Buwan
ng mga Ama.
Ang Haligi ng Tahanan.
May isang komentaryo akong tinanggap tungkol sa nalathalang kwentong Biyenan
at Manugang marami nang postings ang nakaraan. Kung ang Ina raw ay itinuturing na ILAW at
ang Ama ay HALIGI, para sa kanya raw, ang biyenan ay matatawag na ANAY ng
Tahanan. Sa palagay ko’y isa itong manugang na hindi nakakasundo ng kanyang
biyenan. Isang paalala - tayong mga ilaw at haligi, makabubuting tanungin natin
ang sarili kung tayo ba ay anay na sumisira sa pagsasama ng ating pamilya.
Isipin nating minsan isang panahon, ganito rin tayong namimiyenan, naninimbang,
nakikisama.
Teka nga, wala bang Buwan ng mga Biyenan? Pero huwag ka,
maghintay-hintay lang at sa dami ng mga kongresista at senador, mamaya at
natapos na sa kababasa sa listahan ni Napoles, baka maisingit nila ang
pagsusulong ng buwang ito.
Sa buwang ito ng mga Ama, nais kong kahit man lamang sa maigsing panahon, maging aware o conscious tayo sa pag-alaala sa kanila. Totoong sumasagi sila sa ating isipan, now
and then, ngunit iba iyong talagang
ginugunita natin ang mga pagkakataong kasalamuha, kausap, kasama sila.
Tulad nang nabanggit ko na noong nakaraang Buwan ng mga Ina, ngayon namang
Buwan ng mga Ama, kayo ring mga Ama na, sana, sandaling limutin kung ano ang regalong tatanggapin
mula sa mga anak o kung saang restoran dadalhin, at sa halip, ang isipin ay ang
nakaraang araw sa piling ng sariling ama.
Marami na akong nabanggit sa blog na ito tungkol sa aking
ama. Isa na ang pagtuturo niya sa akin
na tumugtog ng gitara. Gayundin ang
pagtuturo ng isang awit na hindi namin alam ang pamagat, tinawag na lamang namin sa
unang linya nito na Isang Gabing
Tahimik. May on-going kasaysayan ang
awit na ito na mababasa sa nakaraang blog postings. Maganda ang mga pangyayari, ngunit hindi pa
tapos ang kabanata, kumbaga.
Natatandaan ko, maliit pa ako, karaniwan na matapos akong
pakantahin ng aking ama sa saliw ng kanyang gitara, hinihiling kong umawit
silang dalawa ng aking ina, na agad naman nilang pinauunlakan. Karaniwan lamang
ang kanilang boses, nasa tono, nasa tiempo.
Kung sasabihin ngayon, they can carry a tune, hindi sintunado. Duweto
sila. Second voice ang aking Amang.
Tatlong awiting tagalog ang lagi nilang
kinakanta. Panahon siguro nila iyon. Ang una at ikalawa ay putul-putol ang
lyrics na natatandaan ko. Pinagsisisihan kong hindi ko naisulat ito
noon. Minsan ay narinig kong inawit ni
Bert “Tawa” Marcelo na isang Bulakenyo ang isa sa telebisyon. Tuwang-tuwa ako nang marinig ito, ngunit
hindi ko pa rin naisulat ang mga letra.
At wala na si Bert Marcelo.
Simpli lamang ang himig nito at alam kong
tugtugin sa piano, oido lamang. Ang ilan kong natatandaan sa unang awit ay ito –
Kung
ang katamisan ng isang pag-ibig ay matatawag nang pangalawang langit… (di
ko na alam ang kasunod pero ang dakong huli ay…)
Gaya
nang nangyari sa isang umirog, na nagkatiwala sa tamis ng sagot… (at
talagang hanggang doon na lamang ang alam ko.)
Sa ikalawang awit naman, isang linya lamang ang
natatandaan ko, bagaman at alam ko rin ang himig nito. Kay
hirap nga palang mabuhay sa mundo kung dukha rin lamang…
Hayun, hanggang doon lamang.
At ang totoo naman ay nakalimutan ko nang may pangatlo pa
silang inaawit kundi sa isang pangyayari.
May hinahanap akong dokumento na hindi ko maalaala kung saan
naka-file. Sa dami ng aking folder (ako
ang filing clerk, etc. sa bahay namin), hindi ko alam kung alin ang bubuklatin.
Kaya ang kinuha ko ay ang Family
Miscellaneous.
Buklat, buklat, buklat!
Sa dami ng aking nakita, na bawat makita ay binabasa, panibagong blog
posting na naman ang kauuwian. Anyway,
nakalimutan ko na kung ano ang aking hinahanap nang may nakita akong papel na
kinasusulatan ng lyrics ng pangatlong awit ng aking mga magulang. Amazing,
naisip ko. Parang tiniyap para sa buwan
ng mga ama. At ngayon, nais kong ibahagi
ang lyrics ng nasabing awit sa mga mambabasa nitong blog. Iyong himig ay saka na lamang, kapag nai-record ko na at natutuhan
kung paano ipasok sa blog.
Masdan
mo’t naririto ang sa iyo’y naghihintay
Ang
abang buhay kong pagsinta’y dalisay
Kislap
ng mga bituin at liwanag ng buwan
Ang
tanging saksi ng puso kong nagmamahal.
Bakit
kaya giliw ako’y iyong iniwan
Di
ka na naawa sa abang kalagayan
At
kung ako’y datnan mong wala nang buhay
Asahan
mo giliw ko, ikaw ang dahilan.
Natutuwa ako noon kapag duweto silang umaawit. Sa aking Inang ako higit na nalulugod dahil
siya ay ang tipong soft-spoken, hindi maarte, hindi maingay. Para siya umawit, para sa akin ay tunay na
kalugud-lugod.
Ngayon ko na lamang napansin na kay lulungkot ng awit
noon. Ngunit hindi ako nalulungkot
ngayon, kahit inaawit ko ito, dahil para bang nariyan lamang sila. Ang aking
Inang. Ang aking Amang.
MALIGAYANG BUHAY SA LAHAT NG AMANG
HALIGI NG TAHANAN!
At kung may makababasa na nakaaalam ng mga nabanggit kong
una at pangalawang awit, ikatutuwa kong makatanggap ng input mula sa inyo para makumpleto ang lyrics ng mga ito.
nag-iinterview ako ng mga haranista dito sa aminpara sa Bulacan Festival of Folk Music, inawit ng gitarista naming lalaki ang awit na iyong nai-post sa blog mo na ito. iyong mayroong "masdan mo't naririto..."
ReplyDeleteThank you for the lyrics of “masdan mo’t naririto”, my Papa n Mama used to sing this as duet, like Carmen Rosales n Rogelio de la Rosa, famous in Tagalog screen during their time, I miss them but singing n playing this song on the piano rings me tears, I love you Pa n Ma
ReplyDeleteHi Anonymous,
ReplyDeleteNatutuwa ako na may nakakaalam ng nasabing awit na "masdan mo't naririto". Muli ko tuloy naalaala ang aking mga magulang. Naisip ko lang, sana, higit ko sanang kinausap sila noon at tinanong tungkol sa kanilang buhay. Nanghihinayang ako, kaya kahit paano, ginawa ko ang blog na ito upang kahit ako'y wala na, may masisilip pa ring "ako" ang aking mga naiwan sa mga maababasa nilang isinulat ko.