PUTING ROSAS
SA ARAW NG
MGA PUSO
KINATATAKUTAN ni Emily ang
pagdating ng Valentines. Kung maaari nga
lamang na pigilin niya ang mga araw. Ang
kaso, pagkatapos maalis sa mga iskaparate ng department stores ang mga paninda para sa Pasko, ang ipinalit naman agad ay
mga panregalo sa Valentines Day. Ang
mga dekorasyon sa shopping mall ay agad nabago.
Si Santa Klaus ay naging si Kupido.
Ang mga parol at Krismas tri ay naging pulang puso. Valentine cards sa halip na Christmas
cards. At sa kanilang opisina, na
karamihan ng kanyang mga kalapit-mesa ay mga dalaga, ang Valentines Day ang
laging paksa ng usapan.
Ano kaya ang ibibigay ko kay Jhun,
tanong ni Ruby.
Nagsagut-sagutan na ang mga kaharap
nito. Bigyan mo ng wallet, iyong
tunay na leather. May nakita ako sa Rustan’s, pero, siempre, may
kamahalan nga lang, sabi ni Mary...
Lighter ang ibigay mo,
nagsisigarilyo siya, di ba? mungkahi
ni Lolit.
Na agad tinutulan ni
Rose. Ay, naku, mali! Dapat nga, pahintuin nang manigarilyo, bibigyan
pa ng lighter. Better ay ballpen. Or a good book. Mamahaling belt kaya…
Sagot ni Ruby, naibigay ko
nang lahat ‘yan.
‘Sus, di pa kasi pakasal at nang
mahinto na iyang bigayan na iyan, sabad
ni Manang Lucy.
Dismayado ang mga dalaga. Bakit, Manang? Pag mag-asawa na ba, hindi na
nagreregaluhan? Nawawala na ang romance?
Not necessarily na nawawala ang
romance, paliwanag ni Manang Lucy.
But there are more important things to attend to ang mga mag-asawa. Lumalaki ang pamilya, lumalaki ang
gastos. Gatas ng
bata. Renta ng bahay. Bayad sa kuryente. Gasolina sa kotse at amortization dito kundi
pa bayad. Baka may hinuhulugan ring
lote. Groseri. Tubig.
Suweldo ng yaya at labandera. Ano
pa ba?
Naku, naman, Manang Lucy! Napaka-killjoy mo. Getting romantic pa naman kami, angal ng
mga dalaga.
Nagkibit ng balikat si Manang
Lucy. Bottomline, pera. Bawat kilos, pera ang kailangan. Iyan ang realities ng buhay may-asawa. Hindi sa wala nang romansa. Kaya ang maipapayo ko sa inyo, mga dalaga kayo,
enjoy it while it lasts. Para may
memories kayong mapagbabalikan kung hindi na nangyayari ang ganitong mga
regaluhan at candlelit dinner sa mga 5-star hotel na pinag-ipunan nang husto
para gastahin sa isang gabi lamang. As
far as I am concerned, been there, done that.
Tapos na ang kabanatang iyon ng aking buhay.
Don’t you miss it? Tanong ng pilyang si Ruby.
I’m no hypocrite, of course, I do,
at tumayo si Manang Lucy, iniwan ang grupo.
Saglit na natahimik ang mga
nag-uusap. Nang magsalita si Dally, ano kaya ang ibibigay sa akin ni
Resty? Puro kayo kung ano ang ibibigay
n’yo ang inyong iniisip. Ako’y iba. Ano kaya ang tatanggapin ko?
Nagtawanan ang lahat,
naghiwa-hiwalay na dahil oras na ng opisina.
At sa kabila ng mabigat na damdaming dala-dala, hindi napigilan ni Emily
ang mapangiti. Noong araw, madalas rin
niyang itanong sa sarili iyon. Ano
kaya ang ibibigay sa akin ni Ben? A, si
Ben at ang Valentine, hindi na marahil magkakahiwalay.
SA isang flower shop sila unang nagkita ni Ben. Ilang
araw bago dumating ang Valentines Day.
Tumitingin-tingin siya sa mga floral arrangement, nagtatanong ng mga
presyo, nang biglang may nagsalita sa likod niya. “Ang mahal naman!”
