Saturday, June 14, 2014

Ama, Narito ang Iyong Anak



AMA, NARITO ANG IYONG ANAK...


“ANONG oras ba ninyo diyan?”


Sabaysabay, nagsagutan ang mga nakaupo sa likuran ng diyip.  “Maaga pa ho, Tata.”



Hinawakan niya, pinigil ang pagkinig ng kanyang kaliwang kamay.  Kumurap-kurap siya’t pilit na inaninaw ng malalabo nang mata ang mukha ng kanyang orasang panggalang.  “Sa ‘kin e menos kinse para alas onse.”



Uli ang mga nasa likuran ng diyip.  “Tama, ho ‘yan Tata.”



At ng tinig sa kanyang tabi, kay Inchang. “Di kaya tayo mahuli.”



Ngunit hindi na siya nakasagot. Sinasal siya ng ubo.  Si inchang.  “Oy bakit? Bakit?”



Ang mga tinig sa likuran ng diyip.  “Tata Senyong... Tata Senyong... ba’t ho?”



At naramdaman niya, bumagal ang takbo ng sasakyan.  Unti-unti, lumakad, huminto.  Sa tabi ng tinatalunton nilang lansangan.  May naglapit ng basong may lamang tubig sa kanyang mga labi.  Pinalagok siya.  May panyong pumahid sa luha ng kanyang mga mata na nilikha ng sumumpong na dalahit.  May humagod sa kanyang likod.  Nang mahimasmasan siya, kaagad siyang nagyaya.  “Tara na kayo.  Bilisan mo nang konti ang pagmamaneho, Milyo.  Baka di tayo umabot.”



At binilisan ni Milyo ang pagpapatakbo.  Simbilis ng pagbabalik ng mga gunita.



“SENYONG, ‘sang taon na tayo...”



“Ay, Inchang, ang pinsan kong si Paz sa Tabang, e kulang-kulang na sampung taong kasal bago nagkaanak.  O baka mahigit pa. Di ko na matandaan.”



“O, e, paanong ginawa nila?”



“Ku, e, me gagawin pa bang iba yon.  Di pareho rin.”



“‘Tong si Senyong.  Di iyon ang ibig kong sabihin.  Kung nagpagamot sila.  O nagsayaw kaya sa Obando.”



“Pareho yata nilang ginawa ‘yon.  Nagpagamot.  At nanalangin din ke Santa Clarang pinong pino.”



“Kelan tayo sasayaw?”



“Saka na Inchang.  Saka na.”



Ang isang taong pagsasama na di pa binibiyayaan ng supling, bagamat paminsan ay kinaiinipan niya ay hindi naman masyado niyang ipinag-alala.  Lahi nila ang nagbibilang muna ng taon bago magkaanak.  Pero nagkakaanak din at iyon ang kanyang pinanghahawakan.  Lamang, ang panunukso ay isang bagay ng hindi nila naiwasan, panunuksong bahagi ng mga usap-usapan sa mga kantong may tindahan, sa mga pagupitan, sa mga umpukan.



“Ano ba Senyong.  Bingi yata.”



“O, baka ikaw naman ang me diperensiya.  Baka nagbunga 'yong kalikutan mo sa…”



“Tigil nga kayo.  Hindi ako kasali sa kalukuhang iyon. ‘La akong hilig du’n.”



“Hu, kaya pala gabi na’y namimilapil pa kayo nina Pedro.”



Ang ano mang kantiyawan ay laging nauuwi sa tawanan.  Maliban kung may kaanghangan ang mga biruan.  Kung harapang tinutukso siya na baka kailangan niya na siya ay lusungan.  Alalaon baga’y bayanihan, para lamang magkaanak.  Dito nagpapanting ang kanyang mga tainga.  Dito lamang sumisidhi ang pagnanais niyang sana, magkaanak na nga sila ni Inchang.



