Saturday, April 6, 2013

Isang Gabing Walang Telebisyon


Isang Gabing Walang Telebisyon
 
TUMILI si Anafe, kasabay ang alangang sigaw, alangang iyak nina Rowena, Soly at Bey.  Sumunod ang nananakot na tinig ni Ariel. Multo!  At ni Eric, Nanay!

Pumaswit si Rico.  “Magsitigil kayo!”

May tumakbo at sa kadiliman ng paligid ay nabangga sa isang silya.  Aruy ko po, ang sakit!  Si Soly iyon.

Rumagasa ang mga paa. may kung anong nasagi mula sa kusina, bumagsak ang isang aluminyong lalagyan, palanggana marahil, multo! sigawan at hagikgikan.

Galit na si Rico.  “Di ba titigil?  'Asan ba 'yung flashlight, Ana?”

Isang iindak-indak na apoy, munting apoy mula sa isang sinindihang palito ng posporo ang nag-ambag ng liwanag sa paligid.  “O. 'eto.”

Inabot ni Ana ang posporong hawak ng kanyang ama.  “Sandali nga, Ama.”

Tumalikod si Ana at tinungo ang kabinet na pinaglalagyan niya ng mga kandila. Nadaanan niya ang kanyang ina at naulinigan ang sinasabi nito na waring kinakausap ang sarili.  Bakit kaya?  Ba't kaya nawalan ng kuryente?

Ang mga kandila ay nasindihan at sabay-sabay nagkantahan ang mga bata. Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday...

Hinanap ni Ana si Rico.   Nakasalubong niya ang asawa sa may pintuan,  sa may porch.  “Isinara ko 'yung gate, mahirap na,” wika nito.  “Siyanga pala, aalisin ko pa sa pagkaka-plug iyong refrigerator at tv.”

TV.  Nakangunot ang noo na tinungo ni Ana ang silid-tulugan ng mga anak.  Sa liwanag ng aandap-andap na kandila ay sinimulan niyang ayusin ang mga higaan. Walang kuryente.  Walang tv.  At ang telebisyon lamang ang inaasahan niya na mapagtagal sa pagbabakasyon sa kanilang bahay ang kanyang mga magulang.

Taon na ang binilang ng balak na bakasyong iyon.  Noon pa mang suwertihin silang magkabahay sa Marikina.  “A, siguro naman, e makaluluwas na kayong madalas ngayon,” aniya.  “Malakas ang hangin sa Marikina.  Dating bukid iyong subdibisyon namin.  Wala na kayong maikakatuwiran na mainit, pareho sa apartmen.”

Sagot ng kanyang ama.  “Hayaan mo.  Darating nalang kaming bigla ng iyong ina.”

Iyong pagdating nang bigla ay hindi kailanman dumating.  “Pa'no ba, e mahirap maiwan itong bahay.”  wika ng kanyang ina.  “Sino'ng magpapakain ke Duke.”

At magpapatuka sa mga bibi at magdidilig ng mga halaman at kung anu-ano pang mga gawain na maaari namang gampanan ni Ester, ang kasama ng mga ito sa bahay.

Ngunit kahit na mahigpit ang kumbida ni Ana sa kanyang mga magulang na magpalipas naman ng kung ilang araw sa kanilang tahanan ay alam din niya na talagang hindi basta-basta makaaalis sa kanilang bahay ang mga ito.  Ang dahilan, may pamangkin siyang dalaga na ulila at sa kanila nakatira.  Sino ang makakasama nito sa bahay maliban kay Ester kung aalis ang dalawang matanda.

Hanggang sa magkaasawa ang kanyang pamangkin.  At sa wakas, natuloy na rin ang balak na bakasyon.

Nang sunduin nila ito, bago paandarin ang kotse nagtanong muna si Rico.  “Ayos na ba ang lahat,  Ama.  Baka may nakalimutan ang Ina.”

