HISTORIA DE UN AMOR
BINULUNGAN
ako
ni Ka Luming, ang aking katabi sa pagkakaupo sa mga inukit na upuang bangkong
kahoy na nakapalibot sa pabilog na chapel sa loob ng Tagaytay Highlands na
pinagdarausan ng kasal ng kanyang kapatid.
“Isulat mo nga ang historia de un amor ni Manoling
at ni Claring.”
Natawa
ako. “Dated na dated ka naman, Ka Luming. Historia de un amor. Panahon ng mga kantang Malaguena
at Andalucia. Bakit, iyon ba ang theme song nila? Saka, di ba Claire at Manny na sila ngayon?”
Natawa rin si Ka Luming. “Ay, basta sa akin, e Manoling at Claring pa
rin sila. At tama ka, panahon nila ang
kantang iyon.”
Hindi na ako sumagot at
tahimik na naming itinuun ang aming
pansin sa mga ikinakasal. Malakas
ang hihip ng hanging nagmumula sa mga kahoy sa paligid at sa dakong ibaba ng kinaroroonan ng lawa ng Taal. Paminsan ay inililipad nito ang nakaalampay
na puti at burdadong spanish mantilla sa balikat ni Claring, sanay kami talaga sa Claring. Isang simpling damit na mahaba na yari sa
malambot na satin lace ang suot niya,
kulay ecru, at ang tanging suot na alahas ay ang sinaunang kuwintas na may
palawit na locket na mana niya sa kanyang ina.
Simpli rin ang ayos ng kanyang buhok, na natural na kulot, sa warm
brown na kulay na bumagay sa kanyang kutis-kayumanggi. May
catleya sa kanyang buhok sa gawing kaliwang tenga.
Hindi
ko kilala si Manoling. Noon ko lamang
ito nakita. Guwapo naman. Matikas
at kagalang-galang ang dating sa
suot na barong na pinya. Bagay silang
dalawa ni Claring.
Hindi
ako nakatiis at ako naman ang bumulong sa aking katabi. “Bakit, may istorya ba ang dalawang
iyan? Di ba isang simpling love story
lamang ng mga nasa dapit-hapon na ng buhay?
Kapwa nag-iisa na, nagkakilala sa isang parti, nagkagustuhan, at ngayon,
e, napakasal?"
Nagtakip
ng abaniko sa bibig si Ka Luming. “Tama
ka. Nagkagustuhan nga at ngayo’y ikinakasal. Simpli nga, pero maganda sa kanyang
kasimplihan. Bakit, di mo ba kayang magsulat
ng simpling kuwento? Kailangan ba, e,
laging masalimuot, maraming tunggalian,madrama?” nilingap ako ni Ka Luming, nakataas ang
kilay, may paghamon sa kanyang tinig.
Nakanti, nasundot ang aking writer’s ego.
“Kaya naman, bakit hindi, may simpli namang maganda…” mahinay kong sagot.
Ngumiti si Ka Luming. “Mamaya sa reception, kwento ko sa iyo buong
istorya. Hindi naman sa abroad lang sila
nagkakilala, doon lamang muling nagkita.
Dati silang magkabarkada. At
nakikita mo ‘yang maingay na grupong ‘yan?
Barkada iyan ng dalawa noon,”
sinulyapan ni Ka Luming ang mga katabi naming mga golden girls at boys
na panay ang bulungan at tawanan.
Napatango
ako. So, may history naman pala ang dalawa. May posibilidad, kumbaga.
Sa
reception na ginanap sa loob rin ng Highlands, muli kaming nagtabi sa upuan ni
Ka Luming. At nagkuwento na ito.
Teacher na ako nang malipat ng destino sa
trabaho ang Amang sa Lucena, kaya alsa-balutan kaming lahat mula
Bulacan hanggang Quezon. Napadestino na rin kami ni Aning. Nasa
elementary naman si Claring at sa
haiskul ang iba pang kapatid namin.
Naging eskwela ko sina Claring at Manoling sa Grade Five. Matalino si
Manoling. Noon pa lamang, napansin ko
nang iba ang tingin nito kay
Claring. At minsan nga, nahuli ko siyang
nag-ipit ng love letter sa libro nito.