Dinatnan sila ng munting suwerte sa hanapbuhay.  Isang namanang puwesto sa pamilihang bayan.  Mula sa isang matandang dalagang tiyahin na sumakabilang buhay.  Ang pamamahala ng tindahan ay nakalibang sa kanila.  Matagal-tagal ding panahon, nakalimutan nila ang paghihintay ng isang maaarugang supling. Nang isang araw, may natanawan siyang isang namumukod na puting buhok sa pusod ni Inchang. 



“Oy, ilang taon ka na,” ang tanong niya.



Nagtatakang sumagot si Inchang.  “Treinta’y sinco.  Bakit?”



Nag-isip siya.  Sa ulo ay may binilang.  “Wala pa tayong anak, Inchang.”



Nagtungo sila sa isang kilalang doktor sa kanilang bayan.  May gamot itong ipinainom kay Inchang.  Naghintay sila.  Wala.  Lumipat sila ng isa pang doktor.  Wala ring nangyari.  Patuloy ang paglipas ng mga buwan.  Kinakabahan na siya.  Sa pakiramdam niya, bumibilis ang kanyang pagtanda.  Ang kanilang pagtanda ni Inchang.



Lahat  ng payo ay sinusunod nila.  Sira ‘atang regla mo, Inchang.  Uminom ka ng pinaglagaan ng dahon ng tekla.  Kapag naayos ang panahon mo’y magkakaanak ka rin.



May isa pa.  Ipahilot mong iyong puson.  Sa Da Sepa sa dulo.



Magsayaw kayo sa Obando, sabi naman ng iba.



Nawawalan na siya ng pag-asa.  Walang anak.  Na magpapatuloy ng kanilang pangalan.  Na kakalinga’t aaruga sa kanilang pagtanda.  Sisingit sa kanilang usapan ni Inchang.  “Baka matulad ako ke Ba Sixto.  Walang anak.  Hayo’t me kabuhayan nga’y nawawaldas lang ng kung paano. At ang itsura.  Walang nag-aasikaso.  Ke rumi.  Di yata kumakain sa oras.”



Naging mapunahin siya.  Mapansinin at mapanuri. “ Ang Tandang Puten sa Buhangin, tingnan mo,  Inchang at mayaman sa mga anak.  May inhenyero’t may empleyado, may titser.  Ang mga apo, nagkakatibag.  Sigurado na ang kanyang pagtanda.  Hanggang sa kanyang huling hininga ay may aalalay.”



Naging masidhi ang takot niya sa pag-iisa.  “Paano kung mauna ako sa iyo, Inchang.  Sino’ng mag-aalaga sa ‘yo kung magkaramdam ka?”



Walang maisagot ang kanyang asawa.  Tulad niya, ito’y nag-iisang katawan.  “At kung ako naman ang mauna,” itatanong naman nito.



Ang naging kahulugan ng pagkakaroon ng anak para sa kanila ay hindi lamang ang pagdating ng isang supling na magpapatuloy ng kanilang kalahian.  O ng isang anak na maaaruga o mamahalin.  Higit at lalo, ang pagkakaroon ng anak ay naging isang pangangailangan.



Ito ang kanilang mga damdamin nang dumating ang mga unang tanda.



Madaling araw.  Ginising siya ng makabaligtad-sikmurang duwal ni Inchang.  “Senyong... aakkkkk…”



Sa tindi ng paghihintay, ang katotohanan ay di kaagad nila natatap.  “Ano bang kinain mo kagabi,” nag-aalala niyang tanong.



Wala namang naibang kinain si Inchang. Ano’t umasim ang sikmura.



Pistang bayan sa kanilang tahanan nang ang lahat ay malinawan.  At ang ginawa niyang pag-aalaga kay Inchang.  “Mag-iingat ka.  Liliitan mong iyong mga hakbang.  Baka ka madupilas.  Huwag kang magbubuhat nang mabigat.”