Nilingon nya ang dalawang matanda sa likod ng kotse.  Nag-iisip ang mga ito.  “Nadala mo ba iyong bote ng burong mangga?”  tanong ng kanyang ama.

Tumango ang kanyang ina.  “Kasama n'ung bote ng gawa kong pickles.”

“E, iyong itlog na maalat.  Saka iyong natirang kare-kare?”

“Aba'y ikaw 'kamo ang magbabalot n'un.”

“Aba'y akala ko'y binalot mo na.”

Ang mga maiiwan na nasa tabi pa ng bakod at hinihintay ang kanilang paglakad ay mabilis namang kumilos.  Ang naiwang itlog at kare-kare ay naihabol.  “Diyos ko, aba, e dala na ninyong lahat.  Baka wala nang matira sa amin,” angal ng kanyang pamangkin.  Lahat ay nagtawanan.

Hanggang ang kotse ay pinaandar na.  “O, iyong aso, baka makalimutan ninyong pakainin,” paalala ng kanyang ina.

“At iyong mga pinto, kung gabi...” sabi naman ng kanyang ama.

Siguro kung mga sampung beses lamang ay naipagbilin na ang mga iyon.  At natulak rin sila sa wakas, sa gitna ng di magkamayaw na paalaman, pati ng mga kapitbahay.  Babay babay,  susulat naman kayo.  Na para bang magtatawid dagat ang dalawa at di sa Marikina lamang pupunta.

Masaya ang unang gabi ng bakasyon.  Okupado ng kanyang ama ang dahilig na silyang rattan ni Rico.  At ang kanyang paboritong sopa ng kanyang ina.  Nasiyahan ang dalawa sa panonood ng Superstar sa telebisyon.  “Ganda ngayon si Nora, ano.”  wika ng kanyang ina.  At nagpalakpakan ang mga bata.

Ginabi rin ang dalawa dahil kasama nilang tinapos ang Mission Impossible.  “Iyan lang ang mainam sa may telebisyon, di ka maiinip sa bahay,” wika naman ng kanyang ama.

Sa  umaga, binayaan niyang magkulakuti sa bakuran ang kanyang ama.  Naroong maggupit ito ng tumataas na damo sa bakuran.  Nariyang suhayan nito ang humahapay na puno ng Donya Aurora.  Naghasa ng mga kampit at kutsilyo, ke pupurol naman.  Paano ninyo nagagamit ito.  Pinagtiyagaang sulutin ng aspili ang pinong butas ng salaan na tinigasan ng nilutong gulaman.  Inayos ang mga umuugang ulo ng sandok.  Inalisan ng tuyong sanga ang puno ng bataw.  Ang matagal nang punla at malaki ng puno ng mga sili sa paso ay pinaglilipat sa isang sulok sa likod-bahay.  Ang mga sirang silya ay sinuliyahan, buti't nadala ko ang aking mga gamit.  Ang mga pigtas na tsinela ay pinagtatahi.  Buti't di ko nakalimutan ang aking malaking karayom.

Sa pagluluto, kinatulong niya ang kanyang ina.  Tinanong niya ito sa mga kalutong ba't hindi niya makuha ang stroke, lahat naman ng sangkap nito'y isinasangkap din niya.  At pinatikim din niya ito ng kanyang bersiyon ng chicken curry.  At naghaleya sila ng malagkit na maraming gata ng niyog.  At nagluto pa sila ng ginaok.  Nag-usap sila tungkol sa pananahi.  At ang mga sulsihing kamiseta ay ibinigay niya sa kanyang ina.  At hinayaan niya itong bungkalin ang paligid ng mga puno ng rosas.

Nang yayain niya ang kanyang mga magulang sa pagbabakasyon, kasama niyang sinabi na marami siyang ipagagawa at ipakukumpuni.  Alam niya, kanyang nabasa sa kung saan, ang matatanda na hindi sanay magbakasyon ay madaling mainip dahil hindi sanay ang mga katawan nito na walang ginagawa sa bahay.  Kaya sa dahilang nais naman niyang magtagal sa kanilang tahanan ang mga magulang, pinag-isipan niyang mabuti kung paano ito hindi mangaiinip.