Na siempre, agad kong sinita.
Pinangaralan. Hindi ko naman pinagalitan, bagkus pa nga ay tiniyak
kong mahinahon ang pakikipag-usap ko sa kanya.
Pero, siguro, mas may dinalang takot ito sa kanya. Mula noon, nagpakalayu-layo na ito kay
Claring. Pero alam kong Manoling did
carry a torch for her all those years,
although kahit kailan, hindi na
ito nagsalita kay Claring tungkol sa bagay na iyon. Hanggang sa akin siya nagsabi.
Napatigil ako sa pagsubo ng
aking kinakain sa narinig sa Ka Luming.
“Sa iyo?”
Tumango si Ka Luming. “Sa akin niya ipinadala ang kanyang
sulat. Itinago ko.”
“Dala mo?” nilingap ko si Ka Luming.
Ngumiti ito. At ang mga kasunod ko pang tanong ay pinutol
ng tinig ng emcee na isa sa mga kabarkada nina Claring at Manoling. “Mga mahal at piling panauhin sa
napaka-espesyal na okasyong ito… na kaya ko ito nasasabi ay napansin kong mga
malalapit na kamag-anak lamang nina Claring at Manoling ang naritong inimbita,
at saka kami na mga kaiskwela nila sa haiskul.
Di ba chosen few tayong lahat?
Palakpak naman diyan!”
Hiyawang umaatikabo mula sa mesa ng
mga kaibigan ng ikinasal ang naging sukli sa pahayag ng emcee. Nagpatuloy ito at nakinig kami. “Sa wakas… tunay na sa wakas… natupad na rin ang pangarap sa
buhay ng aming kaiskwelang si Manoling.
Elementary pa lamang ay may
pag-ibig na ito kay Claring. Ang totoo,
kaming lahat, may crush kay Claring na bagong lipat sa aming eskwela, galing ng
Bulacan. Pero isa man ay walang
nagtangkang manligaw sa kanya dahil dalawang kapatid ni Claring ay mga teacher
sa aming iskul. Misses Pedroza, good
afternoon po!” kumaway sa dako namin ang
emcee at kumaway din si Ka Luming at ang nasa kabilang
mesa na si Ka Aning, kapatid nilang isa ring guro. Kapwa sila hindi nag-asawa.
“Kaya ang nangyari, palakad-lakad na
lamang kami sa harapan ng bahay nila, at totooiyong
kasabihang matanaw lamang namin ang bubungan nito, e, maligaya na kami,
lalung-lalo na itong
si Manoling na siyang pinakamasidhi ang pagmamahal sa kay Claring. Sa dami ng may crush kay Claring, wala isa
mang nakaligaw, natapos at natapos kami
sa haiskul. Pero diyan kayo bibilib kay
Manoling, ibang mag-isip. Tipong may
pagka-sipsip sa teacher. Tinatawagan ko
rito si Miss Pedroza, ” tumingin ang
emcee sa amin.
Hagalpakan na namang umaatikabo ang
mga nasa hapag na kaiskwela nina Claring.
Nakangiting
nilingap ako ni Ka Luming, sabay tayo at bitbit ang kanyang handbag na
lumapit sa may podium. Inabot ni Ka Luming ang microphone mula sa
emcee. “Good evening to all of you. Let me explain something here. Hindi ko
tatawaging pagsisipsip ang ginawa noon ni Manoling. Ang pagsisipsip, sa pagkakaintindi ko, ay ang
paggawa ng mga bagay na inaakala ng gumagawa na ikatutuwa ng isang guro. Halimbawa’y pagreregalo ng bulaklak, pagkain,
pagtulong sa pagdadala ng kanyang gamit.
On the contrary, ang ginawa ni Manoling noon ay pwede pang ikagalit
ko. Sumulat siya ng love letter kay
Claring, pero sa akin niya ipinadala.
Aba’y ginawa pa akong tulay. E,
kung bumagsak ang tulay!”
Sigawan ang lahat, hindi
magkamayaw sa ingay. May narinig pa ako
sa kabilang mesa, okey si Miss Pedroza, and to think,
napaka-istrikto niya noong araw!