Malayo pa ang araw ay kumasundo na siya ng isang nars.  Nang panahong iyon ng mga hilot.  At ang nars na ito ay para lamang mag-alaga kay Inchang pagdating ng bahay.  Sapagkat naipasiya na niyang sa isang ospital sa Maynila magsisilang ito.



Nang kabuwanan ay lumuwas na sila ng lungsod.  Nanuluyan sa isang kamag-anakan.  Sa unang ramdam ng hilab, nagpatala na sila ng ospital.  At kahit na sinabi ng doktor na tumingin na hindi pa oras ay hindi na rin sila lumabas.  Bakit niya ipakikipagsapalaran ang buhay ng kanyang mag-ina.



At lalaki ang kanyang unang anak.  Una.  At huli.  Sapagkat hindi na nasundan.


Ang walang muwang na sanggol na hindi pa malay magsalita ay kinausap niya.  Ang lahat ng kasaganaang maidudulot namin sa iyo ay matatamo mo.  Basta at kaya rin lamang namin ng iyong ina.  Mapapaiba ka sa mga bata rito,  mag-aaral ka. Kakarera.  Kung gusto mo ng abugasya, magiging abugado ka.  Huwes pagdating ng araw.  Titingalaing malaking tao ng bayang ito.  At kung kailangan, mangutang kami para ka maging doktor, gagawin namin.  Ikaw ang gagamot sa aming rayuma ng iyong ina.  Ikaw ang aasiste sa karamdaman ng aming katandaaan.  Ikaw ang aming magiging gabay.



Si Roberto ang magiging gabay.  At ang paglaki nito ay masusi  nilang sinubaybayan.  Ang unang taon sa paaralan. 



“Lilimang taon lang ito, Ka Senyong”, nakangiting tutol ng gurong kanilang kapit-bahay.



“Saling pusa lang, Irene.  At  kung matalino’y di ipasa mo. Kung di pa kaya, e, di paulitin natin.”



Kabisote man si Roberto noong una’y lumabas din ang likas na dunong kalaunan.  Mula grade four, na-accelerate sa grade five.  Honor pa nang magtapos ng grade six.  At balediktoryan sa high school.



Nang panahong iyon ay nauuso na ang pag-alis-alis ng mga doktor, ang pagtungo sa ibang bansa.  Iyon ay kanilang kinatakutan ni Inchang.



“Hindi natin kaya ang medisina, Roberto.  Matatanda na kami at baka hindi ka namin matustusan ay lalo ka lamang maalangan.”



Pinili ni Roberto ang inhenyerya at kaiba sa karaniwang mga magulang, habang ito'y nag-aaral ay inalalayan na nilang maipakilala sa mga dalagang maaaring magustuhan at maligawan.  Sapagkat ang pagpapamilya ay isang pag-uugat.  Noon ay nabalitaan na nilang marami ring inhenyero ang nangingibang-bansa. Nang ang ligawan ni Roberto ay isang kababayan, lubusang natahimik ang kalooban nilang mag-asawa.  Si Roberto ay tunay nang kanila.  Gabay ng kanilang katandaan.  Suhay sa kanilang buhay.



SA ORASAN nakatingin si Roberto, ngunit ang nasa ulo niya ay ang kanyang ama’t ina.



“Ikaw ang aming magiging gabay sa aming katandaan, Roberto.  Ikaw lamang ang aming anak.  Huwag mo kaming pababayaan.  Huwag mo kaming iiwan.”



“Bakit ko kayo iiwan,” ang ganting tanong niya.



“Pag-aasawa mo,” pasumala ng kanyang ina.



Nilingap niya ang kanilang maluwang at maaliwalas na kabahayan. “Ang laki ng bahay na ito.”



“Tama,” sambot ng kanyang ama.  “Kaya natutuwa kami ng iyong ina na ang napili mo ay isang kababayan.  Tiyak na hindi siya tututol na manirahan sa aming piling.”



Ngunit doon sila nagkamali ng haka.  Iba ang nasa isipan ni Clarita.  May sarili itong balak sa hinaharap na buhay may-asawa.