Napalingon siya. Ang mga mata agad ang napansin niya kay
Ben. Tumatawang mga mata. Hindi naman singkit, medyo malaki pa
nga. Ibinalik niya ang tingin sa mga
bulaklak na nakadispley. Anthurium. Tulips.
Daisies. American roses. Sa iba’t ibang kulay. Namamahalan man siyang tulad noong lalaking
nagkomentaryo ay hindi siya umimik.
Hindi naman niya kilala ito.
Ang
babaing umaasisti sa kanya ang sumagot dito.
“Hindi na ho mahal,” wika nitong
nakangiti, “kung tutuusing ang bibigyan
ninyo ngayong Valentine ay mahal ninyo, the love of your life, wika nga.”
“’Yan nga ang problema,” sagot ni Ben.
Na kumbaga’y kinagat naman ng
salesgirl na agad nagtanong. “Bakit ho?”
Lumayo siya nang bahagya sa
dalawa. Katalas ng kanyang pakiramdam at
parang alam na niya ang tinutungo ng mga salita ni Ben. At totoo nga.
“Wala pa nga akong love of my life,” wika nito.
Natawa ang salesgirl. “Naku, sir, kunwari pa raw, wala…”
“Totoong wala,” sagot ni Ben.
“Pero, sa palagay ko’y matitigil na ako sa paghahanap. Ngayon,”
idiniin pa nito ang huling salita.
Humagikgik ang palabirong
salesgirl. “Huwag n’yong sabihing ako,
sir!”
“Bakit naman huwag?” pabirong sagot ni Ben at nagtawanan ang
dalawa.
Medyo nainis siya. Tatlo lamang sila sa loob ng flower shop
noon. Hindi naman siya pintasera, pero
sigurado siyang hindi nga iyong salesgirl ang pinariringgan ni Ben ng mga
sandaling iyon. Atrebido, presko,
naisaloob niya. Kundi lang kailangan
niyang bumili ng bulaklak, lumabas na sana siya ng tindahan.
Na napansin pala ng salesgirl. Agad nitong napakiramdaman na nasusundan niya
ang naganap na usapan at napipikon siya.
“Naku, sir, baka mawalan ako ng customer.”
Ngumiti si Ben, kumaway pa at
lumabas na ng tindahan. Tatawa-tawang
sinundan ito ng tanaw ng salesgirl, saka siya muling hinarap. “Palabiro si
Sir.”
Tumango siya at namamahalan man
siyang talaga sa mga bulaklak ay napilitan na rin siyang bumili. Lunchbreak lamang at kailangan niyang bumalik
na sa opisina. Isang munting paso na may sandosenang
pink roses na nasasalitan ng puti at pinung-pinong baby’s breath ang
kanyang itinuro. Binigyan siya ng
salesgirl ng tarheta ng flowershop na sinulatan niya ng Dearest Nanay, Happy
Valentine’s Day! Love, Emily. Ibinigay niya ang address nila sa bahay na
pagdadalhan ng bulaklak sa mismong Araw ng mga Puso, binayaran ang binili at mabilis
na nilisan ang tindahan.
Nang Valentines Day, tumanggap siya
ng isang kahong imported chocolates, Lindt, at kahon na may lamang three
red roses mula sa isang admirer na taga-opisina. Pero, wala siyang Valentine date dahil
wala pa siyang boyfriend. Ayaw naman niyang sumama sa imbita nito. Ayaw niyang umasa ito nang wala naman
talagang aasahan. Hindi pa rin niya
natatagpuan ang… at biglang sumingit sa kanyang isipan ang mukha, ang
tumatawang mga mata ng lalaking nakatagpo niya sa flower shop, at ang sinabi
nitong the love of my life.
Paalis
na siya sa opisina nang tumunog ang kanyang telepono. Ang kanyang nanay. “ Emily, thank you, tinanggap ko na ‘yung
bulaklak.”
“Naku, mahal ‘yan, ‘Nay,” biro naman niya. Alam na rin niya ang isasagot ng kanyang ina. Naku, at may presyo! Laging ganoon ang kanilang dayalog na mag-ina
mula nang siya na ang nagpapadala ng bulaklak sa kanyang nanay, dahil yumao na
ang kanyang tatay. Isa ang kanyang ina
sa mapapalad na nagkaroon ng asawang maalalahanin at hindi nakalilimot sa mga
okasyong malapit sa puso ng isang babai.
