Random
Thoughts… Random Talks… 7
Bote,
Diyaryo
Siya ang suki kong buyer ng mga lumang diyaryo. Isang binatilyo, kulot ang buhok, singkit na
mga matang wari’y laging nakatawa, kayumangging balat na sinunog ng sikat ng
araw sa pagyayao’t dito sa mga lansangan, sikad ang kanyang bisikleta na may
sidecar na lalagyan ng napamiling bote at diyaryo.
Magkano
kilo, tanong ko.
Singko,
nakatawang
sagot.
Singko! Hilakbot kong sagot. Bawal
na’ng plastic ngayon, supot na papel na
ang gamit, singko pa rin ang kilo?
Magkano’ng
gusto n’yo, nakatawang tanong.
Siete
sa iba, sagot ko.
Naku,
lugi na ‘ko. Sagot
nito.
Sige, sais, binabaan
ko. Baka maliit ang kamay, maigsi ang
mga daliri noong siete ang namimili.
Sige,
nakangiting
ayon, sabay dampot sa kanyang timbangan.
Pakiramdam ko lang, nagoyo ako ng pilyo. Ang bilis pumayag. Na sa aking pagtatanong ay nagkwentong
namatay ang nanay niya nang baby pa lamang siya, nag-asawa ang kanyang tatay,
naninirahan siyang ang kasama ay isa niyang kapatid, at hanggang grade four
lamang ang naabot niya sa elementary.
Nagbayaran kami, mahigit lamang sandaan ang inabot,
kasama na ang tawarang umaatikabo na i-round off ang mga butal. Pambili ko ito ng taho, sabi ko. Ipon ulit kayo, bilin naman nito, sabay
kindat at ngiti.
Natawa na lamang
ako. Enjoy ako sa mga sumandaling
pakikipag-usap sa mga batang tulad nito na masipag sa paghahanap-buhay.
Ma’am…
Sir… Taho!
Dante ang kanyang pangalan. Masaya.
Maingay. Inglisero kuno. Tindero ng taho, minsan ay putong kulay ube,
na tuwing mag-a-alas-dose ng tanghali ay naririnig na naming sumisigaw at
bumabati sa mga residente sa aming kalye at sa mga nakatira sa ibayo ng creek
na katabi nito. Iba-iba ang dayalog ni Dante. Alam mo kung sino ang prospective
customer niya depende sa kanyang isinisigaw.
Oy,
Totoy, bakit ka walang salawal? Umuwi ka muna at mag-shorts bago ka bumili.
Hala, uwi…
Pogi…
bili na…pampalipas ng uhaw… pampaganda
pang lalake…
Miss
beautiful… isang ngiti naman diyan…
Ma’am…
Sir…’andiyan ba’ng mga apo n’yo? Kailan darating ang kamukha kong manugang
ninyo? P’reho kaming tisoy, sunog lang
ako…
Lahat halos ay nakakakilala sa kanya. Napag-alaman ko ito nang mapag-usapan raw si
Dante sa kapihan ng isang grupo ng mga retirado sa aming lugar. Ang oras sa umaga ay natatanto ng walang relo
sa pagdating at sa pagkarinig sa tinig niya.
Drayber/tindero/sastre
Isa si Jun sa mga naging suki kong traysikel drayber nang
bagong dating kami sa subdibisyon. Listo
siya at magalang. Isa sa mga naunang
nagkaroon ng celfon kaya natatawagan kung medyo espesyal ang biyahe. Sa
pagdaraan ng mga taon, nawala na ang iba pa niyang kasamahan, kundi umuwi sa
probinsiya ay binawian na ng buhay ang ilang may edad na. Kalaunan, nawala na rin si Jun. Naghinto na.
Naglagi na lamang daw sa bahay at nanahi ng mga pantalong maong o
denims. May naghuhulog raw na mga tabas
nang pantalon at silang mag-asawa, kasama ang ilan pang mananahi ang gumagawa
nito. Hanggang humina ang negosyo
at nakita si Jun na nagtitinda ng mga
gulay sa talipapa. At muling nawala,
hindi na namin nabalitaan.
Nang isang araw, sa aking pamamalengke, may bumati sa
akin. Misis!
Si Jun! Oy, saan ka na ngayon? natutuwa kong
bati.
May
pwesto ho kami diyan sa palengke, sa dry goods sa second floor. Patahian naming mag-asawa.