“Uupa tayo ng apartment na malapit sa ating pinapasukang opisina at ang impok buhat sa ating suweldo ay ihuhulog natin sa isang lote,” ang wika nito.



“Apartment?  Lote?  Ano’ng ginagawa ng bahay namin sa probinsiya.  Ang laki at ang luwag.  Kahit sampung maging anak natin.”



“Sampu!”  Nanlaki ang mga mata ni Clarita.  “Parang di mo nababalitaan ang population explosion kung magsalita ka.”


Tumawa siya.  “Gusto kong bumawi.  Nag-iisa yata ako.”



Ang unang pag-uusap na iyon ay nauwi sa tawanan, kurutan.  Ngunit bago pormal na niyaya niyang pakasal si Clarita ay muli niyang inungkat ang nasabing bagay.



“Nag-iisa lamang akong anak, Clarita.  Inaasahan ng aking mga magulang na sa kanilang piling ko ipipisan ang aking mapapangasawa, ang aking magiging pamilya.”



Matagal na hindi nakaimik si Clarita.  “Nauunawaan kita, Roberto.  Kaya lamang, marahil ay mauunawaan mo rin ako kapag sinabi kong higit na gusto kong nakabukod tayo sa mga magulang mo.”



“Mababait naman sila, Clarita.  Mamahalin ka nila.  Nang malaman nilang ikaw ang nililigawan ko’y natuwa sila.  Sinabi sa akin.”



“Mabait  nga  sila, Roberto, pero iba-iba ang ugali ng mga tao.  Ako sa aking sarili, ang gusto ko’y malayang pagkilos, malayang pagpapasiya sa munti man o malaking bagay.  Kung kapisan natin sila, Roberto, hindi mo iaalis na di sila makialam sa atin.”



“Makialam man sila, Clarita, nangangahulugan lamang iyon na nais nila tayong matulungan sa ating mga suliranin.”



“Ugali ko rin ang humingi ng tulong sa ikalulutas ng aking mga suliranin.  Ngunit ang mga payong hindi ko hinihingi at ibinibigay sa akin ay hindi ko nagugustuhan.  Sa akin, iyon ay pakikialam.”



“Clarita…”



“Mahal kita Roberto.  Mahal na mahal.”



“Hindi ko mabibigo ang aking mga magulang.  Nag-iisa lamang ako, Clarita.  Wala silang ibang maaasahan.  Iba ang anak sa kamag-anak lamang.  Hindi ko sila maaaring iwan.”

 

“Kahit para sa akin, Roberto… kahit para sa akin…”



“Huwag mong pahirapan ang ating sarili, Clarita.  Hindi ko maaaring ipagpalit ang aking mga magulang sa iyo kung paanong hindi kita maaaring ipagpalit sa kanila.  Iba ka.  At iba sila.  Ngunit kapwa ko kayo mahal  kaya nga kita kinausap bago mapag-usapan ang ating kasal.”



“Kasal?  Ang ibig mong sabihin, Roberto, ay ibinabatay mo sa magiging bunga ng ating pag-uusap na ito ang katuparan ng ating pagpapakasal?”



“Clarita, hindi mo ako nauunawaan.”



“Nauunawaan kita, Roberto.  Lubos na lubos.”



Nagdamdam sa kanya si Clarita.  Ngunit paano niya maipauunawa rito na hindi niya maaaring iwan ang kanyang mga magulang.  Nag-iisa lamang siyang anak.  Siya ang gabay.  Ang suhay.  Iyon ang damdaming itinanim sa kanya, dinilig at inalagaan mula sa kanyang kamusmusan.  Iyong damdaming hindi na pinangangatwiranan.  Iyon ay nadarama lamang.  At walang bagay na maaaring mag-udyok sa kanya upang lisanin ang matatanda nang magulang.  Kahit na si Clarita.  At sapagkat  mahal  na mahal niya si Clarita at talos niyang hindi rin siya liligaya kung di rin lamang ito ang makakaisang-palad niya, si Clarita ang dadalhin niya sa piling ng kanyang mga magulang.



