Monday, April 1, 2013

Mapaghimalang Silid

Mapaghimalang Silid

Nang nakaraang buwan, isang balikbayang anak ng National Artist na si Guillermo E. Tolentino, Manlililok, ang namasyal sa Malolos, sa tahanang tinirahan nito noon upang makita na rin ang marker na inilagay rito kamakailan.




Kasama ang isang kapatid, sila ay umuwi, kasabay ang tatlong pinsan ng aking kasama.  Nais rin daw nilang makita ang lumang bahay na minsan, isang panahon, nang sila ay mga bata pa, ay binibisita rin nila dahil magkakaibigan sila ng mga pinsan naming naninirahan dito noon.  Sumama na rin sa pagdalaw ang kapatid at maybahay ng aking kasama.

Kaya ang nangyari, ito ay isa muling balik-bisita sa lumang bahay na nitong nakaraang taon ay laging laman ng aking blog dahil sa samu't saring pagpapaayos.  Ngunit kakaiba sa mga naunang kwento tungkol sa bahay, hindi lamang ito naging balik-bisita.  Ito'y naging isang balik-tanaw sa nakaraang panahon.




Ang kasamang pinakamatanda sa mga pinsan, na noon ay isa lamang batang paslit, ay balik-balik na lumilibot sa buong bahay.  Habang naglalakad ay parang monologue na nagsasalaysay ng mga gunitang gumigitaw sa kanyang isipan habang minamalas ang paligid.

Diyan... diyan sa ilog na iyan kami namamangka.  Maluwang pa iyan, malinis, malinaw ang tubig. 
(Punung-puno ng water lily ang ilog, na bukod sa makitid na, ay mababaw pa sa mga itinatapong basura.)  At sa silong, nagtitinda ako ng bangus.  (Tinda-tindahanan?)






At diyan ako natutong lumangoy, sabad ng nakababatang kapatid.  Kaya nang mag-aral ako sa UP, hindi na problema ang swimming ko.  Saka, may puno ng sampalok sa tabi niyan.  Lagi akong nasa itaas nito at nanginginain.  May nanghingi pa nga ng isa, kaya tinapunan ko ng isa.  Sabi ba  naman, 'isa nga ang 'binigay!'  E, isa ang hiningi mo, sabi ko naman.


Ang nakababatang pinsang ito ay kaiskwela ko sa elementarya, na-accelerate nga lamang siya noong Grade 4 kaya nauna siyang nagtapos sa akin.  Noon pa man ay magkaibigan na kami at malimit ngang niyayaya kaming mga kaiskwela niya na mamasyal sa Sabitan kapag panahon ng baha.  Sabik kami sa baha, dahil masarap magtampisaw rito dahil malinis pa ang tubig.  Itinuturo niya sa amin ang kanilang bahay sa tapat ng poso artesyano (na ito mismong bahay na binibisita nila ngayon) bagaman at sa bahang kalsada lamang kami naglalagi.  Ni wala sa aking hinagap na darating ang panahong sa nasabing bahay na ito ako ay maninirahan, kapag nadadalaw sa Malolos.  Ang buhay nga naman.

Nasaan ang hagdan,
tanong ng anak na babai ni Ka Memong, tawag sa National Artist ng mga kamag-anak at kanayon. Ipinakita sa kanya ang hagdang pababa sa likod-bahay.  Ang tanda ko, pagpanaog ko, ilog na!  (Nawawala yata ang hagdanang naaalaala niya.  Baka ibang bahay iyon, may nagbiro.)

Nasaan ang banggera?  Ang tauban ng plato?  Ang suksukan ng mga baso?  Ang paminggalan?


Hayan, sabi naman namin.  Inayos lang, para matibay-tibay.  Mayroon nang  bintana at kita pa rin ang ilog at ang mga puno sa bakuran.

Noong panahon ng Hapon...
may kung sino'ng nakaalala.

At ipinakita na ang butas sa dilenterang pinto na dinaanan ng bala ng baril na tumagos hanggang sa capiz na bintanang nakaharap sa ilog.  Buti, walang tinamaan.

Napunta ang usapan sa panahon ng Hapon.  May nagtanong sa aking kasama.  Saan ka naroon noong panahon ng Hapon?

Ang sagot:  Ewan, tao na ba 'ko n'un?
Sa totoo lang, itinatago raw siya sa silong ng bahay, sa pagitan nang nakasalansang takba ng mga telang paninda.  O kaya ay nasa air raid shelter kasama ang matatanda.