Pagdating ng tanghali, binubuksan na niya ang telebisyon.  Sa mga channel na may ipinalalabas na mga lumang pelikula.  Si Carmen Rosales. Si Linda Estrella.  Nang bata pa si Tessie Agana.  Si Rogelio de la Rosa.  Paraluman.  Hanggang sa mga kantahan.  At sayawan ng mga young stars.  Kaunting pahinga lamang ng telebisyon makapananghali at sige na naman.  Kaunting pahinga muli sa dakong hapon at arya na naman.  Oras ng ligaya.  The Wow Generation.  At kung anu-ano pa.

Dalawang buong araw pa lamang sa kanila ang kanyang mga magulang ay nakumpuni na ang mga dapat kumpunihin.  Nagawa na ang mga dapat gawin.  Abot na ang mga oras na wala itong mga ginagawa.  Napapansin niya, waring inip na ang mga ito.  Si Rico ay maghapong nasa opisina.  Gabi na kung umuwi.  Ang lahat ng bata ay maghapon ding nasa eskwelahan.  Pagod na kung dumating at pagdating pa'y aasikasuhin naman ang mga leksiyon para sa kinabukasan.  Pagkatapos ay manonood ng telebisyon.  Siya ay waring naubusan na rin ng mga kwento at tanong.  Nalaman na niya kung sinu-sinong mga kamag-anak ang namatay.  Ang mga pininsang nakapag-asawa.  Ang samu't-saring tsismis sa kanilang bayan.

Miyerkoles ng umaga sinabi niya.  “Kalahating araw lang ang opisina ni Rico sa Sabado, Ama.  Ipapasyal namin kayo ng Ina sa Nayong Pilipino.”

“At sa Luneta, ang ganda!” sabad ni Bey.

“Sa Fort Santiago,” susog ni Eric. 

“Sa Manila Aquarium,” wika naman ni Ariel.

Hinimas-himas ng kanyang ama ang baba nito.  “Gusto na sana naming magpaalam ng iyong ina.  Alam mo na'ng iyong ina, madaling mainip pag walang ginagawa.”

Umungol ang kanyang ina.  “Ako pang dinahilan.  Ikaw ang me sabing tapos nang mga kumpunihin mo kaya parang gusto mo nang umuwi.”

Tumutol ang kanyang ama.  “Naku, ako pa'ng itinuro.  Baka akalain na lamang nireng anak mo'y...”

Sambot kaagad ang kanyang ina.  “Talaga namang ikaw.  Pero'ng totoo...” at siya ay binalingan nito, “nag-aalala ang iyong ama sa bahay.  Alam mo namang di sanay maiwan ang iyong pamangkin at kapapag-asawa lamang.  Di pa masyadong marunong mag-isa.”

Siya naman ang umungol.  “Kaya ho nu'n.  Saka Miyerkoles na ngayon.  Ang lapit na ng Sabado.  Sa Linggo na namin kayo ihahatid.”

Waring hindi nakumbinsi ang kanyang ama.  “Wala nang magawa rito.”

“E, di manood na lang kayo ng telebisyon.”

“Kung di nga lang dine sa telebisyon ninyo, e talagang nakakainip dito.  Du'n sa atin, parang hindi matatapos ang trabaho.  Laging may magagawa,”  sabi ng kanyang ama.

Sumabad ang kanyang ina.  “Kung gabi naman at medyo maalinsangan, e makapamamasyal kami sa me kanto, sa tindahan ng Kumareng Maria.”

Inip na nga ang kanyang mga magulang.  Hinahanap-hanap na ang mga dating gawi.  Alam niyang wala nang kauuwian ang kanilang usapan maliban sa pagtakda ng araw ng pag-uwi ng mga ito.  “Akala ko, isang buwan kayo rito,” sumbat niya.