Dinalaw niya si Clarita sa kaserang tinutuluyan nito sa lungsod.  Hindi siya pinakiharapan.  Sinundo niya ito sa opisinang pinapasukan.  Nagdahilan itong may ibang tutunguhan.  Sa telepono ay nagpapakaila.  Sa bahay sa probinsya ay sasandaling nakipag-usap, may mahalagang gagawin daw.



Isang panahong nawala si Clarita sa kanyang buhay.  Ngunit sa dahilang ganap ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa, muli silang nagkabalikan.  Ang pagsuko ay kay Clarita nagmula at sapagkat kilala nga niya si Clarita, alam niya ang katibayan, katatagan ng kaloobaan nito, ang ginawang pagsuko ng dalaga sa kaniyang kahilingan ay nakaantig sa kanyang damdamin.  Iyon ay isang malaking pagpapakasakit para sa kanyang kasintahan.  Lahat, alang-alang sa pag-ibig nito sa kanya.  Kaya noon ay matiim niyang naipangako sa sarili na gagawin niya ang lahat upang mapaligaya ito.



Napakasal sila ni Clarita.  At pumisan sila sa kanyang mga magulang.  Mahigit na isang oras lakbayin ang kanilang lalawigan hanggang lungsod kung saan sila kapwa nag-oopisina.  Nakita niya ang matinding antok ni Clairta kapag ginigising na sa madaling araw upang makapaghanda sa pagluwas.  Hindi kaila sa kanya ang pagod ng magbiyahe araw-araw, umaga’t gabi, maghapon pang nagtatrabaho.  Ngunit wala siyang narinig sa asawa.



Mahilig si Clarita sa bahay, alam niya.  Ngunit hindi ito nangahas na baguhin ang ayos ng kanilang pamamahay na ang kanyang ina ang nakaaalam.  Iba ang henerasyon ng kanyang mga magulang at iba ang sa kanila ni Clarita ngunit nakita niya kung paano pinag-aabot ito ng asawa sa pamamagitan ng malawak na pag-unawa at di kakaunting pagpapakasakit, ganap na pag-ibig sa kanya.

At sa kabila nga ng lahat, maligaya sila.  Ang kanyang mga magulang.  Sila ni Clarita.  Hanggang dumating sa kanilang buhay ang matagal na nilang inaasam.  Nagdalantao si Clarita.



“Kambal sana,” ang sabi niya, “lahi kami ng kambal.”



Ang sinabi niya ay pinatotohanan ng kanyang ina.  “Ang ama ng aking ama ay may kakambal.  May isa akong pininsan na nanganak ng kambal.”



“Sabi ko na sa ‘yo,”  ang wika niya sa nagtatawang asawa.  At totoo sa kanyang loob ang pagnanasang kambal ang maging anak.



Kambal nga ang anak ni Clarita.  Kapwa lalaki.  Magkamukhang-magkamukha.  Maliban sa isang bagay na kaagad nilang napuna at hindi nakaligtas sa pagsusuri ng mga doktor na tumingin.  Ang unang isinilang ay malusog, masigla, rosas ang kulay at punung-puno ng buhay.  Ang ikalawa ay mababang lubha ang timbang, maputla ang balat at nangingitim ang labi’t mga kuko ng paa’t kamay.



Ang katotohana'y ipinagtapat sa kanila.  "Ang isa ninyong anak ay isang blue baby."



Blue baby.  Gimbal ang kaloobang pinakinggan nila ang paliwanag ng mga doktor.  “Kailangang isailalim siya sa matamang pagsusuri mula ngayon hanggang sa kanyang paglaki.  Hindi siya isang karaniwang bata at ang kanyang magiging mga pagkakasakit, sipon man ito o ordinaryong lagnat ay nangangailangan ng hindi pangkaraniwang paggagamot.  May problema kayo sa inyong mga kamay.”



