AND THE SAGA CONTINUES…
Sinagot ko ang liham ng sumulat sa akin tungkol sa “awit
ng aming kamusmusan”.
Ang mga magulang ng kanilang ninuno ay nagmula sa
Katimugan ng Pilipinas bagaman at ang nagturo sa kanila ng awit ay dito na sa
Kalakhang Maynila lumaki. Kung paanong ang
nagturo naman sa akin nito ay dito sa Gitnang Luzon isinilang, lumaki,
nagpamilya, at sumakabilang-buhay.
Wala pa ring kasagutan ang katanungan kung saan
nanggaling ang awit. Isang awit na pambata, kung ang pagbabatayan ay ang kasimplihan
ng himig. Ngunit kung susuriin naman ang
lirika, ang mga salitang ginamit lalo na sa dakong hulihang linya, wari ay
patungkol ng isang binata sa isang sinisinta. Na ngayon ko na lamang
napag-uukulan ng pansin.
Noong araw, basta, inaawit ko ito. Lalo at kabilugan ang
buwan, kukunin kaagad ng aking Amang ang kanyang gitara, patatayuin pa ako sa
isang silya o mesa, at voila! Bira na agad ng kanta. Con todo arte pa. Dibdib ko’y may susi (kakatukin ko pa
ang tapat ng aking puso), pilit na
bubuksan (kunwari ay pipihitin ko ang susi) Sa ngayon, showbiz ang tawag
dito.
Sabi ko sa sumulat sa akin, sa malao’t madali,
matutuklasan rin namin ang misteryo sa likod ng nasabing awit.
Samantala, sa kasalukuyan, dalawang angkan na hindi pa
nagkikita, hindi magkakilala, ang pinagbubuklod na ng isang awit.
Patuloy, ang awit ay magpapasalin-salin sa mga
henerasyon, kung paanong inawit ng mga anak ay inawit na rin ng mga apo at aawitin
pa ng mga apo sa tuhod.
No comments:
Post a Comment