Nagpatuloy si Ka Luming. “Ang sabi ni Manoling sa sulat niya, sa akin
daw niya sinasabi na honest ang intentions niya kay Claring, pero aminado
siyang bata pa sila at nangako siyang itutuun niya ang kanyang panahon sa
pag-aaral, kaya hindi muna siya magtatapat ng pag-ibig dito. Pero, gusto raw niyang malaman ng pamilya namin
ang kanyang nasasaloob. Pakiusap lamang
niya, kung maaari raw, kung sakali at mapansin ko na may manliligaw kay Claring
sa panahon ng kanilang pag-aaral na
wari namang napupusuan na nito, ang
nasabing sulat niya ay ibigay ko rito.
Pero kung wala naman, in time, sabi niya, siya na mismo ang lalapit at
magsasabi kay Claring.”
Ang hawak na
handbag ay binuksan ni Ka Luming at isang mamula-mulang enbelop ang kinuha sa
loob nito. “Itinago ko ang sulat. Narito,”
itinaas ni Ka Luming ang sobre.
Nagpapalakpakan, lahat ay tumingin sa kinaroroonan nina Manoling at
Claring. Pulang-pula ang mukha ni
Manoling. Siyang-siya naman sa
pagkakangiti si Claring.
Si Ka Luming, hindi pa tapos. “May ilan pa kayong kaiskwela na regular na
dumalaw kay Claring sa P. Campa sa inupahan naming apartment nang lumuwas na
kami ng Maynila at nag-aral na sila.
Waring hindi naman nanligaw, pero regular ang pagdalaw. Pero, wala si Manoling sa mga ito. At dahil ako ay napakiusapan, lagi ko namang
pinakikiramdaman si Claring kung may nagugustuhan na. Hanggang makatapos sila ng pag-aaral at
nagsipagtrabaho at si Claring ay nagbalak mag-aral na naman. Sa abroad.
Noon pa man ay hinihintay ko na
ang pagdating ni Manoling, pero isang sulat na naman ang dumating sa
akin.”
Mula sa handbag ay muling dumukot
ng sobre si Ka Luming, itinaas para makita ng lahat. Muli,
palakpakan. Bahagyang
inayos ni Ka Luming ang salamin sa mata at binasa ang sulat ni Manoling.
Dear Miss Pedroza, Nabalitaan ko mula sa isang kaiskwela namin
na matalik na kaibigan ni Claring na aprubado na ang aplikasyon niya sa
pag-aaral ng kanyang Masters sa abroad.
Sa harap ng ganitong pangyayari, naisip kong ituloy na rin ang aking
balak na kumuha ng graduate studies sa abroad rin. Isa itong scholarship na noon pa offered sa
akin, na dahil parang conflict sa noon ay binabalak ko nang paglapit kay
Claring, ay ambivalent akong ituloy.
Pero ngayong paalis pala siya,
fate has made the decision for me. Alam ko, Miss Pedroza, deep in my heart, na
darating din ang tamang panahon para sa aming dalawa.. This was written so
many, many years ago and this I will keep, but the other one, the first one, I
am now giving to Manoling and Claring as my wedding present for them.”
Agad namang tumayo sina Manoling at Claring
at kinuha ang sobre sa Ka Luming, sabay halik sa magkabilang pisngi nito.
“Thank
you, Miss Pedroza,” hinarap ng emcee
ang mga panauhin, “let’s give Miss Pedroza a big hand.”
Inihatid
ng masigabong palakpakan si Ka Luming hanggang ito ay makaupo sa aking
tabi. “Galing naman,” bulong ko sa kanya. “Pero, kay tagal naman ng tamang panahon
nila.”
“There is
a season for everything under the sun,”
sagot ni Ka Luming na nakatingin sa may podium. Iniaabot ng emcee ang microphone sa isang
kaibigan ni Claring.
“Ako si Linda Poblete Asuncion,
kaiskwela, kabarkada, kaututang-dila, katapatan ng mga sikreto ng puso ni
Claring, mula elementary hanggang sa kolehiyo.
