Saturday, April 6, 2013


Bataan Day, Araw ng Kagitingan

Holiday!  Walang pasok!

Sa maraming kabataan, iyon lamang ang kahulugan ng Bataan Day.  At kapag narinig ang Bataan, ang agad sumasaisip ay mga magagandang beaches na puntahan ng mga mag-a-outing o magbabakasyon. 

Kung sabagay, ang naganap sa Bataan ay nangyari, maraming-marami nang taon ang lumipas.  Sino pa ba ang makaaalaala rito.  Ang mga pangunahing tauhan na malapit sa atin, kumbaga sa isang istorya o isang pelikula, ay wala na rin sa ating piling.  Magulang natin, na lolo at lola na ng ating mga anak, halos hindi na nila dinatnan, hindi na nakausap tungkol sa mga nagdaang panahon.  Ang mga sanggol o paslit noon ay wala namang natatandaan.  Marahil, mga kwentong salin-salin na lamang. 

Arigato.  Tomodachi.  Ichi ni san shi go roku shitchi hachi...
mga salitang Hapones na natandaan, narinig sa matatandang kapatid na tinuruan ng Nihongo sa panahon ng kanilang pag-aaral. 

Panahon ng takbuhan o paglikas.  Pagtakas sa kalaliman ng gabi, pagsakay sa mga bangka, pagpalaot sa malalayong lugar na sana, sana'y hindi maabot o marating ng mga sundalong Hapones.

Air Raid shelter.  Mga hinukay na balon sa ilalim ng bahay o sa dakong duluhan sa may kawayanan na magkukubli rito.  Na karaniwa'y kwadrado o parihaba ang hugis, sasapnan ng mga sako at banig upang mahigan, mapagkanlungan kapag nagkakakaputukan na.

Bayong-bayong na perang papel, pambili ng kung ilang salop na bigas.  Sinaing na may kasamang mais.  O kamote.  Pamparami.  At kung wala nito ay lugaw na lamang.  Swerte na kung malapot.  E, kung malabnaw?  Ngayon, congee ang tawag, sari-sari pa ang sahog – chicken, beef, century egg.  Noon, asin lang ang kasama.  (Naalaala ko ang kwento ng isa kong kapatid.  Sabi raw nito noon:  Kahit walang ulam, basta at kanin lamang na purung-puro at walang kasamang kamote o mais, maligaya na ako!  Pero siempre, nang matapos na ang giyera, naghahanap na rin ng masarap na ulam.)

Gerilya.  Isang salitang pabulong kung sabihin sa pag-uusap ng mga matatanda.  Gerilya ang isang pamangkin, ang isang amain, ang isang kaibigan. Bisita sa kalaliman ng gabi.  May hatid na balita. Bumagsak na ang Corregidor! Isinuko na ang Bataan!  

At sa ating paglaki, sa ating pag-aaral, nalaman natin ang nangyari sa Bataan.  Sa Death March. Sa Martsa ng Kamatayan.  Kung saan higit sa pitumpong libong sundalong Pilipino at Amerikano ang pinalakad hanggang sa Camp O'Donnell sa Capas, Pampanga.  At higit sa sampung libo rito ang namatay bago nakarating sa kampo.  Namatay sa gutom, sa uhaw, sa saksak ng bayoneta, sa kalupitan ng mga sundalong Hapones.

(At ngayon, nakasakay tayo sa mga kotseng made in Japan.  Bumibili ng mga electronic products na yari sa Japan.  Samu't saring imported sa Japan.  Samantala, tayo, ang exports natin sa kanila ay mga domestic at mga dancer.  Pero, kung magkakatuusan, sasabihin siguro nilang hindi naman tayo binagsakan ng atomic bomb!  Sabagay...)

In a nutshell, kaya tayo may kaunting kaalaman tungkol sa Bataan Day at sa Martsa ng Kagitingan, ito ay dahil sa mga pamilya nating nasakop ng mga Hapones at nakaranas ng digmaan inabutan man tayo nito o narinig na lamang natin sa mga kwentuhan,

Sa mga kabataang nagsasabi ng “Greek to me” kapag natanong ng tungkol dito, isama na sa itinerary ninyo sa pagbabakasyon sa magagandang beaches ng Bataan, ang pagdalaw sa Dambana ng Kagitingan.  Paraanan ng tingin ang mga larawan at basahin ang nangakasulat doong pangalan.  Malay ninyo, baka may kapangalan kayo.  Na lolo ninyo siguro!   Na kasama sa Death March!

Ang kwento ko sa buwang ito ng Araw ng Kagitingan ay isang balik-tanaw ng isang matanda sa dinanas niya ng nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 
 
Isang ama ng tahanan na inabutan ng digmaan sa isang lugar na malayo sa pamilya.  Ang kanyang salaysay ay tunay na nangyari na inihabi ko lamang sa kwento.  Ang matandang ito ay ang aking ama.

Dahil may binanggit na mga ngalan ng probinsiya sa kwento, naisipan kong maghanap ng mapa ng Pilipinas upang madaling maisalarawan sa isipan ang mga isinasalaysay dito.  Sa totoo lamang, ang layon ko na makakita ng mapa ng bansa ay pansarili.  Nais kong matunton ang landas niyang tinahak upang makauwi sa amin noon.

Ang kwentong ito na nalathala sa Liwayway noong Nobyembre 22, 1971 ay nakasama sa isang antolohiya ng mga piling kwentong mula sa panulat ng mga babai na tinipon ni Prof. Soledad Reyes ng Ateneo.  Ang pangalan ng aklat ay “Ang Silid na Mahiwaga”.

No comments:

Post a Comment