MAY PAKPAK ANG MGA AWIT
Katatapos ko lamang isulat
noong nakaraang blog iyong sinabi ng isang kaibigan na kapag nakarinig siya ng
lumang awitin ay para siyang nababalik ng panahon. Tamang-tamang napanood ko sa telebisyon si
Clint Eastwood sa Carnegie Hall concert kung saan tinugtog ng mga kilalang jazz
musican ang mga paborito niyang awit na karamihan ay ginamit sa kanyang mga
pelikula.
Ilan sa mga ito ay ang Misty, Satin Doll, I Didn’t Know What Time
it Was at These Foolish Things
(Remind Me of you).
Nang una kong marinig ang
awit na These Foolish Things, tumimo
sa aking isipan ang lyrics, not so much as the melody o ang kahulugan nito sa
sinumang nakikinig (na marahil ay sawi sa pag-ibig). Ang naiwan sa akin ay ang kasimplihan ng
lyrics – a cigarette that bears a
lipstick’s traces, an airline ticket to romantic places…
Nakikinig lamang ako sa awit
ay nakintal na sa aking isipan ang larawan ng isang sigarilyong may bakas ng
lipstick, kaputol na ticket patungo sa kung saan.
Heto pa… a tinkling piano in the next apartment… a fair ground’s painted
swing… a telephone that rings but who’s to answer… the scent of roses… the
waiters whistling…
Tapos na iyong awit ay para
ko pang naririnig iyong tinitipang teklado ng piano, ang kumukuliling na telepono,
ang sipol ng mga waiter…
Sabi ko sa sarili, ganito
ang uri ng kwentong gusto kong isulat (bago pa lamang ako nagsisimula
noon), Iyong ang mababasa ay may
aantiging alaala at larawan ng isang pook, ng isang panahon, ng isang
pangyayari, ng isang tao. Na sa pagdaloy
ng gunita ay mahahalina silang magbalik-tanaw sa nakaraan. O magmuni-muni,
magnilay-nilay sa kasalukuyan.
Sa buong panahon ng aking
pagsusulat, ito ang aking naging panuntunan. Ang paggamit ng mga simpling
salita ngunit maliwanag na paglalarawan ng isang bagay o pangyayari o
damdamin. Hindi ko alam kung nagtagumpay
ako sa layunin kong ito. But I tried… Ang
mga tagasubaybay at mambabasa ko lamang ang nakaaalam at makasasagot nito. (Nitong
nakaraang linggo, may tumawag sa akin sa telepono mula sa Candelaria, Quezon na
tuwang-tuwang ibinalita na tinapos niyang basahin ang libro kong "Mahirap Ba Akong Mahalin" tuluy-tuloy
sa loob ng dalawang araw. Siya raw ay siyang-siya sa pagbabasa dahil para raw
siyang naroon at kasamang gumagalaw ng mga karakter sa istorya. Tunay na naka-relate siya. Kay Ching, isang bagong kakilala, maraming
salamat at naaliw ka sa aking kwento.)
Isa
pang awit na may kaugnayan sa aking pagsusulat ang minsan ay muli kong
narinig. Ito ang Never on Sunday. Dito naman
ay walang koneksiyon ang lyrics. Oh, you can kiss me on a Monday, a Monday, a Monday is very
very good. Or you can kiss me on a Tuesday, a Tuesday, a Tuesday in fact I wish
you would. Iyong melody ang nagdadala sa akin sa isang
panahong nakaukit na sa aking katauhan, nang bago pa lamang akong nagsusulat o
nagsisikap na makasulat. Kung ano ang
damdaming dama ko noong araw na naririnig ko ito, ay muli kong nararamdaman
kapag naririnig ko ito sa ngayon.
Ang
ingay ng mga nagdaraang diyip Divisoria/Sta. Mesa/San Juan sa Recto, Azcarraga
pa yata noon… ang Calle Calero patungo sa lumang gusaling kinaroroonan ng
Pasulatan ng Liwayway… ang kakalog-kalog na antigong elevator… ang amoy ng
newsprint at printer’s ink… ang tabi-tabing mesa ng Staff… ang nagtambak na
papel sa ibabaw nito… sina Ben Pascual… Benigno P. Juan… Mang Basyong…
Iyan
ang larawan, tunog at amoy na ibinabalik sa akin kapag naririnig ko ang awit na
marahil ay ang usong awit noon.
Nakatutuwang isipin na mayroong mga bagay, lyric o melody ng isang awit,
o taludtod ng isang tula, o linya ng isang sanaysay, ang minsan ay nagkakaroon
ng malaking epekto sa buhay ng isang tao. Noon, nang panahong iyon na
masasabing nangangapa pa ako sa pagsusulat, naghahabol ng musa, malimit dumanas ng tagtuyot
sa pagkatha, kapag narinig ko ang nasabing awit, para bang ginaganahan
akong humarap sa makinilya. Kahit wala
pang maisulat ay naroon naman ang layon o mithi at interes na magpatuloy.
Halos
lahat tayo ay may natatanging awit na nagkaroon ng bahagi sa ating buhay. Mga awit na nagdala ng pagbabago, awit na
nagbigay ng kaaliwan, awit na umagapay sa kimkim na lumbay, awit ng pagsisikap,
awit ng pagtatagumpay, o baka, karaniwang awit lamang na nagpapaalaala ng isang
panahong ayaw na bitiwan.
Ang
katotohanan, marami sa mga awit, bago naging bahagi ng ating buhay ay may
kani-kaniyang kasaysayan o pinagmulan.
Dito pumapasok ang pananaliksik ng kaibigan nating tagasubaybay na si R.
Estrada.
Tunghayan natin ang bunga ng
kanyang pagpapagod.
Dalawang
popular na awit - Over The Rainbow at This Land
is Mine, The Exodus Song - pawang mga theme songs /music ng dalawang pelikulang gawa sa Hollywood - ang
tumawag sa kanyang pansin, di lamang sa mga mumunting kasaysayang nasa likod ng
mga ito, kundi sa mensahe na ring taglay ng bawat isa.
Uunahin
kong ilagay dito sa blog ang Over the
Rainbow at isusunod sa ibang
pagkakataon ang Exodus Song.
No comments:
Post a Comment