Aba,
galing, sabi ko naman. Ano’ng tinatahi ninyo?
Sagot nito. Lahat ho, uniform, pantalon, repair…
Repair?
Nagpapalit kayo ng zipper? Nagpuputol ng
pantalon? E, kurtina?
Misis,
lahat ho. Sa amin na kayo pumunta pag
may patatahi kayo.
At solved na ang mga problema ko sa sirang zipper na
dapat palitan, hand-me-down pants na dapat igsian, ire-recycle na kurtina,
kikiputang palda at marami pang iba.
Mabuhay ang mga Jun sa mundong ito na marunong sumabay sa
lakad ng buhay, hindi napatatalo, marunong makibaka, kaya laging panalo.
Survivor
Matandang babaing matangkad. Nakasalamin. Ang hindi kahabaan at madalang na buhok ay
nakaipong pa-ponytail sa likod. Ang mga
binti ay parang biyas ng buho sa kapayatan.
May gamit na tungkod sa napakabagal na paghakbang at paglalakad.
Ang matanda ay nakatabi ko sa sopa habang naghihintay sa
reception area ng isang ospital. Nang
umalis ang kanyang kasama na kalaunan ay nalaman ko na kanyang caregiver ay
kinausap niya ako. Tinanong muna kung
ako ang magpapatingin, kung anong numero ako sa pila. Una ako sa kanya, magkasunod kami.
Nagkwento na siya ng kanyang medical history, na natural
lamang sa mga naghihintay na nagkakausap sa loob ng alinmang ospital.
Na-angioplasty
na ‘ko, ten years ago na. Pa-2D echo may Doppler ngayon. At may bakal na ako sa hita, hip replacement,
pero okey na ako sa paglalakad. Kaya
lang, may nakapang bukol sa may leeg ko, inalis ito at ako’y nag-chemo. Dito ako nanghina, dati, masigla akong kumilos. Itong mata kong kanan, tingnan mo, nasingkit,
kasi, tatlong beses nang naoperahan, may inalis ring bukol, hindi malaman kung
ang dahilan ay iyong unang bukol sa leeg.
E,
kumusta iyong mata n’yo, Malabo ba?
Malinaw
ang mata, walang diperensiya, nasingkit
lamang.
Napatango ako at nagpatuloy siya sa pagkukwento. Taga-Cagayan Valley daw siya. E, di
kababayan ninyo si Enrile… gusto kong manukso, di ko na lamang
itinuloy. Tumango siya, Masaya.
Tatlo ang kanyang naging anak. At ilang araw na siyang balik-balik sa
mga ospital para sa kanyang check-up.
Pakiwari ko ay maingat siya sa katawan.
Basta at may naramdaman ay agad nang kumukunsulta sa doctor. Ang kanyang cardiologist/internist ay sampung
taon na siyang pasyente. Ito ang
nagre-refer sa ibang espesyalista na kailangan niya sa iba niyang
karamdaman.
Sa kabila ng kanyang kaanyuan, masigla siyang magsalita
at halatang malinaw ang pag-iisip. Ewan
kung paano nadako sa propesyon at iskwelahan ang aming usapan, siya raw ay sa
Centro Escolar University sa Mendiola nag-aral, Education ang kanyang kurso. One common topic, naisip ko at aking sinabi na sa Centro
rin nagtapos ang aking kapatid.
Uy, kapitbahay ninyo ang San Beda.
Ay,
doon kami nagsisimba noong wala pang chapel sa Centro.
Mahigpit
sa Centro, sabi ko naman. Bawal
ang mga alpiler, mga borloloy.
Talaga,
ayon
niya. Istrikto si Maestrang Osang. Si
Carmen de Luna. At alam mo, panahon namin
nang niligawan ni Presidente Quirino na biyudo noon, si Carmen de Luna!
Siyanga? Naalala ko tuloy ang mga
Escolarinas na kasama ko sa dormitory noon.
E, di alam mo yun kanta n’yo… Dios
te salve, colegio querido?
Kastila
kami kung magdasal noon, pagmamalaki niya.
Noon ako tinawag ng receptionist. Doon natapos ang aming kwentuhan. Ang
matandang survivor ng maraming sakit. Na
otsenta’y uno anyos na. Na sa
pagdarasal, kasama lagi ang pasasalamat na patuloy siyang binibiyayaan ng buhay
ng nasa Itaas.
Hanga ako sa kanya.
No comments:
Post a Comment