Sabi pa nga niya noon, sana, pareho ni Tatay ang matagpuan ko. Na bahagyang inilingan ng kanyang ina at
sinabing hindi naman ngayon at nalimutan kang bigyan ay hindi ka na
mahal.
Ngunit iba sa inaasahang sagot
tungkol sa presyo ang sinabi ng kanyang nanay.
“Mas mahal siguro itong tinanggap mo.”
“Tinanggap ko?” ulit niya.
“Oo.
Sandosenang American red roses.
Laki-laki ng kahon. Long-stemmed
kasi.”
“Sa akin? Sigurado ka, Nanay? Kangino galing?” sunud-sunod niyang tanong.
“Nakalagay ay Ben.”
“Wala
akong kakilalang Ben,” sagot niya. “Baka nagkamali ng delivery.”
"Tama ang address, dito sa
atin. Alangan namang sa akin,” biro ng kanyang nanay, at nagtawa ito nang
nagtawa.
“’Nay, bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Babasahin ko ang dedication,” sagot ng kanyang nanay. To the love of my life, at last I found
thee… Ben.”
Pinuntahan
niya ang flower shop. Ito ang una niyang
reaksiyon, ang sitahin ang salesgirl na nagbigay ng kanyang addrss sa
atrebidong Ben na iyon. Ngunit wala ang
nasabing salesgirl, off daw, may valentines date yata, sabi ng lalaking
dinatnan niya. At nahiya na siyang
magtanong. Umuwi na lamang siya.
Dinatnan niya sa kanilang bahay si
Ben. Kausap ang kanyang nanay. Naisip agad niya, kailangang mag-usap silang
mag-ina. Bakit nito pinatuloy ang isang
istranghero sa kanilang bahay. Kilala siya
ng kanyang ina at alam na nito ang takbo ng kanyang isip.
“Dumating si … si Ben, kasama si Mr.
David,” wika ng kanyang nanay. Kilala nila si Mr. David. Barangay captain nila ito. Napatingin siya kay Ben. Seryoso ang mukha nito,
ngunit waring
gustong tumawa ng mga mata.
Pambihira si Ben. Alam ang gusto. At pinag-aaksayahan ng panahon na matamo ang
gusto. Nakita siya. At nagustuhan. Naniniwala ka ba sa love at first sight,
wika pa nito. Kalaunan, may iba pa itong
klase ng paliwanag tungkol sa nadama nang una siyang nakita. Napag-aralan namin sa corporate law at sa
accounting, iyong tinatawag na piercing the veil of corporate entity. Iyong parang hahawiin kung anuman iyong nakatabing na panlabas na
anyo at ang titingnan ay iyong essence. At
iyon raw ang nadama nito nang una siyang nasilayan. Na kahit wala pa itong ginagawa, ay
naramdaman na nito na he has found the love of his life, his soulmate. Kaya, hindi nito pinalampas ang pagkakataong
iyon. Naghanap ng kakilala na
magpapakilala dito sa kanilang barangay captain. At nakatagpo naman. Sa tulong ng dasal. Seek and ye shall find… nakangiti pang
wika.
Palabiro si Ben. At maalalahanin. At malikhain.
At matiyaga. At sila ay
nagkaibigan.
Si Ben at ang una nilang Valentine
bilang magkasintahan. Sandosenang pink,
hindi red roses. Nang ikalawang
Valentine, tatlong kilong mabibilog, mapupula at sariwang-sariwang ubas.
Ang tawa ng mga kasama niya sa
opisina. “Ang weird naman ni Ben, ubas
sa Valentine!”
Pero, hindi siya nawiwirduhan kay
Ben. Unti-unti niya itong
nakikilala. Talagang hindi ito
conventional. Presko ang pagtingin nito
sa buhay. Hindi gaya-gaya. Dose-dosenang pulang rosas ng una nilang
Pasko. At sa unang kaarawan niya bilang
kasintahan nito, binigyan siya ng regalo at pinadalhan ng bulaklak ang kanyang
nanay. Para sa pagluluwal sa
sangmaliwanag ng isang katangi-tanging nilalang – si Emily.