Laman kami ng bahay nina Miss
Pedroza noon. At totoong hindi namin kasama si Manoling , physically,
pero in spirit, lagi siyang naroon. Ang
mga kabarkada naming boys ay mga loyal lahat kay Manoling, kasi raw,
pinakokopya sila nito ng homework noong araw, kaya kung panay man ang dalaw
nila kay Claring, e, dahil binabantayan nila ito for Manoling. Ito namang si Claring, kapag tinutukso nila
sa mga nanliligaw dito, e, nagsasabing marami pa siyang plano sa buhay at ang
pagbo-boyfriend ay wala rito. Tulad na nga ng pag-aaral sa abroad. Na ginawa niya. Nagkataon namang si Manoling ay umalis din
at nag-aral doon.
Noon
na nagkahiwa-hiwalay ang aming barkada.
Kani-kaniya nang buhay.
Trabaho. Pagpapamilya. Hindi na nagkabalitaan. Wala nang umuuwi sa probinsiya. Hanggang nag-silver jubilee sa haiskul. Wala sina Claring at Manoling, pero,
maliwanag ang balita, kapwa may asawa na ang dalawa. Kapwa nasa America. May mga anak na. Pero dahil sa silver jubilee, naging aktibong
muli ang dati naming barkada. Lagi na
kaming dumadalo ng reunion sa
haiskul. Maya’t maya ay nagkikita-kita,
nagkakantahan, at huwag kayong aalis, mamaya ay magkakantahan at sayawan pa
tayo. At balik tayo sa kuwento ko,
hanggang nagkatagpong muli sina Manoling at Claring. Sa abroad… pero, Claring, Manoling, kayo na ang magtuloy ng
inyong
historia de un amor na ngayon lamang masisiwalat sa madlang pipol.”
Sabay
na nagtungo sa harapan sina Manoling at
Claring. Nakangiti silang
pasulyap-sulyap sa isa’t isa. “Ano ba
ito, wedding reception? Roasting? Or
what?” tanong ni Manoling.
“Share…” sigawan ng barkada.
Inakbayan ni Manoling si Claring. “Okay,”
sabi nito. “Para matapos na ito
at nang maumpisahan na ang kantahan at sayawan!” Palakpakan ang barkada.
At nagsimula na si Manoling. “Tama si Miss Pedroza… si Ka Luming…”
Siniko ako ni Ka Luming. Nilingap ko siya. Nakangiti siya, may kislap ang mga matang
matamang nakatingin sa kina Manoling at Claring. At naisip ko, gusto niya si Manoling para kay
Claring, noon pa man siguro. At natutuwa
siya sa mga nagaganap ngayon. Ibinaling
ko ang aking pansin kay Manoling.
Pinakinggan ito sa pagsisiwalat, sa pakikibahagi nito ng kanilang buhay
ni Claring sa mga panauhin.
Si Claring ang first love ko. At bukod sa sulat na itong ipinadala ko kay
Ka Luming, may una pa akong sulat, iyong inipit ko sa libro ni Claring noong
grade five kami, kung saan nahuli ako ni Ka Luming. Itinago ko rin ito dahil naisip ko noon,
pagdating ng panahon, gusto kong maibigay ito kay Claring, para maipakita sa
kanya na noon pa man, in love na ako sa kanya.
Hindi ko alam, aabutin ng mahigit sa kung ilanpung taon bago ko magawa
ito. Iyon pa man, Claring, tanggapin mo
ito…
Mula sa bulsa ng pantalon,
dinukot ni Manoling ang isang nakatuping pad paper. Iniladlad muna niya ito at iniharap sa aming
lahat at maliwanag naming nabasa, sa napakalalaking letra ang mga salitang I
LOVE YOU, CLARING. From MANOLING.
Ang petsang nasa sulok ng papel ay bagong sampa lamang ng dekada
singkwenta.
Nakangiting inabot ni Claring ang
loveletter ni Manoling. At siya na ang
nagtuloy sa pagkukuwento. Noong high school, halata ko nang may
crush sa akin si Manoling, pero hindi ko pinansin, bagama’t hanga ako sa kanya,
mabait siya at matalino. Isa pa’y hindi
naman niya ako nilalapitan. Nang nasa
kolehiyo na kami, dahil magkaiba naman, hindi
rin kami nagkita. Nagpapakumusta
naman sa mga kaiskwela, pero ganoon
lang. Interesado ako sa kanya pero wala
naman siyang sinasabi, wala ring ipinahihiwatig, panay kumusta lamang. Nang nag-aral ako sa abroad, naiisip ko pa rin siya, pero nang
naroon na ako, naiba na ang aking buhay.