Hindi miminsang narinig niya, naikwento sa kanyang paglaki ang suliraning dinala ng kaniyang ama sa hindi kaagad nito pagkakaanak.  Ang lubhang napakatagal na pagdating niya sa buhay ng kanyang mga magulang.  Ngayon, iba ang suliraning kinasusuungan niya.  Pinaging-dapat na sila ni Clarita ay magkasupling kaagad, at kambal pa, ngunit may karamdaman naman ang isa.  Ang buhay nito ay nakasalalay sa kanyang mga kamay, sa kanyang pagpapasiya.



Ang sabi ng doktor.  “Kailangan siyang operahin bago sumapit ang kaniyang puberty.  Higit na mainam kung sa mga edad anim o pitong taon iyong bata at di pa lubhang aktibo sa mga paglalaro.  Kapag lumampas pa doon, baka hindi na makaya ng kanyang puso.”



Sinubaybayan nila ni Clarita ang paglaki ng kanilang kambal.  Ang kalusugan at kasiglahan ng isa ay naghahatid ng lalong lumbay tuwing makikita nila ang kahinaan ng ikalawa.  Madali itong mapagod sa paglalaro.  Kung hanapin mo’y makikitang nakatalungko sa isang tabi, nangingitim ang mga labi, kinakapos ng hininga.



Ang paliwanag ng doktor.  “Ang kaso ng bata ay ang tinatawag na tetralogy of fallot.  Apat na depekto.  May butas sa pagitan ng ventricles.  Makitid ang pulmunary valves.  May overlapping ang aorta.  Lumalaki ang puso.”



Ang paliwanag ay tinapos nito sa isang payo.  “Ipaopera ninyo siya sa Amerika.  Marami tayong mahusay na doktor dito ngunit naroon ang pinakamagagaling na facilidad.  Sa ngayon ay wala pa tayong ganoon.  May mga kaso na naikukuha ng mga sponsor.  Mga foundation.  Ang ibig kong sabihin, ay libre na ang operasyon.  Ang babayaran na lamang ninyo ay ang hospitalization.  Magtanong-tanong kayo.  Sa mga kamag-anak ninyong nasa Amerika na.  Inuulit ko, dalhin ninyo siya sa Amerika.”



Amerika.



Amerika. Kumunot ang noo ng kanyang ama.  Nagdilim ang mukha ng kanyang ina.  Amerika.



Malumanay na nagsalita ang mga ito.  “Sino ba ang gustong mamatayan ng anak.  Napakasakit ang bagay na ito.  Ngunit kung talagang kalooban ng Diyos na kunin siya sapagkat siya ay hindi para sa inyo, bakit natin tututulan ang kanyang kalooban.”



Noon lamang niya nakitang lumuha nang ganoon si Clarita.  At halos nawalat ng kanyang dibdib sa damdaming nadama.



LAMPAS ng ikalabindalawa ng tanghali.  Hinagod ng tanaw ni Mang Senyong ang restoran sa ibayo ng lansangan.  “Dito bang talaga, Inchang?”



May sumagot.  “’Yan na nga ho, Tata.  Hayan ang pangalan.  Eleven.  Diyan natin makikita si Roberto.  May construction kasi sa airport.”



Si Roberto.  Sa pakiramdam ni Mang Senyong ay parang mapupugto ang kanyang hininga.  Hindi niya maihakbang kanyang mga paa.  Ngunit  may kamay na umalalay at umakay sa kanya.  “Tena, Tata.”



HINAYAAN ni Roberto na maunang sumakay sa shuttle bus si Clarita at ang kambal.  “Aantabayanan ko sila sandali.  Darating na siguro.”



Tumayo si Roberto sa harap ng restoran.  Sinuyod ng kanyang mga mata ang mga nakaparadang diyipni, kotse at trak sa gilid ng kaharap na lansangan.  Nilisa niya ang mga taong naglisaw.



