agad niya, kailangang mag-usap silang mag-ina.  Bakit nito pinatuloy ang isang istranghero sa kanilang bahay.  Kilala siya ng kanyang ina at alam na nito ang takbo ng kanyang isip.

            
“Dumating si … si Ben, kasama si Mr. David,”  wika ng kanyang nanay.  Kilala nila si Mr. David.  Barangay captain nila ito.  Napatingin siya kay Ben.  Seryoso ang mukha nito,

ngunit waring gustong tumawa ng mga mata.

             
Pambihira si Ben.  Alam ang gusto.  At pinag-aaksayahan ng panahon na matamo ang gusto.  Nakita siya.  At nagustuhan.  Naniniwala ka ba sa love at first sight, wika pa nito.  Kalaunan, may iba pa itong klase ng paliwanag tungkol sa nadama nang una siyang nakita.  Napag-aralan namin sa corporate law at sa accounting, iyong tinatawag na piercing the veil of corporate entity.  Iyong parang hahawiin  kung anuman iyong nakatabing na panlabas na anyo at ang titingnan ay  iyong essence.   At iyon raw ang nadama nito nang una siyang nasilayan.  Na kahit wala pa itong ginagawa, ay naramdaman na nito na he has found the love of his life, his soulmate.  Kaya, hindi nito pinalampas ang pagkakataong iyon.  Naghanap ng kakilala na magpapakilala dito sa kanilang barangay captain.  At nakatagpo naman.  Sa tulong ng dasal.  Seek and ye shall find… nakangiti pang wika.

             
Palabiro si Ben.  At maalalahanin.  At malikhain.  At matiyaga.  At sila ay nagkaibigan. 

            
Si Ben at ang una nilang Valentine bilang magkasintahan.  Sandosenang pink, hindi red roses.  Nang ikalawang Valentine, tatlong kilong mabibilog, mapupula at sariwang-sariwang ubas.

            
Ang tawa ng mga kasama niya sa opisina.  “Ang weird naman ni Ben, ubas sa Valentine!”

            
Pero, hindi siya nawiwirduhan kay Ben.  Unti-unti niya itong nakikilala.  Talagang hindi ito conventional.  Presko ang pagtingin nito sa buhay.  Hindi gaya-gaya.  Dose-dosenang pulang rosas ng una nilang Pasko.  At sa unang kaarawan niya bilang kasintahan nito, binigyan siya ng regalo at pinadalhan ng bulaklak ang kanyang nanay.  Para sa pagluluwal sa sangmaliwanag ng isang katangi-tanging nilalang – si Emily.

            
Marami pang Valentine at kakaibang regalo.  Sa halip ng karaniwang kahon ng tsokolate at tatlong pulang rosas, tumanggap siya mula rito ng isang malaking pasong may nakatanim na red palm.  Suskripsiyon sa isang paborito niyang imported na magasin.  Kumakain rin sila sa labas, nanonood rin ng sine, may regalo pa ring iniayabot ito, na ginagawa nito tatlong araw bago sumapit ang Araw ng mga Puso.  Dahil noon kita unang nakita…  Ngunit ang pinakagusto niya sa lahat ay ang isang framed watercolor painting ng flower shop kung saan sila unang nagkatagpo. 

            
Kaya, madalas niyang maitanong noon sa sarili, ano kaya ang ibibigay sa akin ni Ben?

            
Nang dapuan ng sakit si Ben.  The big C.  Sa loob ng tatlong buwan, binawian ito ng buhay.  Parang naglaho na rin ang liwanag sa kanyang buhay.  Wala na ang the love of her life.  Wala na ring tatawag sa kanya, na the love of his life.

Sunod ay naiisip rin niya, kapag naririnig ang kwentuhan ng iba, kapag may okasyong dumarating, tulad ng Valentines,  na wala nang magbibigay sa kanya ng mga wirdong regalo.  Ubas kung Valentine?  Kaya, ayaw ni Emily na dumating ang araw na ito.  Si Ben at ang Valentine ay iisa, di magkakahiwalay. 

Kumuha ng bakasyon si Emily ng araw ng Valentine.  Mabuti pang nasa bahay na lamang siya para hindi na maapektuhan ng kanyang lungkot ang mga kasama niya sa opisina.  At maiwasan rin na mapag-usapan sila ni Ben.   Sa ibang flower shop na niya binili ang mga bulaklak na ipadadala sa kanyang ina. 


NASA bahay si Emily nang may nagdeliver na muli ng bulaklak.  Tatlong puting rosas.  To the love of my life.    

Matagal bago natapos basahin ni Emily ang nakasulat sa isang munting papel na naka-staple sa tarheta ng flower shop kung saan sila unang nagkita ni Ben, dahil sa walang tigil na pagtulo ng kanyang mga luha.

Huwag mo nang isipin kung sino ang bumili o nagpadala nito.  Marami akong kaibigan. Nais ko lamang na sa unang Valentines Day na wala ako sa iyong piling, alam mong hindi ako nakalimot.  Alaala pa rin kita.

Sa sulat-kamay ito ni Ben.  Kilalang-kilala niya.  Na may postscript pa.  Huwag mong asahan na mayroon ding ganito sa isang taon.  I love you, but, do move on…The best is yet to be.
 
So very much like Ben.  Nagbibiro pa rin, ngunit naroon sa mga salita ang pag-unawa, ang pagpapaubaya, sa maaaring mangyari sa hinaharap.   Sa kabila ng mga luha’y napangiti si Emily.  Sa kanyang balintataw ay naglaro ang larawan ni Ben at ang tumatawang mga mata nito.   

Liwayway, Pebrero 13, 2006


2 comments:

  1. So romantic and yet so sad. This story hit me hard. Biglang may nagbalik sa akin alaala. At alam mo na and kasunod, napaiyak ako.

    When I turned 70, I was in LA, California, still active , working and so full of life.

    To my husband, it looked like an ordinary day, nothing special. I was so upset, so unhappy. Before lunch time, he asked me where I want to go. I said nowhere. My children called and asked what is "happening" I said nothing. Never mind.

    Past 12 noon, he told me we have to go out to buy pandit for my birthday. I almost shouted at him "go to hell!" Instead, I sat in the car sulking, and ready to cry.

    He said "we are here" and I looked. We were in one of my favourite restaurant in Glendale.

    We went up the stairs and before we reached the top, the unanimous cry of "Happy Birthday" filled the restaurant. All my friends in Los Angeles, classmates and high school friends who are in California were there. Balloons and flowers filled the chairs and tables.

    I almost dropped to the floor. It was one of the most pleasant surprises of my life.

    Happy love day to you Pa.

    Eve, just sharing, after Valentines Day, without him
    life is never the same again.

    ReplyDelete
  2. I noticed this was published in Lawayway in 2006. Baka naman pudding magpublish ng iba pa. Alam mo naman na marami akong na miss sa mga isinulat mo sa Liwayway dahil wala na ako sa Manila in those days. Please naman.

    Puede rin naman, bago na lang, ha, ha, ha

    ReplyDelete