Marami akong bagong kakilala, isa sa mga ito ang naging kapalaran ko sa
buhay. Nalimutan ko na ang
nakaraan. Malayo na ang high school
days, ang high school barkada. Except
maagang nawala sa aking buhay ang aking kabiyak. Maayos naman ang aking naging kalagayan..
May isa akong anak na napag-aral ko at nagtatrabaho na sa
Manhattan. Minsan ay niyaya niya akong
sumama sa isang party ng isang kaibigan., mga Pilipino lang ang imbitado. Ipakikilala raw niya sa akin ang dalagang balak niyang
ligawan. Naroon din daw ang tatay nito,
mainam at nang magkakilala raw kami…
“Si
Manoling! Si Manoling ang tatay ng
dalagang gustong ligawan ng anak ni Claring!” excited kong wika kay Ka Luming.
Natawa si Ka Luming. “Ay, naku, writer ka nga! Naghahanap ng conflict para gumanda ang
kuwento. Sabi ko naman, simpli lamang
ang historia de un amor nina Claring at Manoling.”
Medyo may kaguluhan rin sa mga
panauhin. Sabay-sabay na
nagtatanong. Si Manoling ba
iyong tatay? O, iyong anak n’yo,
nagkatuluyan rin ba? Bakit wala sila ngayon?
Itinaas ni
Manoling ang dalawang kamay, pinayapa ang mga nagkakaingay. Sabay silang umiiling ni Claring.
“Hindi ako ang tatay noong liligawan ng binata ni Claring. Iba.
Bisita lang ako doon, kaibigan noong sinasabing tatay na pilit akong
isinama para daw malibang dahil nga sa kamamatay lang noon ng aking
maybahay. At doon na nga muling nagkurus
ang landas namin ni Claring. And here we
are now,” nilingap nito si Claring, saka hinalikan sa pisngi.
“At wala ang mga bata ngayon dahil hindi
sila basta nakaaalis sa trabaho nila,” sambot ni Claring. “Saka, kasama na namin sila sa civil wedding
doon sa abroad. Ang kasal naming ito ay
para sa inyong tagarito. Gano’n kayo
kalakas sa amin,” pagtatapos na wika ni
Claring.
Mula
sa kung saan, lumabas ang isang string quartet at nagsimulang humilis ng biyulin. Ang pag-awit ay nagsimula sa aking tabi,
sa Ka Luming, na sinabayan ng mga
kaiskwela nina Claring at Manoling,
mahinay sa simula, papalakas
kalaunan. Ya no estas mas a mi lado corazon,
En el alma solo tengo soledad, Y si ya no puedo verte, Porque Dios me hizo
quererte, Para hacerme sufrir mas… Nagsimulang magsayaw ang mag-asawa. Kay ganda nilang pagmasdan! At naisip ko, paano na kung nagkataong si
Manoling pala iyong tatay ng liligawan ng anak ni Claring? Paano na ang pag-ibig ni Manoling?
Nilingap ko si Ka Luming, sa mahina nitong
pagkanta. Siempre fuiste la razón de mi existir,
Adorarte para mà fue religión, Y en tus besos yo encontraba…
Tumingin siya sa akin at sa aking isip ay para kong
narinig ang kanyang tinig. Talagang
simpli lang ang istorya. Walang suliranin. Walang conflict. Kailangan lamang ay tiyaga sa paghihintay ng
tamang panahon.
At napatango ako. Pagkatagal-tagal man, bumilang man ng
maraming, maraming taon, ngayon pa lamang ang tamang panahong itinakda para sa
mga ito.
Simpling istorya pero nakakakilig. And yes, I do believe, in God's time and in God's way, nangyayari ang Kanyang kagustuhan. Ang says. Sana, lahat ng first love, ganyan ang ending:((((
ReplyDeleteRuby