Nang sinundang gabi, nang huli niyang makita ang mga magulang ay nakahiga ang kanyang ama.  May sumpong ng hika.  Hinahagod niya ang dibdib, hinihimas niya ang likod ay tinatabig ang kanyang kamay.  Ang kanyang ina.  Ang kanyang ina ay hindi siya pinapansin.  Nagpapaalam siya, inaabot niya ang kamay upang magmano ay bigla siyang tinalikuran.



Ang hapdi ng luhang nasa likod ng mga mata at ayaw tumulo ay naramdaman ni Roberto.  Tatang... Inang… ang bulong niya, ang hiyaw ng kanyang kaibuturan.



At sa muling pagkurap ni Roberto ay saka lamang niya nasilayan ang mga magulang na papalapit na sa kanyang kinatatayuan.  Sugod na sumalubong siya sa mga dumarating.  Kaagad  ginagap ang kamay at dinala sa mga labi.  At hindi kaagad inalis sa pagkadikit sa kanyang pisngi.  “Tatang... Tatang… bendisyunan mo kami.”



“Roberto... matanda na kami  ng iyong ina.”  Nabasag ang tinig, ang hukot na mga balikat ay niyanig ng impit na hagulgol.



Hinapit ni Roberto sa dibdib ang lantang katawan ng ama, ang manipis na kabuuan ng ina.  “May awa ang Diyos, Tatang, Inang.  May awa ang Diyos.”



Naramdaman ni Roberto ang paggulong ng luha sa kanyang pisngi, ang pagpatak ng mga ito sa kaputiang iyon sa kanyang dibib, sa mga ubang iyon na lalong nagpapatingkad sa  katotohanang matatanda na nga ang kanyang mga magulang.



Naramdaman ni Roberto ang kamay ni Clarita sa kanyang balikat.  “Aalis na ang bus.”



Humigpit ang mga  yayat na bisig sa pagkakayakap kay Roberto.  Tumabingi ang kurbata at nalukot ang solapa ng amerikana sa pagkadakot ng mga butuhang kamay.  Ang pigil na hikbi ay naging impit na panangis.  “Anak ko, Roberto…”



“Anak ko…”



SA LIKOD ng nakagiwang at kinakalawang na bakod na bakal na kinakaliwa ng tore at kaibayo ng viewing deck ng nasunog na Manila International Airport, nakatayo si Mang Senyong at si Aling Inchang.  Bahagi ng isang sangkatauhang nagtitiis sa tindi ng katanghaliang araw.  Ang mga mata ay nakapako sa isang papataas, papalayong dambuhalang saasakyan.



SA ITAAS, ang panalangin ay nasa puso ni Roberto para sa mga iniwang magulang.  Kung paanong ako’y inyong mahal at ayaw ninyong kayo’y aking iwan, ay gayon ding kamahal ko ang aking anak, gayon ding kasakit sa akin, marahil ay  higit pa, kung mamamatay siya’t kami ay maiiwan nang wala kaming ginawa upang siya ay mabuhay.  Dalangin ko ang inyong pag-unawa, ang ating muling pagkikita.  Makaraos  lamang si Kambal, maipaghanap-buhay lamang namin ang kabayaran ng inutang naming panggastos sa ospital, babalik kami, Tatang... Inang... uuwi kami....”



SA IBABA, itinaas ni Mang Senyong ang kanyang kamay.  Ikinaway sa eroplanong hindi na matanaw.  Saka binalingan ang asawang tahimik na umiiyak.  

“Tahan na Inchang.  Tahan na.  Gagaling na ang ating apo.  Ayaw ka ba noon.  Uuwi sila kaagad, pangako ni  Roberto.  Daratnan pa nila tayong buhay.  Inchang..."




Liwayway, Hunyo 12, 1972

No comments:

Post a Comment