Noon namin narinig, sa unang pagkakataon, mula sa trese anyos noon, higit nang otsenta ngayon, ang kwento ng silid.  Nang mapaghimalang silid, her words.

Anong silid?  Aling silid?
  Ang tanungan.

Iyan!
  At itinuro ang silid-tulugan namin ngayon.

Owww...
  sa loob-loob ko. 

At nagkwento ang aming pinsan.  Bata pa 'ko n'un.  Tandang-tanda ko.  Dumating ang balita na mayroong mga sundalong Hapong umaakyat sa mga bahay at ang makitang mga babae ay ni-re-rape! May mga dalagang tagarito na sumugod dito para magtago.  Ang ginawa agad ng aming Lolo ay inipon kami sa silid na iyan.  


Sa puntong ito ng pagkukwento niya,  agad siyang pumuwesto sa harapan ng pintuan ng silid at nag-utos sa may hawak ng camera, picture, picture! 

   
At nagpatuloy siya matapos ang kodakan.  Sa loob ng silid, inatasan kami ng aming Lolo na magdasal nang taimtim.  Taimtim na taimtim.

Sa pandinig ko'y dumadagundong ang rumaragasang mga paa nang umaakyat na mga sundalong Hapon sa hagdanan.  Ang silid na kinaroroonan namin, mismo, ay kitang-kita, dahil nakaharap ito sa hagdanang inakyat ng mga sundalo.  Sunod, narinig namin, balik-balik ang mga Hapon sa kabahayan, mula loob hanggang sa kusina.  Balik-balik sila!  Mamamatay yata kami sa matinding takot.  


Ang silid na ito ay kitang-kita sa sala, tiyak, agad mapapansin ng mga ito.  Ngunit mandin, hindi nakita ng mga sundalong Hapon ang pintuan ng silid. 

Matapos ang wari ay napakahabang panahon, sila ay tuluy-tuloy nang nanaog.  Umalis.  Nang gabi ring iyon, nagsilikas kaming lahat, sakay ng kasko, nagtungo sa malayo, para magtago.


Kung iisipin, ano ba ang nangyari?  Paano  ipaliliwanag ang nangyari noon?Talaga bang hindi nakita ng mga sundalo ang pintuan ng silid?  Laki-laki ng pinto?  At pag-akyat sa hagdanan, tanaw agad ang silid.


Himala!  Iyon lamang ang dahilan.  Iniligtas kami ng aming mga panalangin. Totoo ngang ang lahat ay natatamo sa taimtim na pagdarasal.  Ito ay isang mapaghimalang silid!  Tunay na mapaghimala!
 


Sabi ng anak na lalaki ng Ka Memong, ingatan n'yo ang bahay na ito.  Bihira na ang ganitong mga bahay. 

Nilingap niya ang paligid.








 –  ang maluluwang na durungawan kung saan lagus-lagusan ang noo'y malakas na hangin, ang bakurang natatamnan ng mga punong-kahoy, ang kinauupuang mahabang bangko sa mesang kainan sa komedor.  Isang lumang bahay na hindi sa kategorya ng mga bahay na bato at tisa ng mga maykaya sa buhay, ngunit isang bahay na may mapaghimalang silid!

Na may bat in residence pa!
  Dagdag ko.

Paniki?
  Di makapaniwala ang aming mga kaharap.

Na nakatago sa kung saan at lumalabas kapag dumilim.  Sanay na kami at di na namin pinapansin kahit nagsasalimbayan sila sa  paglipad.
  Kwento pa namin.                           

Paniki?
  Ulit ng anak na lalaki ng Ka Memong.  Tumango.  Ang mga lumang bahay ay may buhay, kung iisipin.  Madarama mo ito, patuloy niyang wika.  


(Sa sandaling ito nang wari ay kanyang pagmumuni-muni, naalaala ko ang isang kaibigan, isang masasabing kindred spirit, na ang ngalan ay Liwanag rin, na miss ko na sa mga ganitong uri ng pag-uusap.)

May nakisagot, may ispiritu... 


Na tinanguan niya, ispiritu, ngunit waring may hinahanap pa siyang angkop na salita na maglalarawan ng nais niyang sabihin at ipakahulugan.

Doon ako sumagot.  May  soul?

Tumawa siya, tinanguan ako.  At thumbs up, sinabi niya, okey ka!

At napatawa rin ako.  Talagang okey ako, ayon ko naman.

Tunay, masaya at makahulugan ang araw na iyon ng kanilang pagdalaw.

No comments:

Post a Comment