Umugong ang tawa ng kanyang ama.  “Naku...”

“Sige. 'sang linggo na lang,” pagbibigay wari niya.

Muli, tumawa ang kanyang ama.  “Bukas na lang.  Pahahatid kami ke Rico du'n sa me highway.  Tamang masasakay kami ng bus na sa Diversion ang daan.”

May kung anong damdamin na nag-udyok na siya ay maging mapilit.  “Sa Linggo na, Ama.  Magsawa man lang kayo sa panonood ng telebisyon.  Du'n sa atin, e walang tv.  Mamayang gabi e makikita n'yo si Vilma sa Oh My Love.  Bukas naman e....”

“Hayaan mo't iisipin namin,” ang kanyang ina ang sumagot.


SAKA nawalan ng kuryente.

Malas.  Malas na malas, bulong sa sarili ni Ana.  Ano pang magagawa ngayong gabi.  Walang mapapanood.  Lalo nang maiinip ang dalawa.  Tiyak nang tuloy ang alis bukas.

Iiling-iling, lumabas ng silid si Ana.  Wala isa man siyang dinatnan sa salas.  Nakasalubong niya ang katulong.  “Nasaan sila?” tanong niya.

“Sa porch, Ate.”

At nalabasan niya ang lahat sa porch.  Ang kanyang ama sa inilabas na dahilig na silya ni Rico.  Katabi nito si Eric.  Sa may paanan ay nakatalungko si Ariel.  Nasa isang silya ang kanyang ina, kandong si Bey.  Sa isa pang silya ay sama sama, nagsisiksikan sina Anafe, Soly  at Rowena.  Lalakad-lakad si Rico sa may damuhan.  Nakapamulsa, titinga-tingala sa mabituing langit.  Sa mesang salamin, nakatayo sa gitna, nakatulos sa ibabaw ng isang delatang pork luncheon meat ang isang kandilang balyena.

Narinig pa niya ang sinasabi ni Rco.  “Iyang kuryente ang kapag sinabotahe, malaking bagay.  Paralisado ang marami sa mga pabrika at planta.  Walang tv, walang radyo, walang diyaryo.”

Hinila ni Ana ang isang silya at naupo, malapit sa kinaroroonan ng kanyang ina.  “Baka gusto na ninyong magpahinga, Ina,” bulong niya, kaalinsabay ang isiping kung natutulog ang mga ito, di na mararamdaman ang pagkainip.

Hindi nakuhang sumagot ang kanyang ina.  Nagsalita ang kanyang ama at nabaling ang pansin nito, ang pansin nilang lahat dito. 

“Ganitong-ganito lamang noong panahon ng Hapon.”

Tiningala ni Ariel ang nunong lalaki.  “Japanese,  Ama?  Hapon?”

“Anong Hapon?”  tanong ni Bey.

“Tao sa Japan,” sagot ni Rowena.

“Nakakita na ba 'ko ng Hapon?”  tanong naman ni Eric.

“'Pinanganak ka na ba nu'ng panahon ng Hapon?”  singhal ni Anafe.

“Gago!”  kasabay ang hagikgik, bulong ni Soly.

Pinandilatan ni Ana ang anak.  “Soly!”

Muli ang tinig ng kanyang ama.  Malaki, mababa, malalim. Sa madalang na pagsasalita.  Na wari, bawat salita ay hinuhugot sa nakabaong mga gunita.  “Sa Isabela ako inabutan ng giyera.  Doon ako nakadestino noon.”

“Ako nama'y nag-iisa,” sambot ng kanyang ina.  “Anim na magkakapatid ang iyong ina.  Dalawang taon lang at kargahin pa ang bunso.  At may kasama pa 'kong me sakit.  Ang Nana na siyang nag-alaga at nagpalaki sa inyong Ama.”

“Hindi nakababangon ang Nana, di ba?”  Umupo nang tuwid, umalis sa pagkakahilig sa silyang rattan ang kanyang ama.