Marami pang Valentine at kakaibang
regalo. Sa halip ng karaniwang kahon ng
tsokolate at tatlong
pulang rosas, tumanggap siya mula rito ng isang malaking pasong may nakatanim
na red palm. Suskripsiyon sa isang
paborito niyang imported na magasin.
Kumakain rin sila sa labas, nanonood rin ng sine, may regalo pa ring
iniayabot ito, na ginagawa nito tatlong araw bago sumapit ang Araw ng mga Puso. Dahil noon kita unang nakita… Ngunit ang pinakagusto niya sa lahat ay ang
isang framed watercolor painting ng flower shop kung saan sila unang
nagkatagpo.
Kaya, madalas niyang maitanong noon
sa sarili, ano kaya ang ibibigay sa akin ni Ben?
Nang dapuan ng sakit si Ben. The big C.
Sa loob ng tatlong buwan, binawian ito ng buhay. Parang naglaho na rin ang liwanag sa kanyang
buhay. Wala na ang the love of her
life. Wala na ring tatawag sa kanya, na
the love of his life.
Sunod ay naiisip rin niya, kapag naririnig ang kwentuhan ng iba, kapag may okasyong dumarating, tulad ng Valentines, na wala nang magbibigay sa kanya ng mga wirdong regalo. Ubas kung Valentine? Kaya, ayaw ni Emily na dumating ang araw na ito. Si Ben at ang Valentine ay iisa, di magkakahiwalay.
Kumuha ng bakasyon si Emily ng araw ng Valentine. Mabuti pang nasa bahay na lamang siya para hindi na maapektuhan ng kanyang lungkot ang mga kasama niya sa opisina. At maiwasan rin na mapag-usapan sila ni Ben. Sa ibang flower shop na niya binili ang mga bulaklak na ipadadala sa kanyang ina.
NASA bahay si Emily nang may nagdeliver na muli ng bulaklak. Tatlong puting rosas. To the love of my life.
Matagal bago natapos basahin ni Emily ang nakasulat sa isang munting papel na naka-staple sa tarheta ng flower shop kung saan sila unang nagkita ni Ben, dahil sa walang tigil na pagtulo ng kanyang mga luha.
Huwag mo nang isipin kung sino ang bumili o
nagpadala nito. Marami akong
kaibigan. Nais ko lamang na sa unang
Valentines Day na wala ako sa iyong piling, alam mong hindi ako nakalimot. Alaala pa rin kita.
So very much like Ben. Nagbibiro pa rin, ngunit naroon sa mga salita
ang pag-unawa, ang pagpapaubaya, sa maaaring mangyari sa hinaharap. Sa kabila ng mga luha’y napangiti si
Emily. Sa kanyang balintataw ay naglaro
ang larawan ni Ben at ang tumatawang mga mata nito.
Liwayway, Pebrero 13, 2006
So romantic and yet so sad. This story hit me hard. Biglang may nagbalik sa akin alaala. At alam mo na and kasunod, napaiyak ako.
ReplyDeleteWhen I turned 70, I was in LA, California, still active , working and so full of life.
To my husband, it looked like an ordinary day, nothing special. I was so upset, so unhappy. Before lunch time, he asked me where I want to go. I said nowhere. My children called and asked what is "happening" I said nothing. Never mind.
Past 12 noon, he told me we have to go out to buy pandit for my birthday. I almost shouted at him "go to hell!" Instead, I sat in the car sulking, and ready to cry.
He said "we are here" and I looked. We were in one of my favourite restaurant in Glendale.
We went up the stairs and before we reached the top, the unanimous cry of "Happy Birthday" filled the restaurant. All my friends in Los Angeles, classmates and high school friends who are in California were there. Balloons and flowers filled the chairs and tables.
I almost dropped to the floor. It was one of the most pleasant surprises of my life.
Happy love day to you Pa.
Eve, just sharing, after Valentines Day, without him
life is never the same again.
I noticed this was published in Lawayway in 2006. Baka naman pudding magpublish ng iba pa. Alam mo naman na marami akong na miss sa mga isinulat mo sa Liwayway dahil wala na ako sa Manila in those days. Please naman.
ReplyDeletePuede rin naman, bago na lang, ha, ha, ha