“At talagang alagain.  Sinusubuan.  Sinisilbihan.”

Humingi ng sigarilyo ang matandang lalaki kay Rico.  Nang masindihan at makapagpausok ay muling nagsalita.  “Kaya alalang-alala ako noon.  Nagpasiya kaagad ako na umuwi,  kahit na maglakad.  Mula Isabela.”

Lakad!”  Sabay-sabay ang tinig ng mga bata.

Sinulyapan ni Ana ang kanyang ama.  Nagpatuloy ito. 

“Mula sa Jones, nagkotse kami.  Anim kami noon, hanggang sa Cordon.  Mula sa Cordon naglakad kami, walang humpay na lakad hanggang sa Penaranda, sa
Nueva Ecija ito.  Sa bundok ng Sierra Madre kami nagdaan.  Labindalawang araw kaming naglakad.  A-dose ng Pebrero ng kuwarenta y dos nang kami'y umalis ng Isabela.  Dinating namin ang Penaranda ng a-beinte tres.  .”

Nagbuntong-hininga ang matanda.  Napahinga rin nang malalim si Ana.

“Labindalawang araw sa bundok.  Ang mga lansangan ay talaga naming iniwasan sa dahilang baka kami makasalubong ng mga Hapon.  Umupa kami ng giya at ito ang nagturo sa amin kung alin ang susunod na bayang dapat naming puntahan upang makauwi kami.  Alam ba ninyo na kapag sinabi niyang a... diyan lamang sa makababa ng bundok ang susunod na bayan, tuwang-tuwa na kami.  Iyon pala ay kung ilang taas at baba ang bundok na iyon bago ang bayan na tinutungo namin ay aming makita.  Kung gabi'y nakikituloy kami.  Sa umaga'y sige na naman ang lakad.  Magang-maga na ang aming mga paa.  Sa pagod.  Sa di maiwasang paglusong sa malamig na tubig ng mga sapa at ilog na aming tinatawid.”

Palihim na sinulyapan ni Ana ang kanyang ina.  May kung anong pinapahid ito, parang may kinukusot sa mga mata.  Nakadama rin siya nang panghahapdi ng mga mata.  Muling nagsalita ang matanda. 

“Mula sa Penaranda, nagkalesa kami hanggang sa Gapan.  Mula sa Gapan, umangkas kami ng trak hanggang PlaridelBulacan na ito.  At mula sa Plaridel, sakay kami ng kalesa hanggang sa Malolos.”

Muli, nagsindi ng sigarilyo ang matandang lalaki saka binalingan ang asawa.  “Ikuwento mo naman sa iyong mga apo ang nangyari sa inyo noon.”

Matagal bago nagsalita ang kanyang ina, napansin ni Ana.  Ang katal ng tinig nito ay hindi nakaligtas sa kanya. 

“Dumating na nga ang balitang malapit na ang mga Hapon.  Nagbakwet kami.  Gabi nu'n, maliwanag  ang buwan.  Sumakay kami sa isang kasko.  Marami kaming pamilya.  Nasa isang malaking duyang rattan ang Nana, buhat-buhat ng mga lalaki.”

Nagtinginan ang dalawang matanda.  “Nakituloy kayo sa Kalero.”  Ang kanyang ama ang nangusap.  “Sa mga kumare sa inaanak mong si Efren.”

Bigla tumawa ang kanyang ina.

“Naku, itong nanay ninyo, ayaw kumain ng mapulang kanin.  Gusto raw niya'y maputi.  At ayaw gumamit ng prenelang kumot na de kolor.  Puti rin ang gusto.  Kung sinong maitim, maputing lahat ang gusto.”

Naghagikgikan ang mga bata.  At pinandilatan ni Ana ang mga anak.  Muling nagsalita ang kanyang ina. 

“Mula sa Kalero, nagtira rin kami nang kung ilang araw o linggo sa Kulis.  O Pulong Ita.  O Ita-itahan.  Di ko na matandaan ang pangalan.  Hanggang magkaroon kami ng munting bahay na tirahan sa may labasan  ng Kalero, halos bukana na ng Wawang Kurus.”

Muli, ang tinig ng kanyang ama.  “Nang magaling na ako, kapag gabi, lumalabas kami sa bukid, nauupo sa bangko at pinapanood ang mga liwanag sa langit na likha ng mga putukan at kung anu-anong pagsabog.  Malayo kami sa pook ng labanan.  Di kami maaabot.  Iyon ang aming libangan noon.”

“Nilugaw ang aming pagkain.  Para makatipid sa bigas.  Ang karaniwang ulam ay tulya.  Maraming tulya sa Liku-liko.  Paliligo nami'y kasabay na ang pangangabibe.”

Nagpatuloy sa pagpapalitan ng mga alaala ang dalawang matanda.  Patuloy rin ang taimtim na pakikinig ng mga bata, nagtatanong paminsan, nagtatawanan. 

Pinagmasdan ni Ana sa pagsasalita ang kanyang ama.  May napansin siya sa mukha nito.  Waring nagkaroon ng buhay.  May kakaibang kislap ang mga mata.  Dahil kaya sa kakaibang liwanag ng kandila?  Ngunit ang tinig.  Buhay na buhay.  At kung kumumpas, parang kaysigla. 

Binalingan ni Ana ang kanyang ina.  Gayon din ito.  Wala ang bahid ng pagkainip sa mukha.  Wari, ang pagbabalik sa gunita ng mga nakaraan ay may ginawang pagbabago sa katauhan ng kanyang mga magulang.  Ngunit ano ang dahilan.  Bakit?

“At nakabalik kami ng bayan.  Sa ilalim ng lumang bahay, hindi na ninyo dinatnan iyon, ang bahay namin noon ay tabla at pawid, may yerong pairap, may sala-salang kahoy na bakod sa silong, ay humukay kami ng lungaw.  Malaking-malaking shelter.  Na pinaligiran ang dingding na lupa ng mga sako ng palay.  Kung masyadong mahigpit ang panahon, doon kami naglalagi sa loob.  Doon kami natutulog, kumakain.  Kung hindi nama'y nasa itaas kami ng bahay.  Alisto lang kapag may dogfight, takbo agad sa silong.  Pasok agad sa shelter.”

“May isang panahon na ang naistasyong mga Hapon sa atin ay mababait.  Doon sila tumira sa eskwelahan sa tapat.  At sa templo.  Kung gabi'y naririnig namin ang kanilang sabay-sabay na ungol at intonasyon.  Sila pala ay nagdarasal.  Kung minsan naman ay napapanood namin sila sa paliligo.  Isang malaking dram na puno ng tubig.  Una muna ang mga opisyales.  Pababa sa mga karaniwang sundalo.” Tumawa ang nagkukuwento niyang ama  at napasunod si Ana.  At ang mga bata.

“Dumating din ang pag-alis ng mga Hapon.  May higing nang darating ang mga Amerikano.  Nagkagulo na sila.  Bumagsik ang mga sundalo.”

“Noon nasunog ang Atlag,” sagot ng kanyang ina.  “Sa eskuwelahan tayo noon nakatira.  Kitang-kita ang apoy.”

“Noon maraming namatay.”

“Hangang dumating na nga ang mga Amerikano.  Ang tuwa ng lahat.  Nag-iiyakan sa tuwa.  Nagsisigawan, nakahilera sa dalawang gilid ng kalsada humihiyaw... Hey Joe... Victory Joe!”

Tumigil sa salitang pagkukuwento ang dalawang matanda. Pinagmasdan ni Ana ang kanyang ama.  Tumayo ito mula sa pagkakaupo.  Bahagyang pinalaki ang dibdib, saka nag-inat, nang masulyapan ang relos na panggalang.  Inaninaw.  “Aba'y nalibang tayo.  Gabi na pala.  Wala pang kuryente.”

Lumingap-lingap si Rico.  “Wala pa nga ho.”

Si Bey ay pinatayo ni Ina.  “Aba'y makatulog na.  May klase pa kayo bukas.”

Tumutol si Ariel.  “Pero hindi pa tapos ang inyong kuwento.  Ano ang nangyari nang dumating ang mga Amerikano.  Ano'ng ginawa nila rito sa Pilipinas?”

Tumutol din si Rowena.  Ibang klase ng pagtutol.  “Ayoko na ng kwento tungkol sa Amerikano.  Gusto ko naman, e tungkol sa mga tiyanak.  Totoo bang may tiyanak sa mga bukid, Ina?”

“At nuno sa punso at kapre?” singit naman ni Soly.

“Talaga bang gusto ninyo ng ganoong kwento?”  ang kanyang ama ang nagtanong.

Sabay-sabay ang mga bata.  “Opo.”

“Kung ganoo'y matulog na kayo,” wika ng matandang lalaki.  “Bukas ng gabi magsasawa kayo sa aking mga kwento.  Pagkaaral ninyo ng leksiyon, hindi tayo manonood ng telebisyon.  Magkukuwentuhan na lang tayo.  Gabi-gabi.  Sa Linggo na kami uuwi ng inyong Ina.  At sa dami ng aming kwento, babalik kaming muli.  Gusto n'yo?”

Opo, malakas na sagutan ng mga bata.

At napatingin si Ana kay Rico.  Sa Linggo na sila uuwi.  At babalik pa raw.  Bakit.  Ano ang nangyari at nagbago ng pasiya ang kanyang ama.  Wala naman, maliban sa...  maliban sa... nagdaang kuwentuhan.

Bigla ang dating ng unawa kay Ana.  Iyon ang dahilan.  Ang nagdaang kuwentuhan.  Ang pagbabalik sa nakaraan.  Ilang taon na nga ang kanyang mga magulang.  Lampas nang pitumpu.  Ang buhay ng mga ito ay binubuo na lamang ng mga gunita.  Alaalang maganda, mapait, masaya, malungkot.  At sa isang kakaibang kapaligiran na tulad ng Marikina, na kahit mahangin ay hindi pa rin maitutulad sa Malolos na siyang tahanan ng mga ito, kinalakhan, kinatandaan, ang pagkainip ay malulunasan lamang, hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mumunting kumpunihin at sa pagpapanood sa telebisyon, kundi sa pakikihati, pakikibahagi, sa mga nakaraan nito.  Ang puso ng kabuuang buhay ng kanyang mga magulang.   ***

(Eve:  Sa nakita kong mapa ng Pilipinas, tinalunton ng aking daliri ang bayan ng Jones sa Isabela kung saan sila nagmula na may sinakyan pang kotse.  Nakarating sila sa bayan ng Cordon sa Isabela pa rin.  Mula rito, naglakad na sila, nagdaan sa bundok ng Sierra Madre.  Sa mapa ngayon, sa dakong lalawigan ng Aurora ito.  Hanggang sa nakarating sila sa Penaranda, isang bayan sa Nueva Ecija.  (Ang distansiya ng Isabela hanggang sa Nueva Ecija ay humigit kumulang sa dalawang daang kilometro.)  Nangalesa sila hanggang Gapan, nakisakay sa trak hanggang Plaridel, all the while, sakbibi ng pangamba at takot na makasalubong at masita ng mga Hapon.  Hanggang makarating sa Malolos.

Wala akong gunita ng kanyang pagdating.  O ng kanyang mga kwento sa ginawang paglalakbay ng panahong iyon.  Ngayon na lamang, sa paglalagay ko ng kanyang kwento sa blog na ito, ngayon ko na lamang nadama ang bigat ng kaniyang dinanas.)  

No comments